Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Mo Masusumpungan ang mga Sagot?

Saan Mo Masusumpungan ang mga Sagot?

Saan Mo Masusumpungan ang mga Sagot?

NAKADARAMA ka ba ng bahagyang pagkayamot sa walang-katapusang debate hinggil sa paksang ebolusyon kontra sa paglalang? Kung oo, hindi ka nag-iisa.

Kasi naman, nasa isang panig ng isyu ang ilang may-pinag-aralang mga siyentipiko at iskolar, na malimit gumamit ng masyadong teknikal na mga salita, at naggigiit na kung matalino ka at edukado, dapat mong tanggapin na totoo ang teoriya ng ebolusyon. Nasa kabilang panig naman ang arogante ring mga relihiyonista na gumagamit ng madamdaming retorika upang ipahayag na kung talagang nananampalataya ka, dapat mong sang-ayunan ang kanilang pagpapakahulugan sa ulat ng paglalang.

Isinasara ng gayong di-makatuwirang mga pangmalas ang isip ng maraming makatuwirang tao. Hindi mapagmataas at dogmatikong mga paggigiit ang kailangan sa isyu hinggil sa pag-iral ng Diyos. Tandaan, ang isyung ito ay hindi lamang isang paksa sa pagdedebate, hindi lamang isang pagsasanay sa isip. Ang mga isyung nasasangkot ay makaaapekto sa iyong buhay at sa iyong kinabukasan.

Isang Karaniwang Pagkakamali ng mga Siyentipiko

Gaya ng nakita na natin, napakaraming iginagalang at edukadong siyentipiko ang nagsasabing pinatutunayan ng mga ebidensiya na umiiral ang isang Disenyador o Maylalang. Hindi lamang kinikilala ng ilan na mayroong Maylalang. Pinag-aalinlanganan din nila ang makasiyensiyang integridad ng kanilang mga kasamahan sa propesyon na tahasang tumatanggi sa pag-iral ng Diyos.

Halimbawa, ganito ang sinabi ng geophysicist na si John R. Baumgardner: “Sa harap ng gayong sukdulang improbabilidad, paano magagawang itaguyod ng sinumang matapat na siyentipiko ang konsepto ng di-sinasadyang mga inter-aksiyon bilang paliwanag sa pagkamasalimuot na makikita sa mga sistemang may buhay? Ang paggawa nito, sa palagay ko, sa kabila ng pagkabatid sa gayong sukdulang improbabilidad ay paglabag sa makasiyensiyang integridad.”

Itinawag-pansin ng kilaláng pisiko na si Richard Feynman ang isa pang aspekto ng makasiyensiyang integridad. Sa isang talumpati para sa mga magsisipagtapos sa unibersidad, binanggit niya ang “isang espesipiko at karagdagang uri ng integridad.” Sinabi niyang kalakip dito ang “paggawa ng pantanging pagsisikap na ipakita na maaaring mali ka.” Ang paggawa nito, sabi niya, “ay pananagutan natin bilang mga siyentipiko, siyempre sa iba pang siyentipiko, at gayundin sa pangkaraniwang mga tao.”

Gaano natin kadalas marinig na ikinakapit ng mga ebolusyonista sa kanilang mga teoriya ang mga pananalitang gaya ng “maaaring mali”? Nakalulungkot, bihira sa kanila ang nagtataglay ng gayong kahinhinan. Ang totoo, ang kahinhinan at integridad ay dapat umakay sa mas maraming siyentipiko na tanggaping hindi masasagot ng siyensiya, na limitado lamang sa pag-aaral ng pisikal na sansinukob, ang mga tanong hinggil sa pag-iral ng isang Maylalang. Subalit kumusta naman ang relihiyosong mga lider na nagtataguyod ng creationism?

Isang Karaniwang Pagkakamali ng mga Relihiyonista

Bihira ring makita sa gitna ng relihiyosong mga lider ang kahinhinan at integridad. Tutal, pagpapamalas ba ng integridad ang paggigiit na itinuturo ng Bibliya ang isang bagay na hindi naman talaga nito itinuturo? Pagpapamalas ba ng kahinhinan ang pag-una sa personal na mga pangmalas at paboritong mga tradisyon kaysa sa Bibliya? Ganiyan mismo ang ginagawa ng maraming tagapagtaguyod ng creationism.

Bilang halimbawa, madalas sabihin ng mga tagapagtaguyod ng creationism na ang buong uniberso ay nilalang sa loob ng literal na anim na araw, na may tig-24 na oras, mga 6,000 taon na ang nakalilipas. Sa pamamagitan ng mga turong gaya nito, pinipilipit nila ang nilalaman ng Bibliya, na nagsasabing nilalang ng Diyos ang mga langit at lupa “nang pasimula”​—sa isang di-binanggit na yugto bago nagsimula ang espesipikong mga “araw” ng paglalang. (Genesis 1:1) Kapansin-pansin, ipinakikita ng ulat ng Genesis na ang salitang “araw” ay maaaring unawain nang mahigit sa isang diwa. Sa Genesis 2:4, ang buong yugto ng anim na araw na inilarawan sa naunang kabanata ay sinasabing isang araw lamang. Makatuwiran lamang na ang mga ito ay hindi literal na mga araw na tig-24 na oras, kundi mahahabang yugto ng panahon. Bawat isa sa mga yugtong ito ay maliwanag na tumagal nang libu-libong taon.

Nakalulungkot, karaniwan nang pare-parehong nagkakamali ang mga guro ng relihiyon kapag binabanggit nila ang hinggil sa pananampalataya. Wari bang ipinahihiwatig ng ilan na nasasangkot sa pananampalataya ang marubdob na paniniwala sa isang bagay na wala namang matibay na ebidensiya. Para sa maraming palaisip na tao, ito ay tila pagiging mapaniwalain. Ibang-iba ang katuturang ibinibigay ng Bibliya sa pananampalataya: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Kaya hindi basta pagiging mapaniwalain ang tunay na pananampalataya. Nakasalig ito sa matibay na ebidensiya at makatuwirang pananalig.

Kung gayon, sa anong ebidensiya nakasalig ang pananampalataya sa Diyos? May dalawang kalipunan ng mga ebidensiya na kapuwa mabigat.

Pagsusuri sa Ebidensiya

Napakilos si apostol Pablo upang isulat na ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Sa loob ng libu-libong taon, napag-unawa ng matatalinong lalaki at babae ang ebidensiya ng pag-iral ng Diyos sa likas na daigdig.

Gaya ng nakita na natin, kapaki-pakinabang na kasangkapan ang siyensiya sa bagay na ito. Habang mas marami tayong natututuhan hinggil sa pagkamasalimuot at kaayusan ng uniberso, higit tayong nagkakaroon ng dahilan upang magpitagan sa Isa na nagdisenyo ng lahat ng ito. Handang tanggapin ng ilang siyentipiko ang gayong ebidensiya at nakukumbinsi sila rito. Walang alinlangan na sasabihin nilang natulungan sila ng siyensiya na masumpungan ang Diyos. Ang ibang siyentipiko naman ay waring hindi makukumbinsi gaano man karami ang ebidensiya. Kumusta ka naman?

Kung handa kang suriin ang ebidensiya hinggil sa bagay na ito, hinihimok ka naming gawin iyan. Ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? ay dinisenyo upang tumulong sa iyo sa napakahalagang paghahanap na ito ng mga kasagutan. * Karagdagan pa, tutulungan ka nito na masuri ang ikalawang kalipunan ng ebidensiya hinggil sa pag-iral ng Diyos: ang Bibliya.

Naglalaman ang Bibliya ng napakaraming ebidensiya na kinasihan ito ng isang nakahihigit-sa-taong katalinuhan. Halimbawa, naglalaman ito ng napakaraming hula, o kasaysayan na patiunang isinulat. Ang ilan sa mga ito ay naglalarawan sa mismong mga kalagayan sa ating daigdig sa kasalukuyan! (Mateo 24:3, 6, 7; Lucas 21:10, 11; 2 Timoteo 3:1-5) Hindi tiyak na mahuhulaan ng tao ang kinabukasan. Sino bukod sa Diyos ang makagagawa nito?

Gayunman, hindi lamang sinasagot ng Bibliya ang tanong kung umiiral ba ang Diyos o hindi. Itinuturo rin nito sa atin ang kaniyang personal na pangalan, inilalarawan ang kaniyang personalidad, at isinasalaysay kung paano siya nagpakita ng interes sa sangkatauhan sa loob ng maraming taon. Isinisiwalat pa nga nito ang kaniyang layunin para sa atin. Hindi tayo matutulungan ng siyensiya na masumpungan ang sagot sa gayong mga bagay. Ang totoo, hindi makapagbibigay ng namamalaging pag-asa sa ating buhay ang siyensiya ng tao. Ni hindi rin ito makapagtatatag ng wastong moral na mga tuntunin at mga simulain.

Saligan Para sa Moral na mga Tuntunin at mga Simulain

Nakalulungkot, ang kalakaran ng siyensiya na isinasagawa ng ilan sa ngayon ay tila unti-unting nagpapahina sa moralidad, mga simulain, at mga pamantayan. Ang biyologong si Richard Dawkins na tumatanggi sa ideya na may Diyos ay nagsabi: “Sa uniberso na may bulag na pisikal na mga puwersa at kung saan nagaganap ang pagpaparami ng mga gene, ang ilang tao ay masasaktan, ang iba naman ay magiging mapalad, at wala kang masusumpungan na anumang makatuwirang paliwanag o maliwanag na kahulugan dito, ni anumang katarungan.” Hindi ba isang pesimistikong pangmalas ito sa daigdig? Hindi ba’t kailangan ng lipunan ng tao ang moral na mga tuntunin na nagbibigay-gantimpala sa mabuting paggawi at nagpaparusa naman sa paggawa ng masama?

Masusumpungan natin dito ang isang napakahalagang pagkakaiba ng pangmalas ng Bibliya sa sangkatauhan at ng pangmalas na inihaharap ng teoriya ng ebolusyon. Idiniriin ng Salita ng Diyos na ang mga tao ay may natatanging dako sa sangnilalang; ipinahihiwatig ng ebolusyon na ang mga tao ay di-sinasadyang produkto ng bulag na mga proseso ng kalikasan. Ipinaliliwanag ng Bibliya na ang mga tao ay nilalang ayon sa wangis ng isang makatarungan at maibiging Diyos at maaaring magtamasa ng malinis at kasiya-siyang buhay; hindi naman maipaliwanag ng ebolusyon, na nagdiriin sa pagpupunyaging manatiling buhay, ang mga katangian ng tao na pag-ibig at kabutihang-loob.

Walang maibibigay na anumang tunay na pag-asa at layunin ang ebolusyon. Inihaharap ng Bibliya ang dakilang layunin ng Maylalang para sa hinaharap. Buong-linaw niyang inihayag ang kaniyang layunin: “Bibigyan ko nga kayo ng kinabukasan at pag-asa.”​—Jeremias 29:11, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Matuto Hinggil sa Maylalang

Napakilos ang isang matalinong salmista na mapagpakumbabang kilalanin: “Alamin ninyo na si Jehova ay Diyos. Siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili.” (Awit 100:3) Para sa maraming palaisip na tao, ang mahinhing pagkilalang ito ay makapupong higit na makatuwiran kaysa sa modernong mga teoriya na nagsasabing umiral ang buhay ng tao nang hindi sinasadya.

Itinataguyod kung minsan ng modernong siyensiya ang palalong ideya na ang pangangatuwiran at kaalaman ng tao ang dapat maging pinakamagaling na patnubay. Nakalulungkot, gayundin ang pagkakamali ng organisadong relihiyon. Gayunman, limitado ang kaalaman ng tao at mananatili itong gayon. Si apostol Pablo ay may malawak na kaalaman sa espirituwal na mga bagay, subalit nanatili siyang mapagpakumbaba. Makatotohanan niyang sinabi: “Ngayon ay nakikita natin ang malabong sinag sa isang salamin . . . Ang kaalaman na taglay ko ngayon ay hindi sakdal.”​—1 Corinto 13:12, The Jerusalem Bible.

Sabihin pa, hindi nakadepende sa modernong siyensiya ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Subalit para sa isang maingat na nagsusuri, nakapagpapatibay ng pananampalataya ang siyensiya. Ang tunay na pananampalataya at espirituwalidad ay mahalaga sa pagkakaroon ng kasiya-siya at maligayang buhay. (Mateo 5:3) Kung gagamitin mo ang Bibliya upang magtamo ng malalim na kaalaman kay Jehova at sa kaniyang layunin sa sangkatauhan at sa lupa, masusumpungan mo ang saligan ng tunay na kahulugan ng buhay at ang matibay na pundasyon ng pag-asa.

[Talababa]

^ par. 18 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]

Sa sarili nilang pananalita

Walang pag-aatubiling ipinahahayag ng maraming siyentipiko ang kanilang paniniwala sa Maylalang. Bagaman ang ilan ay may mababaw at malabong mga ideya hinggil sa kung sino ang Diyos, sumasang-ayon naman sila na ang ebidensiya ay nagpapatunay na may matalinong Disenyador. Pansinin ang sumusunod na mga komento:

“Bilang isang siyentipiko, pinagmamasdan ko ang aking kapaligiran, at napapansin ko ang mga mekanismo ng inhinyeriya na gayon na lamang kasalimuot anupat sumapit ako sa konklusyon na isang matalinong disenyo ang nasa likod ng gayong masalimuot na kaayusan.”​—ANDREW MCINTOSH, MATEMATIKO, WALES, UNITED KINGDOM

“Ang pagkamasalimuot ng kalikasan ay maliwanag na nagpapatunay na mayroong Maylalang. Ang bawat biyolohikal at pisikal na sistema, kapag naunawaan, ay kakikitaan ng kamangha-manghang pagkamasalimuot.”​—JOHN K. G. KRAMER, BIYOKIMIKO, CANADA

“Maliwanag na nakikita ang kaayusan sa nabubuhay na daigdig. Pinairal ito ng isang nakatataas na Kapangyarihan na personal kong tinatawag na Diyos. Sa puntong ito kasuwato ng pananampalataya ang makasiyensiyang katotohanan. Sa halip na salungatin ito, pinupunan nito ang makasiyensiyang katotohanan, anupat naglalaan ng mas simpleng pagkaunawa sa ating uniberso.”​—JEAN DORST, BIYOLOGO, PRANSIYA

“Hindi ko maisip na walang matalinong pasimula ang uniberso at ang buhay ng tao, na wala itong pinagmumulan ng espirituwal na ‘init ng damdamin’ na hindi saklaw ng materya at ng mga batas nito.”​—ANDREY DMITRIYEVICH SAKHAROV, NUCLEAR PHYSICIST, RUSSIA

“Bawat hayop ay pantanging dinisenyo sa paanuman upang umangkop sa partikular na kapaligiran nito, at napilitan akong kilalanin na isang Maylalang ang sanhi ng pagkamasalimuot ng disenyo, at hindi ang walang-direksiyong mga puwersa ng ebolusyon.”​—BOB HOSKEN, BIYOKIMIKO, AUSTRALIA

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

Sinuri ang ulat ng Genesis

Ganito ang isinulat ng dating propesor ng “nuclear physics” na si Gerald Schroeder: “Inilalahad ng Bibliya sa tatlumpu’t isang talata, sa ilang daang salita, ang mga pangyayaring sumasaklaw sa labing-anim na bilyong taon. Literal na sumulat ang mga siyentipiko ng milyun-milyong salita tungkol sa mga pangyayaring ito. Ang paglitaw ng lahat ng buhay-hayop ay binuod sa walong pangungusap sa Bibliya. Kung isasaalang-alang ang kaiklian ng salaysay ng Bibliya, kapansin-pansin ang pagkakasuwato ng mga pananalita at pagkakasunod-sunod ng mga pangyayaring iniharap sa Genesis 1 at ng mga tuklas ng modernong siyensiya, lalo na kapag natanto natin na ang lahat ng paliwanag sa Bibliya na ginamit dito ay inirekord daan-daan o libu-libong taon pa nga ang nakalilipas, kaya’t hindi ito naimpluwensiyahan sa anumang paraan ng mga tuklas ng modernong siyensiya. Ang modernong siyensiya ang siyang tumugma sa ulat ng Bibliya hinggil sa ating pinagmulan.”​—THE SCIENCE OF GOD​—THE CONVERGENCE OF SCIENTIFIC AND BIBLICAL WISDOM.

[Mga larawan]

Inilalarawan ng Bibliya ang anim na yugto ng paglalang

[Larawan sa pahina 12]

Naglalaman ang Bibliya ng matibay na ebidensiya na kinasihan ito ng Diyos