Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Minsang Magkaroon Ka Nito, Maaari Itong Maulit”

“Minsang Magkaroon Ka Nito, Maaari Itong Maulit”

“Minsang Magkaroon Ka Nito, Maaari Itong Maulit”

AYON SA SALAYSAY NI JACK MEINTSMA

Dahil sa mabibisang bakuna at masikap na mga programa ng imyunisasyon, nakagawa ng malaking pagsulong ang siyensiya sa pagsisikap nito na sugpuin ang polio, isang nakapanghihinang sakit sa pagkabata. Gayunman, kahit na pagkalipas ng mga dekada ng paggaling mula sa polio, umulit ito sa ilan na gumaling na mula rito, anupat nakikipaglaban sa tinatawag na “post-polio syndrome” (PPS).

MAAARING hindi mo pa naririnig ang tungkol sa PPS. Hindi ko rin narinig ang tungkol dito hanggang sa personal ko itong maranasan. Ngunit upang maunawaan ang mga epekto ng sintomas nito sa akin, hayaan mong ilahad ko sa iyo ang nangyari isang araw noong 1941, nang ako’y mga isang taóng gulang.

Napansin ni Inay na nakalupasay ako sa aking mataas na silyang pambata. Isinugod niya ako sa doktor. Pagkatapos akong masuri, sinabi ng doktor sa nanay ko, “Ang iyong anak ay may infantile paralysis.” * Agad akong naparalisa mula baywang pababa.

Pagkaraan ng anim na buwan sa talaan ng mga naghihintay, natanggap ako sa ospital. Kasunod nito ang mga taon ng paulit-ulit na pagkakasakit. Sa pamamagitan ng puspusang physical therapy, unti-unti kong nagamit ang aking mga binti. Sa edad na 14, muli akong nakalakad. Subalit nanatili ang iba pang problema, gaya ng di-mapigil na pag-ihi. Sa nakalipas na mga taon, paulit-ulit akong sumailalim sa sunud-sunod na operasyon, pananatili sa silyang de-gulong, at pisikal na rehabilitasyon. Gayunman, ang aking kaliwang paa ay mas maliit nang tatlong sukat ng sapatos kaysa sa aking kanang paa, at ang aking kaliwang binti ay mas maikli nang mga tatlong sentimetro kaysa sa aking kanang binti. Noon lamang tumuntong ako sa edad na 20 hanggang 23 saka ko napagtagumpayan ang problema hinggil sa di-mapigil na pag-ihi. Sa wakas, lubusan na akong gumaling mula sa polio​—iyon ang akala ko!

Pagkatapos, sa edad na 45, nagsimula akong makaranas ng kirot sa aking mga binti, na sinundan ng pagkapagod. Gayundin, kusang kumikilos ang mga kalamnan ko sa binti kung gabi, anupat napakahirap kong makatulog. Hindi nabawasan ang mga sintomas; lalo pang lumala ang mga ito. Mauunawaan mo ang gulat ko nang ako’y masuri na may PPS​—44 na taon pagkatapos mabatid ng aking nanay ang karamdaman ko noong una.

Ano ba ang Polio?

Ang polio ay isang lubhang nakahahawang sakit na dala ng isang virus na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng bibig at dumarami sa bituka. Pagkatapos maapektuhan ang sistema ng nerbiyo, mabilis at ganap na makapaparalisa ang virus. Habang dumaraan ang virus sa utak at pagkatapos ay sa gulugod, ang panimulang mga sintomas ay lagnat, pagkapagod, sakit ng ulo, pagsusuka, paninigas ng leeg, at kirot sa mga biyas. Humihinto ang marami sa mga nerbiyo, anupat nagbubunga ng paralisis sa ilang kalamnan sa braso, binti, at dibdib.

Subalit kamangha-mangha ang kakayahang gumaling ng katawan. Ang mga nerbiyo na hindi naapektuhan ng virus ay naglalabas ng bagong “mga sanga,” na para bang naglalagay ng karagdagang mga linya ng telepono, upang muling maikabit ang mga selula ng kalamnan na naputol nang mamatay ang dati nilang mga nerbiyo. Ang isang motor neuron sa gulugod ay maaari ring maglabas ng mga sanga sa dulo ng axon, na maaaring humugpong sa mas marami pang selula ng kalamnan kaysa rati, sa gayo’y dinaragdagan ang kakayahan ng neuron. Ang isang motor neuron na dating gumaganyak sa 1,000 selula ng kalamnan ay maaaring sa dakong huli’y muling magkabit sa pagitan ng 5,000 at 10,000 selula. Maliwanag na ito ang nangyari sa aking kalagayan, kaya nakalakad akong muli.

Gayunman, may ideya ngayon na sa isang yugto ng 15 hanggang 40 taon, maaaring kakitaan ng mga palatandaan ng pagkapagod ang mga kalamnan sa nerbiyo dahil sa labis na paggamit dito. Ang PPS ay isang kalagayan na nagpapangyaring muling lumitaw ang mga sintomas sa mga indibiduwal na gumaling na sa polio mga dekada na ang nakalipas. Nararanasan ng maraming biktima ang panghihina ng kalamnan, pagkapagod, kirot sa mga kasukasuan at kalamnan, pagiging mahina sa lamig, at mga problema sa paghinga. Bagaman mahirap makuha ang eksaktong bilang, tinataya ng World Health Organization na may 20 milyong gumaling sa polio sa buong daigdig. Ipinakikita ng kasalukuyang mga ebidensiya na 25 hanggang 50 porsiyento sa kanila ang apektado ng PPS.

Ano ang Magagawa Upang Tumulong?

Ipinahihiwatig ng mga mananaliksik na ang matanda na at gamit na gamit na motor neuron ay nanlulupaypay sa pagod anupat namamatay ang ilan sa mga dulo ng nerbiyo nito at muli na namang hindi makatatanggap ng impulso mula sa mga selula ng nerbiyo ang maraming himaymay ng kalamnan. Upang mapabagal ang prosesong ito, kailangang bawasan ng isang gumaling sa polio ang paggamit sa apektadong mga kalamnan. Inirerekomenda ng ilang terapist ang pantulong na mga kasangkapan, gaya ng mga tungkod, brace, saklay, silyang de-gulong, at mga iskuter. Sa aking kalagayan, kinailangan kong magsuot ng mga brace sa aking dalawang binti at paa. Mayroon din akong pasadyang sapatos na sumusuporta sa aking mga bukung-bukong at humahadlang sa akin na matumba.

Maaaring kailanganin ang katamtamang ehersisyo at pagbabanat ng kalamnan, depende sa kalagayan ng isa. Ang paglangoy o mga terapi sa pool na may mainit na tubig ay ekselenteng paraan upang mapasulong ang pagkilos ng kalamnan sa puso nang hindi pinapagod ang mga kalamnan. Mahalaga para sa pasyente na makipagtulungan sa doktor o sa terapist sa anumang programa ng ehersisyo.

Sa mga gumaling sa polio, ang paulit-ulit na paggamit sa mga neuron ay maaaring humantong sa hindi maayos na pagkilos ng ilang himaymay ng kalamnan sa dakong huli. Kaya maaaring maranasan ng mga gumaling ang panghihina o pagkapagod. Ang panghihina ay maaari ring resulta ng kaigtingan dahil sa palaging pagkirot o sa pagbabalik ng kapansanan. Nasumpungan ko na ang pamamahinga sa araw ay nakatulong sa akin na gumaling mula sa pagkapagod. Binabalaan ng maraming doktor ang kanilang mga pasyente na gawing katamtaman ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain sa halip na sagarin ang kanilang sarili hanggang sa manlupaypay sa pagod.

Sa aking kalagayan, ang madalas na kirot sa kasukasuan at kalamnan ang isa sa pinakamahirap na bagay na kailangan kong batahin. Maaaring maranasan ng ilan ang kirot sa kalamnan lalo na sa mga kalamnan na nagamit nila nang husto sa kanilang karaniwang pang-araw-araw na gawain. Nararanasan naman ng iba ang tulad-trangkasong pagkirot sa lahat ng kanilang mga kalamnan, gayundin ang labis na pagkapagod.

Maaaring mabawasan ang kirot sa pamamagitan ng mga gamot laban sa pamamaga o iba pang uri ng paggamot. Subalit sa kabila ng mga paggamot, maraming gumaling sa polio ang pinahihirapan ng paulit-ulit na kirot. Maaaring makatulong ang physical therapy pati na ang init at pagbabanat. Ganito ang sinabi sa akin ng isang pinahihirapan nito na nagbitiw na sa kaniyang propesyon bilang isang anestisyologo, “Maaari akong tumayo sa silyang de-gulong na ito at magsumikap na lumakad sa silid, subalit napakatindi ng kirot, hindi ito sulit.” Ngayon, kahit na umiinom ako ng gamot na nakatutulong, madalas na kailangan kong gamitin ang aking silyang de-gulong.

Ang ilang gumaling sa polio ay nawalan ng kakayahang ilihis ang dugo mula sa balat, na normal na ginagawa ng katawan upang tipirin ang init sa mga himaymay ng kalamnan. Kung wala ang kakayahang ito, mas maraming init ang lalabas at lalamig ang isang apektadong biyas. Kapag malamig ang mga kalamnan, humihina ang komunikasyon mula sa motor neuron tungo sa mga kalamnan, at hindi wastong kumikilos ang mga kalamnan. Sa gayon, mahalagang panatilihing mainit ang apektadong mga kalamnan sa pamamagitan ng pagsusuot ng karagdagang damit. Ang ilan ay gumagamit ng electric blanket o mainit na tubig sa isang sisidlan kapag malamig sa gabi. Nakatutulong sa situwasyon ang pag-iwas na mahantad sa malamig na panahon. Nasumpungan kong kailangang lumipat ako sa lugar na mas mainit ang klima.

Karaniwan ang mga problema sa paghinga, lalo na sa mga may kasaysayan ng bulbar polio, isang anyo ng polio na nakaaapekto sa gulugod sa itaas na bahagi ng leeg anupat pinahihina ang mga kalamnan sa paghinga. Noon, maraming tao na may ganitong uri ng polio ang tinutulungan sa paghinga sa pamamagitan ng paglalagay sa kanila sa isang iron lung. Sa ngayon, maaaring gamitin ang isang ventilator upang tulungan ang huminang mga kalamnan sa baga. Sa kalagayan ko, napakahirap para sa akin na huminga kapag pinupuwersa ko ang aking sarili. Kaya, ginagamit ko ang isang maliit na aparato araw-araw upang maehersisyo ang mga kalamnan ko sa baga.

Kailangang malaman ng mga gumaling ang isa pang potensiyal na problema. Hindi sila maaaring magpaopera at umuwi ng bahay sa araw ring iyon. Ganito ang sabi ni Dr. Richard L. Bruno, ng Kessler Institute for Rehabilitation: “WALANG GUMALING SA POLIO ANG DAPAT PAUWIIN SA ARAW RIN NG KANILANG OPERASYON SA ANUMANG DAHILAN maliban sa pinakasimpleng operasyon na nangangailangan lamang ng lokal na anestisya.” Sinabi pa niya na ang mga gumaling sa polio ay nangangailangan ng dobleng panahon upang gumaling mula sa mga epekto ng anumang anestisya at maaaring mangailangan ng karagdagang gamot para sa kirot. Karaniwan nang nananatili sila sa ospital nang mas matagal kaysa sa ibang mga pasyente. Kung nalaman ko lamang iyon, hindi sana ako dumanas ng pulmonya pagkatapos ng isang maliit na operasyon kamakailan. Makabubuting ipakipag-usap ang mga bagay na ito sa siruhano at sa anestisyologo bago ang operasyon.

Ang Buhay Ko Ngayon

Nang makalakad ako sa edad na 14, akala ko’y tapos na ang karamihan sa aking mga problema. Subalit pagkatapos ng maraming taon, muli ko na namang nararanasan ang gayunding mga problema. Para sa mga katulad kong gumaling sa polio at nagkaroon ng PPS, ang kalagayan ay, gaya ng pagkakasulat dito ng isang manunulat, “minsang magkaroon ka nito, maaari itong maulit.” Sabihin pa, normal lamang na masiphayo kung minsan. Gayunpaman, nakakakilos pa ako at napangangalagaan ang aking sarili. Nasumpungan kong ang pinakamagaling na medisina para sa akin ay ang pagkakaroon ng isang positibong saloobin, pakikibagay sa nagbabagong mga kalagayan, at pagpapahalaga sa mga kaya ko pang gawin.

Halimbawa, nang magsimula ako sa buong-panahong ministeryong Kristiyano mga sampung taon na ang nakalilipas, mas madali para sa akin na kumilos kaysa sa ngayon. Nakalalakad ako nang malayu-layo bago makaramdam ng pagod o makaranas ng kirot. Subalit sa ngayon, napakaikli na lamang ng nalalakad ko. Upang makatipid ng lakas, iniiwasan kong pumanhik sa mga hagdan at umakyat sa mga burol. Ginagamit ko ang aking silyang de-gulong kailanma’t maaari. Sa pamamagitan ng pag-aangkop sa aking ministeryo sa iba’t ibang paraan, nasumpungan kong lubha itong kasiya-siya at terapeutiko pa nga.

Oo, apektado ng PPS ang aking buhay. Posibleng lumala ang aking kalusugan. Subalit nakasusumpong ako ng malaking kaaliwan sa pangako ng Bibliya hinggil sa isang bagong sanlibutan kung saan ang lahat ay muling babata, taglay ang sakdal na kalusugan at lakas. Sa nakalipas na mga taon, madalas kong pag-isipan ang nakapagpapasiglang pananalita ng Isaias 41:10: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.” Sa tulong ng Diyos, determinado akong magpatuloy hanggang sa ang PPS ay maging isang lipas na bagay na lamang.

[Talababa]

^ par. 5 Tinatawag ding poliomyelitis, o polio.

[Kahon sa pahina 20]

‘Maaari Kayang Mayroon Akong Post-Polio Syndrome?’

Kailangan ng karamihan sa mga eksperto ang pagkakaroon ng ilan sa sumusunod na batayan upang gumawa ng isang diyagnosis sa post-polio syndrome:

▪ Isang kompirmadong diyagnosis ng paralytic poliomyelitis noon

▪ Isang panahon ng bahagya o ganap na paggaling na sinusundan ng isang yugto (na di-kukulangin sa 15 taon) ng matatag na pagkilos ng sistema ng nerbiyo

▪ Unti-unti o biglang panghihina ng kalamnan, pagkapagod, pagkatuyo ng kalamnan, o kirot sa kalamnan at kasukasuan

▪ Posibleng mga problema sa paghinga o paglunok

▪ Nagpapatuloy na mga sintomas sa loob ng di-kukulangin sa isang taon

▪ Walang iba pang mga problema sa sistema ng nerbiyo, paggamot, at may kinalaman sa pagpapagaling sa buto

Hindi lahat ng gumaling sa polio ay nagkakaroon ng PPS, bagaman habang nagkakaedad sila, natural lamang na makaranas sila ng wala sa panahong pagkapagod at pagtanda ng mga kalamnan sa nerbiyo dahil sa labis na paggamit dito. Karagdagan pa, mahigit sa kalahati ng mga gumaling sa polio na nakararanas ng bagong mga sintomas at nagtutungo sa kanilang doktor ay walang PPS. Ganito ang sabi ng isang eksperto: “Animnapung porsiyento ng mga gumaling sa polio na nakararanas ng bagong mga sintomas ay may problema sa paggamot o sa sistema ng nerbiyo na hindi nauugnay sa polio, at ang problema ay maaaring gamutin. Ang natitirang kalahati ng mga pasyente ay may dumaraming problema sa pagpapagaling sa buto na nauugnay sa natirang epekto ng polio.”

[Kahon sa pahina 21]

May Lunas Ba?

Kung paanong walang kompirmadong sanhi, o dahilan​—at sa gayo’y walang tiyak na pagsubok sa laboratoryo​—talagang walang lunas sa kasalukuyang panahon para sa post-polio syndrome (PPS). Gayunman, may paggamot na nagtutuon ng pansin sa mga pamamaraan sa rehabilitasyon mula sa tatlong anggulo. Sinabi ng isang eksperto: “Mahigit sa 80% ng mga pasyenteng may PPS ay makikinabang sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga pamamaraan sa rehabilitasyon.”

Ang tatlong pamamaraan ay:

1. Pagbabago sa istilo ng pamumuhay

▪ pagtitipid ng lakas

▪ pantulong na mga kasangkapan

▪ di-nakapapagod na ehersisyo

▪ pananatiling mainit

2. Mga gamot at suplemento

Bagaman nasubukan na ang maraming gamot, gayundin ang inireseta at likas na mga suplemento, walang isa man ang napatunayang nakatulong. Maraming anekdotang ulat ng pagbuti, subalit kailangan ang higit pang pagsusuri. Isaisip na ang mga halamang-gamot ay maaaring magkaroon ng reaksiyon sa iniresetang gamot, kaya laging ipaalam sa iyong manggagamot kung anong halamang-gamot ang binabalak mong gamitin.

3. Kalidad ng buhay

“Ang pinakamabisang gamot na maibibigay ng isang manggagamot sa isang pasyenteng may PPS ay edukasyon at pampatibay-loob. . . . Ang mga pasyenteng may higit na kakayahang baguhin ang kanilang istilo ng pamumuhay (yaong may mas mahuhusay na kasanayan sa paglutas ng problema, nasa kapaligiran na mas angkop sa kanilang espesipikong pisikal na mga pangangailangan sa tahanan at sa dako ng trabaho, higit na nakatatanggap ng impormasyon at suporta, at handang gumamit ng pantulong na mga kasangkapan) ay mas mahusay na nakababagay sa kanilang pang-araw-araw na mga gawain.”​—Dr. Susan Perlman.

[Kahon sa pahina 22]

Dapat Bang Mag-ehersisyo?

Sa pasimula, ang mga nagpapagaling sa polio ay pinasiglang mag-ehersisyo “nang higit sa makakaya” nila. Pagkatapos noong dekada ng 1980, binabalaan sila tungkol sa mga panganib ng ehersisyo, pangunahin na hinggil sa “pagsagad” sa kanilang malulusog pang himaymay ng kalamnan.

Inirerekomenda sa ngayon ng mga eksperto ang panggitnang lunas. Ang kanilang mensahe ngayon ay, ‘Huwag itong gawin nang labis-labis, subalit mag-ingat laban sa kawalang-ginagawa.’ Ganito ang sabi ng National Center on Physical Activity and Disability: “Sinasabi sa atin ng bagong kaalaman na anuman ang antas ng ating kapansanan, dapat tayong mapasiglang pahalagahan ang ehersisyo, maging mapamaraan sa paggawa ng isang isinaplanong ehersisyo na angkop sa ating kalagayan at handang magbata upang matamo ang mga pakinabang.”

Bilang sumaryo, ang isinaplanong ehersisyo para sa isa ay dapat na

▪ Gawin sa tulong ng may-kabatirang manggagamot o physical therapist

▪ Magsimula sa mabagal o katamtamang bilis at unti-unting sumulong

▪ Ilakip ang warming up bago mag-ehersisyo at cooling down naman pagkatapos ng ehersisyo

▪ Pagtuunan ng pansin ang pagbabanat at pangkaraniwang mga ehersisyong aerobic

▪ Ilakip ang ehersisyo sa pool na may mainit na tubig, kung mayroon

Sinabi ng isang eksperto sa The Johns Hopkins Medical Letter: “Ang pagod at kirot na tumatagal nang mahigit sa isang oras ay nagpapahiwatig na labis-labis na ang gamit sa mga kalamnan.” Kaya makinig sa mga sintomas ng iyong katawan at iwasan ang kirot, pagod, at panghihina.

[Kahon sa pahina 23]

Anu-anong Salik ang Makapagdudulot Nito?

Bagaman ang bawat kaso ay naiiba, maaaring palalain ng sumusunod na mga salik ang panganib na magkaroon ng post-polio syndrome ang isang gumaling sa polio:

Tindi ng unang pagkahawa sa polio. Karaniwan na, kung matindi ang unang polio, mas mataas ang panganib na magkaroon ng PPS

Edad sa unang pagkakaroon ng polio. Yaong nagkaroon ng polio sa mas batang edad ay aktuwal na hindi gaanong mapapaharap sa PPS

Paggaling. Nakapagtataka, habang mas mabilis at mas lubusan ang unang paggaling, mas malaki ang tsansang magkaroon sa dakong huli ng PPS

Pisikal na gawain. Kung ang isang gumaling sa polio ay nag-eehersisyo hanggang sa mapagod nang husto sa loob ng mga taon, mas malaki ang panganib na magkaroon siya ng PPS

[Larawan sa pahina 19]

Isang nars na tumutulong sa akin na gumaling pagkatapos ng operasyon noong ako ay 11 taóng gulang

[Larawan sa pahina 23]

Sa ngayon, sa buong-panahong ministeryong Kristiyano na kasama ang aking asawa