Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagdaig sa Kalungkutan

Pagdaig sa Kalungkutan

Pagdaig sa Kalungkutan

HINDI madaling daigin ang kalungkutan. Sangkot dito ang matitinding emosyon. Paano kaya makakayanan ng isang tao ang kalungkutan? Ano ang ginawa ng ilan upang daigin ang matinding damdaming ito?

Pagharap sa Kalungkutan

Gusto ni Helen * na mapag-isa kapag gumagawa siya ng ilang desisyon, subalit nadama niyang makasásamâ ang kalungkutan. Noong bata pa siya, hindi sila nag-uusap ng kaniyang mga magulang. Palibhasa’y hindi niya alam kung paano niya makukuha ang kanilang atensiyon, nagkukulong na lamang siya sa kaniyang kuwarto. Ganito ang salaysay niya: “Nagkaproblema ako sa pagkain. Nadaig ako ng depresyon. Sinasabi ko sa aking sarili, ‘Bakit ko nga ba iintindihin ang mga problema ng aking mga magulang gayong hindi naman nila iniintindi ang mga problema ko?’ Pagkatapos ay inisip kong baka malutas ang aking kalungkutan kung mag-aasawa ako. Hinangad kong makapag-asawa upang matakasan ang kalungkutan. Pero napag-isip-isip ko agad: ‘Bakit ko naman sisirain ang buhay ng ibang tao? Kailangan ko muna sigurong ituwid ang aking pag-iisip!’ Humingi ako ng tulong kay Jehova sa panalangin, anupat ipinagtapat kong lahat ang aking pagdadalamhati.

“Nasumpungan ko sa Bibliya ang lubhang nakaaaliw na mga salitang gaya ng nasa Isaias 41:10: ‘Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita. Talagang aalalayan kitang mabuti sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng katuwiran.’ Napakalaking tulong ng mga salitang ito yamang para na rin akong walang ama. Sa ngayon ay regular akong nagbabasa ng Bibliya at nananalangin sa aking makalangit na Ama. Natutuhan kong makayanan ang aking kalungkutan.”

Nagdudulot ng pighati ang pagkamatay ng isang minamahal, anupat maaaring humantong ito sa kalungkutan. Si Luisa, 16 na taóng gulang, ay nagpahayag ng kaniyang pagdadalamhati: “Pinatay ang tatay ko noong ako’y limang taóng gulang. Humanap ako ng kaaliwan sa aking lola, pero hindi ko kailanman nadamang mahal niya ako. Walang nagmamahal sa akin noong ako’y bata pa, na kailangang-kailangan ko pa naman noon. Sa pagitan ng edad na walo at siyam na taon, tatlong ulit akong nagtangkang magpakamatay. Inisip kong ito na siguro ang pinakamabuti kong magagawa para sa aming pamilya yamang nagsusumakit si Inay upang may makain kaming apat na magkakapatid na babae. Saka naman kami napaugnay sa mga Saksi ni Jehova. Isang mag-asawa ang nagmalasakit sa akin. Palagi nilang sinasabi sa akin, ‘Mahalaga ka sa amin at kailangan ka namin.’ Ang mga salitang ‘Kailangan ka namin’ ay nagpalakas sa akin nang husto. Kung minsan ay hindi ko masabi ang aking niloloob sa iba, pero kapag nagbabasa ako ng mga artikulong nakalathala sa Ang Bantayan at Gumising! nagpapasalamat ako kay Jehova, sapagkat mula sa mga publikasyong ito ay nadarama ko ang kaniyang pag-ibig. Gumawa ako ng maraming pagbabago. Nakakangiti na ako ngayon, at nasasabi ko na kay Inay kung ako’y malungkot o masaya. Bumabalik pa rin sa akin ang nakaraan paminsan-minsan pero hindi gaya noon na nagtatangka akong magpakamatay o hindi na ako nakikipag-usap sa aking mga mahal sa buhay. Palagi kong naaalaala ang sinabi ng salmistang si David: ‘Alang-alang sa aking mga kapatid at sa aking mga kasamahan ay magsasalita ako ngayon: “Magkaroon nawa ng kapayapaan sa loob mo.” ’ ”​—Awit 122:8.

Si Martha ay 22 taon nang diborsiyada at may isang anak na pinalalaki nang panahong iyon. “Palagi kong nadaramang wala akong kuwentang tao at nalulungkot sa tuwing maiisip kong nabigo ako sa isang bagay,” ang sabi niya. Paano kaya niya nadaraig ang ganitong mga damdamin? Ipinaliwanag niya: “Nakita kong ang pinakamabuting paraan pala ng pagharap sa mga ito ay na agad itong ipakipag-usap sa Diyos na Jehova. Kapag nananalangin ako, alam kong hindi ako nag-iisa. Mas nauunawaan ako ni Jehova kaysa ng aking sarili. Sinisikap ko ring humanap ng mga paraan upang magpakita ng personal na interes sa iba. Napakalakas na panlaban sa negatibong mga saloobin ang aking buong-panahong ministeryo. Kapag ipinakikipag-usap mo sa iba ang tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos at alam mong ang mga nakikinig sa iyo ay talagang wala nang pag-asa at ipinalalagay nilang hindi na sila kailanman mawawalan ng mga problema, mapag-iisip-isip mong may napakatibay kang dahilan upang naising mabuhay at patuloy na makipaglaban.”

Si Elba, 93 taóng gulang at may kaisa-isang anak na naglilingkod bilang misyonera sa ibang bansa, ay nagsabi sa amin tungkol sa kung paano niya napaglalabanan ang kalungkutan: “Nang tanggapin ng aking anak at ng kaniyang asawa ang paanyayang mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, nakita kong nagliwanag ang kanilang mukha sa kagalakan, at nakigalak naman ako sa kanila. Pagkaraan, nang tumanggap na sila ng atas upang maglingkod sa ibang bansa, medyo nakadama ako ng pagmamaramot. Alam kong mapapalayo na sila sa akin, at nalungkot ako. Para kaming si Jepte at ang kaniyang kaisa-isang anak na babae, na inilarawan sa Hukom kabanata 11. Lumuluha akong nanalangin kay Jehova upang humingi ng tawad. Palaging nakikipag-ugnayan sa akin ang aking mga anak. Alam kong abalang-abala sila, pero saanman sila maglingkod, palagi silang may panahon na balitaan ako, anupat ikinukuwento sa akin ang mga karanasan nila sa paglilingkod sa larangan. Paulit-ulit kong binabasa ang kanilang mga liham. Pakiramdam ko’y kausap ko sila linggu-linggo, at labis ko itong ipinagpapasalamat. Isa pa, kaming matatanda na at may-kapansanan ay inaasikaso ng Kristiyanong mga elder, anupat tinitiyak na kami ay may masasakyan sa pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon at ibinibigay ang aming mga pangangailangan. Itinuturing kong isang pagpapala mula kay Jehova ang aking espirituwal na mga kapatid.”

Makakayanan Mo Rin ang Kalungkutan

Ikaw man ay bata pa o matanda na, may asawa o wala, isang anak na may mga magulang pa o ulila na at ikaw man ay namatayan ng mga mahal sa buhay o dumaranas ng iba pang uri ng kalungkutan, may mga paraan upang madaig ang iyong damdamin. Si Jocabed, 18-taóng-gulang na babae na isa sa anim na miyembro ng kanilang pamilya na iniwan ng kanilang ama upang mangibang bansa, ay nagsabi: “Magsalita ka! Mahalagang masabi natin ang ating niloloob. Kung hindi, walang makauunawa sa atin.” Iminumungkahi niya: “Huwag mong masyadong intindihin ang iyong sarili. Humingi ka ng tulong sa mga maygulang, at hindi sa mga kabataan na baka mas masahol pa ang kalagayan kaysa sa iyo.” Si Luisa, na nabanggit kanina, ay nagsabi, “Ang taimtim na pananalangin kay Jehova ay nagbibigay ng tulong na kailangan natin upang makalusot sa matatawag mong isang daan na walang labasan.” Si Jorge, namatayan ng asawa, ay nagkomento kung paano niya nadaraig ang kalungkutan: “Kailangan ang tiyaga. Nakatutulong sa akin nang malaki ang pagpapakita ng interes sa iba. Ang ‘pagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao’ kapag nakikipag-usap sa iba ay makatutulong upang maging makabuluhan ang ating pakikipag-usap at matuklasan natin ang magagandang katangian ng ibang tao.”​—1 Pedro 3:8.

Maraming bagay ang magagawa upang mapaglabanan ang kalungkutan. Subalit darating pa kaya ang araw na ang kalungkutan ay bahagi na lamang ng nakalipas? Kung oo, paano kaya ito magaganap? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.

[Talababa]

^ par. 4 Binago ang ilang pangalan.

[Blurb sa pahina 8]

“Ang taimtim na pananalangin kay Jehova ay nagbibigay ng tulong na kailangan natin upang makalusot sa isang daan na walang labasan.”​—Luisa

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

Kung Ano ang Magagawa Mo Tungkol sa Kalungkutan

▪ Tandaan na mababago pa ang iyong kalagayan, na hindi ito isang permanenteng situwasyon kundi isang karaniwang kalagayang nararanasan din ng iba.

▪ Huwag maging masyadong mapaghanap sa iyong sarili.

▪ Maging kontento sa iyong sarili sa kabuuan.

▪ Magkaroon ng magandang kaugalian sa pagkain at pag-eehersisyo, at matulog nang sapat.

▪ Gamitin ang panahon ng pag-iisa sa paggawa ng sariling-likhang mga bagay at pag-aaral ng mga bagong kasanayan.

▪ Mag-ingat na huwag hatulan ayon sa dati mong mga karanasan ang mga taong nakikilala mo.

▪ Pahalagahan ang iyong mga kaibigan at ang kani-kanilang pambihirang mga katangian. Sikaping magkaroon ng isang mahusay na grupo ng mga kaibigan. Hingin ang opinyon ng mga nakatatanda at makaranasan.

▪ Gumawa ng mabuti sa iba​—ngumiti sa kanila, magsalita nang may kabaitan, magbahagi sa kanila ng isang ideya mula sa Bibliya. Ang pagkadamang kailangan ka ng iba ay isang panlaban sa kalungkutan.

▪ Iwasang magpantasya tungkol sa mga artista sa pelikula o TV o Internet o mga tauhan sa panitikan, anupat ginuguniguni ang pakikipagrelasyon sa kanila.

▪ Kung may asawa ka na, huwag mong asahang maibibigay ng iyong asawa ang lahat ng iyong emosyonal na pangangailangan. Matutong magbigay at tumanggap, tumulong at sumuporta sa isa’t isa.

▪ Matutong makipag-usap sa iba at maging mabuting tagapakinig. Pagtuunan ng pansin ang ibang tao at ang kanilang mga kapakanan. Magpakita ng empatiya.

▪ Aminin na nalulungkot ka, at makipag-usap sa isang may-gulang na kaibigan, sa isa na mapagkakatiwalaan mo. Huwag mong pahirapan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagsasawalang-kibo.

▪ Iwasang uminom ng maraming alak, o huwag na lamang uminom. Hindi kayang lunurin ng alak ang iyong mga problema​—lulutang uli ang mga iyon mayamaya.

▪ Iwasan ang amor propyo. Patawarin ang mga nakasakit sa iyo, at makipag-ayos. Huwag kang laging nangangatuwiran.

[Larawan sa pahina 6]

Paano kaya makakayanan ng isang tao ang kalungkutan?