Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang “Hiyas ng Dagat”

Ang “Hiyas ng Dagat”

Ang “Hiyas ng Dagat”

Masusumpungan ang napakaraming diatom, pagkaliit-liit na mga lumot na nakapaloob sa marangya at masalimuot-ang-disenyong mga talukap (shell) na kristal, sa bawat karagatan sa lupa. Nabighani ng mga ito ang mga siyentipiko sa loob ng mga dantaon​—sa katunayan, mula pa nang unang maimbento ang mikroskopyo at maiguhit ng mga tao ang kagandahan ng mga ito. Makatuwiran lamang, tinatawag na hiyas ng dagat ang diatom.

Ginamit ni Alfred Nobel, imbentor ng dinamita noong dekada ng 1860, ang silica mula sa mga diatom upang patatagin ang nitroglycerin, anupat nakagawa siya ng nabibitbit na mga dinamita. Ang mga talukap ng diatom na naging fosil na ay ginagamit ngayon sa komersiyal na mga produkto sa maraming paraan​—halimbawa, sa pinturang ginagamit sa daan upang maaninag sa gabi, sa pagdadalisay ng alak, at sa pagsasala ng mga dumi sa tubig ng swimming pool.

Subalit, mas mahalaga pa ang katotohanan na ang pagkaliliit na halamang ito na may isang selula ay gumaganap ng papel sa sangkapat na bahagi ng potosintesis sa ating planeta. Natuklasan ng mga mananaliksik na sina Allen Milligan at Francois Morel, ng Princeton University, E.U.A., na ang silica sa mga talukap na kristal ng diatom ay nagpapangyari ng kemikal na pagbabago sa tubig sa loob nito, anupat lumilikha ng tamang-tamang kapaligiran para sa potosintesis. Naniniwala ang mga siyentipiko na ang dahilan kung bakit napakarangya ng talukap na kristal ay sapagkat mas malaking sukat sa ibabaw ang nakalantad sa tubig sa loob ng talukap na kristal, anupat ginagawang mas mabisa ang potosintesis. Kung paano nabubuo ang pagkaliliit subalit magagandang talukap na kristal na ito mula sa silikon na natutunaw sa tubig-dagat ay palaisipan pa rin, subalit nalalaman ng mga mananaliksik na sa pamamagitan ng pagsagap ng carbon dioxide at paglalabas ng oksiheno, ang mga diatom ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagpapanatili ng buhay sa lupa, marahil mas mahalagang papel pa nga kaysa sa ginagampanan ng karamihan sa mga halaman sa lupa.

Ayon sa tantiya ni Morel, ang mga diatom ay “kabilang sa pinakamatagumpay na mga organismo sa lupa.” Sinasabi pa nga ni Milligan na kung hindi dahil sa paggamit ng carbon dioxide ng mga ito, “maaaring mas malala pa ang pag-init ng ibabaw ng lupa.”

Kapag namatay ang mga diatom, ang mga labí nitong karbon ay lumulubog sa sahig ng karagatan at sa kalaunan ay nagiging fosil. Naniniwala ang ilang siyentipiko na sa anyong ito, sa ilalim ng matinding presyon, ang mga diatom ay nakatulong sa paggawa ng mga reserbang langis ng daigdig. Subalit sumisidhi ang pagkabahala na habang umiinit ang tubig-dagat dahil sa pag-init ng mundo, pinangyayari nitong kainin ng baktirya ang mga labí ng mga diatom bago pa man ito lumubog, at nailalabas ang karbon pabalik sa ibabaw ng tubig. Sa gayon, maging ang munting “hiyas ng dagat” na ito ay bahagi ng isang sistemang kamangha-mangha ang pagkakadisenyo at nagtutustos ng buhay na maaaring nanganganib na ngayon.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

© Dr. Stanley Flegler/Visuals Unlimited