Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtataguyod ng Kapayapaan sa Dako ng Trabaho

Pagtataguyod ng Kapayapaan sa Dako ng Trabaho

Pagtataguyod ng Kapayapaan sa Dako ng Trabaho

BAKIT ba nililigalig ng ilang tao ang iba? Tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan ang bagay na ito. Ipinaliliwanag nito na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay at iyan ang dahilan kung bakit nararanasan natin ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Maraming tao ang “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki.” (2 Timoteo 3:1-5) Sa magulong panahong ito, laganap ang gayong paggawi, at ang isa sa di-kaayaayang mga resulta nito ay kapag pinagtulungan ang isa. Kung gayon, paano mo maitataguyod ang kapayapaan sa dako ng trabaho?

Paglutas sa mga Alitan

Ang panliligalig ay karaniwan nang nagsisimula sa isang di-nalutas na alitan sa pagitan ng mga magkakatrabaho. Kaya, agad na bigyan ng pansin ang mga di-pagkakaunawaan na kinasangkutan mo nang hindi naman nakikialam sa mga suliranin ng iba. Payapain ang nasaktang damdamin nang may taktika at paggalang. Pakitunguhan ang iyong mga katrabaho bilang mga indibiduwal, hindi bilang isang grupo. Kung inaakala mong may isa na waring galít sa iyo, sikaping lutasin ang mga bagay-bagay. Ingatan sa isipan ang payo ni Jesus: “Makipag-ayos kang madali sa isa na nagrereklamo laban sa iyo.”​—Mateo 5:25.

Karagdagan pa, nakikinabang ang lahat sa dako ng trabaho kung pananatilihing palakaibigan ang pag-uusap. Kung gayon, sikaping maging palakaibigan at magalang sa pakikipag-usap sa iyong superbisor nang hindi naman nagbibigay ng impresyon na ikaw ay nagpapalakas sa kaniya. Tandaan din na ang mabuting pakikipag-usap sa iyong mga kasamahan at nasasakupan ay isang mainam na lunas sa kaigtingan. Sumulat si Haring Solomon: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.”​—Kawikaan 15:22.

Samakatuwid, gawin ang lahat ng pagsisikap na makisama sa iyong mga katrabaho. Hindi ito nangangahulugan ng pagiging isa na “nagpapalugod sa tao,” na basta na lamang sumasang-ayon sa lahat ng bagay na hinihiling sa iyo at nagkokompromiso ng iyong mga simulain upang mapanatili lamang ang kapayapaan. Subalit maaaring pawiin ng masigla at palakaibigang paggawi ang di-kaayaayang situwasyon. Maging maingat hindi lamang sa kung ano ang iyong sinasabi sa iba kundi kung paano mo ito sinasabi. Minsan pa, nagbibigay ng matinong payo ang Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit.” (Kawikaan 15:1) “Ang kahinahunan ng dila ay punungkahoy ng buhay.” (Kawikaan 15:4) “Dahil sa pagkamatiisin ay nagaganyak ang kumandante.” (Kawikaan 25:15) “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.”​—Colosas 4:6.

‘Makilala Nawa ang Inyong Pagkamakatuwiran’

Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Filipos: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Sa pagsunod sa simulaing ito, magtakda ng makatuwirang mga pamantayan ng paggawi para sa iyong sarili. Iwasan ang labis na tiwala sa sarili o pagiging sobrang mahiyain. Kung tinutukso ka ng mga katrabaho, huwag mong tularan ang ginagawa nila. Wala kang mapapakinabang kung palalabuin mo ang hangganan sa pagitan ng mabuti at masamang paggawi. Pakitunguhan mo ang iba nang may paggalang at dignidad, at malamang na pakikitunguhan ka rin nila nang gayon.

Pag-isipan hindi lamang ang paggawi mo kundi ang iyo ring pananamit. Tanungin ang iyong sarili: ‘Anong impresyon ang ibinibigay ng aking mga damit? Nakapupukaw ba ng pagnanasa ang aking hitsura? Magulo ba ang aking hitsura? Makabubuti bang magkaroon ako ng matinong kodigo ng pananamit sa trabaho?’

Sa karamihan ng mga kultura, iginagalang at lubhang pinahahalagahan ang masisipag at maiingat na manggagawa. Kaya, sikaping matamo ang paggalang sa pamamagitan ng paggawa ng trabahong de-kalidad. Maging maaasahan at mapagkakatiwalaan. Hindi ito nangangahulugan na sisikapin mong maging perpeksiyonista. Inamin sa dakong huli ng isang babaing naging biktima ng panliligalig na siya ang dahilan ng kaniya mismong pagbagsak. “Gusto kong maging perpekto,” aniya. Natanto ng babaing ito na isang imposibleng tunguhin ang maging perpekto: “Mahusay akong manggagawa, subalit hindi ko kailangang gawin nang perpekto ang lahat ng bagay.”

Huwag maging labis-labis na sensitibo sa di-kaayaayang mga komento. Hindi lahat ng di-makatuwirang kritisismo ay katumbas ng panliligalig. Sa Bibliya, sumulat si Haring Solomon: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu . . . Gayundin, huwag mong ilagak ang iyong puso sa lahat ng salita na sinasalita ng mga tao, . . . sapagkat nalalamang lubos ng iyong puso na marami pang ulit na ikaw mismo ay sumumpa sa iba.”​—Eclesiastes 7:9, 21, 22.

Sabihin pa, ang pagsunod sa gayong mahuhusay na simulain ay hindi garantiya na hinding-hindi ka na magiging biktima ng panliligalig. Sa kabila ng iyong pinakamaiinam na pagsisikap, maaaring ligaligin ka pa rin ng ilang katrabaho. Ano ang gagawin mo?

Humingi ng Tulong

“Kapag malamig ang pakikitungo sa akin sa loob ng ilang buwan, nababagabag ako,” ang inamin ni Gregory. Ang karanasan niya ay karaniwan sa mga biktima, na dumaranas ng iba’t ibang damdamin​—galit, panunumbat ng sariling budhi, kahihiyan, kalituhan, pati na ang damdamin ng kawalang-halaga. Maaaring mawalan ng pag-asa ang isang normal at timbang na tao dahil sa panggigipit na dulot ng panliligalig. Oo, binabanggit ng Bibliya na “dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.” (Eclesiastes 7:7) Kaya ano ang maaari mong gawin?

Ipinakikita ng mga pagsusuri na pinakamabuting huwag sikaping lutasing mag-isa ang panliligalig. Saan makasusumpong ng tulong ang isang biktima? Gumawa ng isang paraan ang ilang mas malalaking kompanya para tulungan ang kanilang mga empleado na nakadaramang sila’y nililigalig. Batid ng mga kompanyang iyon na kapaki-pakinabang para sa kanila mismo kung aalisin ang panliligalig. Ayon sa isang tantiya, ang mga manggagawang nanliligalig ng isang biktima ay nagagambala nang hanggang 10 porsiyento ng kanilang oras sa trabaho. Kung may gayong kaayusan, makahihingi ng tulong ang biktima. Maaaring gawing posible ng isang walang-kinikilingang tagapayo​—mula sa loob o sa labas ng organisasyon ng nagpapatrabaho​—na magtakda ng mga tuntunin ng paggawi sa trabaho para sa lahat ng taong sangkot sa panliligalig.

Walang Garantisadong Solusyon

Mangyari pa, dapat kilalanin na walang garantisadong solusyon sa panliligalig. Maaaring masumpungan kahit ng mga nagkakapit ng mga simulain sa Bibliya na nakabalangkas sa artikulong ito na nagpapatuloy pa rin ang pagmamaltrato sa trabaho. Makatitiyak ang mga iyon na napapansin ng Diyos na Jehova ang kanilang pagbabata at mga pagsisikap na magpamalas ng makadiyos na mga katangian.​—2 Cronica 16:9; Jeremias 17:10.

Depende sa tindi at dalas ng pagmamaltrato, pinipili ng ilan na nasa ganitong kalagayan na humanap na lamang ng ibang trabaho. Ang iba naman ay walang gaanong mapagpipilian, yamang maaaring kakaunti ang mga trabaho at iilan lamang ang makapaglalaan ng tulong. Nang maglaon, nasumpungan ni Monika, nabanggit sa naunang artikulo, na nalutas ang problema nang umalis sa trabaho ang isa sa pangunahing nanliligalig. Bunga nito, ang kapaligiran sa trabaho ay naging mas mapayapa, at natapos niya ang kaniyang pagsasanay bago siya nagpasiyang humanap ng trabaho sa ibang lugar.

Para naman kay Peter, na nabanggit sa unang artikulo, dumating ang lubos na ginhawa sa pamamagitan ng maagang pagreretiro. Subalit, kahit na noong nagbabata siya ng panliligalig, nakinabang si Peter sa alalay ng kaniyang asawa. “Alam niya kung ano ang nararanasan ko, at isa siyang haligi ng kalakasan,” aniya. Habang binabata ang mga pagsubok, nakakuha ng pantanging kaaliwan sina Monika at Peter mula sa kanilang relihiyon bilang mga Saksi ni Jehova. Pinalakas ng pakikibahagi nila sa pangmadlang ministeryo ang kanilang paggalang sa sarili, samantalang pinatibay naman ng pakikisama sa mga kapananampalataya ang kanilang matatag na pakikipagkaibigan.

Anuman ang iyong situwasyon, gawin mo ang pinakamabuti upang itaguyod ang mabubuting ugnayan sa dako ng trabaho. Kung ikaw ay nililigalig, pagsikapan mong sundin ang payo ni apostol Pablo: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. . . . Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.”​—Roma 12:17-21.

[Blurb sa pahina 8]

Maaaring pawiin ng palakaibigang paggawi ang di-kaayaayang situwasyon

[Blurb sa pahina 9]

“Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”​—ROMA 12:18

[Larawan sa pahina 8, 9]

Agad na bigyan ng pansin ang personal na mga di-pagkakaunawaan