Labender—Kaloob sa mga Pandama
Labender—Kaloob sa mga Pandama
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Australia
INIUTOS ni Reyna Elizabeth I ng Inglatera na ang hapag-kainan ng palasyo ay suplayan ng pampalasa na gawa sa sangkap na ito. Umupo si Charles VI ng Pransiya sa mga almuhadon na nilamnan nito. Ginamit ito ni Reyna Victoria ng Inglatera sa kaniyang paliligo. Ano ang bagay na ito na kinawiwilihan ng nabanggit na mga maharlika? Isang mabangong palumpong na kilala bilang labender. Mauunawaan ng sinumang nakasubok nang tumayo sa gitna ng makulay at malawak na bukirin ng labender kung bakit napakaraming tao ang naaakit sa aromatikong halaman na ito.
May mahigit na 30 uri ng labender. Ang matibay na yerbang ito ay nabubuhay sa iba’t ibang klima, mula sa malamig na hangin ng French Alps hanggang sa tuyong init ng Gitnang Silangan. Ang pangalan ng halaman sa botanika na Lavandula ay nagmula sa salitang Latin na lavare, na nangangahulugang “maligo.” Nagmula ito sa isang kaugalian ng sinaunang mga Romano, na nagpapabango ng kanilang tubig na panligo sa pamamagitan ng langis ng labender.
Matagal Nang Ginagamit na Pampalakas
Halos 2,000 taon nang ginagamit sa medisina ang labender. Noong Edad Medya, ito ang pangunahing sangkap ng isang pinaghalu-halong timplada na kilala bilang sukà ng apat na magnanakaw, na ginamit upang labanan ang salot. Malamang na binigyan ng gayong pangalan ang sukàng ito dahil ang mga magnanakaw sa libingan na nandambong sa mga pag-aari ng mga namatay sa salot ay naghugas sa timpladang ito na ang pangunahing sangkap ay labender. Sa kabila ng mga panganib sa kanilang gawain, lumilitaw na bihira silang mahawahan ng sakit.
Sinabi ng mga dalubhasa sa mga halamang-gamot noong ika-16 na siglo na hindi lamang sipon at sakit ng ulo ang mapagagaling ng labender kundi pati paralisis ng mga binti at braso at mga neurosis. Karagdagan pa, naniwala sila na makapagpapatalino ang pagsusuot ng bonet na gawa sa labender. Noon lamang Digmaang Pandaigdig I, hiniling ng ilang pamahalaan na tipunin ng kanilang mga mamamayan ang labender sa kanilang mga hardin upang ang makukuhang langis ay magamit na panlanggas sa sugat ng mga sundalo.
Sinuri ang Tradisyonal na mga Paggamot
Ang ilang langis ng labender, lalo na ang Lavandula angustifolia, ay lumilitaw na may epekto sa ilang uri ng baktirya at fungus. Iminungkahi ng ilang mananaliksik na maaaring maging kapaki-pakinabang
ang langis ng labender sa paggamot sa mga impeksiyong dulot ng baktirya na hindi tinatablan ng antibiyotiko. “May ilang gamit din ang langis ng labender sa pagkokomadrona,” ang sabi ng isang kamakailang artikulo sa pananaliksik. “Ipinakita ng isang malawakang klinikal na pagsubok na ang mga inang gumagamit ng langis ng labender [sa kanilang tubig na panligo] ay pare-parehong nag-ulat na hindi gaanong sumamâ ang kanilang pakiramdam sa loob ng 3 hanggang 5 araw pagkatapos nilang manganak . . . Kasalukuyan ding ginagamit ang langis ng labender sa maraming silid sa panganganak dahil karaniwan nang nakapagpapakalma ito.”Kumusta naman ang hilig ni Reyna Elizabeth I sa labender? Talaga bang nakakain ang labender? “Ang labender ay isang paboritong pampalasa sa pagluluto sa Inglatera noong panahong Tudor at ni Elizabeth I, ginagamit bilang pampagana na isinisilbing kasama ng pinangasong hayop, inihaw na karne, salad na prutas, ibinubudbod sa matatamis na putahe, o bilang kendi na walang anumang ibang sangkap,” ang sabi ni Judyth McLeod sa isang aklat na isinulat niya hinggil sa labender. Sa ngayon, ginagamit ang ilang uri ng labender bilang pampalasa sa mga biskuwit, keyk, at sorbetes. Sa kabilang dako, hindi kanais-nais ang lahat ng uri—lalo na para sa mga insekto. Sa katunayan, “ang langis o pinulbos na mga dahon at bulaklak ng labender ay maaari ring gamitin bilang pangkomersiyal . . . at pambahay na pestisidyo dahil ang paggamit ng labender ay nagtataboy sa maliliit na hayop at insekto, bukbok, dapulak at tangà sa damit,” ang ulat ng isang pag-aaral.
Lumalagong Popularidad
Nitong nakalipas na mga dekada, nanumbalik ang popularidad ng labender. Itinatanim na ito ngayon sa Australia, Europa, Hapon, Hilagang Amerika, at New Zealand. “Ang labender ay gaya ng alak,” sabi ni Byron, isang kabataang hortikulturista na nangangalaga sa 25 akreng taniman ng labender sa timog-silangang Victoria, sa Australia. “Ang langis na nakukuha sa iisang uri ay nagkakaiba-iba sa bawat rehiyon, yamang ang lupa at klima kung saan tumutubo ang labender ay nakaaapekto rito. Maging ang panahon at pamamaraan ng pag-aani ay nakaaapekto sa kalalabasang produkto.”
Di-gaya ng alak, ang langis ng labender ay kinukuha hindi sa pamamagitan ng pagpiga kundi sa pamamagitan ng pagpapasingaw. Ganito ang paliwanag ni Byron: “Mga 250 kilo ng labender ang kailangan upang makagawa ng isang litro ng langis. Isinisiksik nang husto ang bagong pitas na mga bulaklak, tangkay, at dahon sa isang malaking dram na asero. Ibinobomba ang singaw sa puwitán ng dram, at habang pumapailanlang ito sa mga bahagi ng halaman, naglalabas ito ng langis. Dumaraan ang singaw at langis sa isang kondenser patungo sa isang kaldero, kung saan humihiwalay at pumapaibabaw sa tubig ang langis. Ibinubukod at iniimbak ang langis sa isang sisidlan na may saping seramik, kung saan ito hahayaang gumulang sa loob ng ilang buwan.”
Ang langis ng labender na mula sa bukirin ni Byron ay ginagamit sa mga sabon, krim, at kandila. Ipinagbibili ang mga bulaklak na bagong pitas o pinatuyo, at ang mga bulaklak mismo ay lubhang pinahahalagahang sangkap ng potpourri (pinaghalu-halong mga bulaklak, yerba, at espesya na karaniwang inilalagay sa garapon bilang pabango). Libu-libong turista ang dumarating bawat taon upang tikman ang mga kending labender at upang masdan at langhapin ang mga bukirin ng labender. Madalas ipaalaala ni Byron sa mapagpahalagang mga bisitang ito: “Hindi kami ang gumagawa ng langis; kinukuha lang namin ito sa halaman. Ang Maylikha ng labender ang Isa na nagbigay ng halamang ito bilang kaloob sa ating mga pandama.”
[Kahon sa pahina 11]
Tatlong uri ng langis ng labender ang ginagawa upang ikalakal
Ang langis na “true lavender” ay kinukuha mula sa isang uri na kilala bilang “Lavandula angustifolia.” Di-tulad ng mga langis na binanggit sa ibaba, may kaunti lamang o wala pa nga itong amoy na alkampor. Mga 200 tonelada nito ang ginagawa taun-taon.
Ang langis na “spike lavender” ay nagmumula sa halamang “Lavandula latifolia.” Hanggang 200 tonelada nito ang maaaring gawin sa loob ng isang taon.
Ang langis na “lavandin” ay nagmula sa halamang supling ng dalawang uri na nabanggit sa itaas. Mahigit sa isang libong tonelada nito ang ipinagbibili bawat taon sa buong daigdig.
[Larawan sa pahina 10]
Sa maraming bukirin, tradisyonal na pamamaraan pa rin ang ginagamit sa pag-aani ng labender
[Larawan sa pahina 10]
Ang langis ng labender ay pinoproseso sa malalaking distileriya
[Larawan sa pahina 10]
Ang langis ng labender ay pinagugulang sa aserong mga kaldero na may saping seramik bago gamitin sa iba’t ibang produkto