Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Concorde—Sa Huling Paglipad Nito

Ang Concorde—Sa Huling Paglipad Nito

Ang Concorde​—Sa Huling Paglipad Nito

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA

Pagkatapos ng 27 taon sa serbisyo, nagretiro na ang Concorde​—“ang tanging pampasaherong eroplano sa daigdig na supersonic [mas mabilis kaysa sa bilis ng tunog].” Binabanggit ang lumalaking gastusin at lumiliit na bilang ng mga pasahero, tinanggal mula sa komersiyo ng British Airways ang kahuli-hulihan sa pangkat nito ng pitong Concorde noong Oktubre 2003. Limang buwan bago nito, hindi na pinalipad ng Air France, ang isa pang tanging nagpapatakbo ng eroplanong ito, na may naiibang mga pakpak na hugis tatsulok, ang limang eroplano nito.

Sa ganiyan nagwakas ang kabanata sa kasaysayan ng abyasyon na nagsimula noong 1962 nang magtulungan ang mga inhinyerong taga-Britanya at taga-Pransiya upang gumawa ng eroplanong supersonic na makalilipad ng malalayong distansiya. Lumipad sa kauna-unahang pagkakataon ang unang mga modelo noong 1969, at lumipad ang mga eroplanong supersonic na pangkomersiyo noong Enero 1976, na may biyaheng patungong Bahrain at Rio de Janeiro.

Maaaring malaking tagumpay sa teknolohiya ang Concorde, pero bagsak ito sa komersiyo. Naging mahirap balikatin ang lumaking gastos dahil sa mga krisis sa langis noong mga dekada ng 1970, yamang kumukonsumo ang eroplano ng mahigit na 25,600 litro ng gasolina bawat oras​—tatlong beses ang dami bawat pasahero kaysa sa nagagamit ng pangkaraniwang eroplano. Isa ring disbentaha ng Concorde ang paglipad nito nang limitadong distansiya lamang na 4,300 milya at ang kakaunting pasaherong kayang ilulan nito​—100 lamang. Kaya para sa mga kompanya ng eroplano, hindi ito mapagkakakitaan. Isa pang hadlang sa paglago ng Concorde ang pagtutol na bumangon sa Estados Unidos laban sa pagpapatakbo nito noong una pa, diumano dahil sa nakababahalang ingay nito.

Isa pang suliranin ang presyo. Libu-libong dolyar ang halaga ng mga tiket. Kaya kakaunting pasahero lamang ang nakasasakay sa Concorde. Dahil sa primera-klaseng menu nito kabilang na ang champagne, foie gras, at caviar, ang Concorde “ang pinakamagandang karanasan sa pagbibiyahe na maaaring matamasa ninuman,” ang sabi ng isang negosyante. “Ibinibigay nito sa iyo ang ultimong luho, ang oras. Hindi ito ang pinakakomportableng biyahe. Pero ito ang pinakakapana-panabik.”

Mas Mabilis Pa sa Araw?

Sa mga taon ng paglipad nito, naglulan ang Concorde ng halos apat na milyong pasahero​—hindi naman talaga napakaraming tao kung isasaalang-alang na ang mga pangkat ng Boeing 747 sa daigdig ay nagsasakay nang ganiyan din karami sa loob ng iilang linggo lamang. Kung gayon, bakit kamangha-manghang eroplano ang Concorde?

Isip-isipin ito: Naglalakbay ang Concorde nang 2,150 kilometro bawat oras​—doble sa bilis ng tunog​—sa taas na 18,000 metro (mahigit na 18 kilometro). Napakabilis nito anupat ang eroplanong may habang 62 metro ay nauunat nang 24 na sentimetro dahil sa init na dulot ng paghaginit sa hangin sa paglalakbay. Ang karaniwang paglalakbay mula Paris hanggang New York sa Concorde ay tumatagal lamang nang 3 oras at 55 minuto, halos kalahati ng oras ng karaniwang biyahe. Napakabilis ng biyahe anupat dahil sa pagkakaiba-iba ng oras sa iba’t ibang sona, ang mga pasaherong nagbibiyahe pakanluran ay dumarating sa New York nang mas maaga pa kaysa sa oras ng pag-alis nila sa Paris!

Nabahiran ang rekord ng Concorde ng isa lamang nakamamatay na aksidente. Noong Hulyo 25, 2000, bumagsak sa Charles de Gaulle Airport sa Paris ang papalipad na eroplanong Air France, na ikinasawi ng 113 katao, kabilang ang apat na nasa lupa. Pagkatapos ipatupad ang iba’t ibang pagbabago para sa kaligtasan, bumiyahe itong muli pagkalipas ng isang taon. Subalit nanaig sa wakas ang pinansiyal na mga salik.

Gugugulin ng Concorde, na hindi nagkaroon ng karibal ni ng kahalili, ang nararapat nang pagreretiro nito sa mga museo ng abyasyon sa daigdig. Ganito ang komento ni Jean-Cyril Spinetta, tsirman ng Air France: “Hindi naman talaga titigil sa paglipad ang Concorde sapagkat mananatili itong buháy sa alaala ng mga tao.”

[Mga larawan sa pahina 26]

Itaas: Isinisilbing “champagne”

Gitna: Punong piloto sa “cockpit”

Ibaba: Unang modelo ng Concorde, Pransiya, 1968

[Credit Line]

Lahat ng larawan maliban sa unang modelo: NewsCast; unang modelo: AFP/Getty Images