Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Salungat ba sa Siyensiya ang Maniwala sa Diyos?

Salungat ba sa Siyensiya ang Maniwala sa Diyos?

Salungat ba sa Siyensiya ang Maniwala sa Diyos?

KAPAG nagbabasa ka tungkol sa siyensiya, malimit na mabasa ang mga pananalitang may kinalaman sa relihiyon. Halimbawa, tinutukoy ang mga siyentipiko bilang “matataas na saserdote ng isang bagong kultura ng teknolohiya,” at ang kanilang mga laboratoryo naman bilang “mga templo” o “mga dambana.” Sabihin pa, mga metapora lamang ang gayong pananalita. Gayunman, umaakay ang mga iyon sa mahalagang tanong na ito: May malaking puwang nga ba na naghihiwalay sa siyensiya mula sa relihiyon?

Inaakala ng ilan na habang mas maraming natututuhan ang mga siyentipiko, lalo namang humihina ang kanilang paniniwala sa Diyos. Totoo na marami sa sektor ng mga siyentipiko ang humahamak sa relihiyosong pananampalataya. Subalit marami-rami rin sa kanila ang lubhang humahanga sa mga ebidensiyang nagpapatunay na may nagdisenyo sa likas na daigdig sa palibot natin. Hindi lamang namamangha sa disenyo ang ibang mga siyentipiko; nagsisimula na rin silang mag-isip tungkol sa Disenyador.

Nagbabago ang Hihip ng Hangin

Malawakang tinatanggap ang teoriya ng ebolusyon ni Charles Darwin sa loob ng isa’t kalahating siglo. Maaaring inaakala ng ilang edukadong mga tao na sa ating panahon, ang paniniwala sa Diyos ay para na lamang sa mga walang-alam, mapaniwalain, at ignorante. Hindi ganito ang nangyari. Maraming siyentipiko ang lantarang nagpapahayag ng kanilang paniniwala sa isang Maylalang. Sabihin pa, maaaring hindi sila naniniwala sa isang personal na Diyos o sa Bibliya. Subalit kumbinsido sila na ang disenyong kitang-kita sa kalikasan ay nangangailangan ng isang matalinong Disenyador.

Maituturing bang ignorante ang mga siyentipikong iyon? Sa pag-uulat hinggil sa mga siyentipikong naniniwala na ang ating kosmos at ang buhay rito ay resulta ng matalinong disenyo, ganito ang sinabi ng isang artikulo sa The New York Times na sumusuri ng aklat: “May mga titulo silang Ph.D. at may mga katungkulan sa ilang tanyag na unibersidad. Ang argumento nila laban sa Darwinismo ay hindi nakasalig sa awtoridad ng Kasulatan; sa halip, nakabatay ang mga ito sa makasiyensiyang pangangatuwiran.”

Binabanggit din ng artikulong iyon na ang mga tagapagtaguyod ng konsepto ng matalinong disenyo “ay hindi gumagawa ng mga pag-aangkin na talaga namang di-makatuwiran. . . . Pinabubulaanan nila ang pangangatuwirang sapat na ang laganap na teoriya ni Darwin, o ang iba pang teoriyang ‘naturalistic’ na nakasalig lamang sa walang isip at mekanikal na mga sanhi na unti-unting gumagana sa paglipas ng panahon, upang ipaliwanag ang lahat hinggil sa buhay. Ang biyolohikal na daigdig, katuwiran nila, ay sagana sa ebidensiya ng matalinong disenyo​—ebidensiya na halos tiyakang nagpapatunay sa pakikialam ng isang Matalinong Disenyador.” *

Kapansin-pansin na pangkaraniwan na lamang ang gayong mga konklusyon sa mga siyentipiko. Halimbawa, isiniwalat ng isang pag-aaral na inilabas noong 1997 na 4 sa 10 siyentipiko sa Estados Unidos ang naniniwala sa isang personal na Diyos. Halos hindi nagbago ang proporsiyong ito mula noong 1914, kung kailan isinagawa ang katulad na surbey.

Hindi kataka-taka, mas mababa ang proporsiyon sa mga bansa kung saan hindi gaanong relihiyoso ang pangmalas ng mga tao, gaya sa mga bansa sa Europa. Gayunman, iniulat ng pahayagang The Guardian sa Britanya na ang “antas ng relihiyosong paniniwala ay pinakamataas sa mga praktisyoner ng mga hard science (anumang siyensiya kung saan eksaktong nasusukat ang impormasyon at nasusubok ang mga teoriya), gaya ng pisika at heolohiya, at mas mababa naman para sa mga soft science (anumang siyensiya kung saan ang impormasyon ay hindi madaling mapatunayan o mapabulaanan sa pamamagitan ng makasiyensiyang pamamaraan), gaya ng antropolohiya.” Idinagdag pa nito: “May mga organisasyon ang UK na gaya ng Mga Kristiyano sa Larangan ng Siyensiya.” Binanggit din ng pahayagan na sa Gran Britanya, “mas maraming estudyanteng nag-aaral ng siyensiya ang nagsisimba kaysa sa mga nag-aaral ng sining.”

Gayunman, waring ang karamihan sa mga siyentipiko ay humahamak sa konsepto na may isang Maylalang. Ang gayong paghamak ay gumigipit nang matindi sa iba. Sinabi ng astronomong si Allan Sandage na “mag-aatubili kang isiwalat na isa kang mananampalataya.” Bakit? “Ang pang-aalipusta,” sabi niya​—ang di-pagsang-ayon at pagtuligsa ng mga kasamahan sa propesyon​—“ay napakatindi.”

Dahil dito, nasusumpungan ng mga siyentipikong naglalakas-loob na magsabing hindi naman salungat sa siyensiya ang paniniwala sa Maylalang, na ang kanilang mga opinyon ay nadaraig ng mas mapag-alinlangang mga pananaw. Bibigyang-pansin ng kasunod na mga artikulo ang mga opinyong ito na kadalasang ipinagwawalang-bahala at kung bakit gayon ang paniniwala ng mga siyentipikong ito. Gayunman, paano ka personal na naaapektuhan? Matutulungan ka ba ng siyensiya na masumpungan ang Diyos? Pakisuyong ituloy mo ang pagbasa.

[Talababa]

^ par. 7 Kabilang sa prominenteng mga iskolar at siyentipiko na naghayag sa publiko na sumusuporta sila sa konsepto ng “isang Matalinong Disenyador” ay sina Phillip E. Johnson, na nagtuturo ng abogasya sa University of California, Berkeley; ang biyokimiko na si Michael J. Behe, na may-akda ng aklat na Darwin’s Black Box​—The Biochemical Challenge to Evolution; ang matematikong si William A. Dembski; ang pilosopo sa lohika na si Alvin Plantinga; ang mga pisikong sina John Polkinghorne at Freeman Dyson; ang astronomong si Allan Sandage; at ang iba pa na napakarami upang itala.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Mga bituin: Courtesy of ROE/Anglo-Australian Observatory, photograph by David Malin