Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Arkeolohiya Dahil sa Natutunaw na Glacier
Inilalantad ng lumiliit na mga glacier ang maraming labí na lubhang kawili-wili sa mga istoryador, ang sabi ng magasing pambalita na Der Spiegel sa Alemanya. Noong 1999, natuklasan sa gayong glacier sa Rocky Mountains ng Canada ang isang lalaking Indian na namatay 550 taon na ang nakalilipas. Gayunman, ang karamihan sa mga labí ay nasumpungan sa Alps. Halimbawa, nasumpungan kamakailan ang mga labí ng isang lalaki na inakala ng marami na umabandona sa kaniyang nobya at anak sa ligaw noong 1949. Sa katunayan, nahulog ito sa isang siwang sa yelo sa gilid ng bundok, at nasa kaniyang bag pa ang mga singsing ng pakikipagtipan. Ayon kay Harald Stadler, pinuno ng arkeolohiya sa glacier sa Innsbruck University, sa Austria, ang pangarap ng istoryador ay makasumpong ng mga bagay na nauugnay kay Hannibal, ang kilaláng komandanteng taga-Cartago na tumawid sa Alps kasama ang 37 elepante. “Magiging isang pambihirang tuklas ang isang buto ng elepante,” ang sabi niya.
Pagsusugal ng mga Tin-edyer
Ayon sa International Centre for Youth Gambling sa McGill University, “mahigit sa kalahati ng mga kabataan sa Canada na edad 12 hanggang 17 taon ay itinuturing na mga sugarol na nagsusugal bilang libangan, 10% hanggang 15% ay nanganganib na magkaroon ng malubhang problema sa pagsusugal at 4% hanggang 6% ang itinuturing na ‘pusakal na mga sugarol,’ ” ang ulat ng pahayagang National Post sa Toronto. Ang pang-akit ay karaniwang nagsisimula sa napakamurang gulang kapag ang ilang bata ay tumatanggap ng mga tiket sa loterya bilang mga regalo o gumagamit ng Internet upang pumusta sa pamamagitan ng computer. Ang resulta, sabi ng mga mananaliksik, mas maraming tin-edyer ngayon sa Canada ang nagsusugal kaysa sa nakikibahagi sa iba pang nakasusugapang paggawi, gaya ng paninigarilyo o pag-abuso sa droga. Umaasa ang mga guro na magiging mabisa sa pagsugpo sa problemang ito ang mga programang nilayon para hadlangan ang pagsusugal ng mga tin-edyer na nasa haiskul sa Canada.
Matinding Init sa Pransiya
Ang mga temperatura sa Pransiya ay umabot sa pinakamatataas na antas kailanman noong unang 12 araw ng Agosto 2003. Hindi pa kailanman—mula nang simulang itala ang mga temperatura noong 1873—nakaranas ang Paris nang gayon kainit na tag-araw. “Ayon sa [serbisyo meteorolohikal ng Pransiya], nahigitan ng matinding init na ito, sa tindi at tagal, ang anumang dating naranasan doon,” ang ulat ng magasin sa kalikasan na Terre sauvage. Sa loob lamang ng dalawang buwan, lumiit nang mga 50 metro ang isang glacier sa Pyrenees, sa hanggahan ng Pransiya sa timog. “Sa loob ng 150 taon, lumiit ang kabuuang sukat ng mga glacier sa Pyrenees mula sa 25 hanggang 30 kilometro kuwadrado at naging 5 kilometro kuwadrado,” ang sabi ng dalubhasa sa glacier na si Pierre René. Ebidensiya ba ito ng pag-init ng mundo? Hindi nagkakaisa ang mga eksperto. Gayunman, pinaniniwalaan ng ilang meteorologo na ang matinding init ay malamang na maging mas madalas sa mga taóng darating—isang nakababagabag na posibilidad dahil sa bagay na ang matinding init noong nakaraang tag-araw ay tinatayang naging sanhi ng pagkamatay ng halos 15,000 katao sa Pransiya.
Depresyon ng mga Lalaki
“Ang isa sa pinakamalungkot na mga bagay tungkol sa depresyon ay ang di-maalis-alis na maling ideya na ito ay kadalasan nang ‘sakit ng kababaihan’ kung saan ang ‘tunay na mga lalaki’ ay hindi tinatablan dahil lalaki sila,” ang sabi ng pahayagang The Star sa Johannesburg. “Sinasabi ng mga espesyalista na ang depresyon ay nananatiling di-kilala sa mga lalaki dahil mas madalang magpatingin ang mga lalaki sa mga propesyonal sa kalusugan kaysa sa mga babae, anupat wala silang gaanong pagkakataon na ipakipag-usap ang hinggil sa kanilang mga problema,” at mas nahihirapan silang “magsalita tungkol sa emosyonal na kabagabagan.” Kaya mas pamilyar ang mga doktor sa mga sintomas na karaniwan sa mga babaing biktima ng depresyon. “Sa mga babae,” ang paliwanag ng JAMA, “ang depresyon ay may lubhang naiibang mga sintomas kaysa sa mga lalaki.” Anu-ano ang ilan sa mga sintomas na karaniwan sa depresyon ng mga lalaki? Galit, pagod, pagkamainisin, pananakit, paghina sa kakayahang magtrabaho, at ang hilig ng dumaranas nito na ibukod ang kaniyang sarili mula sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Ang “kalungkutan,” sabi pa ng edisyon ng Reader’s Digest sa Timog Aprika, “ay hindi naman laging may kasamang depresyon—lalo na sa kalalakihan.”
Mga Paring Katoliko at ang Kaalaman sa Bibliya
“Gaano kapamilyar sa Bibliya ang mga pari?” Ito ang itinanong ni Andrea Fontana, isang pari mismo at ang patnugot ng Turin Diocesan Office for Catechism. Sa pagsulat sa pahayagang Katoliko na Avvenire sa Italya, sinabi ni Fontana na naisip niya ang tanong na ito nang “isang lego ang lumapit [sa kaniya] at nagtanong kung ang diyosesis ba ay may anumang mga kurso sa pag-aaral ng Bibliya.” Sa parokya ng lego, “hindi kailanman binabanggit ang Banal na Kasulatan.” Bilang sagot ay sumulat si Fontana: “Ang totoo, pagkatapos ng mga kurso sa seminaryo na dinadaluhan [ng mga pari], nakalulungkot nga, iilan ang nagpapatuloy sa pag-aaral ng Bibliya. . . . Ang mga sermon kung Linggo ay kadalasan nang ang tanging panahon na nagkakaroon ng pagkakataon ang maraming nagsisimba na makarinig ng tungkol sa teksto sa Bibliya at maging malapít dito.” Sinabi ng lego na “siya mismo ay nakikisama sa mga Saksi ni Jehova upang matuto pa nang higit.”
Mga Problemang Nauugnay sa Labis na Katabaan
Dumarami ang mga tao sa Amerika na labis ang katabaan. Ayon sa mga tantiya mula sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention, tumaas ang bilang ng mga adultong Amerikano na sobrang taba mula sa 12.5 porsiyento ng populasyon noong 1991 naging 20 porsiyento noong 2003. Apektado ng pagdaming ito ang maraming negosyo. “Tulad ng industriya ng transportasyong panghimpapawid, na binabalaan noong Mayo [2003] na mas mabibigat na ang mga pasahero kaysa sa rati, at hinilingang baguhin ang mga pagtantiya sa timbang alinsunod dito, binabago ng industriya ng mga punerarya ang mga kasangkapan at gumagawa ng mas malalaking kabaong dahil patuloy na lumalaki ang mga Amerikano,” ang sabi ng The New York Times. Bagaman ang karaniwang kabaong ay 61 sentimetro ang lapad, may mga kabaong na ngayon na 124 na sentimetro ang lapad at lalo namang pinatibay. Kailangan ding palakihin “ang mga nitso, libingan, karo ng patay at pati na ang ginagamit na mga makinang panghukay ng libingan sa mga sementeryo.” “Palaki nang palaki ang mga tao anupat sila ay namamatay na mas malaki, at kailangang makibagay ang mga industriya sa gayong situwasyon,” ang sabi ni Allen Steadham, ehekutibong direktor ng isang pangkat na sumusuporta sa mga taong sobra ang taba.
“Namamatay Na ang Dagat na Patay”
“Namamatay na ang Dagat na Patay, at tanging isang malaking pagsisikap sa inhinyeriya ang makapagliligtas nito,” ang sabi ng balita sa Associated Press. Ang Dagat na Patay—na tinatawag nang gayon dahil sa masyado itong maalat anupat imposible para sa mga nilalang sa tubig na mamuhay roon—ang pinakamababang katubigan sa lupa, 400 metro ang kababaan sa kapantayan ng dagat. “Sa loob ng maraming milenyo, ang pagkakatimbang [sa pagitan ng mabilis na pagsingaw at ng pagpasok ng tubig] ay pinananatili ng tanging pinagmumulan ng tubig ng Dagat na Patay, ang Ilog Jordan,” ang sabi ng artikulo. “Subalit nitong nakalipas na mga dekada, ginagamit kapuwa ng Israel at ng Jordan ang tubig mula sa Ilog Jordan upang patubigan ang malalaking sakahán sa tabi ng makitid na ilog na humahati sa dalawang bansa, anupat inuubos ang panghaliling tubig ng Dagat na Patay.” Kung walang gagawing pagkilos, ang sabi ng isang pag-aaral sa Israel, patuloy na bababa ang antas ng tubig nang hanggang isang metro bawat taon, na may kapaha-pahamak na mga resulta sa nakapaligid na lupain, pati na sa buhay-ilang at pananim nito. Pinalulubha pa ng limang-taóng tagtuyot ang kapaha-pahamak na kalagayan ng Dagat na Patay.