Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano Naman ang Masama sa Pakikipagtalik Bago ang Kasal?
“Iniisip ko kung minsan kung talaga bang masama ang pakikipagtalik bago ang kasal, lalo na yamang nadarama kong parang kakaiba ako dahil birhen pa ako.”—Jordon. *
“Nadarama ko ang udyok na mag-eksperimento sa sekso. Sa palagay ko, lahat tayo ay may likas na tendensiyang subukan ito,” ang sabi ni Kelly. “Saan ka man magpunta,” ang patuloy niya, “ang lahat ay tungkol sa sekso!”
NADARAMA mo rin ba ang nadarama nina Jordon at Kelly? Kung sa bagay, halos naglaho na ang tradisyonal na mga kaugalian at pamantayan na dating nagbabawal sa pakikipagtalik bago ang kasal. (Hebreo 13:4) Isiniwalat ng isang surbey sa isang bansa sa Asia na nadarama ng karamihan sa mga lalaking 15 hanggang 24 na taóng gulang na ang pakikipagtalik bago ang kasal ay hindi lamang tanggap na, kundi inaasahan silang gawin ito. Hindi nakapagtataka na sa buong daigdig, nakipagtalik na ang karamihan sa mga kabataan bago pa sila sumapit sa edad na 19.
Nariyan din ang mga kabataan na hindi nakikipagtalik subalit nakikibahagi sa tinatawag na mga alternatibo sa sekso, gaya ng paghimas sa ari ng iba (tinatawag kung minsan na masturbasyon sa isa’t isa). Isinisiwalat ng nakababagabag na ulat sa The New York Times na “karaniwan nang nagiging simula ng seksuwal na gawain ang oral sex, na malawakang itinuturing ng maraming kabataan bilang di-gaanong matalik, at di-gaanong mapanganib, kaysa sa pakikipagtalik . . . [at] isang paraan upang maiwasan ang pagdadalang-tao at mapanatili ang pagkabirhen.”
Paano nga ba dapat malasin ng isang Kristiyano ang pakikipagtalik bago ang kasal? Kumusta naman ang tinatawag na mga alternatibo sa pakikipagtalik? Kaayaaya ba ang mga ito sa Diyos? Ligtas ba ang mga ito? At talaga bang napananatili nito ang pagkabirhen ng isang tao?
Kung Ano ang Saklaw sa Pakikiapid
Ang mapananaligang sagot sa mga tanong na ito ay maaari lamang magmula sa ating Maylalang—ang Diyos na Jehova. At sinasabi niya sa atin sa kaniyang Salita na “tumakas . . . mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Ano ba talaga ang ibig sabihin nito? Ang salitang Griego na isinaling “pakikiapid” ay hindi lamang tumutukoy sa pakikipagtalik kundi sa iba’t ibang mahahalay na gawain. Kaya kung ang dalawang taong hindi kasal sa isa’t isa ay masangkot sa oral sex o paghimas sa ari ng isa’t isa, sila ay nagkakasala ng pakikiapid.
Subalit maituturing pa ba silang mga birhen—sa paningin ng Diyos? Sa Bibliya, ang salitang “birhen” ay ginagamit bilang sagisag ng kalinisan sa moral. (2 Corinto 11:2-6) Ngunit ginagamit din ito sa pisikal na diwa. Binabanggit ng Bibliya ang isang kabataang babae na nagngangalang Rebeka. Sinasabi nito na siya ay “isang dalaga [o, birhen], at wala pang lalaki ang nagkaroon ng seksuwal na pakikipagtalik sa kaniya.” (Genesis 24:16) Kapansin-pansin, sa orihinal na Hebreo, maliwanag na kabilang sa salita para sa ‘pakikipagtalik’ ang iba pang gawain bukod sa normal na pakikipagtalik sa babae o lalaki. (Genesis 19:5) Samakatuwid, ayon sa Bibliya, kung ang isang kabataan ay makisangkot sa anumang anyo ng pakikiapid, hindi na siya maituturing na birhen.
Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na tumakas hindi lamang sa pakikiapid mismo kundi sa lahat din ng anyo ng maruming paggawi na maaaring humantong dito. * (Colosas 3:5) Baka tuyain ka ng iba dahil sa gayong paninindigan. “ ‘Hindi mo alam kung ano ang nawawala sa iyo!’ ang narinig ko sa lahat ng mga taon ko sa haiskul,” ang sabi ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Kelly. Gayunman, ang pakikipagtalik bago ang kasal ay walang iba kundi “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” (Hebreo 11:25) Makapagdudulot ito ng namamalaging pisikal, emosyonal, at espirituwal na pinsala.
Malulubhang Panganib
Sinasabi sa atin ng Bibliya na minsang pinagmasdan ni Haring Solomon ang isang kabataang lalaki na nahikayat sa pakikipagtalik bago ang kasal. Inihalintulad ni Solomon ang kabataang lalaki sa “toro na pumaparoon sa patayan.” Ang isang torong kakatayin ay waring walang kaalam-alam sa mangyayari rito. Ganiyan din gumawi ang mga kabataang nakikipagtalik bago ang kasal—para bang hindi nila batid na may malulubhang resulta ang kanilang mga ikinilos! Ganito ang sinabi ni Solomon tungkol sa kabataang lalaking iyon: “Hindi niya nalalamang nasasangkot dito ang kaniya mismong kaluluwa.” (Kawikaan 7:22, 23) Oo, ang iyong “kaluluwa”—ang iyong buhay—ang nakataya.
Halimbawa, milyun-milyong kabataan ang nahahawa taun-taon sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik (STD). “Nang malaman kong may herpes ako, gusto kong maglayas,” ang sabi ni Lydia. Ganito ang hinagpis niya, “Makirot na sakit ito na hindi nagagamot.” Mahigit sa kalahati ng lahat ng mga bagong kaso ng mga nahawahan ng HIV sa buong daigdig (6,000 bawat araw) ay yaong nasa pagitan ng 15 at 24 na taóng gulang.
Ang mga babae ang lalo nang mas malamang na magkaroon ng maraming problemang may kinalaman sa pakikipagtalik bago ang kasal. Sa katunayan, mas malaki ang panganib ng mga STD (at HIV) sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Kapag nagdalang-tao ang isang kabataang babae, lalo niyang isinasapanganib ang kaniyang sarili at ang di-pa-naisisilang na anak niya. Bakit? Sapagkat maaaring wala pa sa hustong gulang ang kaniyang katawan upang makayanan ang panganganak nang ligtas.
Kahit na hindi magkaroon ng malulubhang suliranin sa kalusugan ang isang inang tin-edyer, kailangan pa rin niyang harapin ang mabibigat na pananagutan na dulot ng pagiging isang magulang. Nasusumpungan ng maraming kabataang babae na mas mahirap ang maghanapbuhay para sa sarili
nila at sa kanilang bagong-silang na sanggol kaysa sa inasahan nila.Nariyan din ang mga resultang espirituwal at emosyonal. Ang seksuwal na pagkakasala ni Haring David ay nagsapanganib ng kaniyang pakikipagkaibigan sa Diyos at muntik nang humantong sa kaniyang espirituwal na kapinsalaan. (Awit 51) At bagaman nakapanumbalik si David sa espirituwal, dinanas niya ang mga bunga ng kaniyang kasalanan sa natitira pang bahagi ng buhay niya.
Maaaring maghirap sa gayon ding paraan ang mga kabataan sa ngayon. Halimbawa, noong 17 taóng gulang pa lamang siya, may namagitan kay Cherie at sa isang binata. Akala niya ay mahal siya ng binata. Pagkalipas ng ilang taon, pinagsisisihan pa rin niya ang kaniyang mga ikinilos. Naghinagpis siya: “Hindi ko pinahalagahan ang mga katotohanan sa Bibliya at pinagdusahan ko ang mga bunga. Naiwala ko ang paglingap ni Jehova, at nakapanlulumo iyon.” Ganiyan din ang pag-amin ng isang kabataang nagngangalang Trish: “Ang pakikipagtalik bago ang kasal ang pinakamalaking pagkakamali ko sa buhay. Gagawin ko ang lahat para lamang maging birhen muli.” Oo, ang emosyonal na mga sugat ay maaaring tumagal nang maraming taon, anupat nagdudulot ng kaigtingan at dalamhati.
Matutong Magpigil sa Sarili
Nagbangon si Shanda ng mahalagang tanong, “Bakit binigyan ng Diyos ang mga kabataan ng seksuwal na mga pagnanasa, yamang alam naman niyang hindi pa nila dapat gamitin ang mga ito hangga’t hindi pa sila kasal?” Totoo na ang seksuwal na mga pagnanasa ay maaaring lalo nang maging matindi sa “kasibulan ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) Sa katunayan, maaaring mapukaw sa sekso ang mga tin-edyer nang wala namang kadahi-dahilan. Ngunit hindi naman ito isang napakasamang bagay. Normal na bahagi ito ng paggulang ng mga bahagi sa pag-aanak. *
Totoo rin na dinisenyo ni Jehova na maging kalugud-lugod ang pakikipagtalik. Kasuwato ito ng kaniyang orihinal na layunin na punuin ng mga tao ang lupa. (Genesis 1:28) Magkagayunman, hindi nilayon ng Diyos na gamitin natin sa maling paraan ang ating kakayahan sa pagpaparami. “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan,” ang sabi ng Bibliya. (1 Tesalonica 4:4) Ang pagsapat sa bawat seksuwal na pagnanasa ay, sa isang diwa, kasingmangmang ng paghampas sa ibang tao sa tuwing makadarama ka ng galit.
Ang seksuwal na pakikipagtalik ay kaloob mula sa Diyos, isang kaloob na dapat gamitin sa angkop na panahon—kapag kasal na ang isa. Ano kaya ang madarama ng Diyos kapag nakipagtalik tayo nang hindi kasal? Buweno, gunigunihin na bumili ka ng regalo para sa isang kaibigan. Bago mo maibigay ito sa kaibigang iyon, ninakaw niya ito! Hindi ka ba magagalit? Kung gayon, isip-isipin kung ano ang nadarama ng Diyos kapag nakikipagtalik ang isang tao bago ang kasal, anupat ginagamit sa maling paraan ang kaloob na ibinigay ng Diyos.
Ano ang dapat mong gawin sa iyong seksuwal na mga damdamin? Sa simpleng pananalita, matuto kang kontrolin ang mga ito. Ipaalaala mo sa iyong sarili na “si Jehova ay hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad sa kawalang-pagkukulang.” (Awit 84:11) “Kapag nagsisimula na akong mag-isip na hindi naman ganoon kasama ang pakikipagtalik bago ang kasal,” ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Gordon, “binubulay-bulay ko ang masasamang bunga nito sa espirituwal at natatanto ko na walang kasalanan ang sulit na ipagpalit sa pagkawala ng kaugnayan ko kay Jehova.” Maaaring hindi madali ang magpigil sa sarili. Ngunit gaya ng ipinaaalaala sa atin ni Adrian, “binibigyan ka nito ng malinis na budhi at ng mabuting kaugnayan kay Jehova, anupat malaya kang nakapagtutuon ng pansin sa mas mahahalagang bagay, nang walang pinagsisisihan sa mga iginawi mo noon.”—Awit 16:11.
Maraming mabubuting dahilan para “umiwas [ka] sa pakikiapid” sa lahat ng iba’t ibang anyo nito. (1 Tesalonica 4:3) Totoo namang hindi ito laging madali. Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga praktikal na paraan para “ingatan mong malinis ang iyong sarili.”—1 Timoteo 5:22.
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 11 Para sa talakayan sa pakikiapid, karumihan, at mahalay na paggawi, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Hanggang Saan ang ‘Labis’?” na lumabas sa Oktubre 22, 1993, isyu ng Gumising!
^ par. 20 Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Ito Nangyayari sa Aking Katawan?” sa aming isyu ng Pebrero 8, 1990.
[Blurb sa pahina 13]
Kung ang isang kabataan ay makisangkot sa anumang anyo ng pakikiapid, maituturing pa ba siyang birhen sa paningin ng Diyos?
[Larawan sa pahina 13]
Makapipinsala sa budhi ng isang kabataang may takot sa Diyos ang pakikipagtalik bago ang kasal
[Larawan sa pahina 14]
Nanganganib na mahawahan ng sakit na naililipat sa pagtatalik ang mga nakikipagtalik bago ang kasal