Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Bakit Dapat Ituring na Sagrado ang Pag-aasawa?

Bakit Dapat Ituring na Sagrado ang Pag-aasawa?

KARAMIHAN sa mga tao sa ngayon ang malamang na magsasabing naniniwala sila sa kabanalan ng pag-aasawa. Kung gayon, bakit maraming pag-aasawa ang nauuwi sa diborsiyo? Para sa ilan, ang pag-aasawa ay waring isang romantikong pangako lamang at isang legal na kasunduan. Pero maaaring baliin ang mga pangako. Para sa mga taong may ganitong pangmalas sa pag-aasawa, napakadaling tapusin ang kanilang pag-aasawa kapag hindi nangyari ang kanilang inaasahan.

Paano ba minamalas ng Diyos ang kaayusan sa pag-aasawa? Ang sagot ay masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya, sa Hebreo 13:4: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat.” Ang salitang Griego na isinaling “marangal” ay nagpapahiwatig ng isang bagay na mahalaga at lubhang iginagalang. Kapag pinahahalagahan natin ang isang bagay, pinakaiingat-ingatan natin ito at tinitiyak na hindi ito mawawala, kahit nang di-sinasadya. Kapit din iyan sa kaayusan ng pag-aasawa. Dapat itong ituring ng mga Kristiyano na marangal​—isang bagay na napakahalaga anupat gusto nila itong protektahan.

Maliwanag, ginawa ng Diyos na Jehova ang pag-aasawa bilang isang sagradong kaayusan sa pagitan ng mag-asawa. Pero paano natin maipakikita na taglay rin natin ang kaniyang pangmalas hinggil sa pag-aasawa?

Pag-ibig at Paggalang

Ang pagbibigay-dangal sa kaayusan ng pag-aasawa ay humihiling na parangalan ng mga mag-asawa ang isa’t isa. (Roma 12:10) Sumulat si apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano: “Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili; sa kabilang dako naman, ang asawang babae ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”​—Efeso 5:33.

Totoo na kung minsan, ang isang kabiyak ay maaaring hindi kumilos sa isang maibigin o kagalang-galang na paraan. Magkagayunman, dapat pa ring magpakita ng pag-ibig at paggalang ang mga Kristiyano. Sumulat si Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”​—Colosas 3:13.

Panahon at Atensiyon

Ang mga mag-asawa na nagtuturing na sagrado ang kanilang pag-aasawa ay gumugugol ng panahon upang matugunan ang pisikal at emosyonal na pangangailangan ng isa’t isa. Kasama rito ang seksuwal na kaugnayan. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang kaniyang kaukulan; ngunit gayundin ang gawin ng asawang babae sa kaniyang asawa.”​—1 Corinto 7:3.

Subalit iniisip ng ilang mag-asawa na kailangang umalis pansamantala ang asawang lalaki upang kumita nang mas malaki. Kung minsan, tumatagal ang paghihiwalay nang di-inaasahan. Kadalasan, ang gayong mga paghihiwalay ay nagdudulot ng kaigtingan sa pag-aasawa, anupat umaakay pa nga kung minsan sa pangangalunya at diborsiyo. (1 Corinto 7:2, 5) Sa dahilang iyan, maraming Kristiyanong mag-asawa ang nagpasiya na talikdan ang materyal na mga pakinabang sa halip na isapanganib ang kanilang pag-aasawa na itinuturing nilang sagrado.

Kapag Bumangon ang mga Problema

Kapag bumangon ang mga suliranin, ang mga Kristiyanong nagpaparangal sa kanilang pag-aasawa ay hindi kaagad-agad naghihiwalay o nagdidiborsiyo. (Malakias 2:16; 1 Corinto 7:10, 11) Sinabi ni Jesus: “Ang bawat isa na dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa pakikiapid, ay nagpapangyaring malantad siya sa pangangalunya, at ang sinumang mag-asawa ng isang babaing diniborsiyo ay nangangalunya.” (Mateo 5:32) Ang pagpili sa diborsiyo o paghihiwalay kapag hindi naman ito nakasalig sa Kasulatan ay hindi nagpaparangal sa pag-aasawa.

Ang ating pangmalas sa pag-aasawa ay makikita rin sa payo na ibinibigay natin sa mga may malulubhang problema sa pag-aasawa. Agad ba nating iminumungkahi ang paghihiwalay o diborsiyo? Totoo, maaaring may mga pagkakataong may makatuwirang mga dahilan para maghiwalay, kagaya ng labis-labis na pananakit sa pisikal o sadyang di-pagbibigay ng suporta. * Gayundin, gaya ng binanggit sa itaas, ipinahihintulot lamang sa Bibliya ang diborsiyo kapag ang kabiyak ng isa ay nagkasala ng pakikiapid. Magkagayunman, hindi dapat labis na impluwensiyahan ng mga Kristiyano ang desisyon ng ibang nasa gayong mga situwasyon. Tutal, ang taong may problema sa pag-aasawa​—hindi ang nagpapayo​—ang haharap sa mga epekto ng kaniyang desisyon.​—Galacia 6:5, 7.

Iwasan ang Mapagwalang-Bahalang Saloobin sa Pag-aasawa

Sa ilang lugar, nagiging pangkaraniwan sa mga tao na gamitin ang pag-aasawa upang maging legal na mamamayan sa ibang bansa. Karaniwan nang ang gayong mga indibiduwal ay gumagawa ng kasunduan na bayaran ang isang mamamayan ng bansang iyon upang pakasalan sila. Kadalasan, ang mga mag-asawang ito, bagaman kasal, ay nananatiling magkahiwalay, marahil ay hindi man lamang pinananatili ang isang palakaibigang kaugnayan. Pagkatapos na pagkatapos makamit ang hinahangad na legal na pagkamamamayan, nagdidiborsiyo sila. Minamalas nila ang pag-aasawa bilang isang kasunduan lamang sa negosyo.

Hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang gayong mapagwalang-bahalang saloobin. Anuman ang kanilang motibo, ang mga taong nagpapakasal ay pumapasok sa isang sagradong kaayusan na itinuturing ng Diyos na panghabang-buhay. Ang magkabilang panig sa gayong mga kasunduan ay nananatiling magkabuklod bilang mag-asawa, at kumakapit sa kanila ang mga kahilingan ng Bibliya para sa legal na diborsiyo na may posibilidad na muling makapag-asawa.​—Mateo 19:5, 6, 9.

Tulad ng anumang makabuluhang proyekto, ang matagumpay na pag-aasawa ay humihiling ng pagsisikap at pagtitiyaga. Yaong mga hindi nagpapahalaga sa pagiging sagrado nito ay mas madaling sumuko. O baka pumapayag na lamang silang mabuhay sa isang di-maligayang pag-aasawa. Sa kabilang dako naman, nalalaman ng mga kumikilala sa pagiging sagrado ng pag-aasawa na inaasahan ng Diyos na patuloy silang magsasama. (Genesis 2:24) Natatanto rin nila na sa pamamagitan ng pagsisikap na maging maayos ang kanilang pag-aasawa, pinararangalan nila siya bilang Disenyador ng kaayusan sa pag-aasawa. (1 Corinto 10:31) Ang pagkakaroon ng ganitong pangmalas ay nagbibigay sa kanila ng pangganyak upang magmatiyaga at magsikap na gawing matagumpay ang kanilang pag-aasawa.

[Talababa]

^ par. 14 Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1988, pahina 22-3.