Sinaunang Panata na May Halaga Pa Ngayon
Sinaunang Panata na May Halaga Pa Ngayon
NOONG mga 400 B.C.E., isinulat ni Hippocrates, isang Griegong manggagamot na karaniwan nang kilala bilang ama ng medisina, ang panata ni Hippocrates. Ang marangal na kredong iyan sa etika ay giya pa rin sa propesyon ng medisina. Iyan ba ang itinuro sa iyo? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Pero talaga bang totoo ito?
Ipinahihiwatig ng mga bagay-bagay na maaaring hindi si Hippocrates ang may-akda ng panata na ipinangalan sa kaniya. Isa pa, hindi laging sumasang-ayon ang propesyon ng medisina sa ngayon sa orihinal na pagkakasulat ng kredong iyon.
Alam ba natin kung sino talaga ang sumulat ng sinaunang panatang ito? At kung alam man natin, may halaga pa ba ang panatang ito para sa atin sa ngayon?
Si Hippocrates ba ang Sumulat ng Panata?
May ilang dahilan para mag-alinlangan kung si Hippocrates nga ang sumulat ng panata. Ang isa ay sapagkat ang panimula nito ay pamamanhik sa ilang bathala. Subalit itinuturing si Hippocrates na unang indibiduwal na naghiwalay sa medisina mula sa relihiyon at naghanap ng pisikal sa halip na sobrenatural na mga sanhi ng sakit.
Karagdagan pa, ang ilang bagay na ipinagbabawal sa panata ay hindi naman salungat sa paraan ng paggagamot noong mga araw ni Hippocrates. (Tingnan ang kahon sa pahina 21.) Halimbawa, ipinahihintulot ng batas o ng karamihan sa mga pamantayan ng relihiyon noong panahon ni Hippocrates ang aborsiyon at pagpapatiwakal. Bukod dito, ang nananata ay nangangakong ipauubaya sa mga siruhano ang pag-oopera. Subalit ang mga pamamaraan ng pag-opera ay bahagi ng koleksiyon ni Hippocrates, ang kalipunan ng mga literatura sa medisina na kadalasang iniuugnay kay Hippocrates at sa iba pang sinaunang mga manunulat.
Kaya bagaman paksa pa rin ng mga debate ng mga iskolar ang isyu, waring talagang posible na hindi si Hippocrates ang aktuwal na sumulat ng panata ni Hippocrates. Ang pilosopiyang ipinahahayag sa panata ay lumilitaw na kasuwato ng pilosopiya ng mga Pythagorean noong ikaapat na siglo B.C.E., na nagtaguyod ng mga mithiin tungkol sa pagiging sagrado ng buhay at tumutol sa pag-oopera.
Nalaos at Muling Sumikat
Sinuman ang tunay na may-akda ng panata, hindi maitatanggi ang mahalagang epekto ng panata sa Kanluraning medisina at, partikular na, sa larangan
ng etika. Tinawag ang panata na “tugatog sa pagbuo ng mahihigpit na mga konsepto sa etika sa medisina,” “ang saligan ng ugnayan ng pasyente at manggagamot sa mauunlad na bansa,” at “isang matayog na yugto sa moralidad ng propesyon.” Noong 1913, sinabi ni Sir William Osler, isang bantog na manggagamot na taga-Canada: “Hindi mahalaga kung noong panahon ito ni Hippocrates o hindi . . . Ito ang naging ‘kredo’ ng propesyon sa loob ng dalawampu’t limang siglo, at ito pa rin ang pormula sa maraming unibersidad para makapasok sa pagdodoktor.”Gayunman, dumaan ang panata sa yugtong hindi ito sinang-ayunan noong unang bahagi ng ika-20 siglo, marahil dahil sa mga pagsulong sa siyensiya na nagaganap noon. Yamang lumalago higit kailanman ang popularidad ng rasyonalismo, waring naging lipas at wala nang gamit ang panata. Ngunit sa kabila ng mga pagsulong sa siyensiya, mayroon pa ring pangangailangan para sa mga panuntunan sa etika. Iyan marahil ang dahilan kung bakit sinang-ayunan na naman ang panata nitong nakalipas na mga dekada.
Ang pananata ay muling naging mahalagang bahagi ng pagpasok ng maraming doktor sa paaralang pangmedisina o ng pagtatapos mula rito.
Ipinakikita ng isang surbey sa mga paaralang pangmedisina sa Estados Unidos at Canada noong 1993 na 98 porsiyento ng mga paaralang sinurbey ang nagsasagawa ng isang uri ng panata. Dalawampu’t apat na porsiyento lamang ang nagsagawa nito noong 1928. Sa United Kingdom, ipinakita ng katulad na surbey na mga 50 porsiyento ng mga paaralan ang kasalukuyang nagsasagawa ng panata o deklarasyon. Sa Australia at New Zealand, may mga 50 porsiyento rin.Nagbabago sa Paglipas ng Panahon
Ngunit nagbabago ang panata ni Hippocrates; sa pagdaan ng mga siglo, binago ito para mailakip ang laganap na mga paniniwala ng Sangkakristiyanuhan. Binabago ito kung minsan upang harapin ang iba pang mga usapin, gaya ng pakikitungo sa mga biktima ng salot. Nitong kamakailan, binago ito para iayon sa modernong kaisipan.
Sa maraming bersiyon ng panata, tinanggal na ang mga konsepto na hindi na kumakatawan sa modernong paggagamot, samantalang inilakip naman ang ibang mga mithiin na mahalaga sa makabagong lipunan. Halimbawa, maaaring napakahalaga sa paggagamot sa ngayon ang simulain ng awtonomiya ng pasyente, subalit wala itong katumbas sa sinaunang Griegong medisina at hindi ito kasama sa panata ni Hippocrates. Mahalagang bahagi ng maraming deklarasyon na ginagamit sa kasalukuyan ang konsepto ng mga karapatan ng mga pasyente.
Karagdagan pa, nagbago na ang ugnayan ng doktor at pasyente, anupat lalong nagiging mahalaga ang mga konsepto na gaya ng may-kabatirang pagsang-ayon. Kaya mauunawaan natin kung bakit kakaunti na lamang sa mga paaralang pangmedisina ang nagsasagawa pa rin ng panata ni Hippocrates sa naunang anyo nito.
Mas nakagugulat marahil ang ibang pagbabago sa panata. Apatnapu’t tatlong porsiyento lamang ng panata noong 1993 sa Estados Unidos at Canada ang naglakip ng sumpa na mananagot ang mga doktor sa kanilang mga ginagawa, at ang karamihan pa nga sa modernong mga bersiyon ng panata ay walang parusa para sa paglabag sa mga kundisyon nito. Naging mas madalang ilakip ang pagtatakwil sa euthanasia at aborsiyon at pamamanhik sa bathala, at ang panata na hindi magkakaroon ng seksuwal na pakikipag-ugnayan sa mga pasyente ay bahagi lamang ng 3 porsiyento ng mga deklarasyon na ginagamit ng mga paaralang sinurbey.
Ang Kahalagahan ng Panata
Sa kabila ng maraming pagbabago sa panata ni Hippocrates, itinuturing na mahalaga ang paggamit ng mga panata sa mga propesyong nanghahawakan sa saligang mararangal at moral na mga mithiin. Natuklasan ng surbey noong 1993 na nabanggit sa itaas na ang karamihan sa mga panatang ginagamit ay nakapokus sa pangako ng mga manggagamot sa kanilang mga pasyente, anupat hinihilingan ang mga doktor na ipangakong gagawin nila ang kanilang buong makakaya sa pag-aalaga sa mga pasyente nila. Ang gayong deklarasyon ay nagtutuon ng pansin sa karapat-dapat na moral na mga simulain na mahalaga sa propesyon ng medisina.
Sa isang editoryal na inilathala sa The Medical Journal of Australia, sumulat si Propesor Edmund Pellegrino: “Para sa marami marahil ang panata sa medisina sa ngayon ay tila maliit na piraso lamang ng nabasag na sinaunang larawan. Subalit naiwan ang sapat na laki ng larawang iyon sa kamalayan ng propesyon upang ipaalaala sa atin na ang lubusang paglimot dito ay mangangahulugang ang medisina ay isang komersiyal, industriyal o pagkakakitaang gawain.”
Ang kahalagahan sa ngayon ng panata ni Hippocrates o ng modernong mga deklarasyon na binuo salig dito ay patuloy na magiging paksa ng mga debate ng mga iskolar. Ngunit anuman ang maging resulta, ang pangako ng mga doktor na pangalagaan ang maysakit ay karapat-dapat pa ring pahalagahan.
[Kahon sa pahina 21]
ANG PANATA NI HIPPOCRATES
AYON SA SALIN NI LUDWIG EDELSTEIN
Nananata ako sa ngalan ni Apollo na Manggagamot at ni Asclepius at ni Hygieia at ni Panaceia at ng lahat ng diyos at diyosa, sila bilang aking mga saksi, na tutuparin ko ayon sa aking kakayahan at kapasiyahan ang panatang ito at ang pangakong ito:
Na ituring siya na nagturo sa akin ng sining na ito bilang katumbas ng aking mga magulang at makipagtulungan sa kaniya, at kung kailangan niya ng salapi ay bigyan siya ng bahagi ng sa akin, at ituring ang kaniyang supling na parang aking mga kapatid na lalaki mula sa angkan kong mga lalaki at turuan sila ng sining na ito—kung nais nilang matuto nito—nang walang bayad at kasunduan; na ibahagi ang mga alituntunin at oral na pagtuturo at ang lahat ng iba pang kaalaman sa aking mga anak na lalaki at sa mga anak na lalaki niya na nagturo sa akin at sa mga estudyante na lumagda sa kasunduan at sumumpa ayon sa batas ng medisina, ngunit hindi na sa iba pa.
Ako ay magpapatupad ng mga tuntunin sa pagkain sa kapakanan ng maysakit ayon sa aking kakayahan at kapasiyahan; ilalayo ko sila sa pinsala at kawalang-katarungan.
Ako ay hindi magbibigay ng nakamamatay na gamot kaninuman kahit humingi pa siya nito, ni magmumungkahi man ako sa layuning ito. Sa katulad na paraan ay hindi ako magbibigay sa babae ng pampalaglag. Sa kadalisayan at kabanalan ay iingatan ko ang aking buhay at ang aking sining.
Ako ay hindi mag-oopera, maging sa mga pinahihirapan ng bato, ngunit ipauubaya ko ito sa mga lalaking siruhano.
Sa alinmang mga bahay ako dumalaw, darating ako alang-alang sa maysakit, na walang gagawing anuman na sinasadyang kawalang-katarungan, kapilyuhan at lalo na ang seksuwal na pakikipag-ugnayan kapuwa sa babae at lalaki, malaya man sila o mga alipin.
Anuman ang makita o marinig ko habang nanggagamot o pagkatapos ng paggagamot may kinalaman sa buhay ng mga tao, na hindi kailanman dapat ipagkalat ng isa sa madla, sasarilinin ko na lamang anupat itinuturing na kahiya-hiyang sambitin ang gayong mga bagay.
Kung tutuparin ko ang panatang ito at hindi lalabagin, pagkalooban nawa ako ng buhay at sining, na pinararangalan ng kabantugan sa gitna ng lahat ng tao sa habang panahon; kung lalabagin ko ito at mananata nang may kabulaanan, mangyari nawa sa akin ang kabaligtaran ng lahat ng ito.
[Larawan sa pahina 20]
Isang pahina mula sa koleksiyon ni Hippocrates
[Picture Credit Line sa pahina 20]
Hippocrates and page: Courtesy of the National Library of Medicine