Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Ipagsasanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Pandaraya

Kung Paano Ipagsasanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Pandaraya

Kung Paano Ipagsasanggalang ang Iyong Sarili Mula sa Pandaraya

BAKA narinig mo na ang kasabihang, “Hindi mo malilinlang ang isang matapat na tao.” Gaya ng maraming iba pang kasabihan, hindi ito totoo. Araw-araw, biktima ng pandaraya ang matatapat na tao; hindi sila naipagsasanggalang ng basta pagiging matapat. Kumakatha at nagsasagawa ng mga pakana ang ilan sa pinakatusong mga tao sa daigdig upang agawin ang salapi ng iba. Mahigit sandaang taon na ang nakalilipas, sinabi ng isang manunulat: “May ilang pandaraya na napakagaling ng pagkakagawa, anupat isang kamangmangan ang hindi malinlang ng mga ito.”

May mahabang kasaysayan ang panlilinlang, na nagsimula pa sa hardin ng Eden. (Genesis 3:1-5) Maraming anyo ang dati nang mga pakana, at walang-tigil namang kinakatha ang bagong mga pakana. Kaya paano mo maipagsasanggalang ang iyong sarili? Hindi mo kailangang alamin ang lahat ng paraan ng panlilinlang ng mga kriminal. Malaki na ang magagawa ng ilang hakbang sa pag-iingat upang hindi ka mabiktima.

Ingatan ang Personal na Impormasyon

Kapag ninakaw ng isang tao ang iyong libreta ng tseke o mga credit card, maaari siyang mamilí sa pamamagitan nito. Kapag nakuha niya ang impormasyon sa iyong deposito sa bangko, maaari siyang kumuha ng tseke at pumirma sa mga ito na ginagamit ang iyong pangalan. Kapag nakakuha siya ng sapat na personal na impormasyon, maaari na siyang magkunwaring ikaw. Kapag nanakaw ang iyong pagkakakilanlan, ang isang kriminal ay maaaring maglabas ng pera mula sa iyong mga deposito sa bangko, mamilí ng mga bagay sa pamamagitan ng iyong credit card, at mangutang na ginagamit ang iyong pangalan. * Baka arestuhin ka pa nga dahil sa isang krimen na hindi mo naman ginawa!

Upang ipagsanggalang ang iyong sarili mula sa ganitong uri ng pandaraya, ingatan ang lahat ng personal na mga dokumento, kasali na ang iyong mga statement ng bangko at libreta ng tseke, lisensiya sa pagmamaneho, at Social Security card o national identity card. Huwag ibigay sa iba ang personal at pinansiyal na impormasyon maliban na lamang kung may lehitimong dahilan para kunin nila ito. Lalo nang mahalaga ito pagdating sa mga numero ng credit card at impormasyon hinggil sa iyong deposito sa bangko. Ang tanging pagkakataon lamang na dapat mong ibigay ang numero ng iyong credit card ay kapag gusto mong gamitin ito sa pamimilí.

Ang ilang manggagantso ay naghahalukay sa mga basura upang humanap ng gayong impormasyon. Sa halip na basta itapon lamang ang mga papeles na naglalaman ng personal na impormasyon, makabubuting sunugin o pagpunit-punitin ito. Kalakip dito ang kinanselang mga tseke at mga statement ng bangko at ng brokerage gayundin ang lumang mga credit card, lisensiya sa pagmamaneho, at pasaporte. Makabubuti ring sirain ang di-hiniling na mga aplikasyon para sa credit card na tinanggap mo sa koreo, yamang naglalaman ang mga ito ng impormasyon tungkol sa iyo na maaaring gamitin ng iba sa maling paraan.

Gamitin ang Sentido Kumon

Isang mahalagang taktika sa maraming anyo ng pandaraya ay ang di-makatotohanang pangangako na kikita ka nang malaki sa pamumuhunan. Ang isang karaniwang pakana upang mabilis na kumita ng salapi sa mapandayang paraan ay ang pyramid scheme. Bagaman maraming anyo ang pandarayang ito, ang karaniwang estratehiya ay mangangalap ang mga mamumuhunan ng iba pang mga mamumuhunan, na sa pamamagitan nito’y nakatatanggap ng komisyon ang mga nangangalap (recruiter). * Ganiyan din ang estratehiya sa mga chain letter na humihiling sa iyo na magpadala ng salapi sa mga taong nakatala sa itaas ng isang listahan. Ang pangako ay makatatanggap ka ng libu-libong dolyar kapag umabot sa itaas ng listahan ang iyong pangalan.

Laging nabubuwag ang pyramid scheme dahil imposibleng gawing tuluy-tuloy ang pangangalap ng bagong mga miyembro. Isaalang-alang ang sumusunod na kalkulasyon. Kung may limang tao na nagpasimula ng pyramid at bawat isa ay nangalap ng lima pa, ang bilang ng bagong mga nakalap ay magiging 25. Kung ang bawat isa naman sa mga ito ay mangangalap ng 5, mangangahulugan ito ng karagdagang 125. Kapag umabot sa ikasiyam na antas ang pangangalap, mayroon nang halos dalawang milyon katao na kailangang mangalap ng mahigit sa siyam na milyong iba pa! Alam na alam ng mga promotor ng mga pyramid scheme na darating ang punto na imposible nang magdagdag pa ng bagong mga miyembro. Kapag inaakala nilang malapit nang dumating ang puntong iyon, itatakbo na nila ang salapi. Malamang na hindi mo na makuha ang iyong salapi, at sisikapin naman ngayon ng mga taong kinalap mo na kunin sa iyo ang nawala nilang salapi. Tandaan, upang kumita ka sa pyramid scheme, kailangang mawalan ng salapi ang iba.

May nagsasabi ba sa iyo na kikita ka nang walang kahirap-hirap o tutubo ka nang napakalaki kung papayag kang mamuhunan? Narito ang isang babalang paalaala: Kung tila malayong magkatotoo ang isang alok, kadalasan nang pandaraya ito. Huwag agad-agad maniniwala sa mga pag-aangkin sa anunsiyo at mga testimonyo, anupat nag-iisip, “Iba naman ito.” Tandaan na hindi nagnenegosyo ang mga tao upang mamigay ng salapi o magsabi ng mga lihim upang yumaman ka. Kung inaangkin ng isa na may natatangi siyang kaalaman na makapagpapayaman sa iyo, tanungin ang iyong sarili: ‘Bakit hindi niya ginagamit ito para yumaman siya? Bakit nag-aaksaya pa siya ng panahon sa pagsisikap na ialok ito sa akin?’

Paano kung may magsabi sa iyo na nanalo ka sa isang paligsahan o may napanalunan kang premyo? Huwag kang matuwa​—maaaring pandaraya ito, na marami nang nabiktima. Halimbawa, isang babae sa Inglatera ang nakatanggap ng sulat mula sa Canada na nagsasabi sa kaniya na may napanalunan siyang premyo subalit kailangan niyang magpadala ng $25 bilang pambayad sa pagpoproseso. Pagkatapos ipadala ang salapi, nakatanggap siya ng tawag sa telepono mula sa Canada na nagsasabi sa kaniya na napanalunan niya sa isang palabunutan ang ikatlong gantimpala na nagkakahalaga ng $245,000 subalit kailangan niyang magbayad ng ilang porsiyento ng halagang iyon bilang karagdagang bayad sa pagpoproseso. Nagpadala siya ng $2,450 subalit walang natanggap na kapalit. Kung kailangan mong bayaran ang “libreng regalo” o premyo, isa itong pandaraya. Tanungin ang iyong sarili, ‘Paano ako mananalo sa isang paligsahan na hindi ko naman sinalihan?’

Makipagnegosyo Lamang sa mga Taong May Mabuting Reputasyon

Naniniwala ka bang kaya mong pakiramdaman kung di-tapat ang isang tao? Mag-ingat! Alam ng mga manggagantso kung paano makukuha ang pagtitiwala ng iba. Bihasa sila sa pagkumbinsi sa kanilang mga biktima na magtiwala sa kanila. Alam ng mga tagapagbenta, tapat man o di-tapat, na bago mo mahikayat ang isang tao na bilhin ang produkto, dapat mo munang makuha ang kaniyang tiwala. Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na dapat mong pagdudahan ang lahat ng tao, subalit ang makatuwirang antas ng paghihinala ay mahalaga upang maipagsanggalang ang iyong sarili sa pandaraya. Sa halip na sikaping pakiramdaman kung tapat ang isang tao, maging alisto sa dalawang malinaw na pagkakakilanlan ng maraming pandaraya: Una, malayo bang magkatotoo ang alok, at ikalawa, sinisikap ba ng tagapagbenta na madaliin ka sa paggawa ng desisyon?

Maraming alok sa Internet ang malayong magkatotoo. Bagaman maraming kapaki-pakinabang na alok sa Internet, ginagamit din ito ng mga kriminal upang dayain ang mga biktima sa mabilis at palihim na paraan. May E-mail account ka ba? Kung mayroon, baka bigla ka na lamang makatanggap ng spam​—di-hiniling na komersiyal na E-mail. Bagaman nag-aalok ang spam ng walang-katapusang talaan ng mga paninda at serbisyo, marami sa mga ito ang mapandaya. Kung tumugon ka sa di-hiniling na E-mail sa pamamagitan ng pagpapadala ng salapi para sa isang produkto o serbisyo, malamang na wala kang matatanggap na anuman bilang kapalit. Makatanggap ka man ng anuman, malamang na hindi ito sulit sa halagang ibinayad mo. Ang pinakamabuting payo ay, Huwag bumili ng anuman mula sa nagpapadala ng spam.

Kumakapit din ang simulaing ito sa mga tumatawag sa telepono upang magbenta sa iyo. Bagaman maraming tawag sa telepono ang isinasagawa ng legal na mga negosyo upang magbenta, nawawalan ng bilyun-bilyong dolyar ang mga tao bawat taon dahil sa mga pandaraya sa telemarketing (pagbebenta sa telepono). Imposibleng malaman kung totoo ang mapanghikayat na mga salita ng nagbebenta ng produkto kung sa telepono mo lamang siya makakausap. Baka magpanggap pa ngang kinatawan ng bangko o ahensiyang nagsasanggalang ng credit card ang isang manggagantso. May makatuwiran kang dahilan na maghinala kung may tumawag sa iyo sa telepono na nag-aangking kinatawan siya ng bangko o kompanya, na doo’y mayroon kang account, at humihingi ng impormasyong dapat ay alam na nila. Kung sakaling mangyari ito, maaari mong hingin ang numero ng telepono ng taong iyon. Pagkatapos ay tawagan mo siya kapag natiyak mong iyon talaga ang numero ng bangko o ahensiya.

Makabubuting huwag ibigay ang numero ng iyong credit card o iba pang personal na impormasyon sa isang estranghero na tumatawag sa iyo. Kung may tumawag sa iyo upang bentahan ka ng isang bagay na hindi mo gusto, maaari mong magalang na sabihin, “Pasensiya na, hindi ako nakikipagnegosyo sa telepono sa mga taong hindi ko kilala.” Pagkatapos ay putulin na ang pag-uusap. Walang dahilan para gumugol ka ng panahon sa di-ninanais na pakikipag-usap sa isang estrangherong baka nagsisikap na dayain ka.

Makisangkot lamang sa mga negosyo at mga tao na may mabuting reputasyon. Maraming legal na mga kompanya na sa mga ito’y maaari kang makipagnegosyo nang ligtas sa telepono o sa Internet. Kung posible, kumuha ng impormasyon hinggil sa ahente, sa kompanya, at sa pamumuhunan sa pamamagitan ng isang independiyenteng ahensiya. Humingi ng impormasyon hinggil sa pamumuhunan, at basahin itong mabuti upang matiyak na legal ito. Huwag hayaan ang iba na madaliin o gipitin kang magpasiya kaagad.

Isulat ang mga Detalye

Hindi lahat ng pandaraya ay pandaraya sa pasimula pa lamang. Maaaring malugi ang isang legal na negosyo. Kapag nangyari ito, maaaring mataranta at mandaya ang mga nagpapatakbo ng negosyo upang mapagtakpan ang kanilang pagkalugi. Tiyak na may narinig ka nang mga balita hinggil sa mga ehekutibo sa negosyo na nagsinungaling tungkol sa pumasok na salapi at kita sa pamumuhunan at nang bumagsak ang negosyo ay itinakbo ang natirang salapi.

Upang ingatan ang iyong sarili mula sa pandaraya at mga di-pagkakaunawaan, dapat ka munang kumuha ng nasusulat na mga detalye hinggil dito bago sumang-ayon sa anumang malaking pamumuhunan. Dapat na nakasulat sa anumang kontratang pipirmahan mo ang lahat ng kundisyon at ginawang pangako. Kilalanin din na kahit na waring matatag ang pamumuhunan, walang sinumang makagagarantiya na magaganap ang mga bagay ayon sa isinaplano. (Eclesiastes 9:11) Tutal, wala naman talagang pamumuhunan na malaya sa panganib. Kaya, dapat na espesipikong nakasulat sa kasunduan ang magiging tungkulin at pananagutan ng bawat indibiduwal kung sakaling malugi ang negosyo.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kabatiran at pagkakapit sa saligang mga simulain na isinaalang-alang natin sa maikli, mas malamang na hindi ka maging biktima ng pandaraya. Naglalaan ng mahalagang payo ang isang sinaunang kawikaan sa Bibliya. Sinasabi nito: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15) Binibiktima ng mga manggagantso ang mga madaling puntiryahin, yaong mapaniwalain sa lahat ng kaniyang sinasabi. Nakalulungkot, maraming tao ang hindi nag-iingat sa mga pandaraya.

[Mga talababa]

^ par. 5 Tingnan ang Gumising! ng Marso 22, 2001, pahina 19-21.

^ par. 9 Binibigyang-katuturan ang pyramid scheme bilang isang “programa ng multilevel marketing kung saan ang mga tao ay nagbabayad ng registration fee upang makapangalap ng iba pang tao na mangangalap din naman.” Karaniwan nang walang produkto ang gayong mga pakana.

[Blurb sa pahina 7]

Kung tila malayong magkatotoo ang alok, kadalasan nang pandaraya ito

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Payo sa mga Biktima ng Pandaraya

Karaniwan nang ang mga biktima ng pandaraya ay nakadarama ng labis-labis na kahihiyan, panunumbat ng budhi, at galit sa sarili. Huwag mong sisihin ang iyong sarili. Ikaw ang biktima; ang taong nanlinlang sa iyo ang dapat sisihin. Kung nagkamali ka man, tanggapin mo ito, at magpatuloy ka sa iyong buhay. Huwag isipin na napakamangmang mo. Tandaan na matagumpay na nadadaya ng mga manggagantso ang napakatatalinong tao​—mga pinuno ng Estado, manedyer ng bangko, ehekutibo, manedyer sa pananalapi, abogado, at iba pa.

Ang mga biktima ng pandaraya ay ninakawan hindi lamang ng salapi o mga pag-aari kundi ng pagtitiwala at paggalang sa sarili. Kapag isang “kaibigan” ang nandaya, nasasangkot dito ang pagsira sa pagtitiwala. Masakit ang mabiktima ng manggagantso. Bigyan ng panahon ang iyong sarili na magdalamhati. Kadalasang nakatutulong na ipakipag-usap ang bagay na ito sa isa na mapaghihingahan mo ng iyong niloloob. Nagdudulot din ng malaking kaaliwan ang pananalangin. (Filipos 4:6-8) Gayunman, kilalanin na may panahon na kailangan mo nang kalimutan ang nangyari. Bakit mo pa patatagalin ang paghihirap? Magtakda ng positibong mga tunguhin, at sikaping abutin ang mga ito.

Mag-ingat sa mga recovery scam. Tatawagan ng mga manggagantso ang isang taong nadaya upang mag-alok ng tulong na maisauli ang nawalang salapi. Ang layunin nila ay muling dayain ang tao.

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

Mga Spam Scam​Anim Na Karaniwang Pandaraya Sa E-mail

1. Mga pyramid scheme: Ang mga ito ay kadalasang mga pagkakataon diumano upang kumita ng malaking salapi sa pamamagitan ng kaunting trabaho at maliit na puhunan. Ang isang pakana ay nag-aalok sa iyo ng computer o iba pang kagamitang elektroniko kung magbabayad ka upang sumali sa isang samahan at pagkatapos ay mangangalap ng iba pang sasali. Ang isa pang anyo nito ay ang chain letter. Halos laging ilegal ang mga chain letter. Ang karamihan sa mga namumuhunan sa mga ito ay nawawalan ng kanilang salapi.

2. Mga work-at-home scheme: Sa isang anyo ng pandarayang ito, aalukan ka ng pagkakataong bumuo ng mga bagay na gaya ng alahas, laruan, o mga craft kit. Mamumuhunan ka ng salapi para sa mga materyales at ng panahon sa pagbuo ng produkto, para lamang sabihin sa iyo na hindi maipagbibili ang iyong produkto sa mga promotor nito dahil hindi ito nakaaabot sa kanilang mga pamantayan.

3. Mga health at diet scam: Ang Internet ay dinaragsa ng mga bagay na ipinagbibili gaya ng mga pildoras na nagpapababa ng timbang kahit hindi ka na mag-ehersisyo o magdiyeta, gamot sa pagkabaog, at mga krim upang pigilin ang pagkalugas ng buhok. Kung minsan, ang mga produktong ito ay may kasamang mga testimonyo ng nasisiyahang mga kostumer. Karaniwan nang mababasa sa mga anunsiyong ito ang mga salitang gaya ng “malaking pagsulong sa siyensiya,” “makahimalang lunas,” “sekretong pormula,” at “sinaunang sangkap.” Ang totoo, walang bisa ang karamihan sa mga produktong ito.

4. Mga oportunidad sa pamumuhunan: Ang mga pakanang ito ay karaniwan nang nag-aalok ng malaking tubo sa pamumuhunan na walang gaanong panganib o wala pa ngang panganib. Nasasangkot sa isang karaniwang bersiyon ang pamumuhunan sa isang bangko sa ibang bansa. Ang mga namumuhunan ay inaakit sa pamamagitan ng pagbibigay-katiyakan na ang mga humahawak ng kanilang salapi ay may mga koneksiyon sa mga nagtataglay ng matataas na posisyon sa pinansiyal na mga ahensiya at may lihim na mga impormasyon.

5. Credit repair: Iniaalok ng mga pandarayang ito na burahin ang negatibong mga impormasyon sa iyong talaan ng mga transaksiyon sa bangko upang makakuha ka muli ng credit card, makautang ng pambili ng sasakyan, o makapagtrabaho. Sa kabila ng kanilang mga garantiya, hindi magagawa ng mga promotor ang kanilang ipinangangako.

6. Mga vacation prize promotion: Makatatanggap ka ng E-mail na bumabati sa iyo hinggil sa pagkapanalo mo ng pagkakataong magbakasyon sa ibang lugar sa napakababang halaga. Sinasabi ng ilan na ikaw ang pantanging napili. Isaisip na ang patalastas na iyon ay maaaring ipinadala rin sa milyun-milyong iba pa at di-hamak na mas mababa ang uri ng tuluyan, pagkain, at serbisyong matatanggap mo kaysa sa inianunsiyo.

[Credit Line]

Pinagmulan: U.S. Federal Trade Commission

[Larawan sa pahina 7]

Laging nabubuwag ang mga “pyramid scheme”

[Larawan sa pahina 9]

Dapat na nakasulat sa anumang kontratang pipirmahan mo ang lahat ng kundisyon at ginawang pangako