Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Bagong Mukha Para kay Mailyn

Isang Bagong Mukha Para kay Mailyn

Isang Bagong Mukha Para kay Mailyn

AYON SA SALAYSAY NG INA NI MAILYN

Bakit kailangan ni Mailyn, ang kaibig-ibig kong anak na babae na 11 taóng gulang, ang isang bagong mukha? Hayaan mong ipaliwanag ko.

Si Mailyn ang bunso sa dalawa kong anak na babae. Isinilang siya sa Holguín, Cuba, noong Agosto 5, 1992. Ang kaniyang ama, ate, at ako ay tuwang-tuwa nang isilang siya. Pero di-nagtagal, naputol ang aming kaligayahan. Ilang araw pagkasilang sa kaniya, nagkaroon ako ng bulutong-tubig, at pagkalipas ng isang buwan, nahawa si Mailyn.

Noong una, waring hindi naman gayon kalubha ang kaniyang kalagayan; ngunit lumala nang lumala ito, at kinailangan niyang maospital. Nagamot namang mabuti si Mailyn, pero gayon na lamang kahina ang kaniyang sistema ng imyunidad anupat nagka-impeksiyon siya. Napansin ko ang di-pangkaraniwang pamumula sa isang panig ng kaniyang maliit na ilong. Nalaman ng mga doktor na ang sanhi nito ay isang pambihira at napakalakas na uri ng baktirya.

Sa kabila ng kagyat na paggamit ng mga antibiyotiko, sa loob lamang ng ilang araw, sinimulang sirain ng baktirya ang kaniyang mukha. Noong mapahinto ng mga doktor ang impeksiyon, halos lubusang naubos ang ilong, labi, at mga bahagi ng gilagid at baba ni Mailyn. Mayroon ding maliliit na butas sa gilid ng isang mata niya.

Nang makita naming mag-asawa ang aming anak, napahagulhol kami. Bakit ito nangyari sa aming munting anak? Si Mailyn ay ipinasok sa intensive care sa loob ng ilang araw, at inakala ng mga doktor na hindi na siya mabubuhay. Palaging sinasabi sa akin ng asawa ko, “Ihanda mo ang iyong sarili sa pinakamasaklap na mangyayari.” Gayunman, nang ipasok ko ang aking kamay sa incubator upang hawakan ang maliit na kamay ni Mailyn, napakahigpit ng paghawak niya sa aking kamay anupat alam kong mabubuhay siya. Sinabi ko sa aking asawa: “Hindi mamamatay ang ating anak. Pero sa kaniyang kalagayan, ano kaya ang magiging buhay ni Mailyn?” Tuwing umaga paggising namin, iniisip namin na baka binabangungot lamang kami.

Habang nasa ospital kami, ang aming panganay na anak na babae, si Maydelis, na anim na taóng gulang noon, ay pumisan muna sa aking mga magulang. Sabik na sabik na siya sa pag-uwi ng kaniyang maliit na kapatid. Nakita niya si Mailyn na umalis sa bahay bilang isang magandang “manika” na may malalaking asul na mata. Ngunit nang sumunod na makita ni Maydelis ang kaniyang sanggol na kapatid, nakatatakot ang mukha ni Mailyn.

‘Bakit Kailangang Magdusa Nang Labis-labis ang Aking Anak?’

Pagkalipas ng isa’t kalahating buwan sa ospital, pinalabas na si Mailyn. Hindi kami bumalik sa aming tahanan sa lunsod dahil ayaw naming may makakita sa kaniya. Ibinukod namin ang aming sarili sa isang maliit na bahay sa lalawigan, katabi ng bukirin ng aking mga magulang.

Noong pasimula, napaiinom ko ng kaunting gatas mula sa suso si Mailyn sa butas sa kaniyang mukha na dating kinalalagyan ng kaniyang bibig. Hindi niya kayang sumuso. Pero nang maghilom ang mga sugat, halos magsara ang butas na iyon. Mga pagkaing likido lamang ang naipakakain ko sa kaniya sa pamamagitan ng isang botelya. Nang siya’y isang taóng gulang na, bumalik kami sa Holguín, kung saan apat na beses siyang inoperahan ng mga doktor upang palakihin ang butas sa kaniyang mukha.

Tinatanong ko ang aking sarili, ‘Bakit kailangang magdusa nang labis-labis ang aking anak?’ Sinikap kong hanapin ang sagot sa mga sentro ng espiritismo at nanalangin sa relihiyosong mga imahen. Pero walang nakapagbigay sa akin ng kaaliwan. Lalo pang nakalito sa akin ang masasakit na komento ng ilang kamag-anak at kaibigan. Sinasabi ng ilan, “Alam ng Diyos kung bakit niya pinahihintulutan ang ganiyang mga bagay.” Sinasabi naman sa akin ng iba, “Tiyak na ito’y kaparusahan mula sa Diyos.” Labis ko ring ikinabahala kung ano ang sasabihin ko kay Mailyn paglaki niya. Minsan, noong siya’y napakaliit pa, tinanong ni Mailyn ang kaniyang ama, “Bakit wala po akong ilong na kagaya ng iba?” Hindi makasagot ang kaniyang ama at lumabas na lamang upang umiyak. Sinikap kong ipaliwanag sa kaniya ang nangyari. Naaalaala pa rin niya na sinasabi ko noon na kinain ng isang maliit na insekto ang kaniyang ilong at bibig.

Isang Saligan ng Pag-asa

Noong panahon na sirang-sira na ang loob ko, naalaala ko na Saksi ni Jehova nga pala ang aking kapitbahay. Hiniling ko sa kaniya na ipakita niya sa akin mula sa Bibliya kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magdusa nang labis-labis ang aking maliit na anak. Tinanong ko rin, “Kung ang sakit na ito ay talagang isang kaparusahan mula sa Diyos dahil sa nagawa ko, bakit si Mailyn ang kailangang parusahan?”

Nagsimula kaming mag-aral ng Bibliya ng aking kapitbahay, na ginagamit ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. * Unti-unti, naunawaan ko na hindi dapat sisihin ang Diyos sa nangyari kay Mailyn at na talagang nagmamalasakit Siya sa atin. (Santiago 1:13; 1 Pedro 5:7) Sinimulan kong pahalagahan ang kamangha-manghang pag-asa na sa ilalim ng pamamahala ng Kaniyang makalangit na Kaharian sa mga kamay ni Jesu-Kristo, mawawala na ang pagdurusa. (Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4) Pinalakas ako ng kaalamang ito at pinakilos na dumalo sa mga pulong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Noong una, hindi nagustuhan ng asawa ko ang bagong espirituwal na mga bagay na pinagkakainteresan ko. Pero, hindi naman niya ako pinigilang mag-aral ng Bibliya, hangga’t natutulungan ako nito na harapin ang aming trahedya.

Tulong Mula sa Ibang Bansa

Noong dalawang taóng gulang na si Mailyn, nabalitaan ng isang kilaláng plastic surgeon sa Mexico ang kalagayan ni Mailyn at nag-alok na operahan siya nang walang bayad. Ang unang mga operasyon ay ginawa noong 1994. Nanatili kami ni Mailyn sa Mexico nang halos isang taon. Noong una ay hindi namin matagpuan ang mga Saksi ni Jehova, kaya hindi kami makadalo sa mga pulong Kristiyano. Humina ang aking espirituwalidad dahil dito. Nang maglaon, isa sa mga Saksi sa lugar na iyon ang nakipag-ugnayan sa amin, at nagsimula kaming makisamang muli nang madalas sa mga kapananampalataya hangga’t maaari. Pagbalik namin sa Cuba, ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa Bibliya at nanumbalik ang aking espirituwalidad.

Noong panahong iyon, hindi pa rin interesado sa Bibliya ang aking asawa. Sa pagsisikap na pukawin ang kaniyang interes, hinilingan ko siyang basahin sa akin ang ilang bahagi ng mga publikasyong salig sa Bibliya upang higit kong maunawaan ang mga ito. Nang dakong huli, napakilos siyang tanggapin ang isang pag-aaral sa Bibliya, yamang nabahala siya na ang paulit-ulit at napakahahabang paglalakbay sa Mexico ay maaaring sumira sa aming ugnayan bilang pamilya. Inisip niya na ang pagiging nabubuklod sa espirituwal ang tutulong sa amin upang higit na mabata ang mga panahong magkakahiwalay kami. At nakatulong nga ito sa amin. Ang aking asawa, panganay na anak na babae, at ako ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong 1997.

Noong mga unang araw ng aming pamamalagi sa Mexico, sinasabi ni Mailyn na kung hindi lamang kinain ng maliit na insekto ang kaniyang mukha, hindi sana kami mapapahiwalay sa kaniyang tatay at ate. Talagang nakalulungkot na mapawalay sa pamilya nang mahahabang yugto ng panahon. Gayunman, natatandaan ko ang isang partikular na pamamasyal namin sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico, na tinatawag na Bethel, na lubhang nagpasigla sa amin. Palaging sinasabi ni Mailyn na ayaw na niyang magpaopera​—nang ikalimang beses noong pamamalagi naming iyon​—​dahil napakasakit ng proseso ng paggaling. Ngunit sinabi sa kaniya ng ilang Saksi na naglilingkod noon sa tanggapang pansangay na kung magiging matapang siya at magpapaopera siya sa mga doktor, magpapaparti sila para sa kaniya paglabas niya sa ospital. Kaya pumayag siyang magpaopera.

Hayaan nating ilarawan ni Mailyn ang kaniyang nadama: “Sabik na sabik ako sa ideya ng pagkakaroon ng parti sa Bethel. Kaya napakatapang ko noong inooperahan ako. Napakasaya ng parti, yamang napakaraming kapatid sa espirituwal. Binigyan nila ako ng maraming kard, na itinatago ko pa hanggang ngayon. Ang pampatibay-loob na natanggap ko ang nagbigay sa akin ng lakas na batahin ang sumunod na mga operasyon.”

Pagsulong at Tulong na Makapagbata

Si Mailyn, ngayo’y 11 taóng gulang na, ay sumailalim na sa 20 operasyon upang buuin ang kaniyang mukha. Bagaman malaki ang naitulong ng mga ito sa kaniya, imposible pa rin na maibuka niya nang husto ang kaniyang bibig. Gayunman, palagi siyang may positibong saloobin at lakas ng loob. Napakalaki rin ng ipinakikita niyang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Mula noong siya’y anim na taóng gulang, nakapagpatala na siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa aming lokal na kongregasyon, at binautismuhan siya noong Abril 27, 2003. Nakapagdaos siya ng hanggang tatlong pag-aaral sa Bibliya sa isang pagkakataon. Minsan, samantalang nasa Mexico, kinausap niya ang isang lalaking pumayag na makipag-aral sa kaniya ng Bibliya. Inanyayahan siya ni Mailyn na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo at sa iba pang mga pulong ng kongregasyon, na dinaluhan naman niya taglay ang masidhing interes.

Kapag nangangaral si Mailyn sa bahay-bahay, tinitingnan ng ilang tao ang kaniyang mukha at tinatanong kung nasunog ba siya. Sinasamantala ni Mailyn ang pagkakataong ito na ibahagi ang kaniyang salig-Bibliyang pag-asa na bibigyan siya ni Jehova ng isang bagong mukha sa darating na Paraiso.​—Lucas 23:43.

Ang kirot na naranasan ni Mailyn mula sa mga operasyon at sa panlilibak ng iba pang mga bata ay hindi mailalarawan. Ano ang nakatutulong sa kaniya para makapagbata? May-katiyakang sumasagot si Mailyn: “Totoong-totoo sa akin si Jehova. Binibigyan niya ako ng lakas at tibay ng loob upang makapagbata. Ayoko nang magpaopera dahil wala nang gaanong magagawa ang mga doktor para sa akin. Hindi nila kayang ibalik ang hitsura ko noong ako’y isilang. Pero alam ko na bibigyan ako ni Jehova ng isang bagong mukha sa bagong sanlibutan at magiging maganda ako uli.”

[Talababa]

^ par. 15 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 26]

“Bibigyan ako ni Jehova ng isang bagong mukha sa bagong sanlibutan”

[Blurb sa pahina 27]

Unti-unti, naunawaan ko na hindi dapat sisihin ang Diyos