Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit ba Napakarami ang May Hay Fever?

Bakit ba Napakarami ang May Hay Fever?

Bakit ba Napakarami ang May Hay Fever?

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Espanya

NANGANGATI at nagluluha ang iyong mga mata, bahin ka nang bahin buong araw, tumutulo ang sipon sa ilong mo, at nahihirapan kang huminga. Ano ba ang nangyayari? Baka naman may sipon ka. Pero kung nararanasan mo ito kapag may polen sa paligid mo, malamang na may hay fever ka. Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Patuloy na dumarami taun-taon ang mga taong nasusuring may hay fever.

“Ang hay fever ay ang labis-labis na reaksiyon lamang ng ating katawan sa isang substansiya na itinuturing nitong nakapipinsala,” ang ulat ng magasing Mujer de Hoy. “Tinatanggihan ng sistema ng imyunidad ng mga taong may mga alerdyi ang lahat ng substansiyang itinuturing ng imyunidad na hindi bahagi ng katawan​—kasama na ang polen​—bagaman ang mga ito ay hindi naman talaga mapanganib.” At kapag lumabis ang reaksiyon ng sistema ng imyunidad sa ganitong paraan, nagdudulot ito ng nakayayamot na mga sintomas na inilarawan sa pasimula.

Noong 1819, inilarawan ng manggagamot na Ingles na si John Bostock ang hay fever. Siya ang unang naglarawan nito. Detalyadong binanggit ni Bostock ang kaniya mismong nakayayamot na mga sintomas na lumilitaw depende sa panahon. Naniniwala siya na ang mga sintomas na ito ay dulot ng kapuputol na dayami (hay), kaya ang kondisyon ay tinawag na hay fever. Nang maglaon, natuklasan na ang mga substansiyang pinagmumulan ng gayong alerdyik na reaksiyon ay sa katunayan maraming iba’t ibang uri ng polen. Noong pasimula ng ika-19 na siglo, iilang kaso lamang ang nasumpungan ni Bostock sa buong Inglatera.

Gayunman, bakit napakarami ngayon ang may hay fever? Si Dr. Javier Subiza, direktor ng Center for Asthma and Allergies sa Madrid, Espanya, ay bumanggit ng dalawang teoriya na sinusuri ng mga mananaliksik. Sinisisi ng isang teoriya ang mga makinang diesel. Pinaniniwalaan na ang mga partikula na nagmumula sa pagsunog ng krudo ay nagpapasigla sa pagkilos ng mga allergen, mga substansiyang nagdudulot ng alerdyik na reaksiyon. Ayon sa espesyalista sa mga alerdyi na si Dr. Juan Kothny Pommer, “sa industriyalisadong mga bansa, ang hay fever ay nakaaapekto sa hanggang 20 porsiyento ng populasyon, at mas madalas ito sa mga lunsod.”

Ipinahihiwatig naman ng ikalawang teoriya na ang sanhi ay ang sobrang kalinisan. ‘Isinilang tayo sa isang silid para sa pag-oopera sa ospital, kumakain tayo ng isterilisadong pagkain, binabakunahan tayo laban sa maraming karamdaman, at kaagad tayong umiinom ng antibiyotiko kapag nagkakasakit tayo. Kaya mula sa pagkabata, ang ating sistema ng imyunidad ay nakakondisyon na magkaroon ng mga alerdyi,’ ang paliwanag ni Dr. Subiza.

Kung ikaw ay biktima ng labis-labis na reaksiyong ito ng imyunidad, huwag mawalan ng pag-asa! Sa pamamagitan ng tamang diyagnosis at paggamot, posibleng makontrol at mabawasan kapuwa ang dalas at tindi ng nakayayamot na mga sintomas ng hay fever.