Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Mikrobyong Di-tinatablan ng Gamot Interesadung-interesado ako habang binabasa ang inyong magasin. Nagustuhan ko lalo na ang seryeng “Mga Mikrobyong Di-tinatablan ng Gamot​—Isang Pangglobong Panganib.” (Oktubre 22, 2003) Gustung-gusto kong magkaroon ng kopya ng inyong magasin sa hinaharap at makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.

Y. G., Russia

Anino ng mga Magulang Maraming salamat po sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking mga Magulang?” (Oktubre 22, 2003) Isang elder po sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang tatay ko at matagal na akong itinuturing na huwarang dapat tularan. Inisip ko pong magrebelde upang mapanatili ang sarili kong pagkakakilanlan. Sa tulong ng artikulong ito, nalaman ko po na pagsisisihan ko pala sa bandang huli ang paggawa nito. Natatanto ko na ngayon na dapat kong hanapin ang aking dako sa loob ng kongregasyon at kumilos lamang nang natural.

L. D., Pransiya

Nauunawaan ko po ang nadarama ng mga kabataang sinipi sa artikulo. Labis-labis ko pong ikinabahala noon na malaki ang inaasahan sa akin ng kongregasyon dahil kilalá ang aking tatay at tiyuhin. Parang tatak ng produkto ang aking apelyido na parating nakabuntot sa akin saanman ako magpunta. Kapag hindi ko po nagampanan ang inaasahan sa akin, ang pakiramdam ko’y bigo ako. Ngunit natututuhan ko na ngayon na ang pinakamahalagang bagay ay ang pangmalas sa atin ni Jehova.

S. S., Hapon

Pangalan ng Diyos Noong taóng 1983, bumili ako ng aklat tungkol sa Hawaii para sa aking mga anak. Binanggit doon kung paano, noong mga taóng 1800, nagpatotoo ang asawa ng isang pinuno tungkol sa kaniyang Diyos, si Jehova. Nang panahong iyon, bihira sa Slovakia, na noon ay bansang sosyalista, na mabasa ang pangalan ng Diyos sa inilathalang literatura. At sa loob ng maraming taon, isang misteryo sa amin kung paano nalaman ng isang asawa ng pinuno ang pangalan ng Diyos nang panahong iyon. Kaya noong binabasa namin ang artikulong “Ang Pangalan ni Jehova sa Pasipiko” (Oktubre 22, 2003), natuwa kaming malaman ang paliwanag.

E. G., Slovakia

Misyonero sa Aprika Nagustuhan ko ang talambuhay ni Ernest Pandachuk, “Ang Aking Pundasyon Para sa Makabuluhang Buhay.” (Oktubre 22, 2003) Napapaharap ako sa iba’t ibang suliranin, gaya ng pagpapalaki sa aking anak na lalaki nang nag-iisa at pagbabata sa mahinang kalusugan. Subalit hindi maihahambing ang aking mga suliranin sa mga hinarap na problema ng ilan sa ating mga kapatid na Kristiyano sa Aprika. Naantig ako sa artikulo at napakilos akong bulay-bulayin ang pangako ni Jesus sa Mateo 6:33 na aalagaan ni Jehova ang mga humahanap muna sa Kaharian.

M. C., Russia

Pagmamasid sa Daigdig Nais kong magpasalamat para sa seksiyong tinatawag na “Pagmamasid sa Daigdig.” Ito ang una kong binabasa sa magasin, at halos hindi na ako makapaghintay na makita ang mga ilustrasyon. Pinasisigla ako ng iginuhit na mga larawan na basahin ang mga paksang hindi karaniwang nakaaakit sa akin​—halimbawa, ang ulat hinggil sa “Maiingay na Isda,” sa isyu ng Oktubre 22, 2003. Nakakatawa talaga!

N. N., Estados Unidos

Sa paksang “Proteksiyon Mula sa mga Lamok” sa “Pagmamasid sa Daigdig” (Agosto 8, 2003), tinukoy ninyo ang isang ulat na nagmumungkahing uminom ng “300 miligramo ng bitamina B1 araw-araw.” Masama ang epekto sa katawan ng pag-inom ng ganito karami araw-araw.

H. M., Hapon

Sagot ng “Gumising!”: Hindi nagkakasundo ang mga awtoridad kung gaano karaming bitamina B1 (“thiamine”) ang nakasasamâ. Inirerekomenda ng ilan ang araw-araw na pag-inom na kasingkaunti lamang ng 1.1 miligramo. Gayunman, isang ulat na inilathala ng World Health Organization ang nagsasabi na ayon sa ilang ulat, “ang araw-araw na pag-inom ng 500 mg sa loob ng isang buwan ay natuklasang hindi nakalalason.” Magkagayunman, walang alinlangan na magiging paksa pa rin ito ng higit pang pananaliksik.