Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ang Kahulugan ng Maging Ulo ng Sambahayan?
AYON sa Bibliya, “ang ulo ng . . . babae ay ang lalaki.” (1 Corinto 11:3; Efeso 5:23) Subalit inaakala ng maraming nag-aangking gumagalang sa Bibliya na ang simulaing ito ng pagkaulo ng asawang lalaki ay hindi lamang lipas na kundi mapanganib din. “Ang sukdulang pagkakapit sa doktrina na ang mga babae ay dapat na ‘magiliw na magpasakop’ [sa kani-kanilang asawang lalaki], ay maaaring humantong sa pag-abuso, kapuwa sa pisikal at emosyonal na paraan,” ang sabi ng isang mag-asawa. Nakalulungkot, laganap at palasak ang pag-abuso sa pagkaulo. “Sa maraming bansa,” ang sabi ng isang awtor, “itinuturing na natural lamang ang pambubugbog sa asawang babae—isang karapatan ng lalaki na pinapupurihan sa mga awit, sawikain at mga seremonya ng kasal.”
Iminungkahi pa nga ng ilan na ang simulain ng Bibliya hinggil sa pagkaulo ang may pananagutan sa mga kalupitang ito. Hinahamak ba ng turo ng Bibliya tungkol sa pagkaulo ang kababaihan at pinasisigla ang karahasan sa sambahayan? Ano nga ba talaga ang kahulugan ng maging ulo ng sambahayan? *
Ang Pagkaulo ay Hindi Paniniil
Isang maibiging kaayusan ang pagkaulo ayon sa Bibliya at hinding-hindi ito nangangahulugan ng paniniil. Ang pagwawalang-bahala sa awtoridad na itinatag ng Diyos ang dahilan ng madalas na malupit Genesis 3:16) Mula sa hardin ng Eden, madalas nang inaabuso ng mga lalaki ang kanilang kapangyarihan, anupat may-kabangisang sinasamantala ang iba, kasali ang mga babae at mga bata.
na panunupil ng lalaki sa mga babae. (Gayunman, hindi iyan kailanman bahagi ng layunin ng Diyos. Kinamumuhian ni Jehova ang mga umaabuso sa kanilang awtoridad. Hinatulan niya ang mga lalaking Israelita na ‘nakitungo nang may kataksilan’ sa kani-kanilang mga asawa. (Malakias 2:13-16) Isa pa, sinasabi ng Diyos na “ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Kaya tiyak na hindi magagamit ng mga nambubugbog at iba pang mga nang-aabuso ng asawa ang Bibliya upang ipagmatuwid ang kanilang mararahas na pagkilos.
Ano ang Kasali sa Wastong Pagkaulo?
Ang pagkaulo ay mahalagang kaayusang ginagamit ng Diyos upang mapanatili ang kaayusan sa buong sansinukob. Ang lahat maliban sa Diyos ay mananagot sa iba. Ang mga lalaki ay dapat magpasakop kay Kristo, ang mga anak ay dapat magpasakop sa kanilang mga magulang, at ang lahat ng Kristiyano ay dapat magpasakop sa mga pamahalaan. Kahit si Jesus ay dapat magpasakop sa Diyos.—Roma 13:1; 1 Corinto 11:3; 15:28; Efeso 6:1.
Mahalaga ang pagpapasakop sa pangunguna ng isa para sa isang maayos at matatag na lipunan. Sa gayunding paraan, ang pagpapasakop sa ulo ng pamilya ay mahalaga upang magkaroon ng isang matatag, maligaya, at mapayapang pamilya. Hindi nababago ang katotohanang ito kung walang asawang lalaki o ama sa pamilya. Sa gayong mga pamilya, ang ina ang nagiging ulo. Kung wala ang ama at ina, ang pinakamatandang anak o ibang kamag-anak ang maaaring maging ulo ng sambahayan. Sa lahat ng kalagayan, nakikinabang ang mga miyembro ng pamilya kapag nagpapakita sila ng paggalang sa isa na awtorisadong manguna.
Kung gayon, ang mahalagang salik ay pag-aralang isagawa at unawain nang wasto ang pagkaulo, hindi ang tanggihan ang simulain ng pagkaulo. Pinapayuhan ni apostol Pablo ang Kristiyanong mga asawang lalaki na maging ulo ng kanilang sambahayan “kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:21-23) Sa gayo’y binanggit ni Pablo ang paraan ng pakikitungo ni Kristo sa kongregasyon bilang ang sakdal na pamantayan ng pagkaulo. Anong halimbawa ang ipinakita ni Kristo?
Bagaman Mesiyas at Hari sa hinaharap, may awtoridad mula sa Diyos mismo at higit na mas matalino at makaranasan sa buhay kaysa sa kaniyang mga alagad, si Jesus ay maibigin, magiliw, at mahabagin. Hindi siya kailanman naging malupit, di-nagpaparaya, o labis-labis na mapaghanap. Hindi siya dominante sa pagsasagawa ng kaniyang awtoridad at hindi niya laging ipinaaalaala sa lahat na siya ang Anak ng Diyos. Mapagpakumbaba at mababa ang puso ni Jesus. Dahil dito, ‘ang kaniyang pamatok ay may-kabaitan at ang kaniyang pasan ay magaan.’ (Mateo 11:28-30) Kaya nga, siya ay madaling lapitan at makatuwiran. Sa katunayan, sinabi ni Pablo na gayon na lamang ang pag-ibig ni Jesus sa kongregasyon anupat “ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.”—Efeso 5:25.
Paano Matutularan ng Isa ang Pagkaulo ni Jesus?
Paano matutularan ng mga ulo ng pamilya ang mga katangian ni Kristo? Ang isang responsableng ulo ay nagmamalasakit sa pisikal at espirituwal na kapakanan ng kaniyang pamilya. Nagpapagal siya upang mabigyan ng angkop na panahon at atensiyon ang kanilang indibiduwal at pangkalahatang mga pangangailangan. Inuuna niya ang kapakanan ng kaniyang kabiyak at mga anak kaysa sa kaniyang sariling kapakanan. * (1 Corinto 10:24; Filipos 2:4) Sa pagkakapit ng mga simulain at turo ng Bibliya sa kaniyang pang-araw-araw na buhay, nakakamit ng asawang lalaki ang paggalang at suporta ng kaniyang asawa at mga anak. Sa ilalim ng kaniyang maibiging pagkaulo, ang kanilang sama-samang pagsisikap sa pagharap sa anumang mga suliranin ay maaaring magtagumpay. Kaya sa pagsasagawa ng kaniyang pagkaulo sa maka-Kasulatang paraan, ang asawang lalaki ay nagtatatag ng isang maligayang pamilya, isa na kumikilos sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Diyos.
Mapagpakumbaba rin ang matalinong ulo. Kung kinakailangan, madali siyang humingi ng tawad, kahit na masumpungan niyang mahirap aminin na mali siya. Sinasabi ng Bibliya na may kaligtasan “sa karamihan ng mga tagapayo.” (Kawikaan 24:6) Oo, pakikilusin din ng kapakumbabaan ang isang ulo ng pamilya na makinig at aktibong isaalang-alang ang opinyon ng kaniyang asawa at mga anak kung angkop. Sa pagtulad kay Jesus, titiyakin ng isang Kristiyanong ulo na ang kaniyang pagkaulo ay hindi lamang nagdudulot ng kaligayahan at katiwasayan sa kaniyang pamilya kundi nagpaparangal at lumuluwalhati rin sa Tagapagpasimula ng mga pamilya, ang Diyos na Jehova.—Efeso 3:14, 15.
[Mga talababa]
^ par. 4 Bagaman pangunahin nang tinatalakay ng artikulong ito ang papel ng asawang lalaki at ama ng pamilya, makikinabang din sa mga simulaing ibinigay sa mga ulo ng pamilya ang mga nagsosolong ina at mga ulila na dapat mangalaga sa kanilang mga kapatid.
^ par. 14 Ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagbibigay ng praktikal na mga mungkahi kung paano maibiging mapangangalagaan ang pamilya.
[Larawan sa pahina 26]
Isinasaalang-alang ng makatuwirang asawang lalaki ang mga opinyon ng kaniyang asawa at mga anak