Kapag Ayaw Tumahan ng Iyong Sanggol
Kapag Ayaw Tumahan ng Iyong Sanggol
AYON SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
SUMANG-AYON ang doktor sa hinala ng ina. Ang kaniyang sanggol ay may pangkaraniwang kabag. Naaapektuhan ng sindrom na ito ang “isa sa apat na bata,” ang sabi ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Kabilang sa mga sintomas ng kalagayang ito ang pag-iyak nang maraming oras sa loob ng di-kukulangin sa tatlong araw sa isang linggo. Ano ang maaaring gawin ng nag-aalalang magulang? Sinasabi ng mga pedyatrisyan na sa maraming kaso, kailangan lamang maghintay ng mga magulang—at ng anak. Pero hanggang kailan?
Isinisiwalat ng isang pag-aaral kamakailan sa mga ina na may kabaging mga sanggol sa Canada na ang mahigit sa 85 porsiyento ng mga sakit dahil sa kabag ay nawawala na kapag naging tatlong buwang gulang na ang mga sanggol. Isinisiwalat din ng pananaliksik, na ang awtor ay si Dr. Tammy Clifford, direktor ng epidemiolohiya sa Children’s Hospital of Eastern Ontario Research Institute, na ang pagkakaroon ng kabaging sanggol ay hindi permanenteng nakaaapekto sa mental na kalusugan ng mga ina. “Paglipas ng anim na buwan pagkapanganak, katulad na katulad na sila ng mga Ina na walang kabaging mga sanggol,” ang sabi ni Dr. Clifford. “Halos parang nagkakaroon sila ng amnesya matapos huminto ang pag-iyak.”
Ang bagong pananaliksik na ito na inilathala ni Dr. Clifford at ng kaniyang mga kasama, ang sabi ng Globe, “ay nagdaragdag ng mahahalagang detalye sa siyentipikong kaalaman tungkol sa kabag sapagkat ipinakikita nito na may tatlong magkakaibang uri ng kabaging mga sanggol: yaong pasumpung-sumpong ang kabag sa unang tatlong buwan; yaong may nagtatagal na kabag na umaabot nang maraming buwan nang hindi humuhupa; at isang maliit na grupo na medyo huli nang magkaroon ng kabag, mga ilang buwan pagkapanganak.” Ginagawa ang isa pang pag-aaral upang masubaybayan ang pagsulong ng kabaging mga bata habang lumalaki sila, at ang ikatlong grupo ang partikular nang nakatatawag-pansin.
Ang walang-tigil na pag-iyak ay pinaniniwalaang isang sanhi ng mga kaso ng shaken baby syndrome. Gaya ng iniulat sa Globe, “hindi makapipinsala sa anak ang pag-iyak mismo, ngunit ang pagyugyog nang husto sa sanggol, kahit sandali lamang, ay maaaring maging sanhi ng permanenteng pinsala sa sistema ng mga nerbiyo, at ng kamatayan pa nga.”
Sa kabilang dako, maaaring may bentaha naman ang pag-iyak ng sanggol, kahit na walang tigil ito. “Ipinakikita ng pananaliksik na ang mga sanggol na iyak nang iyak ay sa katunayan nabibigyan ng higit na pansin ng mga tagapag-alaga nila,” ang sabi ng Globe, “mas nahahaplos, mas nangingitian, mas nakakausap at mas nayayapos.”