Mga Gulong—Maaaring Nakasalalay Rito ang Iyong Buhay!
Mga Gulong—Maaaring Nakasalalay Rito ang Iyong Buhay!
GUNIGUNIHIN na nakatali ka sa loob ng isang hininang na hawla na gawa sa bakal at salamin, katabi ang mga lalagyang naglalaman ng mga asido at likidong madaling magliyab. Ngayon, ibitin ang nakamamatay na hawlang ito nang mga ilang sentimetro mula sa lupa at patakbuhin ito sa bilis na mga 30 metro bawat segundo. Kahuli-hulihan, hayaan mong tumakbo nang mabilis ang iyong makina kasabay ng nakakatulad na mga makina habang dumaraan naman ang iba pang mga gaya nito sa kabilang direksiyon!
Sa diwa, ganiyan ang ginagawa mo sa tuwing lulan ka ng iyong sasakyan at nagmamaneho sa haywey. Ano ang nakatutulong sa iyo na mapanatili ang kontrol at maging panatag habang nagmamaneho? Sa malaking antas, ang iyong mga gulong.
Kung Ano ang Ginagawa ng mga Gulong
Iba’t ibang mahahalagang bagay ang ginagawa ng mga gulong. Hindi lamang nito pinapasan ang bigat ng iyong sasakyan kundi ipinagsasanggalang din ito mula sa mga bakô, lubak, at di-magagandang daan. Higit sa lahat, ang iyong mga gulong ay nagbibigay ng kinakailangang kapit upang makatakbo, makaliko, makahinto, at magkaroon ng kontrol sa direksiyon ang iyong sasakyan sa iba’t ibang kondisyon ng daan. Gayunman, maliit na bahagi lamang ng iyong gulong—mga kasinlaki ng isang postkard—ang sumasayad sa lupa sa anumang pagkakataon.
Sa pagkaalam sa kahalagahan ng mga ito, ano ang magagawa mo upang mapanatiling tumatakbo nang mahusay at ligtas ang iyong mga gulong? At kapag sumapit ang panahon, paano ka makapipili ng tamang mga gulong para sa iyong sasakyan? Bago natin sagutin ang mga tanong na ito, saglit nating tingnan ang kasaysayan ng gulong.
Mga Unang Tagapagpasimula ng Gulong na Goma
Bagaman libu-libong taon nang ginagamit ang mga gulong, ang ideya ng pagkakabit ng goma sa palibot ng rim ng mga gulong ng sasakyan ay masasabing kamakailan lamang ginawa. Unang ikinabit ang natural na goma sa mga gulong na gawa sa kahoy o bakal noong unang mga taon ng ika-19 na siglo. Pero mabilis itong maupod, kaya waring malabo ang kinabukasan ng mga gulong na nababalutan ng goma—gayon ang kalagayan, hanggang sa pagdating ni Charles Goodyear, isang determinadong imbentor mula sa Connecticut, E.U.A. Noong 1839, natuklasan ni Goodyear ang prosesong nakilala bilang vulcanization, kung saan ang goma ay binabantuan ng asupre, habang isinasailalim ito sa init at presyon. Dahil sa prosesong ito, naging mas madaling hubugin at lubhang naging matibay ang goma. Naging mas popular ang solidong gulong na goma, pero matagtag namang sumakay sa mga sasakyang gumagamit nito.
Noong 1845, nakatanggap ng patente ang inhinyerong taga-Scotland na si Robert W. Thomson para sa kaniyang unang gulong na pneumatic, o nilagyan ng hangin. Subalit naging popular lamang sa mga mamimili ang gulong na pneumatic nang paghusayin ng taga-Scotland na si John Boyd Dunlop ang takbo ng bisikleta ng kaniyang anak. Ipinapatente ni Dunlop ang kaniyang bagong gulong noong 1888 at pinasimulan ang kaniyang sariling kompanya. Magkagayunman, marami pang dapat pasulungin sa gulong na pneumatic.
Isang araw noong 1891, na-flat ang gulong ng isang siklistang Pranses. Sinikap niyang ayusin ito pero nabigo siya yamang permanenteng nakakabit ang goma sa gulong ng bisikleta. Hiningi niya ang tulong ng isang kapuwa Pranses, si Édouard Michelin, na nakilala dahil sa kaniyang ginawa sa vulcanized na goma. Gumugol si Michelin ng siyam na oras upang ayusin ang gulong. Ang karanasang iyon ang gumanyak sa kaniya na gumawa ng isang gulong na pneumatic na puwedeng tanggalin mula sa rim nito para madali itong ayusin.
Napakatagumpay ng mga gulong ni Michelin anupat noong sumunod na taon, 10,000 maliligayang siklista ang gumamit ng mga ito. Di-nagtagal, ikinabit ang mga gulong na pneumatic sa mga karwaheng hinihila ng kabayo sa Paris, na lubha namang ikinalugod ng mga pasaherong Pranses. Noong 1895, upang ipakitang magagamit ang mga gulong na pneumatic sa mga sasakyang de-motor, ikinabit ni Édouard at ng kaniyang kapatid na si André ang mga gulong na ito sa isang kotseng pangarera, pero huli itong nakatapos sa karera. Gayunpaman, manghang-mangha ang mga tao sa kakaibang mga gulong na ito anupat sinikap nilang hiwain at buksan ang mga gulong upang makita lamang kung ano ang itinago ng magkapatid na Michelin sa loob ng mga ito!
Noong mga taon ng dekada ng 1930 at 1940, pinalitan ng matitibay at bagong mga materyales, tulad ng rayon, nylon, at polyester, ang mas mahihinang materyales na gawa sa bulak at natural na goma. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, pinasimulang gawin ang isang gulong na selyadong nakakabit sa rim nito upang hindi sumingaw ang hangin, anupat hindi na kailangan ng interyor na siyang naglalaman ng hangin. Nang maglaon, nakagawa pa ng karagdagang mga pagsulong.
Sa ngayon, mahigit sa 200 likas na materyales ang ginagamit sa paggawa ng gulong. At sa tulong ng makabagong teknolohiya, ipinagmamalaki na ang ilang gulong ay nakatatagal nang 130,000 kilometro o higit pa, samantalang kaya namang batahin ng iba ang bilis na daan-daang kilometro bawat oras sa isang kotseng pangarera. Samantala, ang mga gulong ay nagiging mas mura para sa pangkaraniwang mamimili.
Pagpili ng mga Gulong
Kung mayroon kang sasakyan, maaaring nahihirapan kang pumili ng bagong mga gulong. Paano mo malalaman kung kailangan mo nang palitan ang iyong mga gulong? Sa pamamagitan ng regular na pagsusuri sa iyong mga gulong hinggil sa nakikitang mga palatandaan ng pagkaupod o pagkasira. * Ang mga gumagawa ng gulong ay naglalagay ng mga tagapagpahiwatig sa mga gulong, na karaniwan nang tinatawag na mga wear bar, upang malaman kung dapat nang palitan ang iyong mga gulong. Lumilitaw ang mga wear bar bilang pahalang na solidong mga goma sa ibabaw ng tread ng gulong. Makabubuti ring tingnan kung humihiwalay na ang tread mula sa mismong gulong, kung may umuusli nang mga alambre, mga bukol sa sidewall (gilid ng gulong), at iba pang mga iregularidad. Kung alinman sa mga bagay na ito ang nakita mo, hindi mo dapat gamitin ang sasakyan hangga’t hindi naaayos o napapalitan ang gulong. Kung bago ang binili mong mga gulong, maaaring palitan ng nagbebenta ang sirang gulong sa mas mababang halaga kung mayroon itong warranty.
Makabubuting palitan ang mga gulong nang pares-pares at yaong nakakabit sa iisang ehe. Kung isang bagong gulong lamang ang papalitan mo,
ipares ito sa gulong na may pinakamakapal na tread para maging pantay ang kapit ng gulong kapag pumepreno.Maaaring nakalilito ang paghahanap at pagsusuri sa lahat ng uri, sukat, at modelo ng mga gulong. Gayunman, sa pamamagitan ng pagsagot sa ilang mahahalagang tanong, magiging mas madali itong gawin. Una, repasuhin ang mga mungkahi ng gumawa ng sasakyan. May espesipikong mga kahilingan ang iyong sasakyan na kailangang isaalang-alang, tulad ng sukat ng goma at rim ng gulong, espasyo sa pagitan ng sasakyan at ng lupa, at bigat na kayang dalhin ng sasakyan. Mahalaga rin ang disenyo ng iyong sasakyan. Ang makabagong mga sasakyang may mga antilock brake, traction control, at mga sistemang all-wheel-drive ay dinisenyong gumamit ng mga gulong na may espesipikong mga katangian. Ang mga detalye ng gulong ay karaniwan nang masusumpungan sa manwal ng iyong sasakyan.
Isa pang salik ang mga kondisyon ng daan. Ang iyo bang sasakyan ay pangunahin nang gagamitin sa baku-bako o sementadong mga daan, sa maulan o mainit na lagay ng panahon? Malamang na nagmamaneho ka sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan. Kung gayon, baka kailangan mo ang mga gulong na para sa lahat ng uri ng daan o para sa lahat ng kapanahunan.
Dapat mo ring isaalang-alang ang nakatalang mga rekord ng itatagal at kapit ng mga gulong. Karaniwan na, kapag mas malambot ang tread ng gulong, mas makapit ito, pero mas madali namang maupod. Sa kabilang panig, kapag mas matigas ang tread ng gulong, hindi ito masyadong makapit pero mas malamang na magtagal naman ito. Karaniwan nang masusumpungan ang itinalang mga rekord ng gulong sa mga babasahin sa mga bilihan ng gulong. Dapat mong malaman na magkakaiba ang mga rekord ng gulong depende sa mga gumagawa nito.
Kapag nakapili ka na kung anong uri ng gulong ang kukunin mo, ang presyo na lamang marahil ang siyang huling pagbabasihan mo sa iyong pagbili. Karaniwan nang nagbibigay ng mas mahusay na garantiya sa kalidad at mas magandang warranty ang kilaláng mga gumagawa ng gulong.
Pagmamantini ng Iyong mga Gulong
Tatlong bagay ang nasasangkot sa tamang pagmamantini ng mga gulong: pagpapanatili ng tamang presyon ng hangin, regular na pagpapalit-palit ng mga gulong (tire rotation), at pagpapanatiling wasto ang pagkakabalanse at pagkaka-align ng mga ito. Napakahalaga ng pagpapanatili ng tamang presyon ng hangin sa gulong. Kapag masyadong mataas ang presyon ng gulong, mabilis na mauupod ang tread sa gitna nito. Sa kabilang dako naman, kapag napakababa ng presyon ng gulong, lubhang mauupod ang gulong sa mga gilid nito at pinalalakas nito ang konsumo ng gasolina.
Maaaring mawalan ng kalahating kilo ng presyon o higit pa ang mga gulong buwan-buwan dahil sa
pagsingaw ng hangin sa mismong goma. Kaya huwag ipalagay na masasabi mo kung tama ang hangin ng iyong mga gulong sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa hitsura nito. Ayon sa Rubber Manufacturers Association, “maaaring mawala ang halos kalahati ng presyon ng hangin ng gulong ngunit hindi ito magmukhang flat!” Kaya gumamit ng isang pressure gauge upang masubaybayan ang presyon ng gulong, at gawin ito nang kahit minsan sa isang buwan. Maraming may-ari ng sasakyan ang nag-iingat ng isang gauge sa compartment ng dashboard para madali itong makuha. Palaging suriin ang iyong mga gulong kapag nagpapalit ka ng langis ng makina at kapag malamig ang mga gulong—sa ibang salita, kapag hindi ito tumakbo sa loob ng di-kukulangin sa tatlong oras o kapag pinatakbo ito sa layong wala pang 1.5 kilometro. Karaniwan nang nakatala ang mga detalye hinggil sa presyon ng gulong sa manwal ng sasakyan, sa isang etiketang nakadikit malapit sa poste ng pintuan sa panig ng drayber, o sa compartment ng dashboard. Kung ayaw mong maging matagtag ang pagtakbo ng iyong sasakyan, huwag pahanginan ang iyong gulong sa sagád na presyon nito na nakasaad sa sidewall.Mas magtatagal ang mga gulong at higit na magiging pantay ang pagkaupod ng mga ito kapag regular mong pinagpapalit-palit ang mga ito. Malibang iba ang inirerekomenda ng gumawa ng iyong sasakyan, makabubuting pagpalit-palitin ang mga gulong sa bawat 10,000 hanggang 13,000 kilometro. Muli, tingnan ang manwal ng iyong sasakyan para sa iminumungkahing paraan ng pagpapalit-palit ng gulong.
Kahuli-hulihan, ipasuri taun-taon ang alignment ng iyong mga gulong o kapag napapansin mong may di-pangkaraniwang panginginig o kakaibang pakiramdam sa manibela ng iyong sasakyan. Bagaman ang suspension ng iyong sasakyan ay dinisenyo upang pagpantayin ang mga gulong sa ilalim ng iba’t ibang bigat, ang normal na pagkaupod at pagkaluma ang dahilan kung bakit kailangang suriin at muling i-align ang mga gulong sa pana-panahon. Isang mekanikong may sertipiko hinggil sa suspension at wheel alignment ang makapagpapanatiling nasa tumpak na alignment ang iyong sasakyan, anupat pinatatagal nang husto ang buhay ng iyong gulong at pinagaganda ang takbo ng iyong sasakyan.
“Matatalinong” Gulong
Sa tulong ng mga computer, ang ilang sasakyan ay naghuhudyat sa drayber kapag masyadong mababa ang presyon ng gulong anupat hindi na ito ligtas. Maaaring sandaling tumakbo nang ligtas ang ilang gulong kahit wala itong hangin, at tinatapalan naman ng iba ang sarili nito kapag nabutas ito. Sa katunayan, nagdidisenyo ang mga inhinyero ng mga gulong para sa dumaraming uri ng kalagayan.
Habang ang mga pagsulong sa mga materyales, disenyo ng tread, suspension, steering, at mga sistema ng preno ay ginagamit sa makabagong mga sasakyan, hindi lamang pinadadali ng mga gulong ang pagmamaneho kundi ginagawa pa itong mas ligtas.
[Talababa]
^ par. 15 Tingnan ang tsart sa pahina 21 upang matulungan ka sa pagsusuri sa iyong mga gulong.
[Chart/Mga larawan sa pahina 21]
Listahan sa Pagmamantini ng Gulong
Mga bagay na dapat tingnan:
□ May mga bukol na ba sa sidewall?
□ May mga alambre na bang umuusli sa ibabaw ng tread?
□ Makapal pa ba ang tread anupat ligtas pa itong gamitin, o nakikita na ba ang mga wear bar ng mga gulong?
Isaalang-alang din:
□ Ang presyon ba ng gulong ay yaong iminumungkahi ng gumawa ng sasakyan?
□ Panahon na ba para pagpalit-palitin ang mga gulong? (Gamitin ang iminungkahi ng gumawa ng sasakyan hinggil sa kung kailan at kung paano ito gawin.)
□ Dapat bang palitan ang mga gulong dahil sa pagbabago ng kapanahunan (kung taglamig o tag-araw)?
[Larawan]
“Wear bar”
[Dayagram sa pahina 20]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Bahagi ng Gulong
Tread ang nagbibigay sa gulong ng kapit sa mga daan at sa pagliko
Mga belt ang nagpapatatag at nagpapatibay sa tread
Sidewall ang nagsasanggalang sa gilid ng gulong mula sa pagkasirang idinudulot ng mga daan at bangketa
Body ply ang nagbibigay ng tibay at nababanat ang gulong dahil dito
Inner liner ang nagpapanatili ng hangin sa loob ng gulong
Bead ang tumitiyak na ang goma ay nakakapit at selyado sa mismong rim na pinagkakabitan nito
[Mga larawan sa pahina 19]
Isang sinaunang bisikleta at kotse, na parehong may mga gulong na nilalagyan ng hangin; mga manggagawa sa isang sinaunang pabrika ng gulong
[Credit Line]
The Goodyear Tire & Rubber Company