Pagdalaw sa Pulo ng Kristal
Pagdalaw sa Pulo ng Kristal
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
IPINASOK ng isang bihasang manggagawa ang kaniyang tubong pang-ihip sa paggawa ng kristal sa glory hole, isang maliit na butas sa gilid ng nagngangalit na hurno. Kuminang na tila palubog na araw ang limpak ng binubong kristal na kinuha niya. Kumislap ang pinung-pinong hibla na kulay-kahel sa pagitan ng hurno at ng tubo at agad na naglaho. Pinagulong ng bihasang manggagawa ang binubong kristal, na tinatawag na limpak (gather), sa ibabaw ng mesang metal, at ang limpak ay naging hugis-tubo. Sa pamamagitan ng marahang paghihip sa tubo, pinalobo niya ang limpak, saka pinagulong muli, inangat, sinuri, at ibinalik sa apoy.
Tayo ay nasa Murano, isang maliit na pulo sa Lawa ng Venice, sa Italya. Kilala ang pulo dahil sa mga kagamitang kristal nito. Sa katunayan, mahigit na 1,000 taon nang hinuhubog ang kristal sa rehiyong ito. Ang mga labí ng pagawaan ng kristal sa Torcello, isang karatig na pulo sa lawa, ay mula pa noong ikapitong siglo C.E. Gayunman, ang unang katibayan mula sa Venice mismo ay inihaharap ng isang dokumento na ang petsa ay 982 C.E., kung saan sumaksi ang isang “Domenic na tagagawa ng kristal.”
Pagsapit ng 1224, may samahan na ang mga tagagawa ng kristal sa Venice. Noong 1291, ipinatanggal ng Great Council of Venice ang mga hurnuhan ng kristal mula sa lunsod, marahil sa pangkaligtasang mga kadahilanan. Marami ang inilipat dito sa Murano, mga isang kilometro mula sa kabilang ibayo ng lawa, kung saan nananatili pa rin ang mga ito.
Bakit Kilalang-kilala?
Yamang noong sinaunang panahon pa ginagawa ang kristal sa maraming bahagi ng daigdig, bakit napakaespesyal ng mga kristal ng Murano, o kristal ng Venice? Pinaniniwalaang napahusay ng lokal na mga manggagawa ang kanilang sining sa sukdulang antas dahil sa madalas na pakikipag-ugnayan ng Venice sa iba pang rehiyon na may matagal nang mga tradisyon sa paggawa ng kristal, gaya ng Ehipto, Fenicia, Sirya, at Bizantinong Corinto. Tunay nga, ipinahihiwatig ng mga pamamaraan at produkto ng pinakamatatandang kilalang mga pagawaan sa Venice na malaki ang kanilang natutuhan mula sa mga katumbas nila sa Silangan. Itinaas ng mga pamamaraang ginagamit sa Murano ang kasanayan sa isla sa antas na marahil ay hindi pa nararating ng mga sentro sa Europa.
Noong ika-13 at ika-14 na siglo sa Europa, ang Venice “ang tanging sentro ng paggawa ng kristal
na may kakayahang gumawa ng ‘mga likhang-sining’ na kristal,” ang sabi ng aklat na Glass in Murano. Iniluluwas sa malalayong lugar ang mga produkto ng Venice—sa silangang Mediteraneo at Hilagang Europa. Noong 1399, pinahintulutan ni Haring Richard II ng Inglatera na magbenta ng mga kagamitang kristal ang dalawang barkong nagmula sa Venice na nakapugal sa daungan ng London. Sa panahon ding iyon, kabilang ang mga kristal ng Venice sa mga pag-aari ng mga maharlikang Pranses. Nang maglaon, naging kilala ang Murano, bukod pa sa ibang mga bagay, dahil sa mga salamin, mga aranya, mga kagamitang kristal na de-kulay, mga palamuting ginto at enamel, kristal, imitasyong mga batong hiyas, mga kalis na may magagarbong hawakan, at mga bagay na may magagandang dibuho.Tinangkang pigilan ng Venice, na mahigpit na nag-iingat sa kaniyang mga lihim-kalakal, ang paglago ng mga kompetisyong de-kalidad. Noong ika-13 siglo pa lamang, ipinagbawal nang lumipat ang mga tagagawa ng kristal. Lalong hinigpitan ang mga patakarang pananggalang, at ang mga may ganap na pagkamamamayan lamang ang pinahintulutang magtrabaho bilang mga tagagawa ng kristal o mga aprentis. May panahon pa noon nang ang mga nakatakas mula sa rehiyon at nahuli ay pinagmumulta nang malaki at sinesentensiyahan ng limang taóng pagsisilbi bilang mga tagasagwan sa barko nang nakakadena ang mga paa.
Sa kabila nito, ilegal na nangibang-bayan ang mga tagagawa ng kristal sa mga lugar sa buong Italya at Europa at nagsimulang makipagkompetensiya sa Murano, anupat gumawa ng gayunding mga produkto at gumamit ng gayunding mga pamamaraan. Sa maraming pagkakataon, halos imposibleng makilala ang pagkakaiba ng kanilang mga produkto—na nakilala bilang à la façon de Venise, o istilong Venetian—at yaong mga gawa sa Murano.
Sumapit sa tugatog nito ang pagkamasining ng Venice noong ika-15 at ika-16 na siglo. Nangibabaw sa pamilihan ang Murano, dahil sa malikhaing mga anyo ng maririkit na kristal nito, pinintahang mga enamel, malabong lattimo (milk glass), reticello (lacework glass)—bilang pagbanggit sa ilang espesyalidad lamang—at ginamit sa mga hapag-kainan ng mga hari.
Noon, ayon sa isang istoryador ng sining ng kristal, “hindi pinalalampas ng mausisang manlalakbay, na dumarating sa lawa sa panahon na aktibo ang mga hurnuhan, ang pagkakataong dumalaw sa mga ito.” Hindi rin namin nais palampasin ang pagkakataong dalawin ang mga ito. Kaya ngayong umaga ay sasakay kami sa vaporetto, isang lantsa, mula sa Grand Canal hanggang sa Murano. Samahan mo kami.
Mga Hurnuhan at mga Silid-Tanghalan
Sa sandaling makababa kami sa vaporetto sa unang hintuan sa Murano, itinuro sa amin ng mga tao ang pinakamalapit na mga pagawaan ng kristal, kung saan makapanonood kami ng mga pagtatanghal ng sining ng mga tagagawa ng kristal nang walang bayad. Nagmasid kami habang hinuhubog ng isang manggagawa at ginagawang pahabang bula ang isang limpak ng binubong kristal sa dulo ng tubo niya. Pagkatapos, sa pamamagitan ng bihasang paggamit ng mga pansipit at gunting, hinila niya, ginupit, at inipit ang walang hugis na kimpal upang maging ulo, mga binti, at buntot ng tumatakbong barakong kabayo.
Pagkatapos manggaling sa unang pagawaan, naglakad-lakad kami sa tahimik na Rio dei vetrai, ang kanal ng mga tagagawa ng kristal, kung saan, katulad sa kalakhang Venice, ang tanging trapiko ay sa bangketa at sa tubig. Natanto namin dito na napakarami palang mga gawaan at mga silid-tanghalan sa Murano. Ang iba ay nagtatanghal ng elegante at de-kalidad na mga gamit—mga tea set, mga kandelero, at pagkalalaking solidong mga eskultura—na walang-pagsalang nangangailangan ng
maraming kasanayan at atensiyon upang magawa. Ang iba pa ay nag-aalok ng abot-kayang mga paninda, mula sa abaloryo hanggang sa mga plorera at makukulay na pabigat sa papel. Marami ang napakagaganda. Ang lahat ay pawang gawang-kamay.Nabighani kami sa panonood kung paano gawin ang iba’t ibang piraso. Ang kristal ng Murano—70 porsiyentong buhangin at 30 porsiyentong soda ash, batong-apog, nitrate, at arseniko—ay likido sa temperaturang 1,400 digri Celsius at matigas sa mga 500 digri Celsius. Sa tamang temperatura sa pagitan ng dalawang ito, lumalambot at nahuhubog ang kristal. Kaya naman, upang mahubog o maihugis ang isang piraso, kailangang paulit-ulit itong ibalik sa apoy para muling maging madaling hubugin. Nakaupo ang mga manggagawa sa mga bangkong nasa pagitan ng mga pahalang na patungan, kung saan nila inilalagay at iginugulong ang kanilang mga tubong pang-ihip sa paggawa ng kristal. Habang iniikot nila ito sa isang kamay, hawak ng kabilang kamay ang isang kasangkapan o hulmahang pearwood na ibinabad sa tubig at di-tinatablan ng init, upang mahubog ang limpak ng binubong kristal.
Nagmasid kami habang pinalolobo ng isang manggagawa ang isang kimpal ng kristal upang maging moldeng waring may mga liston, ipinaputol sa katulong ang isang dulo ng kimpal, at saka pinaikot ang tubong pang-ihip upang lumobo ito, na gaya ng namumukadkad na buko ng bulaklak. Naging hugis-liryong lampara para sa aranya ang piraso nang painitin at hubugin pa ang piraso at ipitin ang pinakabibig nito.
Upang kulayan ang malinaw na limpak ng kristal, ang manggagawa ay nagwisik dito ng mga pulbos na may kulay at natutunaw sa init. Nakagagawa ng bulaklaking dibuho na ginagamit ang pamamaraang murrine—ang pagdaragdag ng mga hugis-baryang hiwa ng mga inihandang tubong kristal na may mga dibuhong kinulayan. Maaaring igulong ang bilog na limpak sa paraang matatakpan ang pang-ibabaw na labas nito ng mga tubong kristal o ng mga bahagi ng mga tubong magkakahilerang nakalagay sa metal na ohas. Nang ibalik sa hurno, ang mga tubong kristal—makukulay, tulad-leys, o paikid—ay dumirikit at humahalo sa kimpal, na maaari na ngayong hubugin upang maging plorera, lampara, o anupamang hugis na ninanais. Ang mga pirasong makakapal at susun-suson na de-kulay o malinaw na kristal ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtutubog nito sa iba’t ibang kalderang tunawan.
Oo, ang bawat piraso ay waring may kuwento at espesyal na pamamaraan sa likod nito. Dahil sa kanilang mga tradisyong daan-daang taon na, magagamit ng mga tagagawa ng kristal sa makasaysayang pulo ng Venice ang apoy upang gawing maririkit at kumikinang na mga likhang-sining ang buhangin.
[Larawan sa pahina 16]
Ang Rio dei vetrai, Murano, Italya
[Larawan sa pahina 17]
Ang “kopang Barovier” noong ika-15 siglo
[Larawan sa pahina 17]
Kalis na nililok noong ika-16 na siglo sa pamamagitan ng “diamond-point”
[Mga larawan sa pahina 18]
1. Ang “glory hole”
2. Hinuhubog ng manggagawa ang isang limpak ng kristal
3. Pinaiinit ulit ang kristal para muling maging madaling hubugin
4. Gamit ang pansipit at gunting, nilalagyan ng manggagawa ang tumatakbong barakong kabayo ng mga paa
5. Ang tapos nang produkto
[Credit Line]
Photos courtesy http://philip.greenspun.com