Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nasubok ang Pananampalataya ng Isang Pamilya

Nasubok ang Pananampalataya ng Isang Pamilya

Nasubok ang Pananampalataya ng Isang Pamilya

SI India, isang nakatutuwang siyam-na-taóng-gulang na batang babae mula sa Wisconsin, E.U.A., ay maraming beses nang nagkakasakit. Sa katunayan, naranasan na niya ang tatlong maseselang operasyon at napakaraming di-gaanong mapanganib na paggagamot. “Sa loob ng anim na taon,” ang sabi ng kaniyang ina, si Lori, “umikot ang buhay ni India sa mga emergency room, paglagi sa ospital, at mga pagkonsulta sa doktor.”

Nagsimula ang lahat ng ito nang si India ay 18 buwan pa lamang. Nagkaroon siya ng di-pangkaraniwang mga sintomas, kasama na ang paulit-ulit na pagtatae, matataas na lagnat, paglaki ng tiyan, at di-normal na pagbaba ng timbang. Sumasakit din ang kaniyang puson. Gabi-gabi sa loob ng dalawang taon, ang munting si India ay paulit-ulit na nagigising at umiiyak, umuungol, at kung minsan ay sumisigaw pa nga sa sakit.

Samantalang sinisikap ng mga doktor na malaman kung ano ang problema, patuloy na lubhang nagdurusa si India. “Halos mamatay na sa gutom ang aming anak,” ang sabi ni Lori. “Sa loob ng mahigit na isang taon,” ang dagdag ni Mark, ama ni India, “nakita namin ang aming maliit na anak na unti-unting nanghihina at hindi namin malaman kung paano siya tutulungan. Naalaala ko noong isang gabi na nadama kong wala na kaming magagawa habang pinag-uusapan namin ni Lori ang libing ni India, na sa panahong iyon ay inaakala naming hindi na maiiwasan.”

Nang maglaon, napag-alaman na si India pala ay may ulcerative colitis​—isang karamdamang sumisira sa panloob na suson ng malaking bituka. Mayroon din siyang primary sclerosing cholangitis, na nakaaapekto sa mga daanan ng apdo sa atay. Nagagamot naman ang mga sakit na ito. Gayunman, kailangan ang operasyon, at para sa ulcerative colitis, kailangan naman ang gamot. Ang dalawang kondisyong ito ay humihiling ng patuluyang pagsubaybay at pangangalaga sa panahon ng paggaling.

Pitong taon na ang lumipas ngayon mula nang unang magkasakit si India. Salamat sa pangangalaga ng maiingat na doktor, gumaganda na ang kaniyang kalagayan. Bilang mga Saksi ni Jehova, nadarama nina Mark at Lori na ang kanilang pananampalataya sa Salita ng Diyos​—lalo na ang sinasabi nito hinggil sa sakit, kamatayan, at sa pag-asa na pagkabuhay-muli sa hinaharap​—ang tumulong sa kanila na makapagbata. Gayundin ang nagawa nito kay India. “Palaging malayang nakapagsasalita si India hinggil sa pag-asang pagkabuhay-muli na inilalarawan sa Bibliya,” ang sabi ni Lori. “Totoong-totoo ito sa kaniya.”

Sa isang pagkakataon nang nasa silid-palaruan si India sa isang ospital, nakilala niya ang isang batang babae na ang kapatid ay may lukemya. Inilahad ni Lori ang sumunod na nangyari: “Sinabi ng bata kay India na natatakot siya na baka mamatay ang kaniyang kapatid. Pagkatapos ay sinabi naman ni India sa bata kung ano ang kamatayan ayon sa Bibliya at na siya ay hindi natatakot mamatay. Kinabukasan, nilapitan ako ng ina ng batang babae at nagtanong. Namangha siya na malaya at may-katapangang nakapagsasalita si India hinggil sa gayong mga bagay.”

Nasumpungan nina Mark at Lori na ang mga panalangin ng mga kapananampalataya ay naging malaking suporta. “Noon,” ang sabi ni Mark, “kapag sinasabi ko sa mga tao na isasama ko sila sa aking mga panalangin o kapag nananalangin akong kasama nila, palagi kong inaasam-asam na sana ay mayroon pa akong higit na magagawa. Ngayon ay natatanto ko na kung gaano kahalaga ang mga panalanging iyon na kasama ng iba at para sa iba. Ang panalangin ang pinakamahalagang bagay na nagawa nila para sa amin noong panahon ng aming paghihirap. Tunay na napakamaibigin ng kapatirang kinabibilangan natin!”

Nadarama rin ni Mark na ang sakit ni India ay tumulong sa kanila na suriin ang kanilang mga priyoridad. “Talagang nabago ang aming pananaw sa materyal na mga bagay,” ang sabi niya. “Tunay na waring walang kabuluhan ang mga ito kapag may sakit ang anak mo! Ang mahahalagang bagay sa buhay ay ang ating kaugnayan sa Diyos na Jehova at ang ating maibiging kapatiran.”

Sina Mark at Lori, gayundin si India at ang kaniyang kuya at ate, ay umaasa sa panahong inihula ni propeta Isaias kung kailan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ”​—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4.

[Larawan sa pahina 22]

Si India Erickson

[Larawan sa pahina 23]

San Diego Children’s Hospital

[Larawan sa pahina 23]

Si India kasama ang kaniyang pamilya