Marco Polo—Naglakbay sa Daang Seda Patungong Tsina
Marco Polo—Naglakbay sa Daang Seda Patungong Tsina
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
Tatlong lalaki ang bumaba sa barkong nasa pantalan sa Venice. Walang isa mang nagmamadali upang sumalubong sa kanila. Ang pagbabalik nila sa kanilang tinubuang-bayan pagkalipas ng 24 na taóng pangingibang-bayan ay hindi sana mapupuna kung hindi lamang dahil sa kakaiba nilang pananamit na nakatatawag ng pansin. Suot ang gula-gulanit na mahahabang damit na gawa sa dati’y pinong seda, sa istilong Mongol, sila ay may “di-matututulang pagkakahawig sa mga Tartar kapuwa sa kanilang bikas at paraan ng pagsasalita, palibhasa’y halos nalimutan na nila ang kanilang wikang Venetian,” ayon sa isang reperensiya. Ang mga manlalakbay na ito ay si Marco Polo, ang kaniyang ama, at ang kaniyang tiyuhin. Ang taon ay 1295.
ANG mga kuwento ng mga Polo hinggil sa kanilang mga paglalakbay sa malayong Cathay, ngayo’y Tsina, ay tila di-kapani-paniwala sa kanilang mga kontemporaryo. Ang talâ ng personal na mga karanasan ni Marco—may orihinal na pamagat na Description of the World at nang dakong huli’y tinawag na Travels of Marco Polo—ay bumabanggit hinggil sa di-kilalang mga sibilisasyon na napakayaman, sagana sa mga kalakal na ninanasa ng mga mangangalakal sa Kanluran. Ang kaniyang aklat ay nagkaroon ng napakalakas na impluwensiya sa imahinasyon ng mga taong nakabasa nito. Sa loob ng 25 taon pagkabalik ni Marco, makukuha ang bersiyong manuskrito sa wikang Pranses-Italyano, Pranses, Latin, Tuscan, Venetian, at malamang sa wikang Aleman—isang di-mapapantayang tagumpay noong Edad Medya. Ang kaniyang aklat ay kinopya nang sulat-kamay sa loob ng dalawang siglo at mula noong 1477, patuluyan itong inilimbag sa marami pang wika. Si Marco Polo ang malamang na pinakatanyag na taga-Kanluran na nakapaglakbay sa Daang Seda patungong Tsina. Bakit niya ginawa ang gayong paglalakbay? At kapani-paniwala ba ang lahat ng inaangkin niyang nakita at naisagawa?
Mga Mangangalakal ng Venice
Noong ika-13 siglo, maraming mangangalakal mula sa Venice ang nanirahan sa Constantinople, ngayo’y Istanbul, at nagkamal ng kayamanan doon. Kabilang sa kanila sina Niccolò at Maffeo Polo, ang ama at ang tiyuhin ni Marco. Noong mga 1260, ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian sa lugar na iyon, namuhunan sa mga alahas, at naglakbay sa Ilog Volga patungo sa Sarai, ang kabisera ng kanluraning bahagi ng lupaing sakop ng khan ng Imperyong Mongol. Umunlad ang kanilang negosyo, at nadoble nila ang kanilang mga pag-aari. Palibhasa’y hindi makauwi sa Constantinople dahil sa digmaan, naglakbay sila pasilangan, malamang na sakay ng mga kabayo, patungo sa Bukhara, isang malaking lunsod ng komersiyo na ngayo’y nasa Uzbekistan.
Hindi sila nakaalis doon sa loob ng tatlong taon dahil sa kaguluhan, hanggang sa mapadaan sa Bukhara ang mga sugo na makikipagkita kay Kublai—ang Dakilang Khan ng lahat ng Mongol, na may nasasakupang lupain mula Korea hanggang Poland. Inanyayahan ng mga sugo sina
Niccolò at Maffeo na sumama sa kanila, yamang, ayon sa salaysay ni Marco, ang Dakilang Khan ay wala pang nakikilalang “Latino”—malamang na nangangahulugang taga-timog Europa—at malulugod itong makipag-usap sa kanila. Umabot nang isang taon ang paglalakbay ng mga Polo patungo sa looban ni Kublai Khan, apo ni Genghis Khan, ang tagapagtatag ng Imperyong Mongol.Malugod na tinanggap ng Dakilang Khan ang magkapatid na Polo at marami siyang itinanong sa kanila hinggil sa Kanluran. Binigyan niya sila ng isang tapyas na ginto bilang pases at ipinagkatiwala sa kanila ang isang liham na humihiling sa papa na magpadala ng “isandaang matatalinong lalaki, naturuan sa kautusan ni Kristo at may kaalaman sa pitong sining upang mangaral sa bayan [ni Kublai].”
Samantala, ipinanganak si Marco. Labinlimang taóng gulang siya nang una niyang makita ang kaniyang ama, noong 1269. Nang muli silang dumating sa mga teritoryong “Kristiyano,” nabalitaan nina Niccolò at Maffeo na namatay na si Pope Clement IV. Naghintay sila sa kahalili nito, subalit ang tatlong-taóng pagkakabakanteng ito sa posisyon ng papa ang pinakamatagal sa kasaysayan. Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1271, sila ay umalis at nagbalik sa Dakilang Khan, kasama ang 17-taóng-gulang na si Marco.
Ang Paglalakbay ni Marco
Sa Acre, Palestina, isang prominenteng pulitiko sa simbahan, si Teobaldo Visconti, ang nagbigay sa mga Polo ng mga liham para sa Dakilang Khan na nagpapaliwanag kung bakit hindi matupad ng mga Polo ang kaniyang kahilingan na magpadala ng isandaang matatalinong lalaki. Nang makarating sila sa Asia Minor, nabalitaan nila na si Visconti mismo ang nahalal bilang papa, kaya nagbalik sila sa kaniya sa Acre. Sa halip na isandaang pantas na lalaki, nagpadala lamang ang bagong papa, si Gregory X, ng dalawang prayle na may kapangyarihang mag-orden ng mga pari at obispo at pinagkalooban niya ang mga ito ng wastong mga kredensiyal at kaloob para sa Khan. Muling humayo ang pangkat, subalit di-nagtagal ay umurong ang mga prayle dahil sa takot sa mga digmaang nananalanta sa mga rehiyong iyon. Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Polo.
Naglakbay ang tatlo sa mga lupaing tinatawag ngayong Turkey at Iran at lumusong patungong Gulpo ng Persia dahil pinaplano nilang maglakbay sa dagat. Gayunman, nang masuri nilang ang mga bapor ay hindi matibay, “mahina ang kalidad . . . itinali lamang ng mga pisi upang mabuo,” ipinasiya nilang maglakbay sa katihan. Naglalakbay nang pahilaga at pasilangan, binagtas nila ang malalawak na tiwangwang na lupain, mariringal na hanay ng mga bundok, luntiang mga talampas, at ang matatabang pastulan ng Afghanistan at ang Pamirs bago sila nakarating sa Kashgar, na ngayo’y nasa independiyenteng rehiyon ng Xinjiang Uygur sa Tsina. Pagkatapos, dumaan sila sa sinaunang mga ruta ng mga pulutong na naglalakbay sa timog ng Lunas ng Tarim at ng Disyerto ng Gobi hanggang
sa makarating sila sa Cambaluc, ngayo’y Beijing. Tumagal ang buong paglalakbay, na may kasamang napakasamang lagay ng panahon at di-malamang uri ng sakit ni Marco, nang tatlo at kalahating taon.Napansin ni Marco ang interesanteng mga lugar samantalang naglalakbay—ang bundok sa Armenia na sinasabing pinaglapagan ng arka ni Noe, ang diumano’y dakong libingan ng mga Mago sa Persia, mga lupain sa malayong hilaga na may matinding taglamig at halos hindi sinisikatan ng araw. Si Marco ang kauna-unahang awtor ng panitikan sa Kanluran na bumanggit hinggil sa petrolyo. Isiniwalat niya na ang “salamander” ay hindi naman talaga balahibo ng isang hayop na hindi namamatay sa apoy, gaya ng ipinapalagay ng marami, kundi isang mineral
—asbestos—na masusumpungan sa rehiyon ng Xinjiang Uygur. Sagana ang Tsina sa nagniningas na mga batong itim—karbon—anupat posibleng makapaligo ng mainit na tubig araw-araw. Saanman siya magpunta, napapansin niya ang mga palamuti, pagkain, at inumin—lalung-lalo na ang pinakasim na gatas ng kabayo ng mga Mongol—gayundin ang mga ritwal sa relihiyon at mahika, ang kalakalan, at ang ipinagbibiling mga paninda. Ang isang bagay na lubhang bago sa kaniya ay ang salaping papel na ginagamit sa nasasakupan ng Dakilang Khan.Hindi kailanman isinisiwalat ni Marco ang personal niyang mga pangmalas kundi inilalahad ang kaniyang mga nakikita at naririnig nang hindi isinasangkot ang kaniyang damdamin. Maaari lamang nating hulaan kung ano ang nadama niya nang lusubin sila ng mga mandarambong na bumihag sa ilan sa kaniyang mga kasama at pumaslang naman sa iba.
Naglingkod kay Kublai Khan?
Inaangkin ni Marco na naglingkod ang mga Polo nang 17 taon kay Kublai Khan, o sa Dakilang Khan. Sa loob ng panahong iyon, malimit na isinusugo ng Dakilang Khan si Marco sa malalayong bahagi ng imperyo sa misyong mangalap ng impormasyon, at pinamahalaan pa nga niya ang tinatawag ngayong lunsod ng Yang-chou, Probinsiya ng Jiangsu.
Pinagtatalunan pa kung nagsasabi nga ng buong katotohanan si Marco. Walang tiwala ang mga Mongol sa mga Tsino na sinakop nila, at umuupa pa sila ng mga banyaga upang mamahala sa kanilang imperyo. Subalit tila malayong mangyari na maging gobernador si Marco, isang lalaking walang pinag-aralan. Malamang na pinalabis lamang niya ang kaniyang ranggo. Gayunman, kinikilala ng mga iskolar na siya ay maaaring naging “isang kapaki-pakinabang na kinatawan sa paanuman.”
Magkagayunman, nailarawan ni Marco ang ningning ng malalaking lunsod na ubod ng yaman at may napakapambihira at paganong mga kaugalian na masusumpungan sa isang daigdig na lubhang ipinagwawalang-bahala ng Kanluran o naririnig lamang sa mga pabula at sabi-sabi. Talaga nga kayang umiral ang gayong mataong mga sibilisasyon na mas mayaman pa sa Europa? Tila imposible ito.
Ang palasyo ng Dakilang Khan “ang pinakamalaking Palasyo na kailanma’y naitayo,” ang sabi ni Marco. “Ang gusali ay lubhang napakalawak, napakarangya, at napakaganda, anupat walang sinuman sa lupa ang makapagdidisenyo ng anupamang nakahihigit dito.” Ang mga pader nito ay nababalutan ng ginto at pilak, inukit at pinalamutian ng mga larawan ng mga dragon, mga hayop at ibon, at mga kabalyero at idolo na tinubog sa ginto. Ang matayog nitong bubong—na kulay bermilyon, dilaw, berde, at asul—ay kumikinang na gaya ng kristal. Ang magagandang parke nito ay punung-puno ng iba’t ibang uri ng mga hayop.
Di-tulad ng paliku-likong mga iskinita sa Europa noong Edad Medya, ang mga lansangan sa Cambaluc ay tuwid na tuwid at napakalawak anupat makikita ng isang tao ang mga pader ng dalawang lunsod sa magkabilang dulo ng lansangan. Dito “dinadala ang mas mamahalin at mas di-pangkaraniwan, at mas maraming kasangkapan . . . , kaysa sa iba pang lunsod sa daigdig,” ang sabi ng taga-Venice. “Walang araw sa isang taon na hindi pumapasok sa lunsod ang 1000 karitelang ang karga ay seda pa lamang.”
Nakagugulat ang bilang ng mga barko na naglalayag sa Ilog Yangtze, isa sa pinakamahabang ilog sa daigdig. Tinataya ni Marco na hanggang 15,000 barko ang maaaring dumaong sa puwerto ng Sinju.
Isa sa mga kaugalian ng mga Mongol na binanggit ni Marco ay ang pagkakasal sa namatay nang mga anak. Kapag namatayan ang isang pamilya ng anak na lalaki na apat na taóng gulang pataas at isa pang pamilya ang namatayan naman ng anak na babae na gayundin ang edad, maaaring ipasiya ng
mga ama na ipakasal ang namatay nang mga anak, at pagkatapos ay gumawa ng kontrata sa pag-aasawa at nagdaraos ng malaking handaan. Maghahandog sila ng mga pagkain, at magsusunog ng papel na pigura ng mga alipin, salapi, at mga gamit sa bahay, sa paniniwalang ang mga ito ay magiging pag-aari ng “mag-asawa” sa tinatawag na kabilang daigdig.Lubhang humanga si Marco sa kasanayang pangmilitar, mga sistema ng pamamahala, at pagpaparaya sa relihiyon ng mga Mongol. Kabilang sa pambihirang nagawa nila sa lipunan at ekonomiya ang pagbibigay ng tulong sa mahihirap at mga maysakit, mga patrolya laban sa sunog at kaguluhan, nakareserbang mga imbakan ng butil upang pagaanin ang kahirapang dulot ng mga pagbaha, at isang sistema ng koreo para sa mabilis na komunikasyon.
Bagaman batid niya ang mga pagtatangka ng mga Mongol na salakayin ang Hapon, hindi inangkin ni Marco na nakarating siya roon. Gayunman, sinabi niya na napakaraming ginto sa Hapon anupat ang palasyo ng emperador ay lubusang binubungan at pinalitadahan ng ginto. Ang aklat ni Marco ang nag-iisang akda sa Kanluran na bumanggit sa Hapon bago ang ika-16 na siglo.
Ang aklat ni Marco ay kapuwa hinangaan at hinamak sa loob ng daan-daang taon. Matapos suriin ang lahat ng di-kawastuan nito, tinukoy ng mga iskolar sa ngayon ang aklat bilang “isang di-mapapantayang paglalarawan” sa pamamahala ni Kublai nang nasa tugatog ito ng kapangyarihan.
Pagbabalik sa Venice
Umalis ang mga Polo sa Tsina noong mga 1292. Binabanggit ni Marco na tumagal nang 21 buwan ang ekspedisyon, na nagsimula sa lugar na ngayo’y tinatawag na Quanzhou, sandaling tumigil sa Vietnam, Malay Peninsula, Sumatra, at Sri Lanka, at pagkatapos ay dumaan sa baybayin ng India patungong Persia. Dinala sila ng huling yugto ng kanilang paglalakbay sa Constantinople at sa wakas ay sa Venice. Palibhasa’y napalayo sila nang 24 na taon, hindi kataka-taka na halos hindi sila nakilala ng kanilang mga kamag-anak. Si Marco ay 41 o 42 taóng gulang na nang panahong iyon.
Mahirap tayahin kung gaano kalayo ang nilakbay ni Marco. Sinubok kamakailan ng isang manunulat na taluntunin ang ruta na dinaanan ni Marco at naglakbay siya nang 10,000 kilometro sa pagitan lamang ng Iran at Tsina. Gumamit man ng modernong uri ng mga transportasyon, isa pa rin itong gawaing puno ng balakid.
Ang aklat ni Marco ay sinasabing idinikta sa isang nagngangalang Rustichello sa isang bilangguan sa Genoa noong 1298. Ayon sa tradisyon, nabihag si Marco sa isang pagbabaka sa dagat laban sa mga taga-Genoa, na may pakikipag-alit sa mga taga-Venice, samantalang pinangangasiwaan niya ang isang barko sa Venice. Si Rustichello, na kasama niya sa bilangguan, ay may karanasan sa pagsulat ng mga kuwento sa anyong prosa sa wikang Pranses o Pranses-Italyano, at maliwanag na napasigla siyang magsulat dahil sa kaniyang pakikisalamuha kay Marco.
Malamang na napalaya si Marco noong 1299 nang magkasundo ang Venice at Genoa. Nagbalik siya sa Venice, nag-asawa, at nagkaroon ng tatlong anak na babae. Namatay siya sa kaniyang tinubuang-lunsod noong 1324 sa edad na 69.
Nagdududa pa rin ang ilang tao kung talaga nga kayang ginawa ni Marco ang lahat ng kaniyang sinabi o basta naglahad lamang siya ng mga kuwentong narinig niya sa ibang manlalakbay. Subalit anupaman ang pinagkunang impormasyon ng Description of the World ni Marco Polo, kinikilala ng mga iskolar ang kahalagahan nito. “Hindi pa kailanman nakapagbigay ang sinuman ng gayon kalawak na kalipunan ng bagong kaalaman sa heograpiya sa Kanluran,” ang sabi ng isang istoryador. Ang aklat ni Marco Polo ay nananatiling isang patotoo sa pagkabighani ng tao sa paglalakbay, bagong mga tanawin, at malalayong lupain.
[Mapa sa pahina 24, 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang mahabang paglalakbay ni Marco patungong Tsina
Samantalang nasa Tsina
Paglalakbay pauwi
ITALYA
Genoa
Venice
TURKEY
Istanbul (Constantinople)
Trabzon
Acco (Acre)
(Sarai)
GEORGIA
Bdk. Ararat
IRAN (PERSIA)
Gulpo ng Persia
AFGHANISTAN
UZBEKISTAN
Bukhara
PAMIRS
Kashgar
LUNAS NG TARIM
DISYERTO NG GOBI
MONGOLIA
(KOREA)
TSINA (CATHAY)
Beijing (Cambaluc)
Yang-chou
Ilog Yangtze
Quanzhou
MYANMAR
VIETNAM
MALAY PENINSULA
SUMATRA
SRI LANKA
INDIA
[Credit Line]
Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 24]
Venice
[Larawan sa pahina 24, 25]
Bdk. Ararat
[Credit Line]
Robert Azzi/Saudi Aramco World/PADIA
[Larawan sa pahina 24]
Babaing taga-Mongolia
[Credit Line]
C. Ursillo/Robertstock.com
[Larawan sa pahina 24, 25]
Bangkero, Myanmar
[Larawan sa pahina 25]
Ang Great Wall ng Tsina
[Larawan sa pahina 25]
Beijing
[Larawan sa pahina 25]
Vietnam
[Larawan sa pahina 25]
Mga pampalasa ng India
[Mga larawan sa pahina 26]
Mga mangangabayong Tsino, si Kublai Khan, ang Ilog Yangtze
[Credit Lines]
Mga mangangabayo: Tor Eigeland/Saudi Aramco World/PADIA; Kublai Khan: Collection of the National Palace Museum, Taiwan; Ilog Yangtze: © Chris Stowers/Panos Pictures
[Picture Credit Line sa pahina 23]
© Michael S. Yamashita/CORBIS
[Picture Credit Line sa pahina 27]
© 1996 Visual Language