Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napakatagal Nang Pakikipaglaban Para sa Mas Mabuting Kalusugan

Napakatagal Nang Pakikipaglaban Para sa Mas Mabuting Kalusugan

Napakatagal Nang Pakikipaglaban Para sa Mas Mabuting Kalusugan

SI Joanne ay nakatira sa New York, at mayroon siyang tuberkulosis (TB). Subalit hindi pangkaraniwang kaso ng TB ang sakit niya. Nag-iba ang anyo ng baktiryang nasa katawan niya na hindi tinatablan ng halos lahat ng gamot at pinapatay nito ang kalahati sa mga biktima nito. Gayunman, si Joanne ay hindi regular na nagpapagamot, at minsan ay nahawahan na nga niya ng TB ang iba. ‘Dapat ay ikulong na siya,’ ang sabi ng kaniyang nasisiphayong doktor.

Ang TB ay isang sakit na matagal nang pumapatay. Literal na milyun-milyon katao ang nagdusa at namatay dahil sa TB. Ang katibayan ng sakit na ito ay natuklasan sa mga momya sa sinaunang Ehipto at Peru. Sa ngayon, halos dalawang milyon katao taun-taon ang pinapatay ng muling paglitaw ng mga anyo ng TB.

Butil-butil ang pawis sa noo ni Carlitos, na nakaratay sa isang maliit na teheras sa isang kubo sa Aprika. Humina siya nang husto dahil sa malarya anupat pati pag-iyak ay hindi niya kayang gawin. Walang pambili ng gamot ang kaniyang nag-aalalang mga magulang, at walang klinika sa malapit kung saan maaari nilang ipagamot ang kanilang maliit pang anak. Hindi bumaba ang lagnat, at namatay siya sa loob ng 48 oras.

Ang malarya ay pumapatay taun-taon ng halos isang milyong bata na gaya ni Carlitos. Sa mga nayon sa Silangang Aprika, ang pangkaraniwang bata ay kinakagat ng mga lamok na may dalang malarya nang 50 hanggang 80 beses sa isang buwan. Lumalaganap ang mga lamok na ito sa bagong mga lugar, at hindi na gaanong mabisa ang mga gamot na panlaban sa malarya. Taun-taon, tinataya na 300 milyon katao ang nakararanas ng malubhang malarya.

Si Kenneth, isang 30-taóng-gulang na lalaki na nakatira sa San Francisco, California, ay unang nagpatingin sa kaniyang doktor noong 1980. Idinaing niya ang pagtatae at pagkahapo. Namatay siya pagkalipas ng isang taon. Sa kabila ng paggagamot ng mga dalubhasa, naging buto’t balat na lamang siya, at nang dakong huli ay namatay siya sa pulmonya.

Pagkalipas ng dalawang taon sa isang lugar na 16,000 kilometro ang layo sa San Francisco, isang kabataang babae na taga-hilagang Tanzania ang nakaranas ng gayunding mga sintomas. Sa loob lamang ng ilang linggo, hindi na siya makalakad, at di-nagtagal siya ay namatay. Binansagan ng mga taganayon ang pambihirang sakit na Juliana’s disease dahil isang lalaking nagtitinda ng tela na may tatak na Juliana ang waring nakahawa sa kaniya at sa iba pang mga babaing tagaroon.

Iisa ang sakit kapuwa ni Kenneth at ng babaing taga-Tanzania: AIDS. Sa pasimula ng dekada ng 1980, noong panahon na waring nasugpo na ng siyensiya ng medisina ang pinakamapanganib na mga mikrobyo, lumitaw ang bagong nakahahawang sakit na ito para maghasik ng lagim sa sangkatauhan. Sa loob ng dalawang dekada, ang bilang ng namatay sa AIDS ay kasindami ng mga namatay sa salot na puminsala sa buong Eurasia noong ika-14 na siglo​—isang salot na hindi kailanman malilimutan ng Europa.

Ang Black Death

Ang biglang paglitaw ng salot na tinatawag na Black Death ay matatalunton noon pang 1347, nang isang barko mula sa Crimea ang pumugal sa Messina, sa isla ng Sicily. Bukod sa regular na kargamento nito, dala rin ng barko ang salot. * Di-nagtagal ay kumalat ang Black Death sa buong Italya.

Nang sumunod na taon, ganito inilarawan ni Agnolo di Tura, ng Siena, Italya, ang kalagimang nangyari sa kaniyang sariling bayan: ‘Nagsimulang dumami ang mga namamatay sa Siena noong Mayo. Malupit at nakapanghihilakbot na pangyayari iyon. Halos kaagad na namamatay ang mga biktima. Daan-daan ang namamatay sa kanila, kapuwa sa araw at gabi.’ Sinabi pa niya: ‘Ako mismo ang naglibing sa aking limang anak, at gayundin ang ginawa ng maraming iba pa. Walang umiyak maging sinuman ang pumanaw dahil inaasahan ng halos lahat ang kamatayan. Gayon na lamang karami ang namatay anupat ipinapalagay ng lahat na iyon na ang katapusan ng mundo.’

Sa loob ng apat na taon, ang sabi ng ilang istoryador, kumalat sa buong Europa ang salot at halos sangkatlo ng populasyon ang binawian ng buhay​—marahil sa pagitan ng 20 milyon at 30 milyon katao. Marami ring namatay maging sa napakalayong lugar ng Iceland. Sinasabi na sa Malayong Silangan, ang populasyon ng Tsina ay bumaba mula 123 milyon sa pasimula ng ika-13 siglo tungo sa 65 milyon noong ika-14 na siglo, maliwanag na dahil sa salot at sa kasama nitong taggutom.

Wala pang nangyaring epidemya, digmaan, o taggutom bago nito na naging dahilan ng gayon kalaganap na pagdurusa. “Walang makapapantay sa trahedyang iyon sa kasaysayan ng tao,” ang sabi ng aklat na Man and Microbes. “Mula 25 hanggang 50 porsiyento ng mga tao sa Europa, Hilagang Aprika, at ilang bahagi ng Asia ang namatay.”

Nakaiwas sa pananalot ng Black Death ang mga lupain sa Amerika dahil sa pagkakabukod nila sa iba pang bahagi ng daigdig. Subalit di-nagtagal, natapos ang pagkakabukod na iyon nang maglayag sa karagatan ang mga barko. Noong ika-16 na siglo, ang Bagong Daigdig ay sinalanta ng kumakalat na mga epidemya na mas nakamamatay pa kaysa sa salot.

Nilupig ng Bulutong ang mga Lupain sa Amerika

Nang dumating si Columbus sa West Indies noong 1492, inilarawan niya ang mga katutubo roon na ‘kaakit-akit ang hitsura na may magandang mukha at katamtamang taas at maskuladong mga katawan.’ Gayunman, ikinubli ng kanilang malusog na hitsura ang kahinaan nila sa mga sakit ng Dating Daigdig.

Noong 1518, biglang lumitaw ang bulutong sa isla ng Hispaniola. Hindi pa kailanman nalantad noon sa bulutong ang mga Katutubong Amerikano, at kapaha-pahamak ang naging epekto nito. Tinaya ng isang nakasaksing Kastila na isang libong tao lamang ang nakaligtas sa isla. Di-nagtagal, kumalat ang epidemya sa Mexico at Peru, na gayundin ang mga kinahinatnan.

Nang sumunod na siglo, nang dumating sa lugar ng Massachusetts sa Hilagang Amerika ang mga nakipamayang mga Peregrino, natuklasan nila na halos inubos ng bulutong ang mga naninirahan sa lupain. “Ang mga katutubo, silang lahat ay muntik nang mamatay sa bulutong,” ang isinulat ng lider ng mga Peregrino na si John Winthrop.

Sinundan ng iba pang mga epidemya ang bulutong. Ayon sa isang reperensiya, halos isang siglo pagkatapos dumating ni Columbus, nilipol ng mga sakit na galing sa ibang bansa ang 90 porsiyento ng populasyon ng Bagong Daigdig. Umunti ang populasyon ng Mexico mula sa 30 milyon hanggang sa 3 milyon, at ng Peru mula sa 8 milyon tungo sa isang milyon. Sabihin pa, hindi lamang ang mga Katutubong Amerikano ang naging mga biktima ng bulutong. “Sa buong kasaysayan ng tao, kumitil ng daan-daang milyong buhay ang bulutong, na di-hamak na mas marami kaysa sa mga namatay sa salot . . . at sa mga namatay sa pinagsama-samang digmaan sa ikadalawampung siglo,” ang sabi ng aklat na Scourge​—The Once and Future Threat of Smallpox.

Hindi Pa Tapos ang Laban

Sa ngayon, ang nakapangingilabot na mga epidemya ng salot at bulutong ay maaaring tulad na lamang ng mga trahedyang nangyari noong napakatagal nang panahon. Sa ika-20 siglo, napanagumpayan ng sangkatauhan ang maraming pakikipaglaban sa nakahahawang mga sakit, lalo na sa mauunlad na bansa. Nadiskubri ng mga doktor ang mga sanhi ng karamihan sa mga sakit, at natuklasan din nila ang mga paraan para lunasan ang mga ito. (Tingnan ang kahon sa ibaba.) Para bang nagagamot ng bagong mga bakuna at antibiyotiko ang lahat ng sakit anupat kaya nitong lipulin maging ang pinakamahirap gamuting sakit.

Gayunman, gaya ng sinabi ni Dr. Richard Krause, dating direktor ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases sa Estados Unidos, ang “mga salot ay hindi maiiwasang gaya ng kamatayan at mga buwis.” Hindi pa naaalis ang TB at malarya. At ang pinakahuling pamiminsala ng AIDS ay naging isang nakatatakot na paalaala na nagbabanta pa rin ang salot sa daigdig. “Ang nakahahawang mga sakit ay pangunahin pa ring sanhi ng kamatayan sa daigdig; mananatiling gayon ang mga ito sa napakatagal na panahon,” ang sabi ng aklat na Man and Microbes.

Nangangamba ang ilang doktor na sa kabila ng kamangha-manghang pagsulong sa paglaban sa sakit, ang kahanga-hangang mga nagawa sa nakalipas na ilang dekada ay baka pansamantala lamang. “Hindi pa naaalis ang panganib ng nakahahawang mga sakit​—lumalala pa nga ito,” ang babala ng dalubhasa sa pag-aaral ng epidemya na si Robert Shope. Ipaliliwanag ng susunod na artikulo kung bakit.

[Talababa]

^ par. 10 Ang salot ay nagkaroon ng iba’t ibang anyo, kasali na ang bubonic plague at pneumonic plague. Ang mga pulgas, na pangunahin nang dala-dala ng mga daga, ang nagkalat ng bubonic plague, at ang mga talsik mula sa pag-ubo at pagbahin na nanggaling sa isang taong may impeksiyon ang pinakamadalas na nagkakalat ng pneumonic plague.

[Blurb sa pahina 5]

Sa loob ng dalawang dekada, ang bilang ng namatay sa AIDS ay kasindami ng mga namatay sa salot na puminsala sa buong Eurasia noong ika-14 na siglo

[Kahon/Mga larawan sa pahina 6]

Kaalaman Laban sa Pamahiin

Noong ika-14 na siglo, nang magbanta ang Black Death sa sambahayan ng papa sa Avignon, ipinaalam sa kaniya ng doktor niya na ang pagkakahilera ng tatlong planeta​—Saturn, Jupiter, at Mars​—​sa ilalim ng sodyako na Aquarius ang pangunahing dahilan ng salot.

Pagkalipas ng apat na siglo, natulog si George Washington na masakit ang lalamunan. Ginamot ng tatlong kilalang doktor ang impeksiyon sa pamamagitan ng pagpapatulo ng humigit-kumulang sa dalawang litro ng dugo mula sa kaniyang mga ugat. Sa loob ng ilang oras, namatay ang pasyente. Ang pagpapatulo ng dugo ay pangkaraniwang paraan ng paggagamot sa loob ng 2,500 taon​—mula noong panahon ni Hippocrates hanggang sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo.

Bagaman pinabagal ng pamahiin at tradisyon ang pagsulong ng medisina, nagpagal ang masisigasig na doktor para tuklasin ang mga sanhi ng nakahahawang mga sakit at ang mga lunas para sa mga ito. Nasa ibaba ang ilan sa mahahalagang natuklasan nila.

Bulutong. Noong 1798, si Edward Jenner ay matagumpay na nakagawa ng bakuna para sa bulutong. Noong ika-20 siglo, napatunayang mabisa ang mga bakuna sa paghadlang sa iba pang mga sakit, gaya ng polio, yellow fever, tigdas, at rubella.

Tuberkulosis. Noong 1882, natukoy ni Robert Koch ang baktirya ng tuberkulosis at nakagawa ng pagsubok para sa sakit. Pagkalipas ng mga 60 taon, natuklasan ang streptomycin, isang mabisang antibiyotiko sa paggamot ng tuberkulosis. Nagamit din ang drogang ito para sa paggamot ng bubonic plague.

Malarya. Mula noong ika-17 siglo patuloy, ang quinine​—na nakukuha sa balat ng punong cinchona​—ang nakapagligtas sa milyun-milyong buhay ng mga pinahirapan ng malarya. Noong 1897, natiyak ni Ronald Ross na ang mga lamok na Anopheles ang mga tagapagdala ng sakit, at pinalaganap ang pagsugpo sa lamok upang mabawasan ang bilang ng namamatay sa mga bansang tropikal.

[Mga larawan]

Tsart ng sodyako (itaas) at pagpapatulo ng dugo

[Credit Line]

Dalawang larawan: Biblioteca Histórica “Marqués de Valdecilla”

[Mga larawan sa pahina 3]

Sa ngayon, ang muling paglitaw ng mga anyo ng tuberkulosis ay pumapatay ng halos dalawang milyon katao taun-taon

[Credit Lines]

X ray: New Jersey Medical School–​National Tuberculosis Center; tao: Larawan: WHO/Thierry Falise

[Larawan sa pahina 4]

Inilalarawan ng isang ukit sa Alemanya, na matutunton noong mga 1500, ang isang doktor na nakamaskara upang hindi mahawahan ng Black Death. Ang pinakatuka ng maskara ay may pabango

[Credit Line]

Godo-Foto

[Larawan sa pahina 4]

Ang baktirya na sanhi ng “bubonic plague”

[Credit Line]

© Gary Gaugler/Visuals Unlimited