Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkukot sa Pagitan ng mga Tinik

Pagkukot sa Pagitan ng mga Tinik

Pagkukot sa Pagitan ng mga Tinik

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

SUMAMA ka sa akin sa pagpasyal sa isang lugar sa Timog Aprika na tinatawag na Noorsveld. Ang pangalan ng medyo tigang na rehiyong ito ay galing sa matinik na mga uri ng makakatas na pananim na tinatawag na mga halamang noors, o euphorbia, na sagana rito. Gaya ng makikita sa kalakip na larawan, ang mga magsasaka sa lugar na ito ay nag-aalaga ng mga hayop, gaya ng mga kambing na Angora, na pinahahalagahan dahil sa kanilang puting balahibo na tinatawag na mohair. Ginagawa itong pino, ngunit matibay na tela na gamit sa iba’t ibang bagay, mula sa usong pananamit hanggang sa mga alpombra. Subalit paano nabubuhay ang mga hayop na ito sa isang rehiyon na madalas dumanas ng tagtuyot?

Mahalaga sa kaligtasan ng mga kambing ang mga kulumpon ng mga sanga ng noors kung saan nakikita mong naglalakad ang mga ito. Inilalaan ng partikular na noors na ito, ang Euphorbia coerulescens, ang mahigit na 40 porsiyento ng pagkain ng mga kambing sa taglamig. Gayunman, kailangang mag-ingat ang mga kambing upang hindi nito masaktan ang kanilang sarili habang nagkukukot sila sa pagitan ng matutulis na tinik. Ang pagkain ay mas madali habang natututuhan nilang tanggalin ang mga tinik sa pamamagitan ng kanilang mga sungay.

Pagkatapos ng maraming pag-ulan, kinakain ng mga kambing ang pananim na tumutubo sa palibot ng mga kulumpon ng noors. Subalit mapanganib din ito. Sa kaniyang aklat tungkol sa Noorsveld, ang magsasakang si Jurgen Currie ay sumulat: “Kung ang isang kambing na Angora na may magandang hibla ng kulot na balahibo ay mangangahas na magkukot sa malalambot na halaman na tumutubo sa ilalim at sa loob ng mga kulumpon ng Noors, puwede itong masalabid sa mga tinik.” Maaari itong magdulot ng kamatayan. “Kung napakatindi ng sikat ng araw sa tag-init, ang gayong kambing ay hindi tatagal nang dalawang oras,” ang paliwanag ng magsasaka sa Noorsveld.

Sa pana-panahon, ang Noorsveld ay dumaranas ng matinding tagtuyot. Sa gayong mga panahon, ang pananim na noors ay nagliligtas-buhay. Sa pamamagitan ng traktorang may mga makinang pamputol, sinusuyod ng mga magsasaka ang mga bukid ng noors, anupat pinuputol ang mga ito sa maliliit na piraso. Ang mga bahaging ito ay mas madali at mas ligtas kainin ng mga kambing. Nakikisama sa masayang pagkain ang maiilap na hayop. “Sa panahon ng tagtuyot,” ang paliwanag ni Currie, “maligayang sinasamantala ng mga kudu [malalaking antilope] ang mahalagang suplay na ito ng pagkain. Madalas mo silang makikita sa tabi ng daan sa mapuputing patse kung saan pinutol ang mga Noors, anupat nawawala ang takot nila sa mga tao dahil sa kanilang pangangailangan sa pagkain.”

Bagaman mas maliit, ang isa pang uri ng noors, ang Euphorbia ferox, ay punô ng matutulis na tinik anupat hindi maabot ng karamihan sa mga hayop ang nakakaing mga tangkay nito. Dahil sa resistensiya nito sa tagtuyot, ang mga noors na ito ay nagliligtas-buhay rin. Kapag walang ulan, ang mga magsasaka at ang kanilang mga manggagawa ay nagpapalipat-lipat sa mga kulumpon ng noors na sinusunog ang mga tinik sa pamamagitan ng mga supleta (blowtorch) at ng iba pang paraan. Lubha itong nakapapagod na trabaho. “Minsang masunog ang mga tinik,” ang paliwanag ng aklat na Veld Plants of Southern Africa, “ang mga hayop sa bukid ay masayang nanginginain ng mga tangkay. . . . Madaling natututuhan ng springbok [isa pang uri ng antilope] na kumain ng ‘sunog na noors’ at nagiging napakaamo anupat madalas na nanginginaing . . . malapit sa taong nanununog.”

Habang pinagmamasdan natin ang tanawin ng mga kambing na nanginginain sa mga noors, nauudyukan tayong mamangha sa pagkasari-sari ng nilalang ni Jehova. Bagaman ang mga halamang noors ay tila hindi palakaibigan at nakamamatay, tinutustusan nito ang maraming hayop para mabuhay sa rehiyong ito na madalas dumanas ng tagtuyot.

[Larawan sa pahina 24]

Inilalaan ng partikular na “noors” na ito ang mahigit na 40 porsiyento ng pagkain ng mga kambing sa taglamig

[Mga larawan sa pahina 25]

Namumulaklak na mga “noors” at isang malapitang kuha ng mapanganib na mga tinik