Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Paninindak Sinabi kagabi ng aking pitong-taóng-gulang na anak na babae na ayaw na niyang pumasok sa paaralan dahil lagi siyang nililigalig ng dalawang batang babae. Sinimulan kong basahin ang seryeng “Paninindak—Ano ang Maaari Mong Gawin Hinggil Dito?” (Agosto 22, 2003) Natulungan ako ng mga artikulong ito—hindi lamang sa pagtulong sa aking anak na babae kundi sa pag-unawa rin kung bakit maaaring kumilos nang gayon ang mga tao.
L. H., Estados Unidos
Sa aking pinagtatrabahuhan, pinaulanan ako ng masasamang salita, hiniya ako sa harap ng aking mga katrabaho, at winalang-bahala ako ng isa sa aking mga amo hanggang sa nagbitiw ako sa trabaho. Sumasamâ pa rin ang loob ko dahil sa aking naranasan. Gayunman, nang mabasa ko ang mga artikulo, bumuti ang aking pakiramdam sa pagkaalam na may isa na nakauunawa.
H. N., Hapon
Ang pagbabasa sa mga artikulong ito ay parang pagbabalik-tanaw sa aking nakaraan. Nang ako’y isang estudyante pa, araw-araw akong sinisindak. Nagtataka ako kung bakit. Tinulungan ako ng seryeng ito na maunawaan kung bakit, at nagtamo ako ng kaaliwan mula rito.
M. M., Hapon
Pinakitunguhan ako sa paaralan na parang isa na itinakwil, at lubhang naapektuhan ang aking pagtitiwala sa sarili. Tinuruan akong tawanan nang harapan ang mga naninindak sa akin, subalit tama kayo sa pagsasabing mas mabuting tingnan sila sa mata at mahinahong ipaliwanag na hindi ito nakatutuwa.
M. G., Pransiya
Kailangan kong aminin na talagang isang pakikipagpunyagi para sa akin na basahin ang mga artikulo tungkol sa paninindak sapagkat ako’y naging biktima ng pisikal, berbal, at di-tuwirang paninindak noong ako’y tin-edyer at ngayong nasa hustong gulang na. Pagkatapos basahin ang mga artikulo, naunawaan ko na ngayon kung bakit naranasan ko ang negatibong mga kaisipan at kawalan ng paggalang sa sarili. Kaya gusto kong ipahayag ang aking pasasalamat sa mga artikulong ito, na nagbigay ng praktikal at nakaaaliw na payo.
A. M., Italya
Araw-araw ko pong pinaglalabanan ang paninindak mula nang mag-aral ako ng haiskul. Tinulungan ako ng mga artikulong ito na maunawaang hindi ako walang-halaga dahil sa kabilang ako sa isang minoryang relihiyon. Sa paglipas ng panahon, lalo kong ipinagmamalaki ang pagiging isang Saksi ni Jehova, at maligaya po ako kung kailangan kong magdusa dahil dito. Dati-rati’y nagagalit ako. Ngayon, alam ko na po ang aking gagawin, at natitiyak ko na bubuti ang mga bagay-bagay.
M. S., Italya
Kami po ng kakambal kong babae ay 16 na taóng gulang, at magkaklase kami. Alam ng aming mga kaeskuwela na kami’y mga Saksi ni Jehova, at madalas nila kaming sindakin. Lubhang makatotohanan ang pagkakalahad ng paksang paninindak, at napatibay po kami nito nang husto.
E. P., Italya
Humagulhol ako nang mabasa ko ang mga artikulo, sapagkat naalaala ko ang lahat ng ginawa sa akin ng dati kong mga kaeskuwela araw-araw sa loob ng anim na taon. Bilang isang kabataan, lagi kong naiisip na ako lamang ang dumaranas ng gayong mga bagay. Hindi ko alam na ang sikolohikal na pananakot na ito ay tinatawag palang paninindak. Ngayong dalaga na ako, lalo akong nagpapasalamat sa natanggap kong impormasyon tungkol sa problemang ito. Sa wakas, mayroon ding nakauunawa sa akin!
A. P., Alemanya
Naranasan ko ang maraming problema sa paaralan anupat ayaw ko nang pumasok kung minsan. Gayunman, natulungan ako ng mga artikulong ito na muling suriin ang aking kalagayan, at nabigyan ako nito ng mainam na payo. Ginagamit ko ang ilang mga mungkahing nabanggit, at talagang nakatulong ang mga ito. Salamat sa gayong nakapagpapatibay at kapaki-pakinabang na mga artikulo.
M. T., Russia