Ang mga Kagalakan at Hamon ng Pagbibinata o Pagdadalaga
Ang mga Kagalakan at Hamon ng Pagbibinata o Pagdadalaga
ANG pagbibinata o pagdadalaga ay maaaring maging kasiya-siyang panahon sa buhay. Talagang totoo ito para sa marami. At buong-kasiyahang naaalaala ng maraming adulto ang mga taon ng kanilang pagiging tin-edyer.
Kasabay nito, dapat kilalanin na nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Nagdulot ito ng karagdagang kaigtingan sa mga kabataan, mga kaigtingan na naiiba sa naranasan ng nakalipas na mga henerasyon. Marahil ito ang dahilan kung bakit inilarawan ni Sabrina Solin Weill, executive editor ng isang magasing pantin-edyer, ang buhay ng nagbibinata o nagdadalaga sa “pagtulay sa lubid nang walang net na pansalo.” Ang maligalig na yugtong ito ng buhay ay talagang maaaring maging punô ng mga damdamin ng pagkaasiwa, kabalisahan, at pagkalito. “Sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga,” ang sulat ni Weill, “kailangang harapin ng mga tin-edyer ang pinakadi-kaayaayang mga aspekto ng pagkabata at ng pagiging adulto.”
Kung isa kang nagbibinata o nagdadalaga, paano mo mapagtatagumpayan ang mga hamon na iyong kinakaharap? Kung magulang ka ng isang nagbibinata o nagdadalaga, ano ang tutulong sa iyo na maalaala kung gaano kahirap ang mga taóng ito at sa gayo’y higit mong maunawaan kung ano ang nararanasan ng iyong anak? Sa seryeng ito, inaanyayahan namin kapuwa ang mga kabataan at mga adulto na suriing mabuti ang paksa hinggil sa pagbibinata o pagdadalaga. Ang paggawa nito ay tutulong sa mga kabataan hindi lamang upang makapagbata kundi maging matagumpay rin naman.