Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pagkontrol sa Populasyon—Isang Problema sa mga Zoo
“Napakahalaga ng kontrasepsiyon sa bawat zoo ngayon,” ang sabi ni Henning Wiesner, punong soologo sa Hellabrunn Zoo sa Munich. Mabilis na nagpaparami ang mga hayop sa mga zoo, nabubuhay ang kanilang anak, at malamang na mas mahaba ang buhay nila kung ihahambing sa mga kauri nila sa ilang. Subalit limitado ang espasyo sa mga zoo. Kaya may pangangailangan para sa mga kontraseptibo. Gayunman, “may balakid ang pagpaplano ng pamilya sa zoo. Hindi ito naiibigan ng mga hayop,” ang sabi ng magasing Focus sa Alemanya. Halimbawa, naaamoy ng mga oso ang mga kontraseptibo na nakatago sa pagkain at inaalis ang mga ito. Ang oral na mga kontraseptibo ay maaari ring maging sanhi ng mga problema sa kalusugan, gaya ng kanser sa suso, sa ilang hayop. Ang iba pang mapagpipilian ay ang pagkapon at isterilisasyon, subalit ang mga ito ay lumilikha ng bagong mga problema. Ang isang problema ay permanente ang mga ito, at maaaring kailanganin ang anak sa hinaharap. Ikalawa, ang mga hayop na kinapon ay humihinto sa paggawa ng mga sex hormone, isang pagbabago na maaaring puminsala sa kanilang sosyal na kahalagahan sa iba nilang kauri. Ang isa pang mapagpipilian ay patayin ang di-naiibigang anak—subalit lubhang ikinagagalit iyan ng maraming mahilig sa mga hayop at mga pangkat na nangangalaga sa mga hayop. Kaya napapaharap sa seryosong problema ang mga zoo.
Elektronikong Basura
Mga 155,000 tonelada ng elektronikong basura ang itinapon ng mga taga-Canada noong 2002, ang komento ng pahayagang National Post ng Canada. Ayon sa isang report ng Environment Canada, ang mga taga-Canada ay nagtapon ng “tinatayang dalawang milyong telebisyon, 1.1-milyong VCR at 348,000 CD player—ang karamihan dito ay itinuturing na luma na pagkatapos lamang gamitin nang ilang taon.” Ang kasangkapang elektroniko “ay madalas na itinatapon dahil sa hindi na nito natutugunan ang pangangailangan ng gumagamit, hindi dahil sa sira na ito,” ang sabi ng report. Maaaring maging mapanganib ang marami sa basurang ito. Halimbawa, ang isang telebisyon lamang ay “maaaring naglalaman ng hanggang dalawang kilo ng tingga,” sabi ng Post. At kontaminado na ngayon ng asoge, na masusumpungan sa ilang display panel, ang mga tambakan ng basura. Sa kasalukuyang bilis, madodoble ang elektronikong basura sa 2010, ang babala ng Environment Canada.
Mga Langgam at mga Antibiyotiko
“Natuklasan ng mga siyentipiko na ang ilang langgam ay nagtatanim ng mga kabuti upang pakanin ang kanilang mga anak, anupat gumagamit pa nga ng mga antibiyotiko bilang isang anyo ng ‘pestisidyo’ upang protektahan ang mga kabuti,” ang sabi ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. Ang mga langgam na ito, na tinatawag na mga leaf cutter, ay naglilipat, nagpupungos, at nag-aalis ng panirang-damo sa kanilang mga pananim gaya ng ginagawa ng mga magsasaka. Ang antibiyotiko, na nagsasanggalang sa pananim ng mga langgam mula sa amag na nagdudulot ng impeksiyon, ay ginagawa ng isang baktirya na kabilang sa pamilya ng Streptomycete at nakatira sa panlabas na balat ng leaf cutter. Sinabi ni Ted Schultz, espesyalista sa mga insekto sa National Museum of Natural History sa Washington, D.C., na samantalang ang mga tao ay kailangang patuloy na umimbento ng bagong mga antibiyotiko upang madaig ang mga mikrobyo na di-tinatablan ng gamot, matagumpay nang ginagamit ng mga leaf cutter ang antibiyotikong iyon sa loob ng di-mabilang na mga taon. Ang pag-unawa sa matagumpay na paggamit ng mga langgam sa antibiyotiko ay “maaaring tuwirang nauugnay sa pananatiling buhay ng tao,” ang sabi ni Schultz.
Isang Matinding Kapahamakan sa Pangglobong Kalusugan
Ang daigdig ay patungo sa “isa sa pinakamalaki at pinakamatinding kapahamakan sa kalusugan” na kailanma’y nasaksihan nito, dahil sa nakababahalang pagdami ng diyabetis, ang babala ni Propesor Sir George Alberti ng Britanya, presidente ng International Diabetes Federation (IDF). Ayon sa bilang ng IDF, mahigit na 300 milyon katao sa buong daigdig ang may impaired glucose tolerance, na kadalasang nauuwi sa diyabetis, ang ulat ng pahayagang Guardian ng Britanya. Ang Type 2 na diyabetis, na dating nakaaapekto lamang sa mga may-edad, ay nakaaapekto na sa kalusugan ng mga kabataan sa Britanya na naging napakataba dahil sa pagkain ng mga sitsirya at hindi pag-eehersisyo. “Ang lubhang nakasisiphayong aspekto nito ay na ang karamihan nito [diyabetis at ang mga epekto nito] ay maiiwasan sana kung magbabago ng istilo ng pamumuhay ang isa,” ang sabi ni Alberti. Maaari ring mabilis na dumami ang diyabetis sa papaunlad na mga bansa habang tinatanggap nila “ang di-nakapagpapalusog na pagkain at istilo ng pamumuhay sa lunsod sa mayayamang bansa,” ang sabi ng The Guardian.
Superyor na mga Pandamdam ng mga Kuwago
Dahil sa kanilang pagkalaki-laking mga mata at kakayahang gamitin ang dalawang mata, ang mga kuwago ang may “pinakamatalas na paningin sa gabi sa daigdig ng mga hayop,” ang ulat ng magasing Australian Geographic. At “naririnig [ng marami sa kanila] ang mga tunog na 10 ulit na mas mahina kaysa sa naririnig ng tao.” Ano ang dahilan ng matalas na pandinig na ito? “Sa magkakaibang antas,” ang sabi ng artikulo, “ang iba’t ibang uri ng kuwago ay may pambihirang katangian ng tainga: ang isang butas ng tainga ay mas mataas kaysa sa isa.” Pinadadali ng kaayusang ito na mahanap ng mga kuwago ang kinaroroonan ng kumikilos na biktima. Ang kuwago na uring Tyto ay may karagdagang tulong sa tulad-disk na mga balahibo sa mukha. Tinitipon ng naiaakmang disk ang tunog at itinutuon ito sa tainga. Karagdagan pa, mas masalimuot ang medulla, isang bahagi sa utak na iniuugnay sa pandinig, ng mga kuwago kaysa ng ibang mga ibon.
Mga Pagkahawa sa Hepatitis na Maaari Sanang Naiwasan
Ang karamihan ng “mga pagkahawa sa hepatitis ay bunga ng kawalan ng kalinisan sa bahagi ng medikal na mga tauhan,” ang sabi ng lingguhang babasahin na Polityka sa Poland. Noong 1997, iniulat ng National Institute of Hygiene sa Poland ang 992 pagkahawa sa hepatitis C, subalit pagkalipas ng limang taon ang bilang ng nahawahan ay 1,892. Ikinalungkot ng sumulat ng artikulo ang kasalukuyang kawalan ng anumang awtorisadong bakuna laban sa hepatitis C. Ganito ang sabi ni Propesor Andrzej Gładysz, isang pambansang kasangguni hinggil sa nakahahawang mga sakit: “Hindi kalabisang sabihin na 500 libo hanggang 600 libong tao sa Poland ang nahawahan ng virus ng hepatitis C.” At karamihan ng mga pagkahawa na ito ay “nangyari sa tanggapan ng mga doktor o mga dentista,” ang sabi ni Jacek Juszczyk ng Infectious Diseases Clinic sa Medical University sa Poznan. Ganito ang konklusyon ng Polityka: “Kapag tayo ay nasa pangangalaga ng doktor, gusto nating makatiyak na talagang malinis ang kaniyang mga kamay.”
Dumaraming Barung-barong sa Lunsod
“Halos isang bilyong tao, 32 porsiyento ng mga naninirahan sa mga lunsod sa daigdig, ay nakatira sa mahihirap na lugar sa lunsod,” ang sabi ng pahayagang El Universal sa Mexico City. Binanggit ng isang pagsusuri ng United Nations ang mga lunsod ng Bogotá, Havana, Mexico City, Quito, at Rio de Janeiro bilang mga halimbawa ng mga lunsod na nakasasaksi sa pagdami ng mga barung-barong sa lunsod. Anu-ano ang mga dahilan? Sa kaso ng Bogotá, ipinapalagay ng ulat ng UN na ang dahilan ng pagsusulputan ng mga barung-barong sa lunsod ay ang “mabilis na pagdami ng populasyon, pandarayuhan ng marami mula sa mga lalawigan, at karahasan, na nagtaboy sa mga pamayanan,” ang sabi ng pahayagan. Karagdagan pa, 23 porsiyento ng populasyon sa lunsod na iyon noong taóng 2000 ay namumuhay sa kita na mababa pa sa kinikita ng mahihirap kung ihahambing sa 19.4 porsiyento noong 1994.