Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Perpeksiyonismo Gusto ko kayong pasalamatan para sa mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Nadarama Kong Kailangan Akong Maging Perpekto?” at “Paano Ko Maihihinto ang Pagsisikap na Maging Perpekto?” (Hulyo 22 at Agosto 22, 2003) Hindi ko na makaya ang aking labis-labis na pagkabahala na gawin nang perpekto ang mga bagay-bagay; inaalis nito ang aking kagalakan. Sa takot na may masabi akong mali, iniwasan ko pa ngang magkomento sa mga pagpupulong Kristiyano. Lubos akong nagpapasalamat kay Jehova sa mga artikulong ito. Tinutulungan ako ng mga ito na supilin ang aking negatibong kaisipan.
S. M., Italya
Ang mga artikulong ito ang siyang kailangan ko upang tulungan akong malutas ang 50 taon ko nang problema. Akala ko’y wala namang masama sa pagsisikap na maging perpekto—na ibinibigay ko lamang kay Jehova ang aking pinakamagaling. Nagtataka ako kung bakit napakadalas kong magkaproblema sa aking mga anak, katrabaho, at sa mga kapatid na Kristiyano. Natanto ko ngayon na ang ilan sa aking mga pangmalas ay di-timbang at di-kasuwato ng pag-iisip ni Jehova. Dahil ‘lubha akong nagpapakamatuwid,’ nagdulot ako ng kaabahan sa aking sarili at sa iba. (Eclesiastes 7:16) Hindi madaling madaig ang problemang ito, subalit sa tulong ni Jehova, pagsisikapan kong mapagtagumpayan ito.
C. H., Estados Unidos
Totoong-totoo ang mga komento na ang perpeksiyonismo ay maaaring humadlang sa iyo sa paggawa ng mga bagay-bagay! Nasiphayo ako sa loob ng maraming taon, anupat nagtatanong ako kung bakit hindi ko matapos ang mga bagay na gustung-gusto kong gawin. At binanggit sa artikulo ang tungkol sa hindi pagkakaroon ng mga kaibigan—kadalasan ay walang gustong makisama sa akin, ngunit hindi ko maisip kung bakit. Alam ko na ngayon na mayroon akong matagal at mahirap na pakikipagpunyaging haharapin at na tutulungan ako ni Jehova.
L. R., Estados Unidos
Matagal na akong nakikipagpunyagi sa problemang ito, anupat lagi kong nadarama na hindi sapat ang ginagawa ko. Laking ginhawa ko nang malaman kong mayroon din palang iba na nakikipagpunyagi sa perpeksiyonismo.
A. B., Canada
Naunawaan ko na walang sinuman ang maaaring maging perpekto, subalit iba naman ang ibig ipapaniwala sa akin ng damdamin ko. Lubha akong napatibay-loob na mabasa na hindi inaasahan sa atin ni Jehova ang kasakdalan at na ang mahalaga sa kaniya ay kung ano ang nasa ating puso. Nagpapasalamat ako sa mga artikulong ito.
S. K., Alemanya
Dahil sa takot na mabigo, madalas na wala akong nagagawa. Natutuhan ko na ang perpeksiyonismo ay nagiging sanhi ng paulit-ulit na galit, kawalang-pag-asa, depresyon, at mababang pagtingin sa sarili. Hindi ko pa rin lubusang nalulutas ang aking problema, subalit alam ko na gusto kong linangin ang ugaling mapagpatawa kung tungkol sa aking mga pagkakamali.
A. I., Hapon
Dumanas ako ng matinding mental na kaigtingan at kabalisahan. Labis kong kinagagalitan ang aking sarili, na sinasabi, “Wala akong halaga.” Iniharap ng inyong mga artikulo ang isang nakatutulong na pangmalas at mapagmahal na pampatibay-loob. Ang mabigat na pasanin sa aking puso—ang pangangailangang maging perpekto—ay gumaan. Natulungan ako ng mga Kasulatan na baguhin ang aking saloobin at magkaroon ng mas positibong pangmalas.
M. N., Hapon
St. Petersburg Pinasasalamatan namin kayo sa artikulong “St. Petersburg—Ang ‘Bintana sa Europa’ ng Russia.” (Agosto 22, 2003) Sa loob ng dalawang linggo naming honeymoon, nakita namin mismo ang makasaysayang mga tanawin sa St. Petersburg. Ang aming pagdalaw sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, sa Mariinsky Theater, sa State Hermitage Museum, at sa Peterhof ay hindi namin malilimutan. Maraming salamat sa artikulong ito. Nagsilbi itong giya namin sa kahanga-hangang lunsod na ito!
A. at O. S., Russia