Ang Kahalagahan ng Ating Likas na Kapaligiran
Ang Kahalagahan ng Ating Likas na Kapaligiran
Nagtulungan kamakailan ang mga siyentipiko at mga ekonomista sa isang pagsusuri sa limang likas na mga tirahan na binago para sa gamit ng tao at sa komersiyal na pakinabang. Lubusang sinira ang isang tropikal na kagubatan sa Malaysia para sa malawakang pagtotroso, isang tropikal na kagubatan sa Cameroon ang ginawang taniman ng palma na pinagkukunan ng langis at ng mga punungkahoy na pinagkukunan ng goma, isang latian ng mga bakawan sa Thailand ang ginawang palahipunan, ang latiang tubig-tabang sa Canada ay inalisan ng tubig para sakahin, at isang bahura ng korales sa Pilipinas ang ginagamitan ng dinamita para sa pangingisda.
Natuklasan ng mga mananaliksik ang ilang kataka-takang mga resulta. Kung hindi ginalaw ang limang likas na tirahang ito, ang kanilang pangmatagalang kahalagahan sa ekonomiya sa pamayanan ay maaari sanang mula 14 hanggang 75 porsiyentong mahigit kaysa pagkatapos baguhin ang mga ito. Sa katunayan, sa katamtaman, ang ekosistema ay nawawalan nang kalahati ng halaga nito bunga ng pakikialam ng tao, at taun-taon, nagkakahalaga ng $250 bilyon ang ginagawang mga pagbabago sa kapaligiran. Sa kabaligtaran, magkakahalaga ng $45 bilyon ang pag-iingat sa likas na mga sistema. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang “mga paninda at serbisyo”—sa anyo ng pagkain, tubig, hangin, tirahan, gatong, pananamit, medisina, at proteksiyon sa bagyo at baha—na nakukuha mula rito ay nagkakahalaga ng di-kukulangin sa $4.4 trilyon, isang proporsiyon na 100 porsiyentong pakinabang sa 1 porsiyentong gastos, ang ulat ng pahayagang The Guardian ng London. Ganito ang sinabi ni Dr. Andrew Balmford ng Cambridge University, Inglatera, na nanguna sa pagsusuri: “Nakatatakot ang pinansiyal na aspekto. Noon pa man ay iniisip na namin na magiging higit na kapaki-pakinabang ang konserbasyon sa ekonomiya, subalit hindi namin akalaing ganito kalaki.”
Nakalulungkot, mula pa noong Earth Summit ng 1992 sa Rio de Janeiro, 11.4 porsiyento ng likas na mga kapaligiran ng lupa ang binago, pangunahin na dahil sa kawalang-alam sa kung ano ang nawawala at sa paghahangad ng panandaliang pinansiyal na pakinabang. Pagkalipas ng sampung taon, sa World Summit on Sustainable Development na ginanap sa Johannesburg, walang malinaw na mga solusyon ang inialok upang lutasin ang problema. Ipinahayag ni Dr. Balmford ang kaniyang pagkabahala, sa pagsasabing: “Sangkatlo ng iláng na dako sa daigdig na nasa likas na kalagayan ang wala na mula noong bata pa ako at noon ko unang narinig ang salitang ‘konserbasyon.’ Iyan ang labis na nakababahala sa akin.”
Gayunman, nakatitiyak ang mga mambabasa ng Bibliya sa pangako ng Maylalang na masusumpungan sa Apocalipsis 11:18. Binabanggit doon na malapit na niyang “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” Isasauli ang likas na mga ekosistema ng planeta para sa walang-hanggang kapakinabangan ng sangkatauhan.