Ang Pangmalas ng Bibliya
Nagpapahiwatig ba ng Kawalan ng Pananampalataya ang Kabalisahan?
“BAWAL ANG KABALISAHAN.” Isinulat ng isang pastor noong simula ng ika-20 siglo sa ilalim ng uluhang ito na ang kabalisahan sa materyal na mga bagay ay hindi lamang mali kundi “isang napakabigat na kasalanan.” Nitong kamakailan, sinabi ng isang tagapagmasid na sumulat sa paksang pagdaig sa álalahanín at kabalisahan, “Ang pag-aalala ay deklarasyon na hindi tayo nagtitiwala sa Diyos.”
Sa dalawang pagkakataong ito, isinalig ng mga awtor ang kanilang mga konklusyon sa Sermon ni Jesus sa Bundok, kung saan sinabi niya: “Huwag na kayong mabalisa.” (Mateo 6:25) Yamang napakarami ng dumaranas ng kabalisahan sa ngayon, maitatanong natin: Dapat bang madama ng isang nababalisang Kristiyano na nagkakasala siya? Nagpapahiwatig ba ng kawalan ng pananampalataya ang pagkabalisa?
Nauunawaan ng Diyos ang Ating mga Di-kasakdalan
Hindi itinuturo ng Bibliya na ang kawalan ng pananampalataya ang siyang sanhi ng lahat ng kabalisahan. Dahil nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” halos imposibleng hindi makaranas ng isang antas ng kabalisahan. (2 Timoteo 3:1) Pinagtatagumpayan ng tapat na mga Kristiyano ang pang-araw-araw na kabalisahang sanhi ng mahinang kalusugan, katandaan, mga panggigipit sa ekonomiya, hidwaan sa pamilya, krimen, at iba pang suliranin. Maging noong sinaunang panahon, napaharap ang mga lingkod ng Diyos sa mga pangamba at álalahanín.
Isaalang-alang ang ulat ng Bibliya tungkol kay Lot. Iniutos ng Diyos na tumakas siya sa kabundukan upang hindi malipol sa pagpuksa sa Sodoma at Gomorra. Gayunman, nabalisa si Lot. Sinabi niya: “Pakisuyo, huwag ganiyan, Jehova!” Atubili siyang nagpatuloy: “Ngunit ako—hindi ako makatatakas patungo sa bulubunduking Genesis 19:18-22.
pook dahil baka maabutan ako ng kapahamakan at tiyak na mamatay ako.” Bakit natakot si Lot sa kabundukan? Hindi binabanggit ng Bibliya kung bakit. Anuman ang dahilan, basta’t takot na takot si Lot. Paano tumugon ang Diyos? Sinaway ba si Lot dahil sa kawalan ng pananampalataya o tiwala sa Diyos? Hindi. Sa kabaligtaran, nagpakita si Jehova ng konsiderasyon, anupat pinahintulutang tumakas si Lot sa kalapit na lunsod.—May iba pang mga halimbawa sa Bibliya ng tapat na mga mananamba na sa ilang pagkakataon ay lubhang nabalisa. Ang propetang si Elias ay natakot at tumakas pagkatapos pagbantaang patayin. (1 Hari 19:1-4) Nagpahayag din ng kabalisahan sina Moises, Hana, David, Habakuk, Pablo, at iba pang mga lalaki at babae na may matibay na pananampalataya. (Exodo 4:10; 1 Samuel 1:6; Awit 55:5; Habakuk 1:2, 3; 2 Corinto 11:28) Gayunman, nagpakita ang Diyos ng habag at patuloy silang ginamit sa paglilingkod sa kaniya, sa gayon ay ipinamalas na talagang nauunawaan niya ang mga taong di-sakdal.
“Ang Kasalanan na Madaling Nakasasalabid sa Atin”
Gayunman, ang nagtatagal na kabalisahan ay nakapanghihimagod sa atin at humahantong sa pagkawala ng tiwala sa Diyos. Tinukoy ni apostol Pablo ang kawalan ng pananampalataya bilang “kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin.” (Hebreo 12:1) Dahil isinama ni Pablo ang kaniyang sarili, malamang na inaamin niya na siya mismo paminsan-minsan ay ‘madaling masalabid’ sa mga sandali ng kahinaan ng pananampalataya.
Marahil ay ganito ang nangyari kay Zacarias nang hindi siya naniwala sa anghel na nagsabi sa kaniya na magdadalang-tao ang kaniyang asawa. Hindi nakapagpagaling ang mga apostol ni Jesus sa isang pagkakataon dahil sa kanilang “kakaunting pananampalataya.” Gayunman, patuloy pa ring sinang-ayunan ng Diyos ang mga indibiduwal na ito.—Mateo 17:18-20; Lucas 1:18, 20, 67; Juan 17:26.
Sa kabilang dako, may mga halimbawa rin sa Bibliya ng mga taong nawalan ng tiwala sa Diyos at dumanas ng masasamang bunga. Halimbawa, maraming Israelita na umalis sa Ehipto ang hindi nakapasok sa Lupang Pangako dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya. Tuwiran pa nga silang nagsalita laban sa Diyos sa isang pagkakataon, na nagsasabi: “Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto upang mamatay sa ilang? Sapagkat walang tinapay at walang tubig.” Bilang pahiwatig ng di-pagsang-ayon ng Diyos, nagpadala siya ng mga ahas upang parusahan sila.—Bilang 21:5, 6.
Hindi nagkaroon ng pribilehiyo ang mga tumatahan sa sariling bayan ni Jesus, ang Nazaret, na masaksihang gawin sa kanilang teritoryo ang mas marami pang himala dahil wala silang pananampalataya. Karagdagan pa, matinding tinuligsa ni Jesus ang balakyot na salinlahi ng panahong iyon dahil sa kawalan ng pananampalataya. (Mateo 13:58; 17:17; Hebreo 3:19) Angkop na nagbabala si apostol Pablo: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy.”—Hebreo 3:12.
Oo, sa sukdulang mga kalagayan, ang kawalan ng pananampalataya ay maaaring bunga ng pusong balakyot. Ngunit hindi ganito ang nangyari kay Zacarias at sa mga apostol ni Jesus sa mga halimbawang nabanggit na. Ang kanilang kawalan ng pananampalataya ay dahil sa panandaliang kahinaan. Ipinakita ng kanilang pangkalahatang landasin sa buhay na “dalisay ang puso” nila.—Mateo 5:8.
Batid ng Diyos ang Ating mga Pangangailangan
Tumutulong ang mga Kasulatan upang makita natin ang pagkakaiba ng pangkaraniwang kabalisahan at ng kasalanan ng kawalan ng pananampalataya. Ang pang-araw-araw na kabalisahan o maging ang panandaliang kawalan ng pananampalataya dahil sa kahinaan ng tao ay hindi dapat ipagkamali sa lubusang kawalan ng tiwala sa Diyos na nagmumula sa balakyot at manhid na puso. Kaya naman, hindi kailangang palaging madama ng mga Kristiyano na nagkakasala sila dahil nababalisa sila sa pana-panahon.
Gayunpaman, kailangang mag-ingat upang ang kabalisahan ay hindi labis na tumindi anupat hindi na makayanan at mamayani na sa ating buhay. Kaya matalino ang mga salita ni Jesus nang sabihin niya: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ ” Sinundan niya ito ng nakaaaliw na mga salitang: “Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:25-33.
[Larawan sa pahina 16]
Nakadama ng kabalisahan si apostol Pablo