Biglaang Paglapag!
Biglaang Paglapag!
AYON SA SALAYSAY NI CÉSAR MUÑOZ
PAGKATAPOS ng isang kasiya-siyang pagbabakasyon para dalawin ang aking pamilya sa lunsod ng Monterrey, Mexico, handa na akong bumalik sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico City, kung saan may pribilehiyo akong maglingkuran. Linggo noon, Disyembre 1, 2002. Sumakay ako sa Flight 190, at lumipad ang eroplano namin nang alas 7:00 n.g.
PAGKATAPOS ng mapayapang paglipad nang wala pang isa’t kalahating oras, nagsimulang bumaba ang eroplano. Walang anu-ano, bigla itong pumailanlang, at nagulat kaming lahat dahil sa isang nakakakilabot na ingay sa ibaba. Sumunod, ipinabatid ng kapitan na ayaw bumukas ng mga pinto ng landing gear. Naipit ang mga ito! Nagsimulang mag-iyakan ang ilang pasaherong takot na takot. Nanalangin naman nang malakas ang iba. Inisip ko kung ano kaya ang mangyayari.
Ipinagbigay-alam sa amin ng kapitan na kailangan niyang gumawa ng mg paraan para mabuksan ang mga pinto ng landing gear. Kaya habang lumilipad kami sa Mexico City, pinayugyog at pinaalog niya ang eroplano sa loob ng halos isang oras. Mas masahol pa ito sa anumang nasakyan ko sa amusement park. Siyempre pa hindi nakatutuwa iyon! Pagkatapos ay ipinatalastas ng kapitan: “Ikinalulungkot naming sabihin na hindi bumukas ang mga pinto. Ang tanging magagawa natin ay biglaang lumapag nang hindi ginagamit ang landing gear.” Nagkatinginan kaming lahat na takot na takot, anupat naiisip namin ang pinakamasamang mangyayari.
Nagbigay ng mga tagubilin para sa biglaang paglapag. Hinubad namin ang aming mga sapatos, inalis ang lahat ng maaaring makapinsala, at sinunod namin ang posisyon na iminungkahi nila. Ang buong akala ko’y babagsak kami sa runway! Sa sandaling iyon, nanalangin ako sa Diyos na Jehova at nakadama ako ng matinding kapanatagan.—Filipos 4:6, 7.
Madalas kong marinig na kapag malapit nang mamatay ang isang tao, nagbabalik ang mga alaala sa kaniyang buhay at nagkakaroon ng mga kaisipang kung nagawa ko lamang sana ang ganito’t ganoon. Nanghinayang ako dahil hindi ko naipakipag-usap sa katabi kong kabataang babae ang tungkol sa Kaharian at naipasiya ko na kung bibigyan ako ng isa pang pagkakataon, lagi ko nang sasamantalahin ang bawat pagkakataon na magpatotoo. Mabilis ko ring sinuri ang paglilingkod ko kay Jehova.
Nang bumababa na ang eroplano, nakakita ako ng mga trak ng bombero, mga ambulansiya, at napakaraming nag-aabang na mga tao. Pagkatapos ay naramdaman namin ang ubod-lakas na pag-alog yamang sumadsad ang ilalim ng eroplano sa runway. Habang sumasadsad ang eroplano, may mga tilamsik ng apoy dahil sa pagkiskis ng metal sa semento. Agad na binomba ng tubig ng mga trak ng bombero na nasa magkabilang panig ng runway ang eroplano para lumamig ito.
Sa wakas, pagkalipas ng ilang nakapangingilabot na sandali, huminto ang eroplano. Nagpalakpakan kami, anupat napakaligaya namin at nakahinga nang maluwag dahil matagumpay na nakontrol ng piloto ang biglaang paglapag. Pagkatapos, sinabihan kami na lisanin agad ang eroplano. Dali-dali kaming nagpunta sa mga labasan at nagpadausdos sa matatarik na padulasan anupat ligtas kaming lumagpak sa madamong lugar sa pagitan ng mga runway.
Habang nakatayo kami sa isang ligtas na lugar at nangangatal dahil sa pangyayari, napansin kong sumambulat ang tagiliran ng bumagsak na eroplano sa runway. Mabuti na lamang, iilang pasahero lamang ang nasaktan, at maliliit lamang ang kanilang mga sugat. Sa mga ambulansiyang nasa malapit, ginagamot naman ang iba dahil sa trauma.
Inaasahan kong makauuwi ako ng mga alas 9:00 n.g., pero inabot pa ng apat na oras bago ako nakauwi. Kung iisipin ko ang lahat ng nangyari, ang laki ng pasasalamat ko na ako’y buhay! Pinag-isip ako ng karanasang ito. Kailangan kong harapin ang kawalang-katiyakan ng buhay. May-kapakumbabaan kong natanto na lahat ng bagay ay maaaring mawala sa ilang iglap lamang. Sa mga pagkakataong waring hindi tiyak ng isa kung siya ba’y makaliligtas, maaaring huli na ang lahat para baguhin ng isa ang kaniyang buhay o dagdagan ng mabubuting gawa ang rekord ng isa sa harap ng Diyos. Ngayon, higit kong pinasasalamatan ang pagkakataong taglay ko para gamitin nang may katalinuhan ang aking buhay at gawing makabuluhan araw-araw ang paglilingkod ko sa aking Diyos na si Jehova.—Awit 90:12.