“Hindi Dapat Umastang Parang Kuya ang Sangguniang Panlungsod”
“Hindi Dapat Umastang Parang Kuya ang Sangguniang Panlungsod”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
INIINGATAN ng Canadian Charter of Rights and Freedoms ang kalayaan ng lahat ng mamamayan ng Canada. Itinatag sa konstitusyon at ipinatutupad ng mga hukuman ang kalayaan sa pananalita, pamamahayag, at pagsamba.
Dahil dito, nang ang bayan ng Blainville, isang pamayanan sa hilagang-kanluran ng Montreal, ay maglabas ng susog sa kanilang lokal na ordinansa upang ipagbawal ang ‘panrelihiyong mga pagdalaw’ sa bahay-bahay nang walang permit, nakatawag ito sa pansin ng mga Saksi ni Jehova. Tuwirang makaaapekto sa kanilang ministeryo sa bahay-bahay ang panukalang susog. (Gawa 20:20, 21) Subalit bakit kaya inilabas ang susog na iyon? Inaangkin ng mga opisyal ng bayan na maraming reklamo diumano laban sa mga pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova sa bahay-bahay. Gayunman, ayon sa mga rekord ng pulisya, sa nakalipas na limang taon, wala ni isa mang reklamo laban sa gawain ng mga Saksi ni Jehova!
Magkagayunman, naging batas ang susog noong 1996. Pagkatapos nito, ipinabatid sa bayan ng mga abogado ng mga Saksi ni Jehova sa Blainville na dahil sa garantiya ng konstitusyon sa kalayaan sa relihiyon, magiging ilegal para sa bayan na gamitin ang batas upang hadlangan ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ipinagwalang-bahala ng mga opisyal ng bayan ang impormasyong ito at nagpalabas pa rin ng 17 sitasyon (summons). Tumugon ang mga abogado ng mga Saksi sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso sa hukuman upang pigilan ang Blainville sa paghadlang sa kalayaan sa relihiyon at pananalita—mga karapatan ng lahat ng mamamayan ng Canada.
Dininig ang kaso sa Quebec Superior Court sa harap ng Kagalang-galang na Hukom Jean Crépeau noong Oktubre 3 at 4, 2000. Pagkatapos ng deliberasyon, ibinigay ng hukom ang kaniyang pasiya sa panig ng mga Saksi ni Jehova. Kinilala ni Hukom Crépeau “na ang mga nagpetisyon ay sumusunod sa mga yapak ng unang kongregasyong Kristiyano sa pagdalaw sa mga tahanan sa kanilang pamayanan upang pasiglahin ang mga tao na panatilihin ang mataas na antas ng moralidad at espirituwalidad. . . . Ang pagdalaw sa mga tahanan ng mga tao ay paglilingkod sa pamayanang Kristiyano. Dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova ang mga mamamayan ng Blainville nang minsan sa apat na buwan, sa katamtaman, upang anyayahan silang makipagpalitan ng kuru-kuro sa mga paksang nakapagpapatibay at kawili-wili sa pangkalahatan.” Sa kaniyang hatol, sinabi ni Hukom Crépeau: “Ipinahahayag [ng Hukuman] na hindi kabilang ang mga Saksi ni Jehova sa kahilingang kumuha ng permit upang maisagawa ang kanilang ministeryo.”
Iniapela ng Blainville ang pasiya ni Hukom Crépeau sa Quebec Court of Appeal. Tinalakay ang apela noong Hunyo 17, 2003, at inilabas ang hatol noong Agosto 27, 2003, na sumasang-ayon sa pasiya ng hukom na lumitis sa kaso. Binabanggit ang Canadian Charter of Rights and Freedoms, na nag-iingat sa kalayaan sa relihiyon at kinapapalooban ng karapatang isagawa ang relihiyosong paniniwala sa pamamagitan ng pagtuturo at pagpapalaganap ng impormasyon, sinabi ng Hukuman: “Matinding nililimitahan ng tinuligsang lokal na ordinansa ang kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi ni Jehova at ang kalayaan sa kaisipan, paniniwala, opinyon at pananalita ng mga mamamayan ng Blainville . . . Ipinakikita ng ebidensiya na nagrereklamo ang mga residente ng Blainville laban sa mapang-abusong pangingilak hindi ng mga Saksi ni Jehova kundi ng maraming tagapaglako at naglalakbay na mga negosyante. Walang apurahan at mahigpit na pangangailangang kontrolin ang panrelihiyong pangangambas. Karagdagan pa, ang naipasang batas ay walang-ingat na isinulat at madaliang inaprobahan nang walang patiunang pagsangguni, at di-makatuwiran at labis-labis sa mga epekto sa binanggit na layuning ingatan ang pagiging pribado ng mga mamamayan. . . . Sa malaya at demokratikong lipunan, hindi dapat umastang parang Kuya ang sangguniang panlungsod sa pagsisikap na magpasiya kung sino ang maaaring tanggapin ng mga residente sa kanilang tahanan sa gabi o sa dulo ng sanlinggo. Tama ang hukom na naglitis nang ipahayag niyang walang bisa o epekto sa mga Saksi ni Jehova ang tinuligsang lokal na ordinansa.” *
Nagagalak ang mga Saksi ni Jehova na ikinapit ng mga hukuman sa Quebec ang Charter of Rights sa kasong ito upang ingatan mula sa malisyosong paniniil ang kalayaan sa relihiyon ng lahat ng mamamayan ng Quebec.
[Talababa]
^ par. 7 Ang “Kuya” (Big Brother) ay pagtukoy sa nobela ni George Orwell na Nineteen Eighty-four kung saan kontrolado ng estadong kathang-isip at totalitaryo ang mga mamamayan nito sa pamamagitan ng omnipresenteng lider ng partido, ang Kuya, na nakababatid sa lahat ng sinasabi at ginagawa sa loob ng estado.
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CANADA
Blainville
Montreal
E.U.A.
[Larawan sa pahina 24]
Iniingatan ng Canadian Charter of Rights and Freedoms ang kalayaan ng lahat ng mamamayan ng Canada
[Mga larawan sa pahina 25]
Malaya na ngayong nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo sa Blainville ang mga Saksi. Nakasingit na larawan: Pulong sa kanilang Kingdom Hall