Bakit Kaya Napakaraming Malulungkot na Tao?
Bakit Kaya Napakaraming Malulungkot na Tao?
SA KASALUKUYANG lipunan, marami ang nakadarama ng kalungkutan. Apektado nito ang mga tao anuman ang kanilang edad o lahi, antas sa lipunan, o relihiyosong paniniwala. Nalungkot ka na ba? Nalulungkot ka ba ngayon? Ang totoo, tayong lahat sa paanuman ay nakaranas nang makadama na kailangan natin ng kasama—ng isa na makikinig, magpapalakas-loob o marahil sasang-ayon sa ating nadarama o iniisip, at makauunawa sa atin bilang isang indibiduwal. Kailangan natin ng isang magmamalasakit sa ating damdamin.
Subalit hindi naman dahil nag-iisa ay malungkot na tayo. Ang isang tao ay maaaring nag-iisa sa loob ng mahabang panahon, anupat nasisiyahan sa mga bagay na kaniyang ginagawa, nang hindi man lamang nakadarama ng lungkot. Sa kabaligtaran, may mga tao namang hindi makatagal nang nag-iisa. Ganito ang sabi ng The American Heritage Dictionary: “Ang pag-iisa ay nagdiriin ng pagiging hiwalay sa iba subalit hindi naman laging nagpapahiwatig ng kawalan ng kaligayahan. . . . Ang malungkot ay karaniwang nagpapahiwatig ng pagharap sa masakit na katotohanan ng pagiging nag-iisa . . . Ang malungkutin naman ay nagdiriin ng nakapipighating paghahangad na magkaroon ng kasama,” samakatuwid nga, isang kalagayan ng pagdadalamhati, pamimighati, o pamamanglaw. Ang puso ng taong ito ay kailangang aliwin sa pamamagitan ng tapat at maibiging pagdamay upang ito’y sumiglang muli. Pinakahuli, ang pagsosolo ay binibigyang-katuturan bilang isang kalagayan na “kadalasang pinagsamang kahulugan ng malungkot at malungkutin . . . Gayunman, malimit na binibigyang-diin nito ang pisikal na paglayo sa iba na kusa niyang ginagawa.”
Ang kalungkutan ay isang matinding damdamin, at maaari itong magdulot ng masidhing kirot. Ito ay pagkadama ng pangungulila. Ang pakiramdam na nag-iisa at napapalayo sa iba. Maaari itong magpahina at magdulot ng takot sa atin. Nakadama ka na ba ng ganito? Ano ba ang dahilan ng kalungkutan?
Ang mga problema, situwasyon, at mga kalagayan ay may iba’t ibang epekto sa mga tao. Marahil ay nadarama mong nilalayuan ka ng iyong mga kasamahan dahil sa iyong pisikal na hitsura, lahi, o relihiyon. Ang pagbabago ng mga kapaligiran—gaya ng pagpasok sa isang bagong paaralan, pagsisimula ng isang bagong trabaho, o paglipat sa isang bagong komunidad, lunsod, o bansa—ay maaaring magdulot ng kalungkutan dahil kailangan mong iwan ang iyong dating mga kaibigan. Ang pagkamatay ng magulang o asawa ay nagdudulot ng kalungkutan, marahil sa loob ng maraming taon. Gayundin, habang tumatanda tayo, ang ating mga kaibigan at mga kakilala ay nababago, umuunti, o nawawala.
Ang pag-aasawa ay hindi laging nangangahulugang malaya na tayo mula sa kalungkutan. Ang di-pagkakaunawaan o di-pagkakasundo ay maaaring magdulot ng igting na magbubunga ng pag-aalinlangan at maging dahilan pa nga ng pagkakaniya-kaniya ng mga mag-asawa at mga anak. Subalit bukod sa kalungkutang dulot ng pagkamatay ng isang minamahal, diborsiyo, o pisikal o emosyonal na pagsosolo, may isa pang uri ng kalungkutan na maaaring magkaroon ng napakatinding epekto sa atin. Lumilitaw ito kapag ang ating kaugnayan sa Diyos ay humihina at parang napapahiwalay na tayo sa kaniya.
Naranasan mo na ba ang alinman sa mga situwasyong binanggit sa itaas? Posible kayang mapaglabanan ang kalungkutan?
[Mga larawan sa pahina 4]
Ang iba’t ibang pagbabago sa buhay, gaya ng pagpasok sa isang bagong paaralan o pagkamatay ng asawa, ay maaaring magdulot ng kalungkutan