Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Kaya Napakasama ng Pagtrato Niya sa Akin?

Bakit Kaya Napakasama ng Pagtrato Niya sa Akin?

“Kadalasang pinagbibintangan ako [ng kasintahan ko] ng mga bagay na walang kakuwenta-kuwenta. Pero haling na haling ako sa kaniya anupat hindi ko siya maiwan.”​—Kathrin. *

“Wala kang nakita [na anumang sugat] sa labas, pero napakasakit nito sa loob.”​—Andrea, sinampal ng kasintahan niya.

PANGKARANIWANG tagpo na lamang ito: Nakikipag-date ang isang dalaga sa isang binata na waring pinakalarawan ng kakisigan at pagkamaginoo. Ngunit unti-unti siyang nagbabago. Ang mga kataga ng pagsinta ay nahahalinhan ng masasakit na panunuya at mapanghamak na pamumuna. Sa umpisa, ipinagkikibit-balikat lamang niya ang lahat ng ito bilang di-maingat na pananalita ngunit malambing na pagbibiro. Gayunman, nagiging seryoso na ang mga bagay-bagay nang ito’y maging paulit-ulit na siklo ng masasakit na pananalita, mga pagsiklab ng galit, at kapahayagan ng matinding pagsisisi. Dahil nadaramang may kasalanan siya kahit paano sa masamang iginawi, tahimik na nagdurusa na lamang ang dalaga, anupat umaasa na magbabago ang mga bagay-bagay. Pero walang pagbabago. Nambubulyaw at naninigaw na ngayon ang kasintahan niya. Sa isang insidente ng pagngangalit, tinulak pa nga niya siya nang napakalakas! Ikinatatakot niyang baka saktan na siya sa susunod. *

Ang mga binata at dalagang may romantikong kaugnayan na kakikitaan ng pisikal at berbal na pag-abuso ay maaaring maging tampulan ng walang-tigil na kapahayagan ng pamumuna, masasakit na pananalita, at pagngangalit. Ganiyan ba ang situwasyon mo? (Tingnan ang kahong “Ilang Babalang Tanda.”) Kung oo, baka pighating-pighati at hiyang-hiya ka anupat hindi mo malaman ang iyong gagawin.

Hindi gayon kabihira gaya ng iniisip mo ang mga situwasyong tulad nito. Tinataya ng mga mananaliksik na 1 sa bawat 5 katao ang nakararanas ng isang uri ng karahasan kapag nakikipag-date. Kapag isinama ang berbal na pag-abuso bilang anyo ng karahasan, ang pagtaya ay tumataas nang 4 sa 5. Kabaligtaran ng iniisip ng karamihan, hindi lahat ng biktima ay mga babae. Ayon sa isang pag-aaral sa Britanya hinggil sa karahasan sa pakikipag-date, “halos magkasindami ang porsiyento ng mga lalaki at babae” ang nag-ulat na mayroon silang nambibiktimang mga kapareha. *

Bakit nangyayari ang gayong masamang paggawi sa panahon ng pagliligawan? Ano ang gagawin mo kung nasa gayong situwasyon ka?

Pag-alam sa Pananaw ng Diyos

Una, dapat mong kilalanin kung gaano kaseryoso ang gayong situwasyon sa paningin ng Diyos. Totoong nakapagsasalita at nakagagawa ang mga taong di-sakdal ng mga bagay na nakasasakit sa iba. (Santiago 3:2) Totoo rin na hindi nagkakasundo sa tuwi-tuwina maging ang mga taong nagmamahalan at nagtitiwala sa isa’t isa. Halimbawa, may-gulang na mga Kristiyano sina apostol Pablo at Bernabe. Gayunman, minsan silang nagkaroon ng “matinding pagsiklab ng galit.” (Gawa 15:39) Kaya kung nakikipag-date ka, maaaring dumanas ka ng kaigtingan paminsan-minsan.

Isa pa, hindi makatotohanang asahan na wala kailanmang masasabing mapamunang salita ang kasintahan mo. Kung sa bagay, pinag-iisipan ninyong pakasalan ang isa’t isa. At kung may ikinababahala siyang isang kapintasan o kaugalian mo, hindi ba’t maibigin na kausapin ka niya tungkol dito? Totoo, masakit ang pamumuna. (Hebreo 12:11) Ngunit kung udyok ito ng pag-ibig at maibiging ibinibigay, hindi ito isang anyo ng mapang-abusong pananalita.​—Kawikaan 27:6.

Gayunman, ibang bagay naman ang mambulyaw, manampal, manuntok, o manlait. Hinahatulan ng Bibliya ang “poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita.” (Colosas 3:8) Nagagalit si Jehova kapag ginagamit ng isa ang “kapangyarihan” upang manghiya, manakot, o maniil ng iba. (Eclesiastes 4:1; 8:9) Sa katunayan, iniuutos ng Salita ng Diyos sa mga asawang lalaki na “ibigin . . . ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan . . . , sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito.” (Efeso 5:28, 29) Pinatutunayan ng lalaking nagsasalita nang may pang-aabuso o nagmamalupit sa babaing nililigawan niya na hindi siya angkop maging asawa. Kasabay nito, pinupukaw niya ang di-pagsang-ayon ng Diyos na Jehova mismo!

Hindi Mo Kasalanan Ito!

Magkagayunman, kadalasang sinisisi ng mga gumagawa nito ang kanilang mga biktima. Kaya marahil ay nadarama mo kung minsan na kasalanan mo kung bakit lubhang nagagalit ang iyong kasintahan. Subalit maaaring napakaliit o wala pa ngang kinalaman sa iyo ang kaniyang galit. Kadalasang pinalaki ang mapang-abusong mga lalaki sa mga sambahayan kung saan itinuturing na normal ang paggamit ng karahasan o mapang-abusong pananalita. * Sa ilang lupain, naiimpluwensiyahan ang mga binata ng kasalukuyang kultura kung saan inaasahang maging dominante ang mga lalaki. Maaaring gipitin din ng mga kaibigan niya ang isang binata na maging macho. Dahil kulang sa pagtitiwala sa sarili, baka nadarama niyang hinahamon siya sa halos lahat ng sasabihin o gagawin mo.

Anuman ang kalagayan, hindi ikaw ang may kasalanan sa mga silakbo ng galit ng ibang tao. Hindi kailanman maipagmamatuwid ang mapang-abusong pananalita at karahasan.

Pagbabago ng Iyong Pag-iisip

Magkagayunman, baka kailangang baguhin ang sarili mong pananaw sa mga bagay-bagay. Bakit? Buweno, kung pinalaki ang isang babae mismo sa kapaligiran ng karahasan at nakapipinsalang pananalita, baka maging waring normal sa kaniya ang mapang-abusong paggawi. Sa halip na mamuhi sa gayong di-makakristiyanong paggawi, baka batahin niya ito​—marahil maakit pa nga rito. Oo, inaamin ng ilang mga biktima ng pag-abuso na hindi sila interesado sa mga lalaking masyadong maginoo. Ang ibang dalaga naman ay may maling akala na kaya nilang baguhin ang kanilang kasintahan.

Kung kabilang ka sa alinmang kategorya rito, kailangan mong ‘magbagong-anyo sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong pag-iisip’ sa bagay na ito. (Roma 12:2) Sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral, at pagbubulay-bulay, kailangan mong dibdibin ang pananaw ni Jehova sa mapang-abusong paggawi at malasing nakasusuklam ito. Kailangan mong matanto na hindi ka dapat abusuhin. Makatutulong ang paglinang ng kahinhinan​—ang pagkaalam sa mga hangganan ng iyong kakayahan​—​upang matanto mo na wala kang kakayahang baguhin ang isang galít na kasintahan. Siya ang may pananagutang magbago!​—Galacia 6:5.

Sa ilang mga kalagayan, tinitiis ng mga dalaga ang pag-abuso dahil sa mababang pagpapahalaga sa sarili. Ganito ang sabi ni Kathrin, na nabanggit sa umpisa, “Hindi ko lubos maisip ang magiging buhay ko kung wala siya, at hindi ko maguniguni na may matatagpuan pa akong higit sa kaniya.” Ganiyan din ang sinabi ng dalaga na nagngangalang Helga tungkol sa kaniyang kasintahan, “Hinahayaan kong bugbugin niya ako dahil mas mabuti na ito kaysa naman hindi ako mapansin.”

Sa palagay mo ba ay magandang pundasyon para sa matagumpay na ugnayan ang gayong mga pananaw? Kung sa bagay, maiibig mo ba ang iba kung hindi mo man lamang maibig ang iyong sarili? (Mateo 19:19) Pagsikapan mong magkaroon ng timbang na paggalang sa sarili. * Ang pagtitiis ng pag-abuso ay hindi tutulong sa iyo na magawa iyan. Gaya ng nalaman mula sa karanasan ng isang dalaga na nagngangalang Irena, ang pagtitiis ng pag-abuso ay “makapag-aalis ng lahat ng iyong paggalang sa sarili.”

Pagharap sa Katotohanan

Maaaring maging mahirap para sa ilan na amining sila ay nasa isang nakapipinsalang kaugnayan​—lalo na kung nabuo na ang matinding romantikong mga damdamin. Ngunit huwag kang magbulag-bulagan sa katotohanan. Sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Naaalaala ng isang dalaga na nagngangalang Hanna, “Kapag napaibig ka ng isang lalaki, parang halos bulag ka, at magagandang katangian lamang niya ang makikita mo.” Gayunman, kapag inaabuso ka, mahalagang makita mo kung sino siya talaga. At kung ikaw ay binabantaan o minamaliit ng iyong kasintahan, may malaking problema. Huwag mong itanggi ang iyong damdamin, ipagmatuwid siya, o sisihin ang iyong sarili. Ipinakikita ng karanasan na kapag hindi ito nasupil, lalala lamang ang mapang-abusong pagtrato. Baka lubhang manganib pa nga ang iyong kapakanan!

Siyempre pa, ang pinakamabuting gawin ay huwag makisangkot sa isang tao na walang pagpipigil sa sarili. (Kawikaan 22:24) Kaya kung may gustong makipag-date sa iyo na hindi mo gaanong kilala, matalinong alamin ang ilang bagay tungkol sa kaniya. Bakit hindi mo imungkahi na magkakilala muna kayo sa isang grupo? Magpapahintulot ito sa iyo na makilala siya nang hindi agad nasasangkot ang romantikong damdamin. Magbangon ng makabuluhang mga tanong, tulad ng: Sinu-sino ang mga kaibigan niya? Anong uri ng musika, mga pelikula, mga laro sa computer, at isport ang gusto niya? Ipinahihiwatig ba ng ipinakikipag-usap niya na interesado siya sa espirituwal na mga bagay? Kausapin mo ang mga taong nakakakilala sa kaniya, gaya ng mga elder sa kanilang kongregasyon. Ipaaalam nila sa iyo kung siya ay “may mabuting ulat” mula sa iba dahil sa kaniyang may-gulang at makadiyos na paggawi.​—Gawa 16:2.

Subalit ano ang magagawa mo kung nasangkot ka na sa mapang-abusong kaugnayan? Sasagutin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.

[Mga talababa]

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 5 Ang artikulong ito ay para sa mga biktima ng berbal at pisikal na pag-abuso. May ibinigay na payo sa mga gumagawa nito sa mga artikulong “Mula sa Salitang Nakasasakit Tungo sa Salitang Nakagagaling” at “Pananakot​—Anong Masama Rito?” sa aming isyu ng Oktubre 22, 1996, at Marso 22, 1997.

^ par. 7 Gayunman, upang gawing simple, tutukuyin namin sa kasariang pambabae ang mga biktima ng mapang-abusong pakikitungo. Kapit ang mga simulaing tinatalakay rito kapuwa sa mga lalaki at babae.

^ par. 14 Tingnan ang artikulong “Paglalantad sa Ugat ng Mapang-abusong Pananalita,” sa aming isyu ng Oktubre 22, 1996.

^ par. 20 Tingnan ang kabanata 12 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 21]

Ilang Babalang Tanda

▪ Madalas siyang mapandustang nagkokomento tungkol sa iyo, sa iyong pamilya, o sa iyong mga kaibigan, kapag nag-iisa ka o kapag may kasama kang iba

▪ Kadalasang hindi niya pinapansin ang gusto o damdamin mo

▪ Tinatangka niyang kontrolin ang lahat ng pitak ng iyong buhay, anupat nagpipilit malaman ang kinaroroonan mo sa lahat ng pagkakataon at gumawa ng lahat ng pasiya para sa iyo

▪ Binubulyawan ka niya, sinasalya o tinutulak, o pinagbabantaan

▪ Sinisikap niyang kumbinsihin kang magpakita ng di-angkop na mga kapahayagan ng pagmamahal

▪ Halos wala kang magawa nang hindi nag-aalala na baka mayamot siya sa paanuman

[Larawan sa pahina 20]

Maaaring ipahiwatig ng palagiang pamumuna o pang-iinsulto na ang ugnayan ay nakapipinsala