Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Naglalayag sa Tubig ang mga Plastik na Pato

Noong Enero 1992, isang barkong naglalayag mula Hong Kong patungong Estados Unidos ang hinampas ng malakas na unos at nawalan ng kargamento na binubuo ng 29,000 plastik na pato, ang paliwanag ng Frankfurter Allgemeine Zeitung ng Alemanya. Ang unang mga pato na napadpad sa dalampasigan ay nakita sa Isla ng Baranof, Alaska, noong Nobyembre 1992. Ang iba ay natagpuan “sa lumulutang na yelo sa dagat sa hilaga ng Bering Strait” dalawang taon pagkatapos ng unos. Inaasahan na matatagpuan din ang mga laruang ito na may pambihirang tibay sa baybayin ng New England sa Hilagang Amerika. Kapansin-pansin naman, nakatulong sa mga siyentipiko ang aksidente, anupat napatunayan ang kanilang teoriya na dumadaloy ang tubig-dagat “mula sa Pasipiko deretso tungo sa Karagatang Artiko at tuluy-tuloy hanggang sa Atlantiko,” ang sabi ng pahayagan.

Sumaklolo ang mga Uwang!

“Dalawang uri ng uwang ang itinuturing na dahilan kung kaya nakatipid ng $260 milyon ang ekonomiya ng Benin sa Kanlurang Aprika sa loob ng 20 taon,” ang sabi ng magasing New Scientist. “Kapuwa nila nadaig ang isang napakatibay na panirang-damo na nabubuhay sa tubig [water hyacinth] na pumapatay ng mga isda, humaharang sa mga bangka at bumabago sa ekolohiya ng mga lawa.” Sinabi pa ng ulat na ang “lumulutang na suson ng mga panirang-damo ay maaaring dumoble ang laki kahit wala pang dalawang linggo, at dahil sa napakakapal na mga dahon nito ay nagiging halos imposible ang pangingisda at pamamangka.” Inaalis ng halaman ang oksiheno sa tubig, itinataas ang antas ng asido nito, at pinababagal ang pag-agos nito, anupat dumarami ang deposito ng banlik. Nagsisilbi ring kublihan ng mga buwaya ang panirang-damo, at dahil dito ay nanganganib ang mga taong kumukuha ng tubig. Nagawa ng mga tagapagligtas​—dalawang uri ng uwang na walang kinakain kundi water hyacinth lamang​—ang hindi kayang gawin ng makinarya at naiwasan ang paggamit ng mga kemikal na maaaring magparumi sa tubig at pumatay sa iba pang halaman, ang paliwanag ng New Scientist.

Nagsusugal na mga Maybahay

Sa Britanya, “dumarami ang mga maybahay na nahuhumaling sa mga site sa internet hinggil sa pagsusugal, anupat gumugugol ng maraming oras sa pagsusugal araw-araw at nagkakautang ng libu-libong pound,” ang ulat ng Sunday Telegraph ng London. Nasusumpungan ng mga babaing nag-aatubiling pumunta sa mga tayaan na hindi gaanong nakatatakot tumaya sa Internet. Bukod dito, maisisingit nila ang pagsusugal sa kanilang araw-araw na rutin sa tahanan. Dumarami ang nagiging sugapa, ngunit dahil sa kadustaang karaniwang iniuugnay sa pagsusugal ng mga babae, madalas na hindi nila inaamin na may problema sila rito. Ayon sa pahayagan, sinabi ni Propesor Mark Griffiths, ng University of Nottingham, na masasalamin sa kausuhang ito ang “lansakang pagbabago ng kultura na nagiging dahilan upang ang pagsusugal ay hindi lamang mangyari sa kasino kundi maging sa tahanan o lugar ng trabaho.” Sinabi rin niya: “Kung isa kang sugapang sugarol, . . . posible na hindi ka papapasukin sa mga kasino o mga tayaan. Sa internet, walang hahadlang sa iyo.”

Dumarami ang mga Kabataang Naninirahan sa mga Lansangan

“Dumarami ang mga kabataang naninirahan sa mga lansangan sa Madrid,” ang ulat ng edisyong Ingles ng El País, isang pang-araw-araw na diyaryong Kastila. Ayon sa isang pag-aaral ng unibersidad, “tinatayang 1,250 sa 5,000 taong walang tahanan sa Madrid ang wala pang 20 taóng gulang nang maranasan nilang mawalan ng tahanan.” Isiniwalat ng pananaliksik na “ang karamihan sa mga kabataang walang tahanan ay galing sa wasak na pamilya at ang kanilang buhay ay malinaw na kakikitaan ng trauma.” Sa katunayan, “dalawa sa bawat tatlong kabataan ay anak ng mga alkoholiko o mga sugapa sa droga at ang gayunding dami ng kabataan ay inabuso sa tahanan.” Sinabi ni Manuel Muñoz, isang awtor ng ulat, na “ang tradisyonal na buklod ng pamilya na karaniwan sa kultura sa Mediteraneo ay nagsisimula nang masira.”

Dumarami ang Nagkakaroon ng Gonorea sa Canada

“Pagkatapos ng 20 taon ng patuloy na pagbaba, ang bilang ng mga may gonorea ay biglang tumaas nang mahigit sa 40 porsiyento sa nakalipas na limang taon,” ang sabi ng Vancouver Sun ng Canada. Ang gonorea ay isang sakit na naililipat sa pagtatalik na maaaring maging sanhi ng pagkabaog at “maaaring kumalat sa pamamagitan ng daluyan ng dugo tungo sa mga kasukasuan, anupat nagiging sanhi ng pamamaga at pamimintog, o ‘gonococcal arthritis.’ ” Karagdagan pa, ang baktirya na nagiging sanhi ng gonorea ay nagiging di-tinatablan “ng anumang gamot na ginagamit para rito,” ang sabi ng Sun. Pinangangambahan din na “ang pagdami ng mga may gonorea ay maaaring umakay sa mas maraming kaso ng HIV, dahil ang pagkakaroon ng anumang impeksiyon na naililipat sa pagtatalik ay nagpapalaki sa panganib na magkaroon, o maikalat, ang virus na iniuugnay sa AIDS.” Sa katunayan, iniuugnay ng mga doktor ang pagdami ng kaso ng gonorea sa naglalahong pagkatakot sa HIV. “Hindi na gaanong nagiging maingat ang mga tao sa pagpili kung kanino sila makikipagtalik, at kung gaano karami ang kanilang makakatalik,” ang sabi ni Dr. David Fisman, isang eksperto sa mga impeksiyong naililipat sa pagtatalik.

Inuupahang mga Lolo’t Lola

“Mahigit sa 1,000 nagsosolong ina at ama na may mga anak na hanggang sampung taóng gulang ang nakapili ng lolo’t lola para sa kanilang mga anak,” ang ulat ng pahayagang Nassauische Neue Presse ng Alemanya. “Ang tunay kong mga lolo’t lola ay nakatira malayo sa Berlin,” ang sabi ng pitong-taóng-gulang na si Melanie. “Si Lola Klara ay nakatira lamang sa malapit. Sinusundo niya ako sa paaralan at sinasamahan sa zoo, sa palaruan, at sa paliligo sa swimming pool. Nagluluto rin siya at nakikisalo sa pagkain namin ng aking ina sa bahay.” Ipinadala si Lola Klara ng isang tagapaglaan ng serbisyo ng “mga lolo’t lola” na nagpapadala ng mga may-edad na upang maglingkod sa nagsosolong mga magulang sa suweldong mula $3 hanggang $5 bawat oras. “Angkop na angkop na solusyon ang proyektong ito para sa nagsosolong mga magulang na may maliit na badyet,” ang sabi ng ulat.

Isang Tabing-Dagat Para sa “Matataba”

Sa Mexico, isang otel ang nagbukod ng isang lugar para sa mga nahihiyang maglakad sa tabing-dagat na punô ng balingkinitang mga tao, ang ulat ng pahayagang El Economista. Ang otel sa Cancun na nasa tabing-dagat ay gumamit ng sawikaing “Maging Mataba at Maligaya.” Tunguhin ng otel na “akitin ang mga indibiduwal na nahihiyang pumunta sa tabing-dagat nang nakasuot ng mga damit-pampaligo dahil sa kanilang katabaan.” Ang mga tauhan sa otel, na kinabibilangan ng mga taong may iba’t ibang timbang, ay sinanay na makitungo nang walang diskriminasyon sa matatabang bakasyunista, ang sabi ng ulat, “yamang nakararanas na ang mga ito ng labis-labis na diskriminasyon sa araw-araw na rutin ng kanilang buhay.”

Umiinit ang Dagat Mediteraneo

“Sampung taon na naming iniuulat . . . ang pag-init ng Mediteraneo,” ang sabi ni Maurizio Wurtz, biyologo sa buhay-dagat sa Genoa University sa Italya. Sinasabi ng ulat, na mababasa sa pahayagang La Repubblica ng Italya, na ang mas mainit na tubig ay umaakit ng bagong mga halaman at hayop na nabubuhay sa tubig. “Maraming iba’t ibang uri,” ang sabi ni Wurtz, “ang lumilipat mula sa baybayin ng Aprika tungo sa hilaga ng Mediteraneo.” Kabilang sa mga nandayuhan ang mga parrot fish, na dating mula sa tropikal na katubigan; mga damselfish na mula sa tropikal na latitud ng Atlantiko; mga triggerfish, na karaniwang nabubuhay sa karagatan ng Indian at Pasipiko; at isang alga na nakapunta sa Mediteraneo sa pamamagitan ng Suez Canal.