Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mapipigil ang Aking Kasintahan sa Pagmamaltrato sa Akin?
“Binugbog ako ngayon ng kasintahan ko sa kauna-unahang pagkakataon. Humingi siya ng tawad, pero hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.”—Stella. *
“MGA 1 sa 5 babaing estudyante,” ang sabi ng isang artikulo sa The Journal of the American Medical Association, “ang nag-ulat na pisikal at/o seksuwal silang inabuso ng kanilang ka-date.” Sa isang surbey na isinagawa sa Alemanya, sa mga kabataang edad 17 hanggang 20, mahigit sangkapat sa mga babae ang nag-ulat na pinilit sila sa hindi nila ginustong seksuwal na gawain, na nagsasangkot ng pisikal na karahasan, berbal na panggigipit, droga, o inuming de-alkohol. Ayon sa isang surbey sa Estados Unidos, 40 porsiyento ng mga tin-edyer na tinanong ang nakasaksi sa “malupit na pang-iinsulto [ng kanilang mga kaeskuwela] sa ka-date ng mga ito.” *
Isa ka bang kabataang adulto na nagpaplanong magpakasal sa isang tao na nang-iinsulto, naninigaw, nanghahamak, nanunulak, o nananampal sa iyo? Ipinakita ng nakaraang artikulo sa seryeng ito na nakababahala ang pagiging karaniwan ng gayong pagmamaltrato. * Ipinakita pa nito na hindi sinasang-ayunan ng Diyos na Jehova ang mapang-abusong pananalita o paggawi at hindi dapat tanggapin ng mga biktima ang gayong maling paggawi bilang normal o isang bagay na kasalanan nila. (Efeso 4:31) Gayunman, hindi madaling malaman kung ano ang gagawin sa ganiyang kalagayan. Baka mahal na mahal mo pa rin ang iyong kasintahan—sa kabila ng iginagawi niya. O mas malala pa nga, baka natatakot ka sa magiging reaksiyon niya kapag pinuna mo siya. Ano ang dapat mong gawin?
Suriin ang Kalagayan
Una, huminahon ka at magkaroon ng makatotohanang pangmalas sa nangyari. (Eclesiastes 2:14) Talaga bang biktima ka ng berbal na pag-abuso? Sinasadya bang manakit ng kasintahan mo, o baka naman siya ay “nagsasalita [lamang] nang di-pinag-iisipan”? (Kawikaan 12:18) Gaano kadalas na ba itong nangyari? Minsanang pagkakamali lamang ba ito na mapalalampas mo? O naging kaugalian na niyang magsalita nang mapanghamak o nakaiinsulto?
Kung hindi ka tiyak sa sarili mong damdamin sa bagay na ito, ipakipag-usap mo ito sa iba—hindi sa kaedad mo kundi sa isang mas matanda at mas marunong kaysa sa iyo. Baka maaari mo itong ipagtapat sa iyong mga magulang o sa isang may-gulang na kapuwa Kristiyano. Tutulong sa iyo ang gayong pakikipag-usap upang malaman kung labis-labis ang naging reaksiyon mo o kung may seryosong suliranin talaga.
Kawikaan 25:9) Mahinahong sabihin sa kaniya kung ano ang nadarama mo sa kaniyang paggawi. Sabihin mo ang espesipikong dahilan kung bakit ka nagdamdam. Magtakda ka ng malinaw na mga hangganan ng mga bagay na hindi mo kukunsintihin. Paano siya tumutugon? Binabale-wala ba niya ang mga naiisip mo o tumutugon ba siya sa pamamagitan ng lalo pang galít na pananalita? Ito ay malinaw na tanda na ayaw niyang magbago.
Kung sa wari mo ay ligtas namang kausapin ang iyong kasintahan, isaayos mong kausapin siya tungkol dito. (Ngunit paano kung magpakita siya ng makadiyos na kapakumbabaan at tunay na pagsisisi? Kung gayon, posibleng may pag-asa pa ang ugnayan ninyo. Pero mag-ingat ka! Kadalasang ang mga kapahayagan ng animo’y pagsisisi ng mga berbal na nang-aabuso pagkatapos nilang manakit ay pinag-isipang mabuti—subalit inuulit naman nila ang kanilang masasakit na pananalita kapag muli silang napukaw sa galit. Panahon ang makapagsasabi kung gaano siya kataimtim na magbago. Ang isang palatandaan kung gaano siya kaseryoso rito ay ang pagiging handa niyang magpatulong sa mga Kristiyanong matatanda.—Santiago 5:14-16.
Unawain mong “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Hindi ka kailanman makahahanap ng taong sakdal. Ang lahat ng mag-asawa ay daranas sa paanuman ng “kapighatian sa kanilang laman” dahil sa di-kasakdalan. (1 Corinto 7:28) Sa kahuli-hulihan, kailangan mong magpasiya kung ang kaniyang mga kahinaan ay yaong maligaya mong mapagtitiisan. Muli, ang pagpapalipas ng panahon ang pinakamaaasahang paraan upang malaman ito.
Kapag May Karahasan
Ibang usapan naman kung ang mapang-abusong pananalita ay may kalakip na pagngangalit at paglapastangan o mga pagbabanta ng karahasan o kung pisikal kang inaabuso—marahil ay itinutulak ka, isinasalya, o sinasampal. Nagpapahiwatig ito ng mapanganib na kawalan ng pagpipigil sa sarili; ang kalagayan ay madaling hahantong sa mas matinding mga kapahayagan ng karahasan.
Ang unang pinakamainam na gawin ng magkasintahan ay umiwas na mapag-isa silang dalawa. Ngunit kung sakaling nag-iisa kang kasama ng nagngangalit na lalaki, huwag “gumanti . . . ng masama para sa masama.” (Roma 12:17) Tandaan: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Manatiling mahinahon. Pakiusapan siyang ihatid ka nang pauwi. Kung kailangan, lumakad—o tumakbo—papalayo!
Paano kung magtangkang pilitin ng lalaki ang babae sa isang seksuwal na gawain? Siyempre pa, matalino para sa magkasintahan, sa simula pa lamang ng pagliligawan, na magtakda ng malinaw na mga hangganan sa mga kapahayagan nila ng pagmamahal. (1 Tesalonica 4:3-5) Kung gipitin ng isang binata ang dalaga na labagin ang mga simulain sa Bibliya, dapat sabihin ng babae sa lalaki sa maliwanag at mariing paraan na hindi niya ito pahihintulutan. (Genesis 39:7-13) “Huwag kang pumayag,” ang pamamanhik ni Anne, na nagpadala sa gayong seksuwal na panggigipit. “Magkaroon ka ng paggalang sa iyong sarili. Pakisuyo, huwag kang magkamali gaya ko, gaano mo man siya kamahal!” Kung hindi niya pansinin ang iyong pagtanggi, sabihin mo sa kaniya na ituturing mong panggagahasa ang patuloy niyang pagtatangka. Kung hindi pa rin siya huminto, sumigaw ka para humingi ng tulong at labanan mo siya na gaya ng gagawin mo sa isang manggagahasa. *
Anuman ang maging kalagayan, angkop ang payo ng Bibliya sa Kawikaan 22:24: “Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit; at sa taong magagalitin ay huwag kang sasama.” Wala kang obligasyon na manatili sa isang mapang-abusong ugnayan. Sabihin pa, hindi matalinong mapag-isa kasama ng mapang-abusong lalaki para ipaalam sa kaniya na hihiwalayan mo na siya. Malamang na ang pinakamabuti mong gawin ay ipabatid sa iyong mga magulang kung ano ang nangyari. Likas lamang na magalit at ikasama ng loob nila ang pagmamaltrato sa iyo. Subalit matutulungan ka nilang malaman ang susunod na mga hakbang na dapat gawin. *
Pagsisikap na Baguhin Siya
Anuman ang kalagayan, hindi mo pananagutan na baguhin ang iyong kasintahan. Inamin ni Irena: “Iniisip mong mahal mo siya, na kakayanin mo ang mga bagay-bagay, na matutulungan mo siya. Ngunit ang totoo, hindi mo kaya.” Ipinagtapat din ni Nadine: “Iniisip kong kaya ko siyang baguhin.” Ang totoo, siya lamang ang ‘makapagbabago ng kaniyang pag-iisip’ at paggawi. (Roma 12:2) At ang paggawa nito ay isang napakahaba at mahirap na proseso.
Kaya maging matatag ka sa iyong pasiya, anupat ipinagwawalang-bahala ang anumang pagsisikap niya na maniobrahin ang iyong damdamin. Sikapin mong lumayo sa kaniya hangga’t maaari—sa emosyonal at pisikal na paraan. Huwag mo siyang pahintulutang hikayatin ka, magmakaawa sa iyo, o bantaan ka para magkabalikan kayo. Nang makipaghiwalay si Irena sa marahas niyang kasintahan, nagbanta itong magpapatiwakal. Maliwanag na kailangan ng gayong tao ang tulong, ngunit hindi ang iyong tulong. Ang pinakamalaking tulong mo sa kaniya ay ang paninindigan laban sa di-makakristiyanong paggawi. Kung nais niyang magbago, malaya siyang humingi ng tulong.
Gayunman, inaakala ng ilan na lulutasin ng pag-aasawa ang suliranin. Ganito ang sabi ng isang mananaliksik: “Ang mga babaing nagpapakasal sa mapang-abuso nilang kasintahang lalaki at ang mga lalaking nagpapakasal sa mapang-abuso nilang kasintahang babae ay kadalasang nagugulat na matuklasang hindi humihinto ang karahasan. Maraming tao ang naniniwala sa maling palagay na kapag nakasal na sila, maglalaho ang lahat ng gayong suliranin. Huwag mong paniwalaan ito.” Ang totoo, ang pisikal na pag-abuso na nagsisimula sa pagliligawan ay malamang na magpatuloy hanggang sa pag-aasawa.
“Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 22:3) Mahirap makipaghiwalay sa mahal mo. Ngunit lubhang mas mahirap ang masadlak sa mapang-abusong pag-aasawa. Tutal, hindi ka naman dapat mangamba na hindi ka na makahahanap ng angkop na kapareha. Sa kaunawaang natamo mo, malamang na ang hahanapin mo na ay isa na banayad, mabait, at may pagpipigil sa sarili.
Paghilom ng mga Sugat sa Damdamin
Maaari talagang nakapanlulumo ang maging biktima ng berbal o pisikal na pag-abuso. Ganito ang payo ng isang biktima na nagngangalang Mary: “Humingi ka ng tulong—magsabi ka kaagad sa iba. Akala ko ay kaya kong lutasin nang mag-isa ang suliranin, subalit nakatulong sa akin ang pakikipag-usap sa ibang tao.” Ipagtapat ito sa iyong mga magulang, sa isang pinagkakatiwalaan at may-gulang na kaibigan, o sa isang Kristiyanong matanda. *
Nakatulong din sa iba ang pananatiling abala sa kapaki-pakinabang na mga gawaing tulad ng pagbabasa, isport, o libangan. “Ang pinakamahalaga sa lahat,” ang gunita ni Irena, “ay ang pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong Kristiyano.”
Maliwanag na hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang mapang-abusong mga salita o kilos. Sa tulong niya, maipagsasanggalang mo ang iyong sarili mula sa pagmamaltrato ng iba.
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 4 Bagaman maaaring maging biktima ng berbal at pisikal na pag-abuso kapuwa ang mga lalaki at babae, sinasabi ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention na “lubhang mas maraming dinanas na pinsala ang mga babae kaysa sa mga lalaki.” Magkagayunman, upang gawing simple, tutukuyin namin ang lalaki bilang siyang nang-aabuso sa artikulong ito.
^ par. 5 Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kaya Napakasama ng Pagtrato Niya sa Akin?” sa Mayo 22, 2004, isyu ng Gumising!
^ par. 15 May impormasyon ang Gumising! ng Marso 8, 1993 tungkol sa paglaban sa panggagahasa.
^ par. 16 Sa ilang kalagayan, tulad ng pagtatangkang panggagahasa, baka ipasiya ng iyong mga magulang na ipaalam ang pangyayari sa pulisya. Maaaring tumulong ito upang hindi maranasan ng ibang babae ang gayong kapaha-pahamak na pangyayari.
^ par. 23 Sa mga kaso ng trauma, maaaring ipasiya ng ilan na magpagamot sa isang doktor o sa isa na lisensiyado sa paggagamot ng mental na kalusugan.
[Larawan sa pahina 24]
Malamang na magpatuloy hanggang sa pag-aasawa ang pagmamaltrato noong panahon ng pagliligawan
[Larawan sa pahina 25]
Huwag kang pumayag sa di-angkop na mga kapahayagan ng pagmamahal