Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tagumpay at Kabiguan sa Paglaban sa Sakit

Mga Tagumpay at Kabiguan sa Paglaban sa Sakit

Mga Tagumpay at Kabiguan sa Paglaban sa Sakit

NOONG Agosto 5, 1942, napansin ni Dr. Alexander Fleming na isa sa kaniyang mga pasyente, na kaibigan niya, ay nag-aagaw-buhay. Ang 52-taóng-gulang na lalaki ay nagkaroon ng spinal meningitis, at sa kabila ng lahat ng pagsisikap na ginawa ni Fleming, nakoma ang kaniyang kaibigan.

Labinlimang taon bago nito, di-sinasadyang natuklasan ni Fleming ang di-pangkaraniwang substansiya na nagmumula sa isang mangasul-ngasul at berdeng amag. Tinawag niya itong penisilin. Napansin niya na may kakayahan itong pumatay ng mga baktirya; subalit hindi niya maihiwalay ang purong penisilin, at nasuri niya ito bilang pandisimpekta lamang. Gayunman, noong 1938, si Howard Florey at ang kaniyang pangkat ng mananaliksik sa Oxford University ay nagsikap makakuha ng sapat na dami ng gamot para subukan sa mga tao. Tinawagan ni Fleming si Florey, na siyang nag-alok na ipadala ang lahat ng penisilin na makukuha niya. Iyon ang kahuli-hulihang tsansa ni Fleming para iligtas ang kaniyang kaibigan.

Hindi sapat ang pagturok ng penisilin sa kalamnan, kaya diretsong itinurok ni Fleming ang gamot sa gulugod ng kaniyang kaibigan. Napatay ng penisilin ang mga mikrobyo; at sa loob lamang ng mahigit sa isang linggo, magaling na magaling na ang pasyente ni Fleming nang lumabas ito sa ospital. Nagsimula na ang panahon ng mga antibiyotiko, at isang bago at napakahalagang pangyayari ang naabot sa pakikipaglaban ng sangkatauhan sa sakit.

Ang Panahon ng mga Antibiyotiko

Nang unang lumitaw ang mga ito, parang himalang gamot ang mga antibiyotiko. Hanggang sa kasalukuyan, matagumpay nang nagagamot ang di-mapagaling na mga impeksiyon na sanhi ng mga baktirya, fungus, o iba pang mikroorganismo. Dahil sa bagong mga gamot, napakalaki ng ibinaba ng bilang ng mga namamatay sa meningitis, pulmonya, at scarlet fever. Ang dating nakamamatay na mga impeksiyong nakukuha sa ospital ay napagagaling na sa loob ng ilang araw.

Mula noong panahon ni Fleming, nakagawa na ang mga mananaliksik ng napakaraming karagdagang mga antibiyotiko, at nagpapatuloy ang pananaliksik sa bagong mga uri. Sa nagdaang 60 taon, naging napakahalagang sandata sa paglaban sa sakit ang mga antibiyotiko. Kung buháy lamang sana si George Washington ngayon, tiyak na gagamutin ng mga doktor ang pananakit ng kaniyang lalamunan sa pamamagitan ng antibiyotiko, at marahil ay gagaling siya sa loob ng isang linggo o higit pa. Talagang nakatulong ang mga antibiyotiko sa ating lahat upang maiwasan ang iba’t ibang uri ng impeksiyon. Gayunman, nagiging malinaw na ang mga antibiyotiko ay may ilang disbentaha.

Hindi napagagaling ng mga antibiyotiko ang mga sakit na sanhi ng mga virus, gaya ng AIDS o trangkaso. Isa pa, ang ilang tao ay may alerdyi sa partikular na mga antibiyotiko. At maaaring patayin ng malalakas na antibiyotiko ang kapaki-pakinabang na mga mikroorganismo sa ating mga katawan. Subalit marahil ang pinakamalaking problema sa mga antibiyotiko ay ang labis o kulang na paggamit nito.

Kulang ang paggamit kapag hindi kinumpleto ng mga pasyente ang iniresetang antibiyotiko, ang dahilan ay alinman sa bumuti na ang kanilang pakiramdam o masyadong matagal ang gamutan. Bilang resulta, maaaring hindi mapatay ng antibiyotiko ang lahat ng kumakalat na mga baktirya, anupat hinahayaan nitong mabuhay at dumami ang mga uri ng baktirya na di-tinatablan ng gamot. Madalas itong mangyari sa kaso ng paggamot sa tuberkulosis.

Kapuwa ang mga doktor at mga magsasaka ay labis na gumagamit ng bagong mga gamot na ito. “Kadalasang labis ang inireresetang mga antibiyotiko sa Estados Unidos, at walang taros pa nga itong ginagamit sa maraming iba pang bansa,” ang paliwanag ng aklat na Man and Microbes. “Pagkarami-rami nito ang ibinibigay sa mga alagang hayop, hindi para gamutin ang sakit kundi para pabilisin ang paglaki; ito ang pangunahing dahilan kung bakit lalong hindi tinatablan ng gamot ang mga mikrobyo.” Ang resulta nito, ang babala ng aklat, ay na “baka maubusan tayo ng bagong mga antibiyotiko.”

Subalit maliban sa mga ikinababahalang ito hinggil sa pagkadi-tinatablan ng antibiyotiko, nakita naman ang tagumpay sa medisina noong huling kalahatian ng ika-20 siglo. Waring kaya ng mga mananaliksik sa medisina na humanap ng mga gamot na makasusugpo sa halos anumang karamdaman. At ang mga bakuna pa nga ang inaasahang makahahadlang sa sakit.

Mga Tagumpay ng Siyensiya ng Medisina

“Ang pagbabakuna ang pinakamalaking tagumpay sa kalusugang pambayan sa kasaysayan,” ang sabi ng The World Health Report 1999. Milyun-milyong buhay ang nailigtas na dahil sa malawakan at pambuong-daigdig na mga kampanya sa pagbabakuna. Inalis na ng pangglobong programa sa pagbabakuna ang bulutong​—ang nakamamatay na sakit na kumitil ng mas maraming buhay kaysa sa pinagsama-samang digmaan noong ika-20 siglo​—​at halos naalis ng katulad na kampanya ang polio. (Tingnan ang kahong “Tagumpay Laban sa Bulutong at Polio.”) Maraming bata sa ngayon ang binabakunahan na upang maipagsanggalang sila sa pangkaraniwang mga sakit na nagsasapanganib ng buhay.

Ang ibang sakit naman ay nabawasan ng di-gaanong pambihirang mga pamamaraan. Ang mga impeksiyong nakukuha sa tubig gaya ng kolera ay bihirang pagmulan ng mga problema kapag may sapat na sanitasyon at ligtas na suplay ng tubig. Sa maraming lupain, dahil sa madaling makapunta sa mga doktor at ospital para magpatingin, maaaring tukuyin at gamutin ang karamihan sa mga sakit bago pa maging nakamamatay ang mga ito. Ang mas mabuting pagkain at kalagayan ng pamumuhay, kasama na ang pagpapatupad ng mga batas hinggil sa tamang pangangasiwa at pagtatago ng pagkain, ay nakatulong din sa pagpapabuti ng kalusugang pambayan.

Kapag natuklasan na ng mga siyentipiko ang mga sanhi ng nakahahawang sakit, ang mga awtoridad sa kalusugan ay nakagagawa ng praktikal na mga hakbang upang maihinto ang pagkalat ng epidemya. Isaalang-alang ang isang halimbawa. Noong 1907, iilang tao lamang ang namatay sa biglang paglitaw ng bubonic plague sa San Francisco dahil naglunsad agad ang lunsod ng isang kampanya para lipulin ang mga daga na may mga pulgas na nagdadala ng sakit. Sa kabilang banda, simula noong 1896, sampung milyon ang namatay sa sakit ding iyon sa India sa loob ng 12 taon dahil hindi natutuklasan ang pangunahing sanhi nito.

Mga Kabiguan sa Paglaban sa Sakit

Maliwanag, napagtagumpayan naman ang malalaking pakikipaglaban. Subalit ang ilang tagumpay sa kalusugang pambayan ay nangyayari lamang sa mas mayayamang bansa sa daigdig. Ang nagagamot na mga sakit ay pumapatay pa rin ng milyun-milyon katao, dahil lamang sa kakulangan ng sapat na pondo. Sa papaunlad na mga bansa, maraming tao ang wala pa ring sapat na sanitasyon, pangangalaga sa kalusugan, at ligtas na tubig. Nagiging mas mahirap ang paglalaan ng pangunahing mga pangangailangang ito dahil sa maramihang pandarayuhan ng mga tao mula sa mga lalawigan patungo sa naglalakihang mga lunsod ng papaunlad na mga bansa. Bilang resulta ng gayong mga salik, ang mga dukha sa daigdig ay napabibigatan ng tinatawag ng World Health Organization na “mas maraming pasan-pasan na sakit.”

Ang pagkakaroon ng maikling pananaw dahil sa kasakiman ang pangunahing sanhi ng mas maraming pagkakasakit sa ilang bansa kaysa sa iba. “Ang ilan sa pinakanakahahawa at pumapatay na mga sakit sa daigdig ay waring napakalalayo,” ang sabi ng aklat na Man and Microbes. “Ang ilan sa mga ito ay lubusan o pangunahing matatagpuan sa mahihirap na tropikal at subtropikal na lupain.” Yamang maaaring hindi naman tuwirang nakikinabang ang mayayaman at mauunlad na bansa gayundin ang mga kompanya ng gamot, bantulot silang magbigay ng mga pondo para lunasan ang mga sakit na ito.

Ang iresponsableng paggawi ng tao ay isa ring salik sa pagkalat ng sakit. Ang pangunahing halimbawa ng masaklap na katotohanang ito ay makikita sa kaso ng virus ng AIDS, na kumakalat sa iba’t ibang tao sa pamamagitan ng likido sa katawan. Sa loob ng ilang taon, sinalot ng laganap na sakit na ito ang buong daigdig. (Tingnan ang kahong “AIDS​—Ang Salot sa Ating Panahon.”) “Ginawa ito ng mga tao sa kanilang mga sarili,” ang iginiit ng dalubhasa sa pag-aaral ng epidemya na si Joe McCormick. “At hindi iyan pagbatikos sa moralidad ng mga tao, iyan ang katotohanan.”

Paano di-sinasadyang naikakalat ng mga tao ang virus ng AIDS? Itinala ng aklat na The Coming Plague ang sumusunod na mga salik: Ang mga pagbabago sa lipunan​—lalo na ang pagkakaroon ng maraming katalik​—ay dahilan ng biglang paglitaw ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik, anupat ginagawa nitong mas madaling mamahay ang virus sa katawan at mahawahan ng maysakit ang maraming iba pang tao. Gayundin ang epekto ng palasak na paggamit sa papaunlad na mga bansa ng marurumi at gamít nang mga heringgilya bilang pang-iniksiyon ng gamot o para sa ipinagbabawal na droga. Ang bilyun-dolyar na negosyo sa dugo sa buong daigdig ay naging dahilan din ng paglipat ng virus ng AIDS mula sa isang nagbigay ng dugo tungo sa napakaraming sinasalinan nito.

Gaya ng nabanggit na, ang labis o kulang na paggamit ng mga antibiyotiko ang sanhi ng paglitaw ng mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot. Mabigat at lumalala ang problemang ito. Dati-rati’y madaling patayin ng mga deribatibo ng penisilin ang baktiryang staphylococcus, na kadalasang sanhi ng mga impeksiyon sa sugat. Subalit kadalasang hindi na epektibo sa ngayon ang tradisyonal na mga antibiyotikong ito. Kaya bumabaling ang mga doktor sa mas bago at mas mahal na mga antibiyotiko na hindi kayang bilhin ng mga ospital sa papaunlad na mga bansa. Baka hindi na rin masugpo maging ng pinakabagong mga antibiyotiko ang ilang mikrobyo, anupat nagiging mas pangkaraniwan at mas nakamamatay ang mga impeksiyong nakukuha sa ospital. Tahasang inilarawan ni Dr. Richard Krause, dating direktor ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases sa Estados Unidos, ang kasalukuyang situwasyon bilang “isang epidemya ng mga mikrobyong di-tinatablan ng gamot.”

“Mas Mabuti ba ang Kalagayan Natin sa Ngayon?”

Ngayon, sa pagpasok ng ika-21 siglo, maliwanag na hindi naglaho ang banta ng sakit. Ang walang-tigil na pagkalat ng AIDS, ang paglabas ng mga pathogen na di-tinatablan ng gamot, at ang muling paglitaw ng matagal nang pumapatay na mga sakit gaya ng tuberkulosis at malarya ay nagpapakitang hindi pa tapos ang pakikipaglaban sa sakit.

“Mas mabuti ba ang kalagayan natin sa ngayon kaysa noong nakalipas na siglo?” ang tanong ng nagwagi ng Nobel Prize na si Joshua Lederberg. “Sa maraming paraan, nasa mas malalang kalagayan tayo sa ngayon,” ang sabi niya. “Binale-wala natin ang mga mikrobyo, at inaani natin ang mga bunga ng pagbabale-walang iyan.” Mapagtagumpayan kaya ang kasalukuyang mga hadlang sa pamamagitan ng determinadong pagsisikap ng siyensiya ng medisina at ng lahat ng bansa sa daigdig? Maaalis kaya ang pangunahing nakahahawang mga sakit sa bandang huli, gaya ng nagawa sa bulutong? Sasagutin ng ating huling artikulo ang mga katanungang ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

Tagumpay Laban sa Bulutong at Polio

Sa pagtatapos ng Oktubre 1977, natuklasan ng World Health Organization (WHO) ang huling kilala at pangkaraniwang kumakalat na kaso ng bulutong. Hindi naman naging napakalala ng sakit ni Ali Maow Maalin, isang kusinero sa ospital na nakatira sa Somalia, at gumaling din naman siya sa loob ng ilang linggo. Binakunahan ang lahat ng tao na nakasalamuha niya.

Sa loob ng dalawang napakatagal na taon, nababahalang naghintay ang mga doktor. Nag-alok ng pabuya na $1,000 sa sinumang makapagrereport ng iba pang kumpirmadong “kumakalat na kaso ng bulutong.” Walang sinuman ang napabalitang matagumpay na nakakuha ng pabuya, at noong Mayo 8, 1980, pormal na inianunsiyo ng WHO na “ang Daigdig at ang lahat ng tao ay napalaya na sa panganib ng bulutong.” Noon lamang dekada bago nito, ang bulutong ang dahilan ng kamatayan ng mga dalawang milyon katao sa isang taon. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, naalis ang isang pangunahing nakahahawang sakit. *

Ang polio, o poliomyelitis, isang nakapagpapahinang sakit ng mga bata, ay waring matagumpay na masusugpo rin. Noong 1955, nakagawa si Jonas Salk ng isang mabisang bakuna para sa polio, at nagsimula ang kampanya sa pagbabakuna sa Estados Unidos at iba pang mga bansa. Nang maglaon, naimbento ang pambakuna na iniinom. Noong 1988, naglunsad ang WHO ng pambuong-daigdig na programa para alisin ang polio.

“Mahigit na 1000 bata ang napaparalisa araw-araw dahil sa polio nang pasimulan namin ang mga pagsisikap para alisin ito noong 1988,” ang ulat ni Dr. Gro Harlem Brundtland, ang panlahatang direktor noon ng WHO. “Noong 2001, wala pang 1000 ang naging kaso sa buong taon.” Masusumpungan na lamang ngayon ang polio sa wala pang sampung bansa, bagaman kakailanganin pa rin ang mas malaking pondo upang matulungan ang mga lupaing ito para masugpo nang tuluyan ang sakit.

[Talababa]

^ par. 28 Ang bulutong ang pinakamainam na halimbawa ng sakit para sugpuin ng internasyonal na kampanya sa pagbabakuna dahil, di-tulad ng mga sakit na ikinakalat ng nakayayamot na mga tagapagdala ng mikrobyo gaya ng mga daga at insekto, ang virus ng bulutong ay namamahay sa katawan ng tao para mabuhay.

[Larawan]

Isang batang lalaking Etiope na pinaiinom ng pambakuna para sa polio

[Credit Line]

© WHO/P. Virot

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

AIDS​—Ang Salot sa Ating Panahon

Nagsimulang kumalat ang AIDS bilang isang bagong banta sa daigdig. Halos 20 taon pagkatapos na ito’y matiyak, mahigit na 60 milyon katao na ang nahawahan nito. At nagbababala ang mga awtoridad sa kalusugan na ang lumalaganap na AIDS ay nasa “unang yugto [pa rin] nito.” “Mas dumarami [ang mga nahahawahan] kaysa sa inaakalang posible noon,” at kalunus-lunos ang mga bunga nito sa mga lugar na pinakamalubhang sinasalot nito.

“Ang malaking bilang ng karamihan sa mga tao na nabubuhay sa buong daigdig na may HIV/AIDS ay nasa kalakasan pa ng kanilang buhay at nakapagtatrabaho pa,” ang paliwanag ng ulat ng United Nations. Bilang resulta, tinataya na ilang bansa sa timugang Aprika ang mawawalan ng 10 hanggang 20 porsiyento ng kanilang mga manggagawa sa taóng 2005. Sinabi rin sa report: “Ang pangkaraniwang haba ng buhay sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika ay 47 taóng gulang sa kasalukuyan. Kung wala sanang AIDS, maaaring umabot ito nang 62 taóng gulang.”

Hanggang sa ngayon, bigo ang mga pagsisikap na makahanap ng pambakuna, at 4 na porsiyento lamang sa anim na milyong may sakit na AIDS sa papaunlad na mga bansa ang nagagamot. Sa kasalukuyan, walang gamot para sa AIDS, at ikinatatakot ng mga doktor na ang karamihan sa mga taong nahawahan ng virus ng HIV ay magkakaroon ng sakit na ito.

[Larawan]

Ang “T lymphocyte” na mga selula na nahawahan ng virus ng HIV

[Credit Line]

Godo-Foto

[Larawan sa pahina 7]

Sinusuri ng isang manggagawa sa laboratoryo ang isang anyo ng virus na mahirap sugpuin

[Credit Line]

CDC/Anthony Sanchez