‘Ano ang Nangyayari sa Akin?’
‘Ano ang Nangyayari sa Akin?’
“Isang araw, nagising ako na para bang nagbago ang lahat ng bagay sa buhay ko. Pakiramdam ko’y isa akong naiibang tao sa isang naiibang katawan.”—Sam.
ANO ba ang pagbibinata o pagdadalaga? Sa madaling salita, ito ang yugto ng buhay sa pagitan ng pagkabata at pagiging adulto. Ito ang panahon kung kailan nakararanas ka ng malalaking pagbabago—sa pisikal at emosyonal na paraan, at maging sa iyong pakikitungo sa iba. Sa isang diwa, kapana-panabik ang pasimula ng pagbibinata o pagdadalaga. Tutal, nangangahulugan ito na patungo ka na sa pagiging adulto. Sa kabilang dako, nagsisimulang sumibol ang bagong mga damdamin sa panahong ito ng buhay, at ang ilan sa mga ito ay nakalilito—nakatatakot pa nga.
Gayunman, hindi mo naman dapat labis na katakutan ang pagbibinata o pagdadalaga. Totoo, maaari itong magdulot ng isang antas ng dalamhati. Subalit naglalaan din ito ng kamangha-manghang pagkakataon upang gawing kasiya-siya ang pagbabago tungo sa pagiging adulto. Tingnan natin kung paano—una sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilang hamon na kinakaharap ng mga nagbibinata o nagdadalaga.
Ang Pasimula ng Pagbibinata o Pagdadalaga
Sa panahon ng pagiging tin-edyer, nagaganap ang mga pagbabago sa iyong katawan upang ihanda ka sa seksuwal na pagpaparami. Ang prosesong ito, na tinatawag na pagbibinata o pagdadalaga (puberty), ay tumatagal nang mga taon, at nakaaapekto ito hindi lamang sa pagbabago ng iyong mga sangkap sa pagpaparami, gaya ng makikita natin.
Karaniwan nang nagsisimula ang pagdadalaga ng mga batang babae sa pagitan ng edad 10 at 12, samantalang nagsisimula namang magbinata ang maraming batang lalaki sa pagitan ng 12 at 14. Gayunman, maaaring magsimula ito nang mas maaga o mas huli, depende sa indibiduwal. Ayon sa The New Teenage Body Book, “ang bawat tao ay may kani-kaniyang
pantanging panloob na mekanismo na nagpapasiya kung kailan magaganap ang iba’t ibang pagbabago na nauugnay sa pagbibinata o pagdadalaga.” Idinagdag pa nito: “Lubhang nagkakaiba-iba ang itinuturing na normal na pagsisimula ng pagbibinata o pagdadalaga.” Kaya wala namang problema kung magbinata o magdalaga ka nang mas maaga—o mas huli—kaysa sa iyong mga kaedad.Kapag nagsimula ka nang magbinata o magdalaga, makaaapekto ito sa iyong hitsura, sa iyong damdamin, at sa pananaw mo sa daigdig na nakapalibot sa iyo. Isaalang-alang ang ilang kawili-wili gayunma’y mapanghamong mga aspekto ng natatanging yugtong ito ng buhay.
‘Ano ang Nangyayari sa Katawan Ko?’
Sa pagsisimula ng pagbibinata o pagdadalaga, tumataas ang antas ng mga hormon, pangunahin na ng estrogen sa mga babae at testosterone naman sa mga lalaki. Ang mga pagbabago sa hormon ang isa sa mga sanhi ng tila ba makahimalang pisikal na mga pagbabago na kasunod nito. Sa katunayan, kapag nagsimula na ang pagbibinata o pagdadalaga, lumalaki ka sa pinakamabilis na antas mula nang ikaw ay ipanganak.
Sa panahong ito nagsisimulang gumulang ang iyong mga sangkap sa pagpaparami, subalit isa lamang ito sa mga aspekto ng pisikal na paglaki. Maaaring tumangkad ka rin nang napakabilis. Marahil noong bata ka pa ay lumalaki ka nang limang sentimetro bawat taon, pero karaniwan nang madodoble ang bilis ng iyong paglaki sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga.
Sa loob ng panahong ito, sa isang antas ay maaaring madama mo ang pisikal na pagkaasiwa. Normal lamang ito. Tandaan, maaaring hindi pare-pareho ang bilis ng paglaki ng iba’t ibang bahagi ng iyong katawan. Bunga nito, baka maging asiwa kang kumilos. Subalit maging matiisin—hindi ka naman laging magiging asiwa anupat malapít sa aksidente. Lilipas din ang pisikal na pagkaasiwa sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga.
Sa panahon ng pagdadalaga, ang mga babae ay magsisimula nang reglahin, buwanang pag-agas ng dugo, mga sekresyon, at labí ng mga tissue mula sa matris. * Karaniwan na ang pamumulikat at ang pagbaba ng mga antas ng hormon sa panahon ng pagreregla. Yamang kapuwa may pisikal at emosyonal na mga epekto ito, maaaring maging lubhang nakababahala ang pasimula ng pagreregla. “Walang anu-ano, kailangan kong harapin ang lubhang bagong karanasan na ito,” naaalaala ni Teresa, na 17 taóng gulang na ngayon. “Nagdulot ito sa akin ng nagkakasalungatang mga damdamin, at masakit ito. At dumarating ito buwan-buwan!”
Hindi ka dapat matakot kapag nagsimula ka nang reglahin. Tutal, palatandaan ito na gumagana nang normal ang iyong katawan. Sa kalaunan, matututuhan mo rin kung paano haharapin ang di-kaayaayang mga aspekto ng iyong pagreregla. Halimbawa, nasusumpungan ng ilan na hindi na sila gaanong dumaranas ng makikirot na pulikat dahil sa regular na ehersisyo. Subalit magkakaiba ang bawat indibiduwal. Baka matuklasan mo na kailangang-kailangan mong bawasan ang iyong pisikal na mga gawain sa panahon ng iyong pagreregla. Matutong “makinig” sa iyong katawan at ibigay kung ano ang kinakailangan nito.
Sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, higit at higit na nagiging palaisip kapuwa ang mga lalaki at mga babae sa kanilang pisikal na hitsura. “Iyan ang panahon kung kailan talagang nagsimula akong magbigay-pansin—at mabahala—hinggil sa iniisip ng mga tao sa aking hitsura,” ang pag-amin ni Teresa. “At sa totoo lang, madalas pa rin akong masiphayo sa aking hitsura,” ang patuloy niya. “Hindi ko maiayos ang aking buhok sa istilo na gusto ko, hindi na magkasya sa akin ang mga damit ko, at hindi
ako makakita maging ng mga damit na magugustuhan ko!”Maaari ka ring masiphayo sa iyong katawan sa iba pang paraan. Halimbawa, nagiging higit na aktibo ang iyong mga glandula ng pawis sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga, kaya baka maging higit kang pawisín. Ang regular na paliligo o pagsa-shower, gayundin ang pagtiyak na bagong laba ang iyong damit, ay makatutulong upang makontrol mo ang amoy ng iyong katawan. Makatutulong din ang paggamit ng deodorant o antiperspirant.
Sa panahon din ng pagbibinata o pagdadalaga nagiging higit na aktibo ang mga oil gland sa iyong katawan, na maaaring maging sanhi ng tagihawat at acne. “Tila kung kailan ko gustong magpaganda at saka naman ako nagkakatagihawat,” ang hinagpis ng isang babae na nagngangalang Ann. “Guniguni ko lang kaya ito o talagang alam lamang ng mga tagihawat kung kailan ayaw na ayaw mong magkaroon nito?” Naging problema rin ni Teresa ang acne. “Napapangitan ako sa aking sarili at hindi ako mapalagay dahil dito,” ang sabi niya, “dahil kapag nakatingin ang mga tao sa akin, iniisip kong tagihawat lamang ang napapansin nila sa akin!”
Sabihin pa, maaari ring magkaroon ng sakit sa balat ang mga lalaki. Sa katunayan, sinasabi ng mga eksperto na mas madaling kapitan ng sakit sa balat ang mga lalaki kaysa sa mga babae. Isa ka mang kabataang lalaki o babae, makatutulong kung regular mong huhugasan ang malalangis na bahagi ng iyong katawan, kasali na ang iyong mukha, leeg, mga balikat, likod, at dibdib. Bukod diyan, makatutulong ang madalas na pagsa-shampoo ng iyong buhok upang hindi kumalat ang langis sa iyong balat. Gayundin, may mabibiling mga produkto na dinisenyo upang hadlangan ang acne at tagihawat. “Tinulungan ako ng aking mga magulang na makahanap ng mga cleanser at pamahid para sa isang partikular na bahagi ng katawan,” ang sabi ni Teresa. “Tinulungan din nila ako na iwasan ang pagkain ng maraming sitsirya. Kapag hindi ako kumakain ng mga sitsirya at kapag umiinom ako ng maraming tubig, karaniwan nang nawawala ang aking acne.”
Ang isa pang pisikal na pagbabago, na partikular na nakaaapekto sa mga lalaki, ay may kinalaman sa boses. Ang iyong kuwerdas bokales ay malamang na kumapal at humaba sa panahon ng pagbibinata, na nagiging dahilan ng unti-unting pagbaba ng iyong boses. Sa karanasan ni Bill, nangyari ito nang hindi niya namamalayan. “Hindi ko namalayan na nagbago na pala ang boses ko,” ang sabi niya, “napansin ko lamang na hindi na ako naipagkakamali ng mga tao sa aking nanay o kapatid na babae kapag sinasagot ko ang tawag sa telepono.”
Kung minsan, ang boses na nasa proseso ng pagbabago ay malamang na pumiyok—biglang tumaas ang tono. “Hiyang-hiya ako,” ang sabi ni Tyrone, habang ginugunita ang kaniyang pagbibinata. “Sa tuwing ninenerbiyos o tuwang-tuwa ako, saka naman ako pumipiyok. Sinikap ko na huwag maging masyadong emosyonal, pero siyempre pa naging emosyonal pa rin ako.” Idinagdag pa ni Tyrone, “Pagkalipas ng isa o siguro ay dalawang taon, hindi na ako pumipiyok.” Kung nararanasan mo ito, huwag kang masiraan ng loob! Di-magtatagal, magiging permanente na ang bago at mas mababang tono ng iyong boses.
‘Bakit Ganito ang Nadarama Ko?’
Karaniwan na sa mga nagbibinata o nagdadalaga ang makaranas ng napakaraming uri ng nakapipighating emosyon. Halimbawa, baka masumpungan mong nagsisimula ka nang maging malayo sa pinakamatatalik mong kaibigan mula sa pagkabata. Hindi naman ito dahil sa malubhang pagtatalo. Marahil ay hindi na magkakapareho ang kinawiwilihan ng bawat isa sa inyo. Baka madama mo na maging ang iyong mga magulang—na dati mong nilalapitan para aliwin ka at bigyan ka ng katiwasayan—ay masyadong makaluma at mahirap lapitan.
Ang lahat ng ito ay maaaring maging sanhi upang madama ng isang tin-edyer na nag-iisa siya. “Sinasabi ng ilang mananaliksik na ang kalungkutan ay mas madalas maranasan at mas matindi sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga kaysa sa panahon ng pagkabata o pagiging adulto,” ang sabi ng
isang akdang reperensiya. Dahil natatakot kang ituring ng iba na kakatwa, baka sarilinin mo na lamang ang iyong iniisip at nadarama. O baka atubili kang magpakita ng interes sa iba, palibhasa’y kumbinsido ka na walang sinuman ang magnanais makipagkaibigan sa iyo.Dumaranas ang maraming nagbibinata o nagdadalaga ng kalungkutan sa pana-panahon, gaya rin ng maraming adulto. Ang mahalagang bagay na dapat isipin ay na lilipas din ang mga damdaming ito sa bandang huli. * Tandaan, dahil sa nagbibinata o nagdadalaga ka, halos lahat ng bagay hinggil sa iyo ay nagbabago. Ang pananaw mo sa buhay, sa iba, at maging sa iyong sarili ay patuloy na nagbabago. Sa katunayan, baka isipin mo pa nga sa pana-panahon ang iyong sarili na isang ganap na estranghero! Baka madama mo ang nadama ni Steve, 17 taóng gulang, na umamin, “Napakahirap sabihin na kilala mo ang iyong sarili yamang napakabilis ng iyong pagbabago.”
Isa sa pinakamagagaling na paraan upang mapaglabanan ang kalungkutan ay ang pagpapakita ng interes sa iba. Maaaring kasali rito ang pakikipagkilala sa mga hindi mo kaedad. May kilala ka bang mga may-edad na masisiyahan sa iyong palakaibigang pagdalaw? Makagagawa ka ba ng ilang gawaing-bahay para sa kanila, lalo na kung nangangailangan sila ng tulong? Pinasisigla ng Bibliya ang lahat—mga kabataan at adulto—na “magpalawak” ng kanilang pagmamahal sa iba. (2 Corinto 6:11-13) Ang paggawa nito ay makapagbubukas ng kapana-panabik na mga oportunidad.
Ang teksto sa Bibliya na sinipi sa itaas ay isa lamang sa maraming simulain na tumulong sa mga kabataang Kristiyano upang matagumpay na harapin ang mga hamon ng pagbibinata o pagdadalaga. Habang binabasa mo ang susunod na artikulo, isaalang-alang kung paano maaaring magkaroon ng makapangyarihang impluwensiya sa iyong buhay ang Salita ng Diyos habang lumalaki ka bilang adulto.
[Mga talababa]
^ par. 13 Sa umpisa, maaaring mangyari ang pagreregla nang mahigit o mas madalang sa isang beses sa isang buwan. Ang lakas ng pag-agas ay maaari ring magkaiba-iba. Hindi ka dapat labis na mabahala sa ganitong mga kalagayan. Gayunman, ang iregular na pagreregla sa loob ng isa o dalawang taon ay maaaring nagpapahiwatig na kailangan mo nang kumonsulta sa doktor.
^ par. 24 Kung nagtatagal ang iyong kalungkutan o paulit-ulit mong naiisip na magpatiwakal, dapat kang humingi ng tulong. Agad kang makipag-usap sa iyong mga magulang o sa may-gulang na mga adulto na mapaghihingahan mo ng iyong mga damdamin.
[Kahon sa pahina 6]
Hindi Perpekto ang mga Magulang
“Noong bata pa ako, iniisip ko na perpekto ang aking mga magulang. Sa paano man, nang maging tin-edyer na ako, tila ba hindi na sila, umm. . ., gaanong matalino. Ang ibig kong sabihin ay napag-isip-isip ko na hindi sila perpekto, at nakabahala ito sa akin. Nakalulungkot, dahil dito ay pinag-alinlanganan ko ang kanilang mga opinyon at pagpapasiya. Gayunman, dahil sa mga aral na natutuhan ko sa mapait na karanasan, naibalik ko ang lubos na paggalang sa kanila. Hindi, hindi naman sila perpekto, pero mas madalas na tama sila. At kung mali man sila, mga magulang ko pa rin sila. Unti-unti kaming nagiging parang magkakaibigan, at sa palagay ko ay ganito ang karaniwang nangyayari sa pagitan ng mga bata at ng kanilang mga magulang.”—Teresa, 17.
[Larawan sa pahina 7]
Maraming kabataan ang nagsikap na linangin ang matalik na pakikipagkaibigan sa mga may-edad na