Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Moda Gusto kong magpasalamat sa seryeng “Sunud-sunuran Ka ba sa Moda?” (Setyembre 8, 2003) Bilang isang tin-edyer, nadama ko ang panggigipit ng daigdig na bumili ng pinakabagong moda at panatilihin ang “perpektong” katawan. Subalit tinulungan ako ng mga artikulong ito na baguhin ang aking paraan ng paggasta para sa mga damit at manamit nang mas mahinhin.
M. B., Estados Unidos
Ako po’y sampung taóng gulang, at kami po ay hinilingan ng aking guro na magdala ng ilang pananaliksik tungkol sa paksang may kinalaman sa moda. Dinala ko po ang isang kopya ng artikulong “Ang Di-magandang Aspekto ng Pagiging Kaakit-akit ng Moda.” Gumawa ng mga kopya nito ang guro para sa buong klase!
G., Belgium
Bilang isang 19-anyos na babae, mahirap para sa akin na di-maimpluwensiyahan ng tinatawag na “huwarang” babae. Hindi pangmodelo ang katawan ko, at iyan ang madalas na nagpapadama sa akin na hindi ako kaakit-akit. Madalas ay gusto kong magdiyeta upang pumayat—kahit na ang labis-labis na pagdidiyeta. Di-nagtagal, pagkatapos kong humingi ng payo sa panalangin kung paano ko mapagtatagumpayan ang mga damdaming ito, natanggap ko ang magasing ito at sinagot nito ang aking panalangin. Maraming-maraming salamat.
S., Alemanya
Tinulungan ako ng mga artikulo na maunawaan ang kawalang-kabuluhan ng pagiging sunud-sunuran sa moda. Ako po’y 14 na taóng gulang, at mahirap pumasok sa paaralan sa Italya kung hindi ka nagsusuot ng mga damit na may kilalang tatak—tiyak na ituturing kang walang-halaga! Tinuruan ako ng inyong mga artikulo na ang mahalagang bagay ay ang maging mayaman sa espirituwal sa paningin ng Diyos.
F. G., Italya
Mga Orkid May-pananabik kong binasa ang artikulong “Mga Orkid—Pagkagaganda ng mga Ito.” (Setyembre 8, 2003) Nagbigay ito sa akin ng ilang mungkahi hinggil sa pagtatanim ng mga orkid sa bahay at nagturo ng ilan sa mga pangalan at pinagmulan nito. Nasa Gumising! ang mismong impormasyon na hinahanap ko.
L.E.C., Bangladesh
Malilinis na Ngipin Gusto kong sulatan kayo hinggil sa artikulong “Isang Patpat na Nakalilinis ng mga Ngipin.” (Setyembre 8, 2003) Iniisip ko kung paano nililinis ng mga tao ang kanilang ngipin bago naimbento ang toothpaste. Kaya naman wiling-wili ako sa artikulo!
D. G., Estados Unidos
Lagi kong minamaliit ang pagnguya ng mga patpat. Subalit mali ako. Makatuwirang maniwala na kapaki-pakinabang ang gayong pagnguya, at gagamit na ako ngayon ng isa nito para pangalagaan ang aking sariling mga ngipin.
A. A., Chad
Report Tungkol sa Holocaust Binanggit ng artikulong “Umani ng Lubos na Paghanga ang Kaniyang Report” ang tungkol sa mga Judio na may suot na insigniya ng Tala ni David sa mga kampong piitan. (Setyembre 8, 2003) Gayunman, batay sa sarili kong karanasan sa kampong piitan sa Ravensbrück, walang suot na insigniya ng Tala ni David ang mga Judio kundi isang dilaw na tatsulok.
J. R., Timog Aprika
Sagot ng “Gumising!”: Ayon sa katibayan, ang insigniya ng Tala ni David ay hindi isinuot ng mga Judio sa karamihan ng mga kampo. Gayunman, may katibayan na isinuot ito sa ilang kampo.
Paninindak Hindi ako Saksi ni Jehova. Ngunit ang seryeng “Paninindak—Ano ang Maaari Mong Gawin Hinggil Dito?” (Agosto 22, 2003) ay dumating sa tamang panahon. Lumala nang lumala ang pananalakay ng mga kapuwa estudyante sa paaralan ng aking anak na babae. Gaya ng iminungkahi ninyo, kinausap ko ang aking anak at binigyan ko siya ng suporta at alalay. Salamat sa pagmamalasakit ninyo sa mga tao.
T. M., Ukraine