Isang Binhi na Naglalayag sa Karagatan
Isang Binhi na Naglalayag sa Karagatan
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Britanya
NAGLALAKAD ako sa mabuhanging dalampasigan kung saan nagkalat ang mga damong-dagat at mga kahoy na inanod sa dagat sa silangang baybayin ng Inglatera nang makita ko ang isang kakaibang maliit na bato. Pinulot ko ito. Ito’y makinis at kulay-kastanyas—pero hindi pala ito bato! Ano ito? Isang binhi na inanod sa dagat, na karaniwang tinatawag na sea bean. Paano ba ito napunta sa dalampasigan?
Mga Pinagmulan ng Sea Bean
Sa katunayan, ang binhing ito ay nagmula sa isang malaking butong-gulay na tinatawag na liana. Binibigyang-katuturan ng The Concise Oxford Dictionary ang “liana” bilang “isang makahoy na halamang gumagapang at nakabitin sa mga punungkahoy, lalo na sa maulang kagubatan sa tropiko.” Ginagamit nito ang mga sariling pangkuyapit upang gumapang sa punungkahoy na kinakapitan nito—kung minsan ay tumataas nang 30 metro mula sa sahig ng gubat. Masusumpungan ang halamang ito sa lahat ng lugar sa tabi ng mga baybayin at ilog ng sentral at kanlurang Aprika, Colombia, West Indies, at Sentral Amerika. Sa Costa Rica, kung saan ginagamit ito ng mga unggoy sa pagpapalipat-lipat sa mga tuktok ng puno, kilala ito bilang hagdan ng mga unggoy.
Ang binhi ay may sukat na umaabot nang anim na sentimetro, at nagsisimula itong sumibol sa isang malaking supot ng buto na nakabitin sa punungkahoy na sumusuporta rito. Humahaba nang hanggang dalawang metro ang malaking supot ng butong ito. Binubuo ito ng pabilog na mga bahagi na naglalaman ng tig-iisang binhi. Isang makitid na kanal ang naghihiwalay sa mga ito. Kagaya ng maraming karaniwang binhi, kapag nabubuo pa lamang ang supot ng buto, ito ay malambot at kulay berde. Pero habang nahihinog ito, tumitigas ang supot, anupat natutuyo at bumibigat ito. Nagiging kulay-kape rin ito at nagsisimulang magmukhang kahoy.
Sa dakong huli, dahil sa bigat nito, nalalaglag ang supot ng buto sa ilog o sa dagat. Habang inaanod papalayo ang supot, nagkakahiwa-hiwalay ang mga bahagi nito. Ngayon, magkakani-kaniya na sa paglalakbay ang bawat binhi na may nagsasanggalang na balat. Ang ilang binhi ay maaaring mabaon at tumubo sa putikan sa may pampang ng ilog. Gayunman, marami ang lulutang at aanurin ng ilog, kung minsan ay naglalakbay nang daan-daang kilometro patungo sa isang wawa. Kapag naglakbay ang isang binhi sa mga kapuluan, maaaring anurin ito ng alon at mapadpad sa isang malapit na dalampasigan.
Naglalakbay sa Buong Daigdig
Ano ang nangyayari sa binhi na inanod sa dagat? Unti-unting nabubulok ang balat nito, at pagkatapos ay lumalabas ang binhi. Lulubog
kaya ito? Hindi, yamang hindi naman ito tinatagusan ng tubig. Lumulutang ito dahil sa nagkakahangin ito sa loob dulot ng pagliit ng cotyledon, isang dahong bilig sa loob ng binhi. Yamang taglay nito ang gayong kamangha-manghang pamamaraan para mabuhay, ang binhing ito, o sea heart—na siyang tawag dito kung minsan dahil sa pambihirang hugis-puso nito—ay makapaglalakbay nang di-napipinsala sa dagat sa loob ng maraming buwan, maraming taon pa nga, bago ito mapadpad sa isang malayong dalampasigan.Paano nakararating ang binhi sa malalayong lugar gaya ng British Isles, Scandinavia, at iba pang bahagi ng Kanlurang Europa? Sa loob ng maraming siglo, ang mga binhing ito ay dumaraan sa Gulf Stream patungo sa Atlantiko. Sa katunayan, milyun-milyon sa mga binhing ito ang patuloy na inaanod ng mga agos sa karagatan sa buong globo natin!
Mapapakinabangan pa rin ba ang binhing ito pagkatapos ng gayon kahaba at kapanganib na paglalakbay? Buweno, subukan mong tanggalin ang balat nito gamit ang kikil o lagari, mas mabuti kung malapit sa hilum, ang pilat sa binhi na palatandaan ng pinagkabitan ng binhi sa obaryo ng pinagmulang punungkahoy. Pagkatapos, itanim ang binhi sa lupa sa isang paso, diligin ito, at ilagay ito sa mainit at maaraw na lugar. Malamang na tumubo ito.
Pero ano ba ang karaniwang nangyayari sa isang binhi na inanod sa mga dalampasigan na may mas malalamig na klima ng Europa na hindi angkop sa likas na pagsibol? Maaari itong itago ng taong nakakita nito at gawin itong subenir, subalit maraming binhi ang kinokolekta at ipinagbibili bilang mga abubot, kung minsan ay isinasama sa mga kabibi o mga abaloryo upang maging kaakit-akit na mga kuwintas. Yaong may pinakamagandang hugis-puso ang gustung-gusto ng mga nangongolekta.
Ginagamit ng mga Europeo sa hilaga ang mga sea heart—at lalo na ang mga parihabang binhi na siyang malapit na kamag-anak nito—sa paggawa ng mga kahon ng dinurog na tabako, posporo, at mga locket. Sa Inglatera, ang gayong mga binhi ay ginagamit upang kagatin ng mga sanggol habang tinutubuan sila ng ngipin. Madalas gamitin ng mga marinero ang mga binhi bilang anting-anting, anupat ikinakatuwiran nila na kung kaya ng mga binhi na mabuhay sa gayon kahaba at kapanganib na mga paglalakbay sa karagatan, malamang na kaya rin ng mga binhi na protektahan ang mga nagmamay-ari sa kanila.
Kaya sa susunod na maglakad-lakad ka sa dalampasigan, maghanap kang maigi sa damong-dagat at mga kahoy na inanod sa dagat. Baka makakita ka rin ng binhi na nakapaglayag sa karagatan.
[Larawan sa pahina 23]
Ang nakabiting supot ng buto ng “sea bean” ay maaaring humaba nang hanggang dalawang metro
[Credit Line]
Courtesy Jean-Jacques Segalen/ Barbadine.com
[Larawan sa pahina 23]
Mga kuwintas na gawa sa mga “sea bean”