Pusang May Kakatwang mga Tainga
Pusang May Kakatwang mga Tainga
INTERESADO si William Ross, isang pastol, sa mga pusang puro ang lahi. Isang araw noong 1961, dumalaw si Ross sa bukid ng kaniyang kapitbahay sa Perthshire, Scotland. Doon niya nakita si Susie, ang pusa ng kapitbahay. Pero hindi mukhang pangkaraniwang pusa sa bahay si Susie. Maputi ito at magkahalo ang lahi, ngunit ang mga tainga nito, mula sa gitna pataas, ay nakatupi paharap at pababa, anupat kakatwa ang hitsura nito. Yamang nabighani sa natuklasan niya, kumuha si Ross ng babaing kuting na nakatupi ang mga tainga mula sa mga kuting na ipinanganak ni Susie pagkalipas ng isang taon.
Pagkatapos nito, nakipag-ugnayan si Ross sa isang taga-London na tagapagpalahi ng mga hayop at interesado sa henetika ng mga pusa, at tumulong silang dalawa para simulan ang programa ng pagpapalahi para sa mga anak ni Susie. Hindi nakapagtataka, ang lahi ay pinanganlang Scottish Fold. Magmula noon, naging napakapopular na ng mga pusang ito. Gayunman, hindi tinanggap ang mga ito sa palistahan ng mga asosasyon ng mga pusa sa Britanya. Nabahala ang ilan na baka ang mga pusa ay malamang na magkaroon ng mga suliraning pangkalusugan na nagmumula sa gene na sanhi ng nakatuping mga tainga. Ngunit hindi naging dahilan ang bagay na ito para hindi mairehistro ang mga Scottish Fold sa Estados Unidos, kung saan naitatag ang programa ng pagpapalahi noong unang mga taon ng dekada ng 1970. Sa katunayan, sa pagtatapos ng dekadang iyon, naging mga kampeon ng mga palabas sa bansang iyon ang mga pusang ito.
Bakit May Tupi sa mga Tainga?
“Ano ang nangyari sa mga tainga ng pusa mo?” ang kadalasang itinatanong ng mga tao kapag nakakita sila ng Scottish Fold sa kauna-unahang pagkakataon. Ang tupi sa mga tainga ay resulta ng mutasyon sa tinatawag ng mga siyentipiko na dominanteng gene. Kahit na namana ng kuting ang gene na ito mula sa isang magulang lamang, magiging Scottish Fold ito.
Gayunman, maraming pagkakaiba-iba sa babà ng pagkakatupi ng mga tainga, mula sa walang tupi hanggang sa isa, dalawa, o tatlong tupi. May isang tupi ang mga tainga ni Susie, ang orihinal na Scottish Fold. Ang mga pusa sa mga paligsahan ay karaniwan nang may tatlong tupi, na nakalapat na sa ulo. Kapansin-pansin, lahat ng mga Scottish Fold ay ipinanganganak na may tuwid na mga tainga. Subalit kapag tatlong linggo na ang kuting, masasabi na ng mga tagapagpalahi ng mga hayop kung aling mga kuting ang magkakaroon ng nakatuping mga tainga.
Ang walang-ingat na pagpapalahi ng mga Scottish Fold ay maaaring magdulot ng mga suliraning pangkalusugan.
Halimbawa, kung kapuwa ang lalaki at babae ay nakatupi ang mga tainga, baka magkaroon ang kanilang anak ng henetikong depekto gaya ng congenital osteodystrophy, na nagdudulot ng mga depormidad sa mga buto. Kaya, palaging pinalalahian ng kilalang mga tagapagpalahi ng mga hayop ang mga Scottish Fold sa ibang mga uri ng pusa na may tuwid na tainga. Ang kadalasang ipinalalahi ng mga tagapagpalahi ng mga hayop ay mga shorthair sa Britanya at Amerika.Ang isa pang potensiyal na suliraning pangkalusugan ay may kinalaman sa kalinisan ng tainga, lalo na sa mga pusang tatlo ang tupi ng mga tainga. Dahil napakababa ng pagkakatupi ng kanilang mga tainga na nakalapat na sa ulo, madalas na maging marumi ang loob ng mga ito. Iminumungkahi ng The Illustrated Encyclopedia of Cat Breeds sa mga may-ari na marahang linisan “ang loob ng mga tupi gamit ang mamasa-masang bulak na nasa palito.” Subalit nakatutuwa naman, ang malulusog na pusa “ay hindi madaling magkaroon ng mga impeksiyon o ng maliliit na insekto sa tainga, gaya ng inaakala noong ilang nakalipas na mga taon,” ang sabi ng The Cat Site, isang Web site sa Internet para sa mga may-ari ng pusa.
Mapagmahal na mga Kasama
Itinuturing ang mga Scottish Fold na malumanay, mapagmahal, at matatalinong pusa. Nabubuhay sila nang hanggang mga 15 taon, at wala nang higit pang magpapaligaya sa kanila kaysa sa maalwang buhay sa tahanan. “Ang Scottish Fold ay mapagmahal, mahinahon at masarap kasamang pusa na gustung-gusto kapuwa ang mga tao at iba pang alagang hayop,” ang sabi ng The Illustrated Encyclopedia of Cat Breeds. May malumanay at maliliit na tinig sila na minsan lamang nilang gamitin. Kahit na gutom sila, kadalasang tatayo lamang sila at tititig sa iyo hanggang sa pakainin mo sila.
Tulad ng ibang pusa, ang mga Scottish Fold ay sari-sari ang kulay at may kombinasyon ng mga kulay kapuwa sa mga uring longhair at shorthair. Ngunit lalo silang nagiging popular dahil sa kanilang nakatuping mga tainga, bilog na ulo, maigsing leeg, at tulad-kuwagong mukha na may malalaking bilog na mata. Sa katunayan, isa na sa pinakahahangad na lahi sa daigdig ang mga Scottish Fold. Kadalasang kailangang maghintay nang anim na buwan o higit pa bago may makuhang kuting ang mga gustong bumili nito. Siyempre pa, kung may espesipikong nais na haba ng balahibo, kulay, o kasarian ang kostumer, baka kailangang maghintay pa siya nang mas matagal.
Nang matagpuan ni William Ross si Susie noong 1961, malamang na hindi niya inakalang magiging napakapopular ng mga inapo ng hamak na pusang ito sa bukid, lalo na sapagkat ang popularidad ng lahing ito ay hindi dahil sa anumang nakahihigit na panloob na katangian kundi dahil sa henetikong mutasyon na makikita pangunahin na sa mga tainga.