Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Tore ng London—Makasaysayang Monumento ng Maligalig na Kahapon

Ang Tore ng London—Makasaysayang Monumento ng Maligalig na Kahapon

Ang Tore ng London​—Makasaysayang Monumento ng Maligalig na Kahapon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

KITANG-KITA sa Ilog Thames sa Silangang London ang isa sa pinakatanyag na monumento sa daigdig​—ang Tore ng London. Sa loob ng halos isang libong taon, gumanap ng mahalagang papel ang malaking tanggulan, palasyo, at bilangguang ito sa maligalig na kasaysayan ng Inglatera. Dumaan sa mga pintuang-daan nito ang mga hari, reyna, dama at kortesano, klerigo, pulitiko, at hukom​—ang ilan ay lumabas bilang mga nagwagi, ang iba naman ay hindi na kailanman nakitang buhay. Bakit kaya itinayo ang Tore, at anong kapana-panabik at madudulang pangyayari ang naganap sa loob ng mga pader nito na humubog sa kasaysayan ng Inglatera?

Maharlikang Tanggulan

Pagkatapos salakayin ni Duke William ng Normandy ang Inglatera noong 1066, nagtayo siya ng sunud-sunod na mga kastilyo upang takutin ang kaaway na mga Anglo-Saxon. Ang pinakamataas na gusali ay matatagpuan sa lunsod ng London. Ang kuta na gawa sa kahoy at unang itinayo sa timog-silangang kanto ng matandang mga pader ng Roma ay agad pinalitan ng pagkalaki-laking batong istraktura, ang Great Tower. Halos kuwadrado na may sukat na 32 metro por 36 na metro, napakalaking tingnan nito sa taas na 27 metro, anupat naghahasik ng takot sa mga naninirahan doon. Nang paputiin ito ng isang hari noong dakong huli, nakilala ito bilang White Tower.

Nagdagdag ang sumunod na mga hari ng mga tore na iba’t iba ang laki, dalawang napakalalaking paikot na pader, at malalim na palibot-bambang, anupat naging isa sa pinakadi-mapapasok na tanggulan sa Europa ang grupo ng mga istraktura. Sa katunayan, paminsan-minsan ay kinailangang manganlong ng mga monarka sa likod ng mga pader nito upang makatakas sa mapaghimagsik na mga sakop nila. Sa panahon ng digmaang sibil, ang panig na nananaig ay yaong nakakakontrol sa Tore, na itinuturing na sagisag ng kapangyarihan at awtoridad. Sa mas mapayapang mga panahon, dito nagsisimula ang kahanga-hangang mga prusisyon sa araw ng koronasyon. Kapag nakatira roon, ang hari at ang kaniyang mga kasama ay nasa mga apartment ng palasyo na may magagarbong palamuti, kung saan nila tinatanggap nang may mararangyang bangkete ang kanilang mga kaibigan. Gayunman, ibang-iba ang pagtrato sa mga kaaway ng hari.

Bilangguan ng Estado

Kilalang nagpiit sa kauna-unahang bilanggo nito noong 1100, ang Tore ay naiibang uri ng bilangguan. Tangi lamang para sa matataas at bantog na mga tao ito. Kabilang sa prominenteng mga preso nito ay ang natalong mga hari ng Scotland at Pransiya, gayundin ang mga miyembro ng aristokrasya at mga klerigo na hindi na nagugustuhan o naging mga traidor. Sa pana-panahon, may mga pinapatay o pinapaslang pa nga. Pinatay si Henry VI sa Tore, gayundin ang 12-taóng-gulang na si Edward V at ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki.

Ang mga bilanggo ay pinatutuloy saanman may lugar sa tore at mahigpit na binabantayan o pinahihintulutang gumala-gala sa loob ng bakuran ng kastilyo. Maikli ang ilang sentensiyang pagkabilanggo, mahaba naman ang iba. Ikinulong nang walong buwan dahil sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala si William Penn, ang naging tagapagtatag ng kolonyang Pennsylvania ng Amerika. Pagkatapos matalo sa labanan, ang pamangkin ng haring Pranses, si Charles, Duke ng Orléans, ay labas-masok sa bilangguan sa loob ng 25 taon hanggang sa mabayaran ang napakalaking pantubos sa kaniya. Nagpalipas naman ng 13 mapanglaw na mga taon ang kortesano, manggagalugad, at manunulat na si Sir Walter Raleigh sa pagsulat ng kaniyang History of the World bago siya pansamantalang palayain at patayin nang dakong huli.

Dumami ang mga Binitay

Matatalunton ang reputasyon ng Tore hinggil sa malupit na pagtrato sa mga bilanggo mula pa noong panahon ng Repormasyon. Desperadong magkaroon ng lalaking tagapagmana, si Henry VIII ay humiwalay sa Simbahang Romano Katoliko at sinimulang ipapatay ang mga taong ayaw kumilala sa kaniya bilang ulo ng Church of England. Hindi nagkaanak ng lalaki ang ikalawang asawa ni Henry, si Anne Boleyn, at pinugutan ito ng ulo sa Tore dahil diumano sa pagtataksil at pangangalunya, kasama ang kaniyang kuya at apat na iba pa. Gayundin ang kinahinatnan ni Catherine Howard, ang ikalima sa mga asawa ni Henry. Karagdagan pa, maraming taong mahal na may dugong bughaw, na mga banta rin sa trono, ang ikinulong sa Tore at pinatay sa entabladong bitayan.

Nang maging hari ang batang anak ni Henry, ang Protestanteng si Edward VI, ipinagpatuloy niya ang malulupit na pagpatay. Namatay siya pagkatapos ng anim na taon at hinalinhan ng anak na babae ni Henry na si Mary, isang masigasig na Romano Katoliko. Hindi siya nag-aksaya ng panahon sa pagpugot sa ulo ng 16-na-taóng-gulang na si Lady Jane Grey at sa batang asawa nito, mga taong kinasangkapan sa pag-aagawan ng kapangyarihan. Ngayon naman ay panahon na para mamatay ang mga kaaway na Protestante. Gumugol ng maraming balisang mga linggo sa Tore ang kapatid sa ama ni Mary na si Elizabeth bago siya palayain, ngunit nang maging reyna na siya, ipinabilanggo at ipinapatay niya ang mga ayaw tumalikod sa kanilang pananampalatayang Katoliko o ang mga sumalansang sa kaniyang pamamahala.

Bagaman libu-libo ang ibinilanggo sa Tore, limang babae at dalawang lalaki lamang ang pinugutan ng ulo sa loob ng bakuran nito, anupat nakaligtas sa kahihiyang bitayin sa harap ng madla. Mga reyna ang tatlo sa mga babae​—sina Anne Boleyn, Catherine Howard at, pagkatapos maghari nang siyam na araw lamang, si Jane Grey. Ginanap ang karamihan sa iba pang mga pagbitay, karaniwan nang mga pagpugot ng ulo, sa kalapit na Tower Hill at pinanonood ng pagkalaki-laki at magugulong pulutong. Itinatanghal ang pugot na ulo sa tulos sa London Bridge bilang babala sa iba, at ang bangkay na walang ulo ay ibinabalik sa Tore para ilibing sa ilalim ng sahig ng kapilya. Sa bandang huli, mahigit sa 1,500 bangkay ang nailibing doon.

Pinahihirapan kung minsan ang mga bilanggo upang magtapat, na kadalasan ay may opisyal na pahintulot. Noong 1605, si Guy Fawkes, na nagtangkang pasabugin ang hari at ang Parlamento sa Gunpowder Plot, ay inilagay sa kasangkapang pahirapan sa Tore na bumabanat sa katawan upang mapilitan siyang ibunyag ang mga pangalan ng kaniyang mga kasabuwat bago siya patayin.

Sa maikling panahon noong mga taon ng ika-17 siglo, sumailalim ang Inglatera at ang Tore sa pamamahala ni Oliver Cromwell at ng mga Parlamentaryo, subalit pagkatapos na muling mailuklok sa trono si Charles II, mas kakaunting bilanggo ang ipinadala sa Tore. Naganap noong 1747 ang pinakahuling pagpugot ng ulo sa Tower Hill, subalit ang papel ng Tore bilang bilangguan ng estado ay hindi pa tapos. Noong unang digmaang pandaigdig, 11 espiyang Aleman ang ikinulong doon at pinatay sa pamamagitan ng firing squad. Noong ikalawang digmaang pandaigdig, sandaling ikinulong sa Tore ang mga preso ng digmaan, kabilang na si Rudolf Hess, ang diputadong reichsführer ni Hitler. Ang pinakahuling biktimang pinatay sa loob ng mga pader nito ay ang espiya na si Joseph Jakobs, na binaril noong Agosto 1941.

Ang mga Yeoman Warder at ang mga Hiyas ng Hari at Reyna

Sa pasimula pa lamang ng Tore, binabantayan na ng mga warder kapuwa ang mga bilanggo at ang mga gusali. Subalit ang pinagmulan ng mga pantanging piniling mga yeoman warder ay matatalunton noon pang 1485. Nang panahong iyon, ang mga bilanggo ay kadalasang dumaraan sa ilog at pumapasok sa Tore sa Traitor’s Gate. Kapag pabalik na ang akusado mula sa kaniyang paglilitis, tinitingnan ng mga manonood kung paano dinadala ng yeoman gaoler (tagapagbilanggo) ang kaniyang palakol. Ang talim na nakaharap sa bilanggo ay tanda na may bibitayin na naman.

Binabantayan pa rin sa ngayon ng mga yeoman warder ang Tore ngunit nagsisilbi silang mga giya na maraming nalalaman para sa maraming bisita. Sa seremonyal na mga okasyon, isinusuot nila ang kanilang maringal at naiibang unipormeng Tudor na tunikang kulay-iskarlata at kulay-ginto na may mataas at puting rapols na kuwelyo, ngunit nagbibihis sila ng kanilang mga unipormeng Victorian na kulay matingkad na asul at pula para sa kanilang pangkaraniwang mga tungkulin. Kilalang-kilala ang mga warder bilang mga tagakain ng karneng-baka (beefeater), bansag na nagsimula marahil bilang salitang pang-alipusta noong mga panahon ng taggutom. Habang kinakapos ng pagkain ang mga taga-London, lagi namang binibigyan ang mga yeoman warder ng rasyon nila ng karneng-baka upang matiyak na mananatili silang tapat sa monarkiya.

Ang yeoman na tagapag-alaga ng uwak ang nag-aasikaso sa malalaking uwak sa Tore. May pamahiin na kapag umalis ang mga ibon sa Tore, may sasapit na kapahamakan sa Inglatera, kung kaya ginugupit ang mga pakpak ng mga ito.

Binabantayan ng mga warden ng Jewel House ang bantog na mga hiyas ng hari at reyna sa Britanya, na nakadispley sa publiko noon pang ika-17 siglo. Ang pinakamalaki at de-kalidad na tinabas na diamante sa daigdig, ang Cullinan I, ang isa sa mamahaling mga bato sa mga korona, mga globong may krus, at mga setro na ginagamit pa rin ng maharlikang pamilya.

Zoo, Pagawaan ng Barya, at Pagawaan at Imbakan ng mga Armas

Sa unang mga taon ng ika-13 siglo, nag-alaga ng mga leon si Haring John sa Tore, ngunit nagsimula lamang ang maharlikang koleksiyon ng mababangis na hayop nang tumanggap ang kaniyang kahalili, si Henry III, ng tatlong leopardo, isang osong polo, at isang elepante mula sa mga soberano ng Europa. Bagaman ang mga hayop ay nilayon para libangin ang hari at ang kaniyang mga kasama, nang maligo ang oso sa Thames habang nakatali para manghuli ng isda, naging panoorin ito ng buong London. Mas marami pang mga hayop na galing sa ibang bansa ang dumating sa paglipas ng mga taon, at bukás sa publiko ang koleksiyon ng mababangis na hayop mula pa noong panahon ni Reyna Elizabeth I. Isinara ito noong mga taon ng 1830 nang ilipat ang mga hayop sa bagong bukás na zoo sa Regent’s Park sa London.

Sa loob ng mahigit na 500 taon, ang pangunahing sangay ng Royal Mint ay nasa loob ng bakuran ng Tore. Ang isa sa pinakaabalang panahon nito ay noong paghahari ni Henry VIII, nang gumawa ito ng mga barya mula sa pilak na kinumpiska sa mga monasteryong kabubuwag lamang. Nag-ingat din ang Tore ng mahahalagang legal na dokumento ng Estado at gumawa at nag-imbak ng mga kagamitang militar para sa hari at sa kaniyang hukbo.

Alaala ng Kahapon

Ang Tore ng London ay isa sa pangunahing atraksiyon sa mga turista sa Britanya. Halos walang pinagbago ang hitsura nito mula noong sinaunang panahon, kaya kapag naglalakad ang isa sa madidilim at kulay-abong mga tore at mga lansangang gawa sa batong bilog-lapad, hindi maiiwasang sumagi sa isipan ang dinanas na karahasan, paghihirap, at trahedya ng mga tao sa loob ng mga pader ng Tore noong lumipas na mga dantaon. Nakabuod ang maligalig na kahapon nito sa kinalalagyan ng entabladong bitayan sa Tower Hill. Inaalaala ng isang maliit na plake roon ‘ang kalunus-lunos na kasaysayan, at sa maraming pagkakataon ang pagiging martir, ng mga nagsapanganib at nagbuwis ng kanilang mga buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya, bayan, o mithiin.’

[Mga larawan sa pahina 13]

Anne Boleyn

Catherine Howard

Jane Grey

William Penn

[Credit Lines]

Boleyn at Howard: From the book Heroes of the Reformation, 1904; Grey: From the book The World’s Famous Events; Penn: From the book The Library of Historic Characters and Famous Events, Vol. V, 1895

[Larawan sa pahina 13]

Isang apartment sa tore na ginamit nang maglaon para sa mga bilanggo

[Credit Line]

Copyright Historic Royal Palaces

[Larawan sa pahina 14]

Ang “yeoman gaoler”

[Credit Line]

Copyright Historic Royal Palaces

[Larawan sa pahina 15]

Ilan sa mga hiyas ng hari at reyna

[Credit Line]

Crown ©/The Royal Collection © 2004, Her Majesty Queen Elizabeth II

[Larawan sa pahina 15]

Barya noong ika-16 na siglo na may larawan ni Henry VIII

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Itaas: © London Aerial Photo Library/CORBIS; nakasingit na larawan: Copyright Historic Royal Palaces