Kung Bakit Naniniwala sa Diyos ang Ilang Siyentipiko
Kung Bakit Naniniwala sa Diyos ang Ilang Siyentipiko
ANG siyensiya ay patuloy na nagsisiwalat ng bagong mga lihim hinggil sa uniberso at sa mga nilalang na nabubuhay sa ating planeta. Gayunpaman, napapaharap pa rin kapuwa sa mga siyentipiko at karaniwang mga tao ang napakahalagang mga tanong na gaya ng mga ito: Paano lumitaw ang uniberso? Ano ang umiiral bago nito? Bakit waring espesipikong dinisenyo ang uniberso upang sustinihan ang buhay? Paano nagkaroon ng buhay sa lupa?
Hindi pa rin talaga masagot ng siyensiya ang gayong mga tanong. Nag-aalinlangan ang ilan kung masasagot pa ng siyensiya ang mga ito. Dahil dito, nadama ng marami na dapat nilang suriing muli ang kanilang mga pananaw at paniniwala. Isaalang-alang natin ang tatlo sa mga hiwaga na nagtutulak sa ilang siyentipiko na pag-isipan ang pag-iral ng isang Maylalang.
Uniberso na Mahusay ang Pagkakaayos—Nagkataon Lamang Ba?
Ang isang napakahalagang tanong ay may kinalaman sa mahusay na pagkakaayos ng ating kosmos. Bakit nasasangkapan ang uniberso ng permanenteng pisikal na mga batas at ng di-nagbabagong mga bagay sa kalikasan na akmang-akma upang sustinihan ang isang planetang gaya ng sa atin at ang lahat ng buhay rito?
Ano ang ibig naming sabihin sa mahusay na pagkakaayos? Bilang halimbawa, isaalang-alang ang eksaktong pagkakaayos ng apat na pangunahing pisikal na puwersa: elektromagnetismo, grabidad, malakas na puwersang nuklear, at mahinang puwersang nuklear. * Ang mga puwersang ito ay nakaaapekto sa lahat ng bagay sa uniberso. Ang mga ito ay isinaayos at binalanse nang napakaeksakto anupat kahit ang maliliit lamang na pagbabago ay makapapawi ng buhay sa uniberso.
Para sa maraming palaisip na tao, hindi sapat ang paliwanag na ang mga ito’y nagkataon lamang. Si John Polkinghorne, isang dating pisiko sa Cambridge University, ay naghinuha: “Kapag natanto mong ang mga batas ng kalikasan ay kailangan talagang mahusay na isaayos upang mapairal ang nakikitang uniberso, ipinaiisip nito sa iyo ang ideya na hindi basta na lamang lumitaw ang uniberso, kundi talagang may layunin sa likod nito.”
Ganiyan din ang argumento ng pisikong si Paul Davies ng Australia: “Walang-alinlangang maraming siyentipiko ang . . . lumilibak sa paniwala na maaaring may umiiral na Diyos, o na may kahit isang mapanlikhang pinagmulan na di-persona.” Idinagdag pa niya: “Ako mismo ay hindi nakikisama sa kanilang panlilibak. . . . Hindi ako makapaniwala na ang pag-iral natin sa unibersong ito ay basta nagkataon lamang, . . . isang di-sinasadyang pag-iral dahil sa aksidente.”
Ang Hamon ng Pagiging Masalimuot
Ang ikalawang problema na nagsisilbing hamon sa mga siyentipiko sa ngayon ay may kinalaman sa labis na pagkamasalimuot ng daigdig sa palibot natin. Makatuwirang maniwala na miyentras mas
masalimuot ang isang pangyayari, mas malamang na hindi ito nagkataon lamang. Isaalang-alang ang isang halimbawa.Napakaraming kemikal na reaksiyon ang kailangang mangyari sa wastong pagkakasunud-sunod upang mabuo ang DNA, ang sangkap na bumubuo sa lahat ng bagay na may buhay. Tatlong dekada na ang nakalilipas, kinalkula ni Dr. Frank Salisbury ng Utah State University, sa E.U.A., ang probabilidad na kusang nabuo ang pinakasimpleng molekula ng DNA na mahalaga sa pag-iral ng buhay. Isinisiwalat ng mga kalkulasyon na napakaliit ng probabilidad anupat itinuturing itong imposible sa matematikal na paraan. *
Ang pagiging masalimuot ay lalo nang kitang-kita sa nabubuhay na mga organismong may masasalimuot na bahagi na magiging walang silbi kung wala ang iba pang masasalimuot na bahagi. Magtuon tayo ng pansin sa halimbawa ng pag-aanak.
Ayon sa mga teoriya ng ebolusyon, ang mga bagay na may buhay ay patuloy na nagpaparami habang sila’y nagiging higit at higit na masalimuot. Gayunman, may isang yugto kung kailan ang mga babae sa ilang uri (species) ay dapat magkaroon ng mga selula sa pag-aanak na kailangang pertilisahin ng mga lalaki na may kaakmang mga selula sa pag-aanak. Upang mailaan ang wastong dami ng kromosom sa supling, ang mga selula sa pag-aanak ng bawat magulang ay sumasailalim sa isang kamangha-manghang prosesong tinatawag na meiosis, kung saan ang mga selula mula sa bawat magulang ay nagkakaroon na lamang ng kalahati ng karaniwang dami ng kromosom. Tumutulong ang prosesong ito upang ang supling ay hindi magkaroon ng sobrang dami ng kromosom.
Sabihin pa, ang gayunding proseso ay kakailanganin para sa ibang mga uri. Kung gayon, paano nakapagparami ang “unang ina” ng bawat uri sa tulong ng ganap nang may-gulang na “unang ama”? Paano nila biglaang nagawa na hatiin ang dami ng mga kromosom sa kanilang mga selula sa pag-aanak sa paraang kinakailangan upang makapagluwal ng isang malusog na supling na may ilang katangian ng dalawang magulang? At kung unti-unting lumitaw ang mga katangiang ito sa pag-aanak, paano nakapanatiling buháy ang mga lalaki at babae sa bawat uri samantalang ang gayong mahahalagang katangian ay hindi pa ganap na nabubuo?
Maging sa isa lamang uri, ang improbabilidad na nagkataon lamang ang pagkakaugnay-ugnay na ito sa reproduksiyon ay napakalaki anupat imposible itong kalkulahin. Ang posibilidad na nangyari ito sa maraming iba’t ibang uri ay hindi makatuwirang maipaliliwanag. Maipaliliwanag ba ng proseso ng ebolusyon na salig lamang sa teoriya ang napakasalimuot na bagay na ito? Paano maaaring magbunga ng gayong masasalimuot at magkakaugnay na sistema ang di-sinasadya at walang layuning mga pangyayari? Ang mga bagay na may buhay ay punô ng mga katangian na nagsisilbing katibayan ng patiunang paghahanda at pagpaplano—patunay na may isang matalinong Tagaplano.
Maraming iskolar ang sumapit sa gayunding konklusyon. Halimbawa, isinulat ng matematikong si William A. Dembski na ang “matalinong disenyo” na mapapansin sa “nakikitang mga katangian ng likas na daigdig . . . ay sapat na maipaliliwanag lamang kung kikilalanin na isang matalinong persona ang sanhi ng mga ito.” Binuod ng molecular biochemist na si Michael Behe ang mga ebidensiya sa ganitong paraan: “Maaari kang maging debotong Katoliko at kasabay nito’y maniwala sa Darwinismo. Gayunman, dahil sa biyokemistri, nagiging lalong mahirap na maging isang palaisip na siyentipiko at kasabay nito’y maniwala sa Darwinismo.”
Di-magkakasuwatong mga Fosil
Ang ikatlong hiwaga na naging palaisipan sa ilang siyentipiko ay may kaugnayan sa mga fosil. Kung naganap ang ebolusyon sa loob ng napakahabang panahon, makaaasa tayong makasumpong ng napakaraming fosil ng panggitnang mga organismo, o mga kawing, sa pagitan ng pangunahing mga uri ng mga bagay na may buhay. Gayunman, walang nasumpungang ganitong mga labí sa napakaraming fosil na nahukay mula pa noong panahon ni Darwin. Ang nawawalang mga kawing na nag-uugnay sa pangunahing mga uri ng mga bagay na may buhay ay gayon nga—nawawala!
Kaya naman nahinuha ng maraming siyentipiko na mahina at nagkakasalungatan ang mga ebidensiya para sa ebolusyon anupat hindi mapatunayan ng mga ito na ang buhay ay dumaan sa proseso ng ebolusyon. Isang inhinyero ng mga sasakyang pangkalawakan, si Luther D. Sutherland, ang sumulat ng ganito sa kaniyang aklat na Darwin’s Enigma: “Ipinakikita ng makasiyensiyang mga ebidensiya na kapag lumilitaw noon sa Lupa sa kauna-unahang pagkakataon ang anumang ibang pangunahing uri ng bagay na may buhay, mula sa protozoa na may iisang selula hanggang sa tao, kumpleto na ito at ang mga
sangkap at kayarian nito ay kumpleto at lubos nang gumagana. Ang di-maiiwasang konklusyon na mahihinuha mula sa katotohanang ito ay na mayroon nang isang umiiral na anyo ng talino bago pa magkaroon ng buhay sa Lupa.”Sa kabilang panig, ang mga fosil ay malapit na tumutugma sa pangkalahatang pagkakasunud-sunod ng paglitaw ng mga anyo ng buhay gaya ng mababasa sa aklat ng Bibliya na Genesis. Si Donald E. Chittick, isang physical chemist na nagtamo ng kaniyang titulo sa pagkadoktor sa Oregon State University, ay nagsabi: “Mahihinuha ng isa mula sa masusing pagsusuri sa mga fosil na ang mga hayop ay nagparami ayon sa uri ng mga ito gaya ng sinasabi sa Genesis. Hindi nagpabagu-bago ng uri ang mga ito. Ang mga ebidensiya sa kasalukuyan, gaya noong panahon ni Darwin, ay kasuwato ng ulat ng Genesis hinggil sa tuwirang paglalang. Patuloy na nagpaparami ang mga hayop at halaman ayon sa uri ng mga ito. Sa katunayan, napakalaki ng pagkakasalungatan ng paleontolohiya (pag-aaral sa mga fosil) at ng Darwinismo anupat maraming siyentipiko ang nagsisimulang maniwala na hindi masusumpungan kailanman ang tinatawag na panggitnang mga organismo.”
Pagkilala sa Ebidensiya
Ang mga nabanggit ay iilan lamang sa napakaraming hindi pa nasasagot na tanong na nagsisilbing palaisipan sa mga tumatanggi sa ebidensiya na may isang Maylalang. Natatanto ng ilang siyentipiko na ang pagtangging maniwala sa Diyos ay landasing sinusunod ng mga tao, hindi dahil sa matibay na ebidensiya at maingat na lohika, kundi dahil sa optimistikong mga palagay at haka-haka.
Kaya, pagkatapos gugulin ang buong buhay niya sa mabungang pananaliksik at gawain sa larangan ng siyensiya, ang astronomong si Allan Sandage ay nagsabi: “Ang pag-aaral ko ng siyensiya ang nagtulak sa akin sa konklusyon na ang daigdig ay higit na masalimuot kaysa sa maipaliliwanag ng siyensiya. Mauunawaan ko lamang ang hiwaga ng pag-iral sa pamamagitan ng sobrenatural.”
[Mga talababa]
^ par. 6 Para sa higit pang detalye, tingnan ang kabanata 2 ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 11 Ipinagpalagay niya na ang molekulang ito ay maaaring mabuo sa pamamagitan ng likas na mga kemikal na reaksiyon, sa loob ng apat na bilyong taon, sa 100,000,000,000,000,000,000 (1020) planeta na may angkop na kapaligiran. Gaano kaliit ang tsansa na mabuo ang isang molekula ng DNA? Sa tantiya niya, isa sa 10415!
[Kahon sa pahina 6]
Mga tanong na palaisipan sa mga siyentipiko
▪ Bakit napakahusay ng pagkakaayos sa apat na pangunahing pisikal na puwersa, na nagpapahintulot na umiral ang uniberso at ang buhay?
▪ Paano maipaliliwanag ang sukdulan at kadalasa’y di-mapasisimpleng pagkamasalimuot ng nabubuhay na mga organismo?
▪ Bakit kulang ang mga fosil, at nasaan ang ebidensiya ng panggitnang mga organismo, o mga kawing, sa pagitan ng pangunahing mga uri ng mga bagay na may buhay?
[Kahon sa pahina 8]
Ganap bang nagkataon lamang?
Nang ilimbag kamakailan ng National Geographic ang isang kaakit-akit na pabalat na naglalarawan sa maibiging buklod ng ina at ng sanggol, isang mambabasa ang sumulat sa mga tagapaglathala ng magasin: “Isang obra maestra ang larawan ng ina at sanggol sa pabalat. Kung makikita ng sinuman ang magandang sanggol na ito na siyam na buwan pa lamang ang nakararaan ay isang selulang itlog na kasinlaki ng ulo ng aspile, hindi ko maunawaan kung bakit ipagpapalagay niyang nagkataon lamang ang kamangha-manghang pangyayaring ito.”
Marami ang sasang-ayon dito. Itinulad ng awtor at dating propesor ng nuclear physics na si Dr. Gerald Schroeder ang posibilidad na nagkataon lamang ang pag-iral ng uniberso at ng buhay sa tsansang manalo nang tatlong beses sa loterya nang sunud-sunod: “Bago mo pa matanggap ang iyong ikatlong premyo, dadalhin ka na sa piitan dahil sa pandaraya mo sa mga resulta. Ang probabilidad na manalo nang tatlong beses na sunud-sunod, o manalo nang tatlong beses sa buong buhay mo, ay napakaliit anupat hindi na dapat pansinin pa.”
[Mga larawan sa pahina 7]
Kung ang apat na puwersang ito ay hindi eksaktong isinaayos at binalanse, walang mabubuhay
Ang mahinang puwersang nuklear ang dahilan kung bakit nagbabaga ang araw sa di-nagbabagong bilis
Ang grabidad ang dahilan kung bakit hindi lumulutang ang mga bagay rito sa lupa
Ang malakas na puwersang nuklear ang bumibigkis sa nukleo ng mga atomo
Ang elektromagnetismo ang puwersang sanhi ng kidlat
[Mga larawan sa pahina 7]
Paanong ang walang-direksiyong mga puwersa ay makalilikha ng isang bagay na kasinsalimuot ng isang selula at ng DNA nito, maging ng tao pa kaya?
[Mga larawan sa pahina 8]
Hindi napatunayan ng mga fosil na ang buhay ay dumaan sa proseso ng ebolusyon