Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dako ng Trabaho o ng Labanan?

Dako ng Trabaho o ng Labanan?

Dako ng Trabaho o ng Labanan?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA

“Hindi ko na talaga kaya ito. Mahigit na 30 taon na akong nagtatrabaho sa kompanya. Naabot ko ang posisyon ng isang superbisor. Pagkatapos ay dumating ang bagong manedyer. Siya ay bata, dinamiko, at punô ng mga ideya. Inakala niyang hadlang ako sa pagsulong ng kompanya, kaya sinimulan niya akong ligaligin. Pagkaraan ng maraming buwan ng mga pang-iinsulto, kasinungalingan, at kahihiyan, hindi ko na kaya ito. Nang inalok ako ng kompanya na magretiro, tinanggap ko ito.”​—Peter. *

BIKTIMA si Peter ng panliligalig sa dako ng trabaho. Sa ibang salita na naging karaniwan sa Europa, siya ay “pinagtulungan” (mobbed). Sa Alemanya, kung saan nakatira si Peter, tinatayang 1.2 milyong tao ang pinagtutulung-tulungan sa dako ng trabaho. Sa Netherlands, 1 sa 4 katao ang makararanas nito sa kanilang trabaho. At sinasabi ng isang ulat ng International Labour Organization na isang lumalaking problema ang pagtulung-tulungan ang isa sa dako ng trabaho sa Australia, Austria, Britanya, Denmark, Estados Unidos, at Sweden. Subalit ano nga ba ang ibig sabihin ng pagtulung-tulungan ang isa?

Isang “Labanan sa Isip”

Ayon sa magasing pambalita na Focus sa Alemanya, ang pagtulung-tulungan ang isa ay ang “madalas, paulit-ulit, at sistematikong panliligalig.” Higit pa sa panunukso sa dako ng trabaho​—na maaaring kinabibilangan ng panunuya, pamumuna, panunukso, at nakasasakit na pagbibiro​—​ang pagtulung-tulungan ang isa ay isang isinaplanong paninindak sa isip. Ang tunguhin nito ay ipadama sa biktima na itinakwil siya. *

Ang mga taktika ng panliligalig ay nagsisimula sa awayan na parang mga bata hanggang sa mapaminsalang krimen. Ang biktima ay sinisiraang-puri, pinagsasalitaan ng masama, inaaway, at hindi pinapansin. Ang ilang biktima ay sadyang tinatambakan ng trabaho o palaging pinipili para siya ang gumawa ng lubhang di-kaayaayang mga atas na hindi gustong gawin ng sinuman. Maaaring sinasabotahe ng mga katrabaho ang mga pagsisikap ng biktima para hindi siya maging mabunga sa kaniyang trabaho, marahil sa pamamagitan ng pagkakait ng impormasyon. Sa ilang pagkakataon, nilaslas ng mga nanliligalig ang mga gulong ng sasakyan ng biktima o pinakialaman at sinira nila ang programa ng kaniyang computer.

Ang ilang biktima ng panliligalig ay pinupuntirya ng isang tao lamang. Subalit kadalasan, ang biktima ay sinasalakay ng isang grupo ng mga katrabaho. Kaya angkop ang terminong “pinagtutulungan” ang isa, yamang ipinahihiwatig nito na isang grupo ang gumigipit sa isang indibiduwal sa pamamagitan ng sinasadyang pang-iinis o panunuligsa.

Ang lubhang kataka-taka ay ang bagay na sa maraming kaso, nangyayari ang panliligalig na may pahintulot ng manedyer. Sa ilang pagsusuri sa Europa, malaki ang papel na ginagampanan ng superbisor sa halos 50 porsiyento ng panliligalig, at kadalasang siya ang promotor ng panliligalig sa biktima. Ginagawa ng lahat ng ito ang trabaho na maging “isang matagal at maigting na labanan sa isip,” na siyang terminong itinawag dito ng pang-araw-araw na pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung sa Alemanya.

Mga Epekto Hindi Lamang sa Dako ng Trabaho

Madalas, hindi lamang sa dako ng trabaho nakikita ang mga epekto ng panliligalig. Maraming biktima ang dumaranas ng malulubhang problema sa kalusugan bunga ng malupit na pagtrato. Ang depresyon, mga sakit sa pagtulog, at panic attack ay ilan sa mga resulta ng panliligalig. Kumusta naman si Peter, ang nabanggit sa simula? Halos nawalan na siya ng pagpapahalaga sa sarili. Isang babae na nagngangalang Margaret, na nakatira rin sa Alemanya, ang pinayuhan ng kaniyang doktor na magpatingin sa isang klinika para sa kalusugan ng isip. Ano ang dahilan? Panliligalig sa trabaho. Maaari ring malubhang maapektuhan ang pag-aasawa o buhay pampamilya kapag pinagtutulungan ang isa sa trabaho.

Sa Alemanya, naging pangkaraniwan na ang panliligalig sa trabaho anupat isang kompanya ng seguro sa kalusugan ang nagtatag ng isang serbisyo sa telepono para sa mga biktima. Nasumpungan ng kompanya na mahigit sa kalahati ng mga tumatawag sa telepono ay hindi nakapagtrabaho nang hanggang anim na linggo, mga sangkatlo ang hindi nakapagtrabaho nang hanggang tatlong buwan, at mahigit na 10 porsiyento naman ang hindi nakapagtrabaho nang mahigit sa tatlong buwan. Tinataya ng isang babasahin sa medisina sa Alemanya na “hanggang 20 porsiyento ng lahat ng pagpapatiwakal ay dahil sa pinagtutulungan sila sa trabaho.”

Maliwanag, maaaring maging isang bangungot ang panliligalig sa trabaho. May anuman bang paraan upang maiwasan ito? Paano ba maitataguyod ang kapayapaan sa dako ng trabaho?

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa seryeng ito ng mga artikulo.

^ par. 6 Ipinakikita ng mga estadistika na mas maraming babae kaysa sa mga lalaki ang nagiging biktima ng panliligalig sa trabaho, bagaman maaaring ang dahilan nito’y mas malamang na ipakipag-usap ng mga babae ang kanilang problema at humingi ng tulong.

[Mga larawan sa pahina 4]

Ginagawa ng panliligalig na maging isang labanan sa isip ang trabaho