“Alalahanin ang Iyong Maylalang”
“Alalahanin ang Iyong Maylalang”
“Alalahanin ang iyong Maylalang habang bata ka pa! Sa darating na mga taon, mapabibigatan ka ng mga problema at sasabihin mo, ‘Hindi na ako nasisiyahan sa buhay.’”—Eclesiastes 12:1, “Contemporary English Version.”
ANG teksto sa itaas na hango sa Bibliya ay pumupukaw ng kaisipan. Minsan ka lamang maging bata. Sa kalaunan, aalalahanin mo ang mga taon ng iyong pagbibinata o pagdadalaga, nang may kagalakan at kasiyahan o nang may mapait na panghihinayang. Alin dito ang magiging kalagayan mo? Paano ka makatitiyak sa kalalabasan?
“Alalahanin ang iyong Maylalang,” ang paghimok ng Bibliya, gaya ng sinipi sa itaas. Paano mo magagawa ito? Sa pamamagitan ng panghahawakan sa mga kautusan at simulain ng Diyos na nakasaad sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Hindi, hindi ito nangangahulugan na kailangan mong mamuhay nang napakasimple at maging panatiko sa relihiyon, anupat pinagkakaitan ang iyong sarili ng lahat ng kaluguran. Sa kabaligtaran, ang pag-alaala sa iyong Maylalang ay magdudulot sa iyo ng walang-katumbas na kaligayahang maaari mong matamo. Paano mangyayari ito?
Upang ilarawan, ipagpalagay na may nagbigay sa iyo ng kotse at lisensiya sa pagmamaneho. Nasa harap mo ang nakapananabik na bagong kalayaan, na makapagbibigay sa iyo ng matinding kaluguran. Isip-isipin mo na lamang ang mga lugar na puwede mong puntahan! Gayunman, ang bagong kalayaan mo ay may kaakibat na mabigat na pananagutan. Samantalang nagmamaneho, kailangan mong sumunod sa mga alituntunin sa daan at magbigay-pansin sa ilaw-trapiko, sa itinakdang bilis ng pagpapatakbo, at sa nagbababalang mga karatula. Inaalis ba ng mga pananagutang ito ang kasiyahan mo sa pagmamaneho? Tiyak na hindi! Sa katunayan, nagsisilbi itong proteksiyon. Tiyak na hindi nakatutuwa ang maaksidente, hindi ba?
Katulad din ito ng kalayaang ipinagkaloob sa iyo ng iyong Maylalang, ang Diyos na Jehova. Habang lumalaki ka tungo sa pagiging adulto, hinahayaan ka niyang magpasiya kung paano mo gagamitin ang iyong buhay. (Deuteronomio 30:19; Kawikaan 27:11) Kamangha-manghang pribilehiyo nga ito! Subalit kaakibat ng kalayaang ito ang seryosong pananagutan. Sa kaniyang Salita, itinakda ni Jehova ang ‘mga alituntunin sa daan’—mga pamantayan na nais niyang ipamuhay mo. Humahadlang ba sa kaligayahan mo ang mga pamantayang ito? Tiyak na hindi! Sa haIip, ipinagsasanggalang ka ng mga ito mula sa dalamhati at kirot na nagbibigay-hapis sa maraming kabataan sa ngayon.
Nalalaman ni Federico, na mahigit 30 anyos na ngayon, na talagang totoo ito. Nang kabataan pa, nakita niya ang kaniyang mga kamag-aral na nasasangkot sa lahat ng uri ng mga gawain na alam niyang dapat niyang iwasan. “Tila ba nagkakasayahan sila,” ang sabi niya, “subalit hindi ko kailanman inisip na talagang maliligaya sila.” Sa pagbabalik-tanaw, natutuwa si Federico na taglay niya ang mga pamantayan ng Bibliya na gumabay sa kaniya sa panahon ng pagbibinata. “Oo, may pinagpunyagian din akong mga problema, gaya ng sinumang kabataan,” ang sabi niya. “Subalit talagang ipinagsanggalang ako ng Bibliya. At laging may isang kapuwa Kristiyano na handang tumulong sa akin. Ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay nagbigay sa akin ng kaligayahan na nakahihigit kaysa sa kaya kong gunigunihin!”
Nais ng Diyos na Jehova na maging maligaya ka—talagang maligaya. Higit pa ang nasasangkot dito kaysa sa panlabas na anyo ng kasiyahan na nagkukubli lamang sa nadarama mong kahapisan. Sinasabi ng Bibliya: “Masiyahan ka sa iyong kabataan. Magpakasaya ka habang bata ka pa.” Subalit ang talata ring iyon ng Bibliya ay may kasamang babala. “Tandaan,” ang sabi nito, “na hahatulan ka ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa.”—Eclesiastes 11:9, Today’s English Version.
Alalahanin ang iyong Maylalang sa pamamagitan ng matalinong paggamit ng kalayaang ipinagkaloob niya sa iyo. Kung gagawin mo ito, maaasahan mong aalalahanin ka ng iyong Maylalang at ipagkakaloob niya sa iyo ang walang katumbas na kaligayahang maaari mong matamo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”—Kawikaan 10:22.
Upang tulungan ang mga kabataan na harapin ang mga pagsubok sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, inilathala ng mga Saksi ni Jehova ang 320-pahinang publikasyon na pinamagatang Ang mga Tanong ng mga Kabataan . . . Mga Sagot na Lumulutas. Sa kasalukuyan, halos 34 na milyong kopya ng aklat na ito ang nailimbag na sa 77 wika. Maaari kang kumuha ng kopya sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Upang Matulungan Kang Magtagumpay Bilang Isang Nagbibinata o Nagdadalaga
Gumugol ng panahon upang basahin ang Salita ng Diyos
Magsikap sa ministeryo
Umiwas sa masasamang kasama
Panatilihin ang matalik na komunikasyon sa iyong mga magulang
[Credit Line]
Pabalat ng brosyur: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.