Isang Daigdig ng Musika sa Dulo ng Iyong mga Daliri
Isang Daigdig ng Musika sa Dulo ng Iyong mga Daliri
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
“ANG pinakadakila sa lahat ng instrumento ng musika”—ganiyan ang turing ng ilan sa piyano. Palibhasa’y madaling ibagay at nakapaghahayag ng mga damdamin, ginagamit ito sa daigdig ng klasikal, jazz, at popular na musika. Nangingibabaw ito sa entablado ng konsiyerto bilang maringal na soloista subalit nagbibigay rin ng mahinahong akompanya sa isang mahiyaing mang-aawit. Ito’y maaaring maging isang “nagsosolong orkestra” ngunit maaari rin namang bumagay sa halos lahat ng instrumento. Ito ay inilarawan bilang “ang paleta ng pintor sa larangan ng musika,” at pinasigla nito ang ilang tao upang buuin ang ilan sa pinakamagagandang musika na naisulat kailanman. Sino kaya ang nag-imbento ng piyano, at bakit ba ito popular hanggang sa ngayon? *
Ang mga Ninuno ng Piyano
Ang alpa at lira ang ilan sa pinakaunang instrumentong de-kuwerdas na kinakalabit ng kamay. (Genesis 4:21) Di-nagtagal, dumating ang dulcimer, na ang mga kuwerdas ay hinahampas ng manunugtog sa pamamagitan ng maliliit na hammer (tulad-martilyong panghampas ng kuwerdas). Sa Europa noong Edad Medya, nabuo ang mga instrumentong may teklado para sa pagkalabit o paghampas sa mga kuwerdas, at ang pinakapopular sa mga ito ay ang clavichord at ang harpsichord. Ang hugis ng clavichord ay kagaya ng isang parihabang kahon na may takip, at ang mga kuwerdas nito ay hinahampas sa ibaba ng maliliit na pirasong metal na tinatawag na mga tangent. Madamdamin naman ang musika nito, ngunit ang mahinang tinig nito ay madaling natatabunan ng ibang mga instrumento at ng mga mang-aawit. Ang mas malaking harpsichord, na waring kamukha ng makabagong piyano de kola, ay may mahahabang kuwerdas na kinakalabit ng mga quill o mga plectrum. Nagbibigay ito ng malakas at madagundong na tunog ngunit hindi naman maaaring pag-iba-ibahin ang lakas nito.
Pagsapit ng 1700, habang kinakatha ang bagong dramatiko at madamdaming musika, nais ng mga musikero ang isang instrumentong may teklado na sensitibo, kagaya ng clavichord, ngunit kasinlakas ng tunog ng harpsichord.
Dumating ang Piyano
Pinagsama ng Italyanong manggagawa ng instrumento na si Bartolomeo Cristofori ang saligang disenyo ng harpsichord at ang mekanismo ng mga hammer sa clavichord, gamit ang maliliit na hammer na gawa sa kahoy at nasasapinan ng katad para sa paghampas sa mga kuwerdas. Tinawag niya ang kaniyang imbensiyon na gravicembalo col piano e forte (harpsichord na may mahina at malakas na tunog), na ang pinaikling tawag ay pianoforte, o piyano. Ito ay isang instrumentong may teklado na mas buo ang tunog at maaaring tugtugin nang mahina o malakas.
Nakalulungkot, hindi nabuhay si Cristofori upang makita ang tagumpay ng kaniyang bagong instrumento. Dahil iilang tao lamang ang nagpakita ng interes dito, nagbalik siya sa paggawa ng mga harpsichord. Halos 30 taon ang lumipas pagkatapos ng unang piyano ni Cristofori, nang suriing muli ng Alemang manggagawa ng organo na si Gottfried Silbermann ang disenyo ng piyano at magsimulang gumawa ng kaniyang sariling mga piyano. Nagpatuloy sa pag-eeksperimento ang mga bihasang manggagawa sa Alemanya at Austria, na
nagtutuon ng pansin sa paggawa ng mas maliit at mas magaang modelo na tinatawag na square piano.Sa Inglatera, gumagawa naman ng ibang piyano ang isa pang grupo ng manggagawa. Nilisan nila ang Alemanya noong huling mga taon ng dekada 1750. Ang isa sa kanila, si Johannes Zumpe, ay bumuo ng isang bersiyon ng square piano na naging mabenta. Higit pang pinasulong ni Sébastien Érard ng Pransiya at ng iba pang mga manggagawa sa Europa at Amerika ang instrumento. Naisip ng matalinong manggagawa ng kabinet na taga-Scotland na si John Broadwood na ang piyano ay bagay na bagay sa mga kabataang babae mula sa umuunlad noon na uring medyo nakaririwasa sa buhay (middle class). Di-nagtagal, naging abala ang kaniyang kompanya sa paggawa ng maraming square piano at piyano de kola.
Ang sumunod na hamon ay ang paggawa ng mas maliit na piyano subalit kasingganda ng tunog ng isang piyano de kola. Kaya ginawa ang mga piyano nang pataas (upright) sa halip na palapad, anupat nagmumukhang mas malaki. Ang patayong mga kuwerdas ng isang piyano na gawa ni Broadwood ay may taas na 2.7 metro mula sa teklado; subalit yamang kitang-kita na napakabigat ng itaas na bahagi nito, naging napakapanganib na tugtugin ito! Ang isa pang upright piano na tinatawag na modelong giraffe ay talagang isang piyano de kola na ang pinakabuntot ay nasa itaas. Si John Isaac Hawkins, isang Ingles, ang nagdisenyo ng unang matagumpay na upright piano noong 1800 sa pamamagitan ng paglalagay ng ibabang dulo ng mga kuwerdas malapit sa kapantayan ng sahig. Ito nang maglaon ay umakay sa paglaho ng square piano.
Natuklasan ng mga Kompositor ang Piyano
Samantala, unti-unting natutuklasan ng mga kompositor ang piyano. Nang pumasyal ang kabataang si Wolfgang Amadeus Mozart sa pagawaan ni Johann Stein sa Bavaria noong 1777 upang subukan ang bagong instrumento, namangha siya. Di-nagtagal, kumakatha na siya ng musika para rito, anupat nakabuo ng mahigit na 15 piyesang pangkonsiyerto para sa piyano sa loob lamang ng apat na taon! Gayunman, pagkalipas ng ilang taon, si Ludwig van Beethoven ang talagang may malaking nagawa sa pagtatanghal hinggil sa maaaring gawin ng bagong instrumentong ito. Binigyang-buhay niya ang piyano, anupat halos pinaawit ito. Heto na ang instrumentong hinihintay ng daigdig ng musika, at naging popular na ngayon ang isang bagong kalakaran ng romantiko at maalab na musika. Nasumpungan ni Frédéric François Chopin, “ang makata ng piyano,” na ito ang tamang-tamang instrumento upang ipahayag ang mga kaisipan at damdamin. Kumatha si Franz Liszt ng kapana-panabik at orihinal na musika na nagpangyaring magmistulang orkestra ang piyano. Pinasabik din niya ang mga tagapakinig sa kaniyang kadalubhasaan sa pagtugtog.
Nakalulungkot, hindi kayang tagalan ng kahoy na balangkas at maninipis na kuwerdas ng piyano ang malakas at maalab na musika ng isang napakasiglang konsiyerto. Kaya sinimulang dagdagan ng mga manggagawa ang instrumento ng bakal na suporta hanggang sa mapahusay nila ang isang hinulmang balangkas na gawa sa bakal. Ngayon ay maaari nilang gamitin ang mas makakapal na kuwerdas at mas mabibigat na hammer upang maging mas malakas ang tunog ng piyano. Ang waring garalgal na tunog ay nalutas sa pamamagitan ng pagbabalot ng piyeltro sa mga hammer. Ang mas mahahabang kuwerdas na binanat nang pahilis sa ibabaw ng mas maiikling kuwerdas ang lalong nagpaganda ng tono at nagpatipid ng espasyo. Dumating na ang makabagong piyano at mula noon, maraming dakilang
piyanista ang nagpangyari sa mga bulwagan ng konsiyerto na mapuno ng sabik na mga tagapakinig na gustung-gustong makarinig ng kanilang dumaraming koleksiyon ng musika ng piyano. Samantala, ang mga manggagawa ng piyano sa Europa at Amerika ay gumawa nang maramihan at mabilisan sa abot ng kanilang makakaya upang matugunan ang napakalaking kahilingan para sa mga piyano.Kahit Saan ay May Piyano
Noong pasimula ng ika-20 siglo, waring dapat magkaroon ng piyano ang bawat tahanan doon yamang itinuturing itong isang bagong simbolo ng katanyagan, mayroon mang marunong tumugtog nito sa sambahayan o wala. Nagkaroon ng malaking pangangailangan para sa mga piyanista upang libangin ang mga kostumer at manlalakbay, saliwan ng musika ang bagong tahimik na mga pelikula, at upang turuan ang dumaraming nangangarap na mga baguhan. Nakasentro sa piyano ang pagsasama-sama ng pamilya. Itinatanghal ng mga baguhan ang kanilang natutugtog na mga musika. Palaging may lumalabas na bagong-kathang musika para sa piyano. Nabuo rin ang iba’t ibang istilo ng pagtugtog—ang kaakit-akit at may-singkopasyong ragtime, ang mabagal na ritmo ng blues, ang tuluy-tuloy na tiyempo ng boogie-woogie.
Humina ang negosyo pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig. Mula sa pinakamataas na produksiyon na 600,000 sa buong daigdig noong 1910, unti-unting bumaba ang pagbebenta ng piyano. Ang ponograpo, radyo, record player, at nang maglaon ang telebisyon, ang naglaan ng libangan sa tahanan. Pero hindi pa rin naglaho ang interes ng daigdig sa piyano. Dahil sa bagong mga pagsulong pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, muling napansin ang piyano. Pagsapit ng 1980, muling tumaas ang produksiyon sa mahigit 800,000. Ang mas magagaang piyano sa ngayon ay gawa sa plastik at haluang metal, at ang mapuputing teklado nito ay nababalutan ng sintetikong materyal sa halip na garing. Ang Hapon ay naging isa sa pinakamalaking gumagawa ng piyano sa buong daigdig, at malugod namang tinanggap ng Tsina ang piyano bilang ang “reyna ng mga instrumento.”
Gusto Mo Bang Tumugtog ng Piyano?
Sa ilang instrumento, kailangan mong magpraktis nang maraming beses para lamang makatugtog ng isang nota, pero tipain mo ang ilang teklado sa piyano sa tamang pagkakasunod-sunod at makagagawa ka na ng musika! Ang ilang tao ay magaling mag-uwido. Gayunman, nasusumpungan ng karamihan na ang mga manwal na simple at pansariling pagsisikap ay mabilis na nakapagtuturo sa kanila kung paano makatugtog ng himig sa pamamagitan ng kanilang kanang kamay samantalang sinasaliwan naman ito ng pagtugtog ng kaliwang kamay. Gunigunihin ang iyong madaramang tagumpay kapag matutugtog mo mismo ang isang paboritong himig sa tulong ng isang piyesa! Pipiliin mo ba ang isang nakapagpapasiglang martsa, isang banayad na waltz, o marahil ay isang paboritong ballad? Marahil ay tutugtugin mo ang mga ritmo ng musika ng Latin Amerika o marahil ay jazz. Tunay na kasiya-siyang tumugtog ng duet kasama ng isang kaibigan! Isip-isipin din ang kalugurang maibibigay mo kapag masasaliwan mo ang isang grupo ng mga kaibigan habang sila’y umaawit o tumutugtog ng iba pang mga instrumento sa palibot mo. Nagaganyak ka bang subukan ang daigdig na ito ng musika?
[Talababa]
^ par. 3 Tingnan ang Gumising! ng Nobyembre 8, 2002, pahina 19-21.
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
Ang Player Piano
Para sa mga taong may kakaunting karanasan sa pagtugtog ng piyano, ang player piano ang sagot. Ito’y kombinasyon ng music box at piyano, at ang teklado nito ay gumagalaw sa ganang sarili nito, na pinatutugtog ng mga butas sa isang umiikot na papel. Sa unang mga modelo nito noong dekada ng 1890, isang mekanismo sa harapan ng piyano ang tumitipa sa teklado sa pamamagitan ng mga piraso ng kahoy habang tinatapakan ng nagpapatakbo ang mga pedal na nagpapagana rito. Sa sumunod na mga modelo, ikinabit na sa loob ng piyano ang mekanismong ito. Natutugtog ng mas masulong na “reproducing piano” ang aktuwal na mga tinugtog ng dakilang mga piyanista, at ang kanilang nakarekord na mga rolyo na para sa piyano ay muling ginawa para ipagbili, kagaya ng makabagong mga disc o tape. Pagsapit ng 1925, mas maraming player piano ang ginawa sa Estados Unidos kaysa sa karaniwang piyano. Gayunman, bilang resulta ng pagdating ng radyo at gramophone, halos naglaho ang player piano pagsapit ng dekada ng 1930.
[Credit Line]
Culver Pictures
[Kahon/Dayagram sa pahina 22, 23]
Kung Paano Gumagana ang Piyano de Kola
Mahigit sa 200 magkakahanay at banat na banat na kuwerdas na gawa sa bakal ang nakapagbibigay ng 88 nota. Ang maiikli at maninipis na kuwerdas na mabilis manginig ay nagbibigay ng matataas na nota, samantalang ang mahahaba at makakapal na kuwerdas, na kadalasang may ikid na tanso, ay nagbibigay naman ng mga notang pambáho. Ang lahat ng nota maliban sa pinakamabababang nota ng báho ay pinatutugtog ng dalawa o tatlong kuwerdas na iisa ang tono.
Kapag tinipa ng manunugtog ang teklado (1), pinakikilos ng mga lever ang isang nasasapinang “hammer” upang hampasin ang isa o higit pang mga kuwerdas ng nota ng tekladong iyon, at pagkatapos ay kagyat itong umaatras. Kapag hindi iniangat ang daliri sa pagpindot sa teklado, ang kuwerdas ay magpapatuloy sa panginginig at unti-unting maglalaho ang tunog. Kapag inalis naman ng manunugtog ang kaniyang daliri sa teklado (2), isang damper ang dumirikit sa kuwerdas upang tumahimik ang kuwerdas. Kapag tinapakan ang kanang pedal ng piyano, pinipigilan nito ang lahat ng damper at hinahayaang tumagal ang himig ng mga notang naunang tinipa upang sumaliw ito sa ibang mga nota.
Ang mga kuwerdas ay nasa ibabaw ng mga piraso ng kahoy na tinatawag na mga bridge (3), na nakakabit sa kahoy na “soundboard” (4), na nagpapasidhi naman sa tono at lubhang nagpapalakas sa tunog at dagundong ng mga kuwerdas. Ang nakapalibot na kahang kahoy ay nagsisilbing sound box upang higit na lumakas ang tunog nito.
Ang mga kuwerdas ay nakakabit sa isang hinulmang-bakal na balangkas sa pamamagitan ng mga “pin” na gawa sa bakal (5). Kailangang may sapat na tibay ang balangkas ng isang piyano de kola upang matagalan nito ang pinagsama-samang puwersa ng hatak ng mga kuwerdas na umaabot nang 30 tonelada.
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Damper
Kuwerdas
Hammer
Nakalubog ang teklado
Nakaangat ang teklado
[Larawan]
Pinakamatandang piyano ni Cristofori na buo pa, noong 1720
[Credit Line]
The Metropolitan Museum of Art, The Crosby Brown Collection of Musical Instruments, 1889. (89.4.1219) Photograph ©1983 The Metropolitan Museum of Art