Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag ang Pag-aalala sa Hitsura ay Naging Obsesyon

Kapag ang Pag-aalala sa Hitsura ay Naging Obsesyon

Kapag ang Pag-aalala sa Hitsura ay Naging Obsesyon

KAPAG tinitingnan ng karamihan sa atin ang ating mga sarili sa salamin, nakikita natin ang mga bahagi na inaakala nating maaari pang baguhin. Kaya inaayos nating muli ang ating damit o buhok o naglalagay tayo ng kaunting makeup at pagkatapos ay nagpapatuloy sa ating pang-araw-araw na mga gawain. Normal at angkop ang gayong pag-aalala sa ating hitsura. Ngunit para sa ilang tao, ang pag-aalala sa kanilang hitsura ay nagiging labis-labis, anupat nagiging sanhi ng kalagayang tinatawag na body dysmorphic disorder, o BDD.

Binibigyang-katuturan ng The Merck Manual of Diagnosis and Therapy ang BDD bilang “labis na pagkabahala sa depekto sa hitsura, na nagiging sanhi ng matinding kabagabagan o nakahahadlang sa pakikisalamuha, sa pagtatrabaho, o sa iba pang mahahalagang pitak ng gawain.” * Dahil ang mga dumaranas nito ay nag-aakalang may partikular silang depekto o kaya ay pinalalabis nila ang isang maliit na kapintasan, ang pangmalas nila sa kanilang sarili ay tinatawag ding inaakalang kapangitan.

Sinasabi ni Propesor J. Kevin Thompson ng University of South Florida, sa Estados Unidos, na maaaring bihira ang BDD, “nakaaapekto marahil sa 1.0-2.0% ng pangkalahatang populasyon at sa 10-15% ng mga psychiatric outpatient.” Gayunman, ang dagdag pa niya: “Naniniwala ang ilang mananaliksik na lumalaganap ang kalagayang ito, habang nagiging mas mahusay ang mga pamamaraan ng pagsusuri sa pagtukoy ng problema at habang mas lumalabis ang obsesyon ng lipunan sa hitsura.” Bagaman maaaring makaapekto ang kalagayang ito sa mga tao anuman ang kanilang edad, kadalasang nagsisimula ito sa mga tin-edyer. Sa mga adulto, lumilitaw na nakikita ito kapuwa sa mga lalaki at babae. Ibang-iba ito sa mga sakit na may kinalaman sa pagkain na lubhang mas karaniwan sa mga babae.

Ang nakapipinsalang pagkabahala sa hitsura na karaniwan na sa mga taong may BDD ay kadalasang humahantong sa napakadalas na pagtingin sa salamin at, sa ilang kaso, maging sa pag-iwas sa pakikisalamuha. Mas malala pa, “ang kaigtingan at dysfunction na iniuugnay sa karamdaman ay maaaring humantong sa paulit-ulit na pagpapaospital at paggawing umaakay sa pagpapatiwakal,” ang sabi ng Merck Manual. Hindi nakapagtataka na ang ilang dumaranas nito ay naghahangad na magparetoke. “Madalas na hindi ko iminumungkahi ito,” ang sabi ni Dr. Katharine Phillips, na sumulat ng isang aklat tungkol sa BDD. “Hindi na naibabalik ang anumang binago ng operasyon,” ang paliwanag niya, “at karaniwan nang iniisip ng karamihan sa mga taong may BDD na hindi naman naging matagumpay ang operasyon.” *

Paminsan-minsan, maagang nakikita ang BDD. Iniuulat ng George Street Journal * ang isang anim-na-taóng-gulang na batang lalaki “na naniniwalang madilaw ang mga ngipin niya, ‘malaki’ ang kaniyang tiyan, at may mali sa buhok niya. Wala sa ‘mga depekto’ niya ang napapansin ng iba. Sinusuklay niya nang halos isang oras ang kaniyang buhok tuwing umaga, at kung hindi niya ‘maitama’ ito, ilulublob niya ang kaniyang ulo sa tubig at mag-uumpisa na namang muli sa kaniyang rutin sa pag-aayos, na kadalasang nagiging dahilan para mahuli siya sa paaralan.” Isang araw, nang dumating siya sa opisina ng doktor, lumuhod pa siya para suriin ang hitsura niya sa kromo ng isang silya.

Huwag Mong Hayaang Diktahan ng Sanlibutan ang Iyong Saloobin

Ang mga tao ay nilulunod ng makikintab na mga magasin, mga pahayagan, at mga anunsiyo sa telebisyon ng mga larawan ng minimithing pangangatawan. Simple ang lohika ng mga nag-aanunsiyo: Iharap ang isang larawan bilang siyang normal, at pakakawalan ng mga tao ang kanilang pinagpagalang salapi upang gayahin ang gayong hitsura. Dagdagan ito ng kaunting panggigipit ng kasamahan at marahil kaunting di-pinag-isipang mga komento mula sa mga kapamilya o kaibigan, at hindi nakapagtataka kung bakit hindi nagiging balanse ang mga tao tungkol sa kanilang hitsura. * Mangyari pa, malayung-malayo naman ang hindi balanseng saloobin sa isang sakit sa isip na matatawag na obsessive.

Kapuwa hindi normal at hindi totoong isipin na kapag hindi ka maganda o guwapo, hindi na magiging interesado sa iyo ang ibang tao. Hindi naman karaniwang pumipili ng mga kaibigan ang mga tao ayon sa pisikal na hitsura. Totoo, maaaring maging salik sa simula ang hitsura, subalit ang personalidad, mga pamantayang moral, at mga simulain ang tunay na buklod ng pagkakaibigan. Sa ilang paraan, ang bawat isa sa atin ay parang aklat​—baka nakaaakit ang pabalat nito, subalit kung nakababagot ang nilalaman nito, hindi magtatagal ay isasara na ito ng mga mambabasa. Gayunman, anuman ang pabalat, kung kawili-wili ang aklat, babasahin ito ng mga tao. Kaya bakit hindi ka magtuon ng pansin sa iyong mga katangian bilang indibiduwal? Hinihimok ka ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, na gawin iyan.​—Kawikaan 11:22; Colosas 3:8; 1 Pedro 3:3, 4.

At maging makatotohanan tayo, nagbabago ang ating hitsura habang tumatanda tayo. Kung nakasalalay ang buhay, pagkakaibigan, at kaligayahan sa magandang hitsura kapag nasa kabataan, kaylungkot ng magiging kinabukasan nating lahat! Gayunman, maaaring maging ibang-iba kaysa rito ang kalagayan natin. Paano?

Ang Kagandahang Nagtatagal

Ganito ang sabi ng Kawikaan 16:31: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” Sa paningin ng Diyos na Jehova​—at sa paningin ng lahat ng may gayunding pananaw​—hindi kumukupas ang ganda ng mga taong tumatanda sa paglilingkod sa Diyos. Sa katunayan, dahil sa kanilang rekord ng sigasig at makadiyos na debosyon, inihahalintulad ang kanilang ulong may uban sa pagkakamit nila ng korona ng kagandahan. Ang gayong minamahal na mga indibiduwal ay karapat-dapat sa ating pag-ibig at matinding paggalang.​—Levitico 19:32.

Isa pa, sa darating na bagong sanlibutan na ipinangako ni Jehova, babaligtarin niya ang mga epekto ng minanang kasalanan sa mga tapat sa kaniya, matanda at bata. Sa bawat lumilipas na araw, makikita at madarama nilang bumubuti ang kanilang pangangatawan hanggang sa wakas ay sumapit sila sa tugatog ng pisikal na kasakdalan. (Job 33:25; Apocalipsis 21:3, 4) Kapana-panabik ngang pag-asa! Nais mo bang makabilang sa kanila? Kung oo, pagsikapan mong magtuon ng pansin sa kagandahang tunay na mahalaga, at huwag mong hayaang diktahan ng mababaw, at madalas ay walang-pusong kaisipan ng sanlibutang ito ang iyong saloobin. Magiging lubhang maligaya at mas kaakit-akit kang tao sa paggawa nito.​—Kawikaan 31:30.

[Mga talababa]

^ par. 3 “Ang labis na pagkabahala sa pisikal na hitsura ay karaniwang sintomas ng ilang sakit sa isip,” ang sabi ng The Medical Journal of Australia. Kabilang dito ang depresyon, obsessive-compulsive disorder, at mga sakit na may kaugnayan sa pagkain, gaya ng anorexia nervosa. Kaya naman, maaaring mahirap masuri ang BDD.

^ par. 5 Pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Magparetoke?” sa Agosto 22, 2002, isyu ng babasahing ito. Sabihin pa, kailangan ng isang taong may malubhang sakit sa isip ang tulong ng isang propesyonal sa paggamot sa mental na kalusugan.

^ par. 6 Publikasyon ng Brown University, Rhode Island, E.U.A.

^ par. 8 Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong tingnan ang kabanatang “Gaano Kahalaga ang Hitsura?” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.