Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saan Ka Makasusumpong ng mga Pamantayang Moral?

Saan Ka Makasusumpong ng mga Pamantayang Moral?

Saan Ka Makasusumpong ng mga Pamantayang Moral?

NABUBUHAY tayo sa isang daigdig kung saan nagbabago ang mga etika. Ang di-tapat na mga gawain na tinutuligsa noon ay ipinagkikibit-balikat na lamang sa ngayon. Sa media, madalas na niluluwalhati at itinuturing na bayani ang mga magnanakaw at manggagantso. Bilang resulta, maraming tao ang nakakatulad ng inilarawan sa Bibliya: “Kapag nakakita ka ng magnanakaw, nalulugod ka pa nga sa kaniya.”​—Awit 50:18.

Gayunman, tiyak na hindi dapat hangaan ang mga manggagantso. Ganito ang sinabi ng isang awtor: “Ang kakaiba sa mga manggagantso ay ang kanilang likas na kakayahan, na malimit matuklasan sa napakamurang edad, sa pagmamanipula sa mga taong nasa palibot nila. Karagdagan pa, hindi sila nakadarama ng anumang panunumbat ng budhi o pagsisisi dahil sa ginagawa nilang pagmamanipula. Sa kabaligtaran, nagdudulot ito sa kanila ng matinding damdamin ng kasiyahan​—ng naiibang kaluguran na nagpapasigla sa kanilang magpatuloy sa pagmamanipula upang makuha ang lahat ng gusto nila, anuman ang maging epekto nito sa kanilang biktima.”

Sabihin pa, ang mga tao sa pangkalahatan ay nakadarama ng simpatiya sa isang babaing balo na nadaya at nawalan ng salaping inipon niya sa kaniyang buong buhay, subalit kakaunti ang nalulungkot kapag may isa na lumustay ng salapi mula sa isang malaking negosyo o nandaya sa kompanya ng seguro. Ikinakatuwiran ng marami na mayayaman naman ang mga negosyong iyon. Subalit ang pandarayang iyon ay hindi lamang problema ng mga negosyo mismo; ipinapasa nila ang kanilang kalugihan sa mga mamimili. Halimbawa, sa Estados Unidos, nagbabayad ang karaniwang pamilya ng mahigit sa $1,000 bawat taon sa karagdagang mga primyum sa seguro upang mabawi ang mga kalugihan dahil sa pandaraya.

Gayundin, sinasamantala ng maraming tao na bumili ng mura at pekeng imitasyon ng mga produktong may kilalang tatak, gaya ng mga damit, relo, pabango, kosmetik, at bag. Maaaring alam nilang nalulugi nang bilyun-bilyong dolyar ang mga negosyo bawat taon dahil sa pekeng mga paninda, subalit iniisip nilang hindi ito nakaaapekto sa kanila. Gayunman, sa bandang huli ay nagbabayad nang mas malaki ang mga mamimili para sa lehitimong mga paninda at serbisyo. Karagdagan pa, nagpapayaman sa mga kriminal ang pagbili ng pekeng mga paninda.

Ganito ang isinulat ng isang awtor na ang trabaho ay labanan ang pandaraya: “Kumbinsido ako na ang pangunahing dahilan kung bakit maraming pandaraya sa ngayon ay sapagkat nabubuhay tayo sa isang lubhang tiwaling lipunan. May malubhang pagbaba sa etika na nagpasigla sa kultura ng pandaraya. . . . Namumuhay tayo sa isang lipunan na hindi nagtuturo ng etika sa tahanan. Namumuhay tayo sa isang lipunan na hindi nagtuturo ng etika sa paaralan, sapagkat maaakusahan ang mga guro ng pagtuturo ng mga pamantayang moral.”

Sa kabaligtaran, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo at nagsisikap na mamuhay ayon sa mga pamantayang moral ng Salita ng Diyos. Ginagabayan sila ng mga simulaing gaya ng mga sumusunod:

● “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”​—Mateo 22:39.

● “Huwag kang mandaraya.”​—Marcos 10:19.

● “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa ng mabuting gawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay, upang may maipamahagi siya sa sinumang nangangailangan.”​—Efeso 4:28.

● “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.”​—Hebreo 13:18.

Bagaman hindi naman mapagmapuri o mapagmatuwid sa sarili ang mga Saksi, naniniwala sila na kung ikakapit ng lahat ang mga simulaing ito, ang daigdig ay magiging isang mas mabuting dako upang tirahan. Naniniwala rin sila sa pangako ng Diyos na magiging gayon ang daigdig balang-araw.​—2 Pedro 3:13.

[Blurb sa pahina 11]

Kung mamumuhay ang lahat ayon sa mga pamantayang moral ng Salita ng Diyos, ang daigdig ay magiging isang mas mabuting dako upang tirahan

[Larawan sa pahina 10]

Sinusunod ng tunay na mga Kristiyano ang mga simulain ng Bibliya, gaya ng “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili”