Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gusto Mo Bang Matikman ang mga Bulaklak ng Kalabasa?

Gusto Mo Bang Matikman ang mga Bulaklak ng Kalabasa?

Gusto Mo Bang Matikman ang mga Bulaklak ng Kalabasa?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

KAPAG namumulaklak ang mga halamang kalabasa, ang hardin ng gulay ay mas nagmumukha pang hardin ng bulaklak. Ang napakaganda at dilaw na bulaklak​—na may elegante at simpleng disenyo​—ay walang halimuyak, pero talagang naglalaway ang aming bibig dahil dito. Ang ibig ba naming sabihin ay na talagang kinakain ng mga tao ang mga bulaklak? Oo. Sa katunayan, ayon sa babasahing Cuadernos de Nutrición, sinasabing ang Mexico ang bansang may pinakamaraming resipi na nilalagyan ng mga bulaklak ng kalabasa.

Kung tungkol sa bulaklak ng kalabasa, maraming siglo na itong kinakain dito. Sa maraming uri ng kalabasa, marahil ang bulaklak ng zucchini (isang uri ng maliliit na kalabasa) ang pinakamadalas kainin. Subalit dapat kaming maging maingat, na ginagamit lamang ang lalaking mga bulaklak kung gusto rin naming makakain ng gulay na kalabasa. Tinitingnan lamang namin ang tangkay. Kung may maliit na kalabasa sa tangkay nito, ito ay babaing bulaklak at hindi namin dapat pitasin ito.

Ang banayad na lasa ng bulaklak ng kalabasa ay nakapagpapasarap sa sari-saring putahe. Kadalasan, ginigisa namin ang ilang butil ng bawang at sibuyas at marahil ilang sili. Kapag nagisa na ang lahat ng ito at luto na ang bawang, idinaragdag namin ang ilang nahugasan at nahiwang bulaklak na inalisan na namin ng mga tangkay. Saka namin tinatakpan ito at pinakukulo sa loob ng ilang minuto. Maaari ring idagdag sa mga bulaklak ng kalabasa ang zucchini na hiniwa nang pakudrado, mga butil ng sariwang mais, kaunting mantikilya, at mababangong yerba. Inilalagay namin ang halong ito sa di-lutong tortilya at itinitiklop ito. Pagkatapos, iniluluto namin ang tortilya sa kawaling malanday, anupat nagiging masarap na quesadilla na may bulaklak ng kalabasa.

Hindi lamang masarap ang aming quesadilla kundi masustansiya rin ito, yamang ang bulaklak ng kalabasa ay nagtataglay ng kaunting protina, kalsiyum, iron, thiamine, niacin, ascorbic acid, at retinol.

Gumagawa rin kami ng masarap na sopas gamit ang bulaklak na ito. Sinusunod lamang namin ang pamamaraan sa itaas, dinaragdagan ng sabaw ng manok, at inihahain ito nang mainit. Pinalalamutian namin ito ng keso at pritong maliliit na piraso ng tortilya.

Maraming iba pang putahe ang magagawa sa pamamagitan ng bulaklak na ito na maraming gamit. Bakit hindi mo subuking lumikha ng isang putahe gamit ang bulaklak ng kalabasa? Maiibigan mo ito!