Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Komunikasyon Kailangan kong sumulat sa inyo tungkol sa seryeng “Komunikasyon​—Mahalaga sa Buhay.” (Setyembre 22, 2003) Inilarawan nito kung ano ang kadalasang nagaganap sa lahat ng nilalang​—nagtutulungan sa isa’t isa ang mga nilalang. Maging ang mga halaman ay naghuhudyat upang babalaan ang isa’t isa hinggil sa mga maninila! Magiging kamangha-mangha nga kapag natutuhan din ng mga tao na magmalasakit sa isa’t isa.

C. C., Estados Unidos

Naibigan ko ang mga paglalarawan ninyo kung paano nag-uusap ang mga hayop sa isa’t isa. Dapat tayong maghinuha na mayroong Diyos na siyang pinagmumulan ng lahat ng kamangha-manghang mga bagay na ito.

R. Z., Alemanya

Hindi ko masabi ang kagalakang nadama ko habang binabasa ko ang mga artikulong iyon. Kaylaking pribilehiyo nga na makausap ang Diyos sa panalangin!

A. W., Timog Aprika

Kaninang umaga nang sinimulan kong basahin ito, malungkot ako. Subalit pinatawa ako ng bahagi ng artikulo hinggil sa kung paano nag-uusap sa isa’t isa ang mga insekto. Pumasok ako sa trabaho nang masaya.

L. L., Pransiya

Mga Tato Marami pong salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Magpapatato Kaya Ako?” (Setyembre 22, 2003) Talagang iniisip ko na maganda ang may tato at gusto kong magkaroon ng natatanggal na tato. Gayunman, natanto ko na seryosong bagay pala ito dahil sa pananalitang hindi natin nanaising magkaroon ng mga marka sa ating katawan na makasisirang-puri sa Diyos “kahit pansamantala.” Nang pag-isipan ko po na ang pagkakaroon ng tato ay maaaring makatisod sa iba at maging dahilan upang malasin ako ng iba na mapaghimagsik, ipinasiya kong huwag nang magpatato.

A. K., Hapon

Gustung-gusto ko pong magpatato. Subalit tinulungan ako ng artikulong ito na matantong maaari kong pagsisihan ito sa dakong huli. Binanggit din ninyo ang mga panganib sa kalusugan, na hindi ko napag-isipan. Salamat po sa gayong nakakukumbinsing artikulo.

D. T., Pransiya

Ang Pinyata Kawili-wiling basahin ang artikulong “Ang Pinyata​—Isang Sinaunang Tradisyon.” (Setyembre 22, 2003) Pagkatapos basahin ito, nagkaroon ako ng ilang katanungan. Ang kaugnayan nito sa huwad na relihiyon ay batay sa maaasahang impormasyon. Subalit waring ipinahihiwatig ng artikulo na katanggap-tanggap ito basta hindi ito nakababagabag sa budhi ng isa. Kumusta naman ang tungkol sa mga kaarawan at mga kapistahang gaya ng Pasko?

S. W., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Iniiwasan ng mga Kristiyano ang anumang pagdiriwang o mga kaugalian na hanggang sa kasalukuyan ay may kaugnayan sa huwad na mga paniniwala o gawaing relihiyoso na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya. Halimbawa, tiyak na minamalas ng Bibliya na di-kalugud-lugod ang pagdiriwang ng mga kaarawan. (Genesis 40:20; Mateo 14:6-​10) Gayunman, kung maliwanag na ang isang kaugalian ay walang huwad na relihiyosong kahulugan sa ngayon at hindi lumalabag sa mga simulain ng Bibliya, ang bawat Kristiyano ay dapat na personal na magpasiya kung susundin ba niya ang gayong kaugalian.

Kuwento ng Siyentipiko Maraming salamat sa ekselenteng artikulo na “Ang Siyensiya ang Aking Relihiyon.” (Setyembre 22, 2003) Hindi takót si Kenneth Tanaka na tanggapin ang katotohanan. May-kapakumbabaan din niyang tinanggap na mali ang pinaniwalaan niya sa loob ng maraming taon. Taglay niya ang tamang saloobin.

S. A., Russia

Pinahihirapan ako ng depresyon at nakikipagpunyagi ako sa damdamin na gusto ko nang mamatay. Pagkatapos ay nabasa ko ang tanong sa artikulong tungkol kay Kenneth Tanaka, “Kung ang huling hantungan ay ang di-pag-iral, ano pa ang kabuluhan ng pag-iral?” Nakaantig ito sa akin. Para bang sinasabi sa akin ng Diyos, “Patuloy kang mabuhay!”

C. I., Hapon